Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Mga Hari 3-5

Ang Karunungan ni Solomon(A)

Naging kakampi ni Solomon ang Faraon, hari ng Egipto, nang kanyang pakasalan ang anak nito. Itinira niya ang prinsesa sa lunsod ni David habang hindi pa tapos ang kanyang palasyo, ang bahay ni Yahweh at ang pader ng Jerusalem. Ngunit ang mga taong-bayan ay patuloy pang nag-aalay ng kanilang mga handog sa Diyos sa mga sagradong burol, sapagkat wala pa noong naitatayong bahay sambahan para kay Yahweh. Mahal ni Solomon si Yahweh, at sinusunod niya ang mga tagubilin ng kanyang amang si David. Subalit nag-aalay din siya ng handog at nagsusunog ng insenso sa mga altar sa burol.

Minsan,(B) pumunta si Solomon sa Gibeon upang maghandog, sapagkat iyon ang pinakatanyag na sagradong burol. Nakapag-alay na siya roon ng daan-daang handog na sinusunog. Kinagabihan, samantalang siya'y naroon pa sa Gibeon, nagpakita sa kanya si Yahweh sa isang panaginip at tinanong siya, “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya.

Sumagot si Solomon, “Kinahabagan ninyo at tunay na minahal ang aking amang si David dahil naging tapat at matuwid siya sa inyo at naging malinis ang kanyang puso. At ipinagpatuloy ninyo ang inyong tapat na pagmamahal sa kanya nang bigyan ninyo siya ng isang anak na ngayo'y nakaupo sa kanyang trono. Yahweh, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, kahit ako'y bata pa't walang karanasan. Ngayo'y nasa kalagitnaan ako ng iyong bayang pinili, bayang hindi na mabilang sa dami. Bigyan po ninyo ako ng karunungang kailangan ko sa pamamahala at kakayahang kumilala ng mabuti sa masama. Sapagkat sino po ba ang may kakayahang maghari sa napakalaking bayang ito?”

10 Dahil ito ang hiniling ni Solomon, nalugod sa kanya si Yahweh 11 at sinabi sa kanya, “Dahil hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo'y karunungang kumilala ng mabuti sa masama, 12 ibibigay ko sa iyo ang hiniling mo. Bibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna o sa mga susunod pa sa iyo. 13 Ibibigay ko rin sa iyo ang mga bagay na hindi mo hiningi: kayamanan at karangalang hindi mapapantayan ng sinumang hari sa buong buhay mo. 14 At kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban, kung susundin mo ang aking mga batas at mga utos, tulad ng ginawa ng iyong amang si David, pagkakalooban pa kita ng mahabang buhay.”

15 Nagising si Solomon at noon niya nalaman na siya'y kinausap ni Yahweh sa panaginip. Pagbalik niya sa Jerusalem, pumunta siya sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, at nag-alay ng mga handog na susunugin at mga handog para sa kapayapaan. Naghanda rin siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga tauhan.

Ang Hatol ni Solomon

16 Isang araw, nagpunta sa hari ang dalawang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. 17 Ang sabi ng isa, “Mahal na hari, kami po ng babaing ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak po ako habang siya'y naroon. 18 Pagkalipas ng tatlong araw nanganak din ang babaing ito. Wala po kaming ibang kasama roon. 19 Isang gabi ay nadaganan po niya ang kanyang anak at ito'y namatay. 20 Malalim na ang gabi nang siya'y bumangon at habang ako nama'y natutulog. Kinuha niya sa tabi ko ang aking anak at dinala sa kanyang higaan, at inilagay naman sa tabi ko ang kanyang patay na anak. 21 Kinaumagahan, bumangon po ako upang pasusuhin ang aking anak, ngunit natagpuan ko na lang na ito'y patay na. Subalit nang pagmasdan ko pong mabuti, nakilala kong hindi iyon ang aking anak.”

22 Tumutol naman ang pangalawa at ang sabi, “Hindi totoo 'yan! Anak ko ang buháy at ang sa iyo'y patay.”

Lalo namang iginiit ng una, “Hindi totoo 'yan! Anak mo ang patay at akin ang buháy!”

At ganito ang kanilang pagtatalo sa harapan ng hari.

23 Kaya't sinabi ni Solomon sa isa, “Sinasabi mong iyo ang buháy na bata at kanya ang patay;” at sa ikalawa, “Ang sabi mo nama'y iyo ang buháy at kanya ang patay.” 24 Kaya nagpakuha ang hari ng isang tabak. At dinala nga sa kanya ang isang tabak. 25 Sinabi ng hari, “Hatiin ang batang buháy at ibigay ang kalahati sa bawat isa.”

26 Nabagbag ang puso ng tunay na ina ng batang buháy at napasigaw: “Huwag po, Kamahalan! Ibigay na po ninyo sa kanya ang bata, huwag lamang ninyong patayin.”

