Beginning
Ang Paghahari ni Abiam sa Juda(A)
15 Noong ikalabing walong taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abiam 2 na anak ni Rehoboam kay Maaca na anak ni Absalom. Tatlong taon siyang naghari, at sa Jerusalem siya nanirahan. 3 Sumunod siya sa masasamang halimbawa ng kanyang ama, at hindi sa halimbawa ni David na kanyang ninuno. Hindi siya naging tapat kay Yahweh na kanyang Diyos. 4 Gayunman,(B) alang-alang kay David, ang kanyang angkan ay pinapanatili ni Yahweh na maghari sa Jerusalem. Pinagkalooban siya ng anak na lalaki na hahalili sa kanya, at iningatan sa kaaway ang Jerusalem. 5 Ginawa(C) ito ni Yahweh sapagkat pawang matuwid sa paningin niya ang mga gawa ni David. Sa buong buhay niya, hindi siya lumabag sa mga utos ni Yahweh, liban sa ginawa niya kay Urias na Heteo. 6 Nagpatuloy(D) ang alitan nina Rehoboam at Jeroboam hanggang sa panahon ni Abiam.
Ang Pagkamatay ni Abiam
7 Ang iba pang mga ginawa ni Abiam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda.
8 Nang mamatay si Abiam, siya'y inilibing sa Lunsod ni David at ang anak niyang si Asa ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Asa sa Juda(E)
9 Noong ikadalawampung taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, naging hari naman ng Juda si Asa. 10 Naghari siya sa loob ng apatnapu't isang taon, at sa Jerusalem siya nanirahan. Ang lola ni Asa na si Maaca ay anak ni Absalom. 11 Namuhay si Asa nang matuwid sa paningin ni Yahweh, tulad ng kanyang ninunong si David. 12 Pinalayas(F) niya sa kaharian ang mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sambahan ng mga diyus-diyosan, at winasak ang mga imahen ng mga diyus-diyosang ipinagawa ng mga haring nauna sa kanya. 13 Pati ang kanyang lolang si Maaca ay inalisan niya ng karapatan sa pagiging inang-reyna, sapagkat nagpagawa ito ng isang malaswang rebulto ni Ashera. Ipinagiba niya ang rebultong ito at ipinasunog sa Batis ng Kidron. 14 Bagama't hindi niya naipagiba lahat ang mga sagradong burol, si Asa ay habang buhay na naging tapat kay Yahweh. 15 Ipinasok niya sa Templo ang mga handog ng kanyang ama kay Yahweh, gayundin ang kanyang sariling handog na ginto, pilak at mga kasangkapang sagrado.
16 Patuloy ang alitan nina Asa at Baasa na hari ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari. 17 Pinasok ni Baasa ang lupain ng Juda at nagtayo ng kuta sa Rama upang harangan ang daan papunta kay Asa. 18 Kaya't tinipon ni Asa ang nalalabing ginto't pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo. Ipinadala iyon sa Damasco, kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon at apo ni Hezion na hari ng Siria. Ganito ang kanyang ipinasabi: 19 “Nais kong maging magkakampi tayo tulad ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang mga regalo kong ito. Hinihiling kong putulin mo ang iyong pakikipagkaibigan kay Baasa na hari ng Israel upang mapilitan siyang umalis sa aking nasasakupan.”
20 Sumang-ayon si Ben-hadad kay Haring Asa at nagpadala siya ng mga hukbo at ng mga pinuno nito upang salakayin ang mga lunsod ng Israel. Nasakop nila ang mga bayan ng Ijon, Dan, Abel-bet-maaca, ang lupain sa may Lawa ng Galilea at ang Neftali. 21 Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapagawa ng kuta sa Rama at pumunta siya sa Tirza.
22 Iniutos naman ni Asa sa lahat ng mga taga-Juda na kunin ang mga bato at kahoy na ginamit ni Baasa sa pagtatayo ng kuta sa Rama, at ginamit iyon sa paggawa ng kuta sa Geba at Mizpah, sa lupain ng Benjamin.
Ang Pagkamatay ni Asa
23 Ang iba pang ginawa ni Haring Asa, ang kanyang kagitingan at mga bayang pinagawan niya ng kuta ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Ngunit nang siya'y matanda na, nalumpo siya dahil sa karamdaman sa paa. 24 Namatay si Asa at inilibing sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David. At si Jehoshafat na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari.
Ang Paghahari ni Nadab sa Israel
25 Nang ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari naman sa Israel si Nadab na anak ni Jeroboam, at dalawang taon siyang naghari sa Israel. 26 Katulad ng kanyang ama na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
27 Naghimagsik laban sa kanya si Baasa na anak ni Ahias, mula sa lipi ni Isacar. Pinatay ni Baasa si Nadab habang kinubkob nito at ng kanyang hukbo ang Gibeton, isang lunsod sa Filistia. 28 Nangyari ito nang ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, at si Baasa ang pumalit kay Nadab bilang hari sa Israel. 29 Sa(G) simula pa lamang ng kanyang paghahari ay pinagpapatay na niya ang buong pamilya ni Jeroboam, bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias na taga-Shilo. 30 Ganito ang nangyari sa angkan ni Jeroboam sapagkat ginalit niya si Yahweh dahil sa kanyang mga kasalanan, at sa mga kasalanang ginawa ng bayang Israel dahil sa kanya.
31 Ang iba pang mga ginawa ni Nadab ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 32 Patuloy ang alitan ni Asa, hari ng Juda at ni Baasa ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari.
Paghahari ni Baasa sa Israel
33 Ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda nang maghari sa Israel si Baasa, na anak ni Ahias. Dalawampu't apat na taon siyang naghari, at sa Tirza siya nanirahan. 34 Katulad ni Haring Jeroboam na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh.
16 Isinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu na anak ni Hanani kay Baasa at ganito ang ipinasabi: 2 “Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko. 3 Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam. 4 Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.”
5 Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 6 Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari.
7 Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito.
Ang Paghahari ni Ela
8 Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan. 9 Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza, 10 pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda.
11 Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. 12 Nilipol nga niya ang buong angkan ni Baasa ayon sa sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang si Jehu. 13 Nagalit si Yahweh, ang Diyos ng Israel, kina Baasa at Ela sapagkat ibinunsod nila ang Israel sa pagkakasala at pagsamba sa mga diyus-diyosan. 14 Ang iba pang ginawa ni Haring Ela ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Zimri
15 Naging hari naman ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa Tirza sa loob lamang ng pitong araw. Pinalibutan at nilusob noon ng hukbong Israel ang lunsod ng Gibeton sa Filistia at nang 16 mabalitaan nila ang pagtataksil ni Zimri at ang pagkamatay ng hari, pinagkaisahan nilang gawing hari si Omri, ang pinuno ng hukbo. 17 Iniwan nga nila ang Gibeton, at kinubkob ang Tirza. 18 Nang makita ni Zimri na mahuhulog na ang bayan sa kamay ng kalaban, nagkulong siya sa kastilyo ng palasyo at sinindihan iyon. Kaya't kasama siyang nasunog doon. 19 Nangyari ito sapagkat hindi rin kinalugdan ni Yahweh ang mga ginawa ni Zimri. Ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala tulad ng ginawa ni Jeroboam.
20 Ang iba pang ginawa ni Zimri, pati ang kanyang pakikipagsabwatan upang agawin ang trono, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
Ang Paghahari ni Omri
21 Pagkamatay ni Zimri, nahati ang Israel sa dalawang pangkat. Pumanig ang isa kay Omri, ngunit si Tibni na anak ni Ginat ang pinili ng ikalawa. 22 Ngunit nagtagumpay din ang pangkat ni Omri. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari.
23 Si Omri ay naging hari ng Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda at labindalawang taon siyang naghari. Tumira siya sa Tirza sa loob ng anim na taon. 24 Pagkatapos, binili niya kay Semer ang isang bundok sa halagang pitumpung kilong pilak. Nagtayo siya roon ng isang lunsod na tinawag niyang Samaria, hango sa salitang Semer, pangalan ng binilhan niya ng bundok.
25 Ginawa rin ni Omri ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naging masahol pa nga siya sa mga nauna sa kanya. 26 Tumulad siya kay Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, kaya't nagalit sa kanila si Yahweh.
27 Ang iba pang ginawa ni Omri at ang kanyang katapangan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 28 Namatay si Omri at inilibing sa Samaria. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ahab.
Si Haring Ahab ng Israel
29 Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon. 30 Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh. 31 Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal. 32 Nagpatayo siya ng templo para kay Baal sa Samaria. Nagpagawa siya ng altar at ipinasok doon 33 ang ginawa niyang rebulto ni Ashera. Ang mga pagkakasalang ginawa niya'y higit na masama sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. 34 Sa(H) panahon niya, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang lunsod ng Jerico. Ngunit nang ilagay ang pundasyon nito, buhay ng panganay niyang si Abiram ang kanyang ibinuwis. At nang itayo ang pintuan, buhay naman ng kanyang bunsong si Segub ang naging kabayaran. Sa ganon, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
Sinugo ng Diyos si Propeta Elias
17 Si(I) Elias ay isang propetang taga-Tisbe sa Gilead.[a] Sinabi niya kay Ahab, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, hindi uulan, ni hindi magkakahamog sa mga darating na taon hangga't hindi ko sinasabi.”
2 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Elias, 3 “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. 4 Maiinom mo ang tubig sa batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.”
5 Sinunod nga ni Elias ang sinabi ni Yahweh. Lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. 6 Umaga't hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain, at sa batis naman siya umiinom. 7 Ngunit dumating ang panahon na natuyo na rin ang batis.
Pinapunta si Elias sa Sarepta
8 Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, 9 “Umalis(J) ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon.” 10 Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, “Maaari po bang makiinom?” 11 Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin, “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kapirasong tinapay.”
12 Sumagot ang babae, “Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos[b] na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”
13 Sinabi sa kanya ni Elias, “Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. 14 Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel:
Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan,
at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan
hanggang hindi sumasapit ang takdang araw
na papatakin na ni Yahweh ang ulan.”
15 Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. 16 Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias.
Binuhay ni Elias ang Anak ng Biyuda
17 Hindi nagtagal at nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito'y mamatay. 18 Kaya't sinabi ng babae kay Elias, “Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako'y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”
19 “Akin na ang bata,” sabi ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan 20 at nanalangin, “Yahweh, aking Diyos, ito ba ang inyong igaganti sa babaing nagmagandang-loob sa akin?” 21 Tatlong(K) beses siyang dumapa sa bata at nanalangin ng ganito: “Yahweh, aking Diyos, hinihiling ko pong muli ninyong buhayin ang batang ito.” 22 Dininig ni Yahweh ang dalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.
23 Inakay ni Elias ang bata, at ibinalik sa kanyang ina saka sinabing, “Narito ang anak mo, buháy na siya.”
24 At sumagot ang babae, “Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.