Beginning
Si Elias at ang mga Propeta ni Baal
18 Pagkalipas ng ilang panahon, nang ikatlong taon na ng tagtuyot, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Pumunta ka na kay Ahab. Malapit na akong magpadala ng ulan sa lupaing ito.” 2 At nagpunta nga si Elias kay Ahab.
Napakatindi noon ng taggutom sa Samaria, 3 kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias, ang tagapangasiwa ng palasyo. Si Obadias ay may takot kay Yahweh. 4 Nang kasalukuyang ipinapapatay ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, nailigtas ni Obadias ang sandaan sa mga ito. Itinago niya ang mga ito sa isang yungib, tiglilimampu ang bawat pangkat, at binigyan niya ng pagkain at tubig. 5 Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Tayo na! Galugarin natin ang buong lupain at tingnan ang bawat ilog at libis. Baka makakita tayo roon ng sapat na damo upang huwag mamatay sa gutom ang ating mga kabayo, mola at baka.” 6 Naghiwalay sila sa paghahanap ng pagkain sa buong kaharian: si Ahab sa isang panig at si Obadias naman sa kabila.
7 Sa paglalakbay ni Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya ang propeta, kaya't nagpatirapa siya at sinabi, “Kayo nga ba iyan, mahal na propetang Elias?”
8 “Ako nga,” sagot naman nito. “Pumunta ka sa iyong panginoong si Ahab at sabihin mong narito ako.”
9 Ganito naman ang sagot ni Obadias: “Ano pong kasalanan ang nagawa ko sa inyo at gusto ninyo akong mapatay ni Ahab? 10 Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos,[a] hinahanap kayo ni Haring Ahab sa bawat bansa sa daigdig. At kapag may nagsabing wala kayo roon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi sila nanunumpa na kayo'y talagang hindi nila nakita. 11 At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo? 12 Ano ngayon ang mangyayari? Sa sandaling ako'y umalis upang sabihin kay Ahab na narito kayo ay dadalhin naman kayo ng Espiritu[b] ni Yahweh sa lugar na hindi ko alam. At kapag hindi nila kayo nakita, ako ang kanyang papatayin. Maawa kayo sa akin, sapagkat ako po naman ay may takot kay Yahweh mula pa sa pagkabata. 13 Hindi po ba ninyo nababalitaan na may sandaang propeta ni Yahweh ang aking iniligtas noong sila'y gustong patayin ni Jezebel? Itinago ko sila sa isang yungib, tiglilimampu bawat pangkat, at dinalhan ko sila roon ng pagkain at tubig. 14 At ngayon, pinapapunta ninyo ako kay Ahab upang sabihing narito kayo? Tiyak na papatayin niya ako.”
15 Ngunit sinabi sa kanya ni Elias: “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat,[c] haharap ako kay Ahab sa araw na ito.”
16 Hinanap nga ni Obadias si Ahab at sinabi ang lahat ng ipinapasabi ni Elias. At lumakad si Ahab upang salubungin ang propeta. 17 Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?”
18 “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal. 19 Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias.
20 Tinipon nga ni Ahab sa Bundok ng Carmel ang buong bayang Israel at ang mga propeta ni Baal. 21 Lumapit si Elias at sinabi sa taong-bayan, “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung si Yahweh ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. 22 Muling nagsalita si Elias, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ni Yahweh, samantalang may apatnaraan at limampu ang mga propeta ni Baal. 23 Magdala kayo rito ng dalawang toro. Hayaan ninyong ang isa sa mga ito ay patayin ng mga propeta ni Baal, at pagkatapos ay katayin at ilagay sa ibabaw ng mga kahoy. Huwag ninyong sisindihan. Gayundin naman ang gagawin ko sa isa pang toro. 24 Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman si Yahweh. Ang diyos na tumugon sa pamamagitan ng apoy, ang siyang tunay na Diyos.”
At sumagot ang bayan, “Sang-ayon kami!”
25 Sinabi naman ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag ninyong sisindihan ang kahoy.”
26 Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihanda ito. Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng altar na itinayo nila. Ngunit walang sumasagot.
27 Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!” 28 Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila. 29 Patuloy silang nagsigawan at nag-ungulan hanggang inabot sila ng hapon ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot.
30 Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho. 31 Kumuha(A) siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel. 32 Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig. 33 Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila. 34 “Buhusan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binuhusan nila. “Isa pang buhos,” utos uli ni Elias. Tatlong beses nga nilang binuhusan ang handog hanggang sa 35 umagos ang tubig sa paligid ng altar at umapaw sa kanal.
36 Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, “Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos. 37 Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob.”
38 Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. 39 Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, “Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!”
40 Iniutos ni Elias, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Hinuli nga sila ng mga mamamayan at dinala ni Elias sa batis ng Kison, at pinagpapatay doon.
41 Sinabi ni Elias kay Ahab, “Lumakad ka na! Maaari ka nang kumain at uminom. Naririnig ko na ang pagbuhos ng ulan.” 42 Samantalang(B) si Ahab ay kumakain at umiinom, umakyat si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel at sumubsob sa lupa. 43 Sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tanawin mo ang dagat.”
Umakyat nga ang utusan at tumanaw sa dagat. “Wala po akong makitang anuman,” wika ng utusan.
“Pitong beses mo pang gawin ang sinabi ko,” utos ni Elias. 44 Sa ikapitong pagtanaw, napasigaw ang utusan, “May nakikita po akong ulap kasinlaki ng palad na tumataas mula sa dagat.”
“Magmadali ka!” sabi ni Elias. “Sabihin mo kay Ahab na ihanda ang kanyang karwahe at umuwi na agad. Baka siya'y hindi makaalis dahil sa ulan.”
45 Hindi nagtagal at nagdilim ang langit sa kapal ng ulap, lumakas ang hangin at biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sumakay si Ahab sa karwahe at nagmamadaling nagtungo sa Jezreel. 46 Lumukob kay Elias ang kapangyarihan ni Yahweh. Hinigpitan ni Elias ang pagkatali sa kanyang damit at tumakbo sa unahan ng karwahe ni Ahab hanggang sa pagpasok sa Jezreel.
Nagpunta si Elias sa Sinai
19 Sinabi ni Haring Ahab sa kanyang asawang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias at kung paano pinatay ni Elias ang lahat ng mga propeta ni Baal. 2 Kaya't nagpadala si Jezebel ng isang sugo upang sabihin kay Elias, “Patayin sana ako ng mga diyos kung hindi ko gagawin sa iyo sa ganito ring oras ang ginawa mo sa mga propeta.” 3 Natakot si Elias na mamatay, kaya't umalis siya at nagpunta sa Beer-seba, sa lupain ng Juda, kasama ang kanyang utusan.
Iniwan niya roon ang kanyang utusan 4 at(C) mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po'y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.”
5 Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!” 6 Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli. 7 Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” 8 Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai,[d] ang Bundok ng Diyos.
Kinausap ni Yahweh si Elias
9 Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
10 Sumagot(D) si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
11 Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. 12 Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig.
13 Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng kuweba. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi, “Elias, anong ginagawa mo rito?”
14 Sumagot siya, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lamang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa iyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.”
15 Sinabi(E) sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka sa ilang na malapit sa Damasco. Pagkatapos, pumasok ka sa lunsod at buhusan mo ng langis si Hazael bilang hari ng Siria; 16 at(F) si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari naman ng Israel. Buhusan mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola bilang propeta na hahalili sa iyo. 17 Ang makaligtas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu. Ang makaligtas naman sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo. 18 Ngunit(G) pitong libo sa Israel ang ililigtas ko, ang mga taong hindi lumuluhod kay Baal at hindi humahalik sa kanyang imahen.”
Ang Paghirang kay Eliseo
19 Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, inalis ni Elias ang kanyang balabal at ibinalabal kay Eliseo. 20 Iniwan naman ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap, “Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.”
Sumagot naman si Elias, “Sige, umuwi ka muna.”
21 Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging lingkod nito.
Kinubkob ang Samaria
20 Tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria, ang kanyang hukbo upang salakayin ang Samaria. Kasama sa hukbong ito ang tatlumpu't dalawang haring sakop niya, at ang kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma. 2 Nagpadala siya ng mga sugo kay Ahab, hari ng Israel, at ipinasabi ang ganito: “Ipinag-uutos ni Ben-hadad 3 na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto't pilak; ang inyong mga babae at ang pinakamalalakas na mga anak!”
4 Sumagot ang hari ng Israel, “Masusunod po ang sabi ninyo, mahal kong hari at panginoon. Ako at ang lahