Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Mga Hari 9-11

Ginawang Hari ng Israel si Jehu

Samantala, tinawag ni Propeta Eliseo ang isa sa mga propeta at inutusan, “Magbihis ka. Pumunta ka sa Ramot-gilead at dalhin mo ang langis na ito. Pagdating doon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimshi. Sabihin mong iwan muna niya ang kanyang mga kasamahan at isama mo siya sa isang silid. Doo'y ibuhos mo ang langis na ito sa kanyang ulo. Sabihin mong pinili siya ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pagkatapos, umalis ka na agad.”

Pumunta nga sa Ramot-gilead ang kabataang propeta. Nadatnan niyang nagpupulong ang mga opisyal ng hukbo. Sinabi niya, “Napag-utusan po ako, mahal na pinuno.”

Si Jehu ang sumagot, “Sino sa amin ang kailangan mo?”

“Kayo po,” sagot ng propeta. Tumindig(A) si Jehu at sumama sa propeta sa loob ng bahay.

Pagdating doon, ibinuhos niya sa ulo ni Jehu ang langis sabay sabi, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: binubuhusan kita ngayon ng langis upang maging hari ng Israel na kanyang bayan. Papatayin mo ang iyong hari na anak ni Ahab upang maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh na kanyang pinatay. Mauubos ang angkan ni Ahab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya. Gagawin ko sa pamilya niya ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ni Baasa na anak ni Ahias. 10 Si(B) Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Pagkasabi nito, dali-daling umalis ang kabataang propeta.

11 Nang bumalik si Jehu sa kanyang mga kasamahan, tinanong siya ng mga ito, “Ano ang nangyari? Anong kailangan sa iyo ng luku-lukong iyon?”

Sinabi niya, “Alam na ninyo kung anong gusto ng luku-lukong iyon.”

12 “Ano nga ang sinabi niya?” tanong nila.

At sinabi niya, “Ganito ang sabi niya: ‘Inutusan ako ni Yahweh na buhusan kita ng langis upang ika'y maging hari ng Israel.’”

13 Pagkarinig nito'y dali-dali nilang inalis ang kanilang mga balabal at inilatag sa paanan ni Jehu. Hinipan nila ang trumpeta at saka sumigaw: “Mabuhay si Jehu! Mabuhay ang hari!”

Pinatay ni Jehu si Joram

14 Pinag-aralan ni Jehu kung paano niya mapapatay si Joram na noon ay kasama ang mga Israelitang nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria. 15 Si Haring Joram ay bumalik noon sa Jezreel upang ipagamot ang sugat na tinamo sa pakikipaglaban kay Haring Hazael at sa mga tauhan nito. Sinabi ni Jehu, “Kung talagang kakampi ko kayo, isa man sa kanila'y huwag ninyong pababayaang makapunta sa Jezreel upang ibalita ang nangyaring ito.” 16 Sumakay siya sa kanyang karwahe upang puntahan si Joram sa Jezreel na noon ay dinadalaw ni Haring Ahazias ng Juda.

17 Mula sa tore ng Jezreel, natanaw ng bantay ang pangkat ni Jehu. Sinabi niya, “May isang pangkat na dumarating.”

Sumagot si Joram, “Sabihin mong salubungin ng isa nating mangangabayo at itanong kung mga kaibigan ba sila o mga kaaway.”

18 Kaya sinalubong sina Jehu ng isang mangangabayo at sinabi, “Ipinatatanong po ng hari kung kayo'y kaibigan o kaaway.”

Sumagot si Jehu, “Kaibigan man o kaaway, wala akong pakialam. Sumunod ka na lang sa akin.”

Dahil dito sinabi ng bantay, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin dito ang pangkat.”

19 Inutusan niyang muli ang isang mangangabayo at ipinatanong kung kaibigan ba sila o kaaway. Sinabi ni Jehu, “Anong kaibigan o kaaway? Sumunod ka na lang sa akin.”

20 Sinabi uli ng bantay kay Joram, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin ang pangkat. Parang isang sira-ulo sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ng karwahe ang kanilang pinuno; parang si Jehu na anak ni Nimshi.”

21 Sinabi ni Joram, “Ihanda ninyo ang aking sasakyan.” Dali-daling sumakay sina Joram at Ahazias at sinalubong ang pangkat ni Jehu. Nagkasalubong sila sa lupain ni Nabot. 22 Nang makilala siya ni Joram, itinanong nito, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Jehu?”

Sumagot si Jehu, “Magkakaroon ba ng kapayapaan habang naglipana ang pagsamba sa diyus-diyosan at pangkukulam na pinalaganap ng ina mong si Jezebel?”

23 Nang marinig ito, biglang ibinuwelta ni Joram ang kanyang karwahe upang tumakas kasabay ng sigaw kay Ahazias, “Pinagtaksilan tayo!” 24 Ngunit buong lakas na pinana ni Jehu si Joram. Tinamaan siya sa likod at tumagos ang palaso sa puso. Bumagsak si Joram sa loob ng karwahe. 25 Sinabi ni Jehu sa kanyang katulong na si Bidcar, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot ng Jezreel. Alalahanin mo ang pahayag ni Yahweh laban sa ama niyang si Ahab noong tayo'y kasama pa niya. 26 ‘Nakita(C) mo ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak, gagantihan kita sa lupaing ito.’ Kaya nga, buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot, upang matupad ang sinabi ni Yahweh.”

Pinatay ni Jehu si Ahazias

27 Nang makita ni Ahazias ang nangyari, tumakas siya papuntang Beth-agan. Ngunit ipinapana rin siya ni Jehu at siya'y bumagsak sa loob ng karwahe nang paahon ito sa Gur na malapit sa Ibleam. Gayunman, nakatakas siya sa Megido at doon namatay. 28 Ang bangkay niya'y kinuha ng kanyang mga tagapaglingkod at isinakay sa karwahe. At siya'y inilibing nila sa Jerusalem, sa libingan ng kanyang mga ninuno sa bayan ni David.

29 Si Ahazias ay naging hari ng Juda noong ika-11 taon ng paghahari ni Joram sa Israel.

Ang Pagkamatay ni Jezebel

30 Bumalik si Jehu sa Jezreel at ito'y nabalitaan ni Jezebel. Kinulayan ni Jezebel ang kanyang mga mata, inayos na mabuti ang buhok at dumungaw sa bintana ng palasyo. 31 Nang makita niyang pumapasok si Jehu, itinanong niya, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Zimri, mamamatay ng sariling panginoon?”

32 Tumingala si Jehu at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang aking kakampi?” Nang dumungaw ang dalawa o tatlong eunuko 33 sinabi niya sa mga ito, “Ihulog ninyo ang babaing iyan.” Inihulog nga nila si Jezebel. Nang ito'y bumagsak sa lupa, tumilamsik sa pader at sa mga kabayo ang kanyang dugo. At ang bangkay ay pinasagasaan niya sa karwahe. 34 Pumasok si Jehu sa palasyo upang kumain at uminom. Maya-maya, sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaing iyon at ilibing ninyo sapagkat anak din naman siya ng hari.” 35 Nang puntahan nila ang bangkay upang ilibing, wala na silang nadatnan kundi ang ulo, mga buto ng kamay at paa nito. 36 Nang(D) ibalita nila ito kay Jehu, sinabi nito, “Ito'y katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Elias na, ‘Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa mismong nasasakupan ng Jezreel. 37 Parang duming sasambulat ang kanyang bangkay at walang makakakilala sa kanya.’”

Nilipol ni Jehu ang Sambahayan ni Ahab

10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Sinulatan ni Jehu ang mga pinuno ng Jezreel, ang matatandang pinuno, at ang mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ganito ang nasa sulat:

“Sinulatan ko kayo sapagkat kayo ang tagapangalaga sa sambahayan ng inyong panginoon, at nasa pamamahala ninyo ang kanyang mga karwahe at mga kabayo, mga sandata, at mga lunsod na napapaligiran ng pader. Piliin ninyo ang pinakamahusay sa mga anak ng inyong panginoon. Gawin ninyo siyang hari at ipagtanggol ninyo siya.” Kinilabutan sa takot ang mga pinuno sa Samaria sapagkat naisip nila na kung ang dalawang hari ay walang nagawa laban kay Jehu, lalong wala silang magagawa. Kaya, sinagot nila ang sulat ni Jehu at kanilang sinabi,

“Nakahanda kaming paalipin sa inyo. Susundin namin ang lahat ng ipag-uutos ninyo sa amin. Hindi kami maglalagay ng hari. Gawin na po ninyo ang inaakala ninyong mabuti.”

Sinulatan sila uli ni Jehu. Ang sabi sa sulat: “Kung talagang kampi kayo sa akin at handang sumunod sa mga utos ko, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ng inyong panginoon at dalhin dito sa Jezreel bukas ng ganitong oras.”

Ang pitumpung anak ni Haring Ahab ay nasa pangangalaga ng mga pangunahing lalaki ng lunsod. Pagkatanggap nila sa sulat, pinugutan nila ng ulo ang mga anak ng hari, at ang mga ulo'y inilagay sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel.

Pagdating doon, sinabi sa kanya ng tagapagbalita, “Narito na po ang mga ulo ng mga anak ni Ahab.”

Sinabi ni Jehu, “Pagdalawahin ninyong bunton sa may pagpasok ng bayan at hayaan ninyo roon hanggang bukas ng umaga.” Kinaumagahan, lumabas siya ng palasyo at sinabi sa mga tao, “Kayo ang humatol: kung ako ang pumatay sa aking panginoon, sino naman ang pumatay sa mga ito? 10 Natupad ngayon ang lahat ng sinabi ni Yahweh tungkol kay Ahab sa pamamagitan ni Propeta Elias.” 11 Wala(E) ngang itinira si Jehu sa sambahayan ni Ahab. Pinatay niyang lahat ang tauhan nito at mga kaibigan, pati ang mga pari.

Pinatay ang mga Kamag-anak ni Haring Ahazias

12 Pagkatapos, pumunta si Jehu sa Samaria. Sa daan, sa may lugar na tinatawag na Silungan ng mga Pastol, ay 13 nakasalubong niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazias ng Juda. Sila'y tinanong niya, “Sino kayo?”

“Mga kamag-anak po ni Haring Ahazias. Naparito kami upang dalawin ang mga anak ng hari at ng reyna,” sagot nila. 14 Ipinahuli niya ang mga ito at ipinapatay sa may hukay, malapit sa Silungan; wala siyang ipinatirang buháy. Lahat-lahat ng napatay ay apatnapu't dalawa.

Pinatay ang mga Natitirang Kamag-anak ni Ahab

15 Nang umalis doon si Jehu, nakasalubong niya si Jonadad na anak ni Recab. Binati siya ni Jehu at tinanong, “Ikaw ba'y buong pusong nakikiisa sa akin?”

“Oo,” sagot nito.

“Kung ganoon,” sabi ni Jehu, “sumakay ka sa aking karwahe.” At inalalayan niya ito sa pagsakay. 16 Sinabi pa niya, “Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.” At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe. 17 Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Ahab; wala siyang itinirang buháy, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias.

Pinatay ni Jehu ang mga Sumasamba kay Baal

18 Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran. 19 Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal. 20 Iniutos niya, “Ipahayag ninyong tayo'y mag-uukol ng pagsamba para kay Baal.” At ganoon nga ang ginawa nila. 21 Ang pahayag na ito'y ipinaabot niya sa buong Israel at dumalo naman ang lahat ng sumasamba kay Baal kaya't punung-puno ang templo ni Baal. 22 Sinabi ni Jehu sa tagapag-ingat ng mga kasuotan sa templo, “Ilabas mong lahat ang kasuotan at ipasuot sa mga sumasamba kay Baal.” Sumunod naman ito. 23 Pumasok siya sa templo, kasama si Jonadad na anak ni Recab. Sinabi niya sa mga lingkod ni Baal, “Tingnan ninyong mabuti at tiyaking walang mga lingkod si Yahweh na napasama sa inyo.” 24 Pumasok sila upang ialay ang mga handog na susunugin.

Si Jehu ay naglagay ng walumpung tauhan sa labas ng templo at pinagbilinan ng ganito: “Bantayan ninyong mabuti ang mga taong ito. Kayo ang papatayin ko kapag may nakatakas.” 25 Nang maialay na ang mga handog na susunugin, pinapasok niya ang mga kawal at mga pinuno at ipinapatay ang lahat ng nasa loob, saka isa-isang kinaladkad palabas. Nagtuloy sila sa kaloob-looban ng templo, 26 inilabas ang mga sagradong haligi sa templo ni Baal at sinunog. 27 Pagkatapos, winasak nila ang rebulto ni Baal at iginuho ang templo. At ang templo ay ginawa nilang tapunan ng dumi hanggang sa ngayon.

28 Ganoon ang ginawa ni Jehu upang alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal. 29 Ngunit(F) tinularan din niya ang kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na sumamba sa guyang ginto na nasa Bethel at Dan na siya namang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. 30 Sinabi ni Yahweh kay Jehu, “Dahil sa paglipol mo sa sambahayan ni Ahab na siya kong nais mangyari, sa sambayanan mo magmumula ang hari ng Israel, hanggang sa ikaapat na salinlahi.” 31 Ngunit si Jehu ay hindi nagpatuloy sa pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinularan niya ang masasamang gawa ni Jeroboam na naghatid sa Israel sa pagkakasala.

Ang Kamatayan ni Jehu

32 Nang panahong iyon, pinabayaan ni Yahweh na masakop ng ibang kaharian ang ibang lupain ng Israel. Unti-unti na silang nasasakop ni Hazael. 33 Nakuha na sa kanila ang gawing silangan ng Jordan: ang buong Gilead, Gad, Ruben at Manases mula sa Aroer, sa may kapatagan ng Arnon, pati ang Gilead at ang Bashan.

34 Ang iba pang ginawa ni Jehu ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 35 Namatay siya at inilibing sa Samaria at ang anak niyang si Joahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. 36 Naghari si Jehu sa Israel sa loob ng dalawampu't walong taon.

Inagaw ni Atalia ang Trono(G)

11 Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari. Ngunit si Joas na anak ni Ahazias ay naitakas ng tiya niyang si Jehoseba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia. Pagkatapos, dinala niya ito sa Templo ni Yahweh at anim na taóng itinago roon habang si Atalia ang naghahari sa lupain.

Ngunit nang ikapitong taon ng pamumuno ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay sa palasyo at pinapunta sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ni Yahweh. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin ninyo: ang ikatlong bahagi ng mga bantay para sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa palasyo ng hari. Ang isang ikatlong bahagi ay sa Pintuang Sur at ang isa pang bahagi ay sa may pagpasok sa likuran ng mga tagapagdala ng balita. Ang dalawang pangkat namang hindi nanunungkulan sa Araw ng Pamamahinga ang magbabantay sa hari. Sinumang lumapit ay patayin ninyo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari kahit saan magpunta.”

Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng paring si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati ang hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga. 10 At ibinigay ni Joiada sa mga opisyal ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa Templo ni Yahweh. 11 At bawat kawal ay tumayo sa kanya-kanyang lugar at nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari. 12 Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binuhusan ng langis, at ipinahayag na hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!”

13 Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga bantay at ng taong-bayan, pinuntahan niya ang mga ito sa Templo ni Yahweh. 14 Pagdating(H) doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa tabi ng isang haligi sa harapan ng Templo, tulad ng kaugalian. Ang mga opisyal at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi ng hari. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuotan at malakas na sinabi, “Ito'y isang malaking kataksilan!”

15 Iniutos ng paring si Joiada sa mga opisyal ng hukbo, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang magtatangkang magligtas sa kanya. Ngunit huwag ninyo silang papatayin sa loob ng Templo ni Yahweh.” 16 Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay.

Ang mga Pagbabagong Isinagawa ni Joiada(I)

17 Pagkatapos, pinanumpa ni Joiada si Haring Joas at ang taong-bayan na maging tapat bilang sambayanan ni Yahweh. Pinanumpa rin niya sa isang kasunduan ang hari at ang sambayanan. 18 Pagkatapos, pumunta ang mga tao sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati ang rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na isang pari ni Baal. At si Joiada ay naglagay ng mga bantay sa Templo ni Yahweh. 19 Tinipon niya ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay ng palasyo at sinamahan nila ang hari mula sa Templo ni Yahweh hanggang sa palasyo kasunod ang mga tao. Pumasok si Joas sa pintuan ng bantay at umupo siya sa trono bilang hari. 20 Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila mula nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari.

21 Si Joas ay pitong taóng gulang nang maging hari ng Juda.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.