Sabi naman noong isa, “Sige, hatiin ninyo ang bata upang walang makinabang kahit sino sa amin!”

27 Kaya't sinabi ni Solomon, “Huwag ninyong patayin ang bata. Ibigay ninyo sa una; siya ang tunay niyang ina.”

28 Napabalita sa buong Israel ang hatol na iginawad ng hari at ang lahat ay nagkaroon ng paggalang at takot sa kanya. Nabatid nilang taglay niya ang karunungan ng Diyos upang humatol nang makatarungan.

Ang mga Opisyal ni Solomon

Ito ang matataas na opisyal ni Solomon nang siya'y hari ng buong Israel:

Pari: Azariah na anak ni Zadok

Kalihim ng Pamahalaan:

Elihoref at Ahias na mga anak ni Sisa

Tagapag-ingat ng mga Kasulatan:

Jehoshafat na anak ni Ahilud

Pinakamataas na pinuno ng hukbo:

Benaias na anak ni Joiada

Mga Pari: Zadok at Abiatar

Tagapamahala sa mga punong-lalawigan:

Azarias na anak ni Natan

Tagapayo ng Hari:

Ang paring si Zabud na anak ni Natan

Katiwala sa palasyo: Ahisar

Tagapangasiwa sa sapilitang paggawa:

Adoniram na anak ni Abda

Naglagay din si Solomon ng labindalawang punong-lalawigan. Bawat buwan, isa sa kanila ang nag-iipon at nagpapadala ng pagkain para sa hari at kanyang sambahayan. Ito ang kanilang mga pangalan: si Benhur, sa kabundukan ng Efraim; si Ben-dequer ang sa Macaz, Saalbim, Beth-semes, at Elon-behanan; 10 si Ben-hessed, sa Arubot; sa kanya rin ang Socoh at ang buong lupain ng Hefer. 11 Sa kataasan ng Dor, si Ben-abinadab, na manugang ni Solomon—asawa ni Tafath. 12 Si Baana, anak ni Ahilud, ang sa Taanac at Megido, kabila ng Jokneam. Sakop din niya ang buong Beth-sean sa ibaba ng Jezreel, buhat sa Beth-sean hanggang sa Abel-mehola na nasa tabi ng Zaretan. 13 Si Ben-geber ang sa Ramot-galaad. Kanya ang mga kampo ni Jair na anak ni Manases sa lupain ng Gilead. Kanya rin ang sakop ng Argob sa lupain ng Bashan—animnapung lunsod na napapaligiran ng pader at may kandadong tanso sa mga tarangkahan. 14 Sa Mahanaim naman ay si Ahinadab na anak ni Iddo, 15 at si Ahimaaz, asawa ni Basemat na anak ni Solomon ang sa Neftali. 16 Si Baana na anak ni Husai ang sa Asher at sa Alot, 17 at si Jehoshafat na anak ni Parua ang sa Isacar. 18 Sa Benjamin ay si Simei na anak ni Ela, 19 samantalang si Geber na anak ni Uri ay inilagay niya sa Gilead, sa lupain ni Sihon, hari ng mga Amoreo, at ni Og, hari ng Bashan.

At mayroon pang isang pinuno sa mga sariling lupain ng hari.

Ang Kayamanan at Karunungan ni Solomon

20 Parang buhangin sa tabing-dagat sa dami ang mga mamamayan sa Juda at Israel. Sagana sila sa pagkain at inumin at masaya silang namumuhay. 21 Napasailalim(C) sa kaharian ni Solomon ang lahat ng kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hangganan ng Egipto. Nagbabayad sila ng buwis at naglilingkod sa kanya habang siya'y nabubuhay.

22 Ganito karami ang pagkaing nauubos ni Solomon at ng kanyang mga tauhan araw-araw. Harinang mainam, 150 kaban; harinang karaniwan, 300 kaban; 23 ulo ng pinatabang baka, sampu nito ay bakang galing sa pastulan; isandaang tupa, bukod pa ang mga usang malalaki at maliliit, mga usang gubat at mga gansa.

24 Sakop niya ang lahat ng lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates buhat sa Tifsa hanggang sa Gaza, at nagpasakop sa kanya ang lahat ng hari sa kanluran ng ilog. Kaya't walang gumagambala sa kanyang kaharian. 25 Habang nabubuhay si Solomon ay mapayapa ang buong Juda at Israel. Mula sa Dan hanggang sa Beer-seba bawat pamilya ay may sariling punong ubas at punong igos.

26 Si(D) Solomon ay may 40,000 kuwadra ng kabayo para sa kanyang mga karwahe, at mayroon rin siyang 12,000 mangangabayo. 27 Ang labindalawang punong-lalawigan ang nagpapadala ng mga pagkain at lahat ng pangangailangan ni Solomon at ng mga tauhang pinapakain niya, bawat isa'y isang buwan. Kailanma'y hindi sila nagkulang. 28 Sila rin ang nagbibigay ng sebada at dayami para sa mga kabayong sasakyan at pangkarwahe; ipinadadala nila iyon kung saan kailangan.

29 Walang kapantay ang katalinuhan at karunungang ipinagkaloob ni Yahweh kay Solomon. Walang katulad ang kanyang kaalaman. 30 Ito ay higit sa karunungan ng lahat ng mga matatalinong tao sa silangan at sa buong Egipto. 31 Mas(E) marunong siya kaysa sinumang tao. Mas marunong siya kay Etan na mula sa angkan ni Ezra, at kina Heman, Calcol, Darda, na mga anak ni Machol. Naging tanyag siya sa lahat ng bansa sa paligid. 32 Siya(F) ang may-akda ng tatlong libong salawikain; kumatha rin siya ng isang libo't limang mga awit. 33 Nakapagpapaliwanag siya tungkol sa lahat ng uri ng halaman: mula sa sedar ng Lebanon hanggang sa hisopong tumutubo sa pader. Naipapaliwanag din niya ang tungkol sa mga hayop na lumalakad o gumagapang sa lupa; gayundin ang tungkol sa mga ibon at mga isda. 34 Dinadayo siya ng mga hari sa buong daigdig upang makinig sa kanyang karunungan. Pinapapunta rin sa kanya ang maraming mga tao upang siya'y mapakinggan.

Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(G)

Matagal nang magkaibigan si Hiram na hari ng Tiro at si Haring David. Kaya't nang mabalitaan nitong si Solomon ay pinili na bilang hari, at siyang kahalili ng kanyang amang si David, nagpadala agad ito ng mga sugo kay Solomon. Nagsugo rin sa kanya si Solomon at ganito ang ipinasabi: “Alam po ninyo na ang ama kong si David ay hindi nakapagtayo ng Templo para kay Yahweh na kanyang Diyos. Ito'y dahil sa mga digmaang hinarap niya sa magkabi-kabilang panig hanggang sa pagtagumpayin siya ni Yahweh laban sa lahat niyang mga kaaway. Ngunit binigyan ako ngayon ng Diyos kong si Yahweh ng kapayapaan sa buong kaharian. Wala na akong kaaway at wala nang panganib na pinangangambahan. Kaya(H) binabalak kong ipagtayo ng isang templo si Yahweh na aking Diyos. Gaya ng pangako niya sa aking ama, ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono bilang kahalili ang siyang magtatayo ng aking Templo.’ Kaya hinihiling ko sa inyong Kamahalan na bigyan ako ng mga tauhang puputol ng mga sedar sa Lebanon. Babayaran ko sila sa halagang itatakda ninyo. Tutulong sa kanila ang mga tauhan ko sapagkat hindi sila sanay magputol ng mga punongkahoy tulad ng mga taga-Sidon.”

Lubos na ikinatuwa ni Hiram nang marinig niya ang kahilingang iyon ni Solomon. Kaya't sinabi niya, “Purihin si Yahweh sa araw na ito sapagkat binigyan niya si David ng isang anak na marunong mamahala sa kanyang dakilang sambayanan!” At ganito ang naging tugon ni Hiram kay Solomon: “Natanggap ko ang iyong mensahe. Handa akong magbigay sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong kahoy na sedar at sipres. Ilulusong ng aking mga tauhan ang mga troso buhat sa Lebanon hanggang sa dagat. Buhat naman doon ay babalsahin hanggang sa daungan na inyong mapili. Pagdating doon, saka paghihiwa-hiwalayin upang inyong ipahakot. Bilang kapalit, bibigyan naman ninyo ako ng mga pagkain para sa aking mga tauhan.”

10 Kaya't pinadalhan ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedar at sipres na kailangan nito. 11 Taun-taon naman ay pinadadalhan ni Solomon si Hiram ng 100,000 takal ng trigo at 110,000 galong langis ng olibo para sa mga tauhan nito.

12 Si Solomon nga'y binigyan ni Yahweh ng karunungan tulad ng kanyang ipinangako. Naging magkaibigan sina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan ng pagkakaibigan.

13 Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan. 14 Ipinadadala(I) niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito. 15 Si Solomon ay may walumpung libong tagatibag ng mga bato sa bundok at pitumpung libong tagahakot ng mga ito. 16 Umabot sa 3,300 naman ang mga kapatas na namamahala sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtatabas sila ng malalaking bato upang gamiting pundasyon ng Templo. 18 Katulong din ng mga tauhan ni Solomon at ni Hiram ang mga taga-Biblos sa pagtibag ng bato at pagputol ng kahoy na ginamit sa pagtatayo ng Templo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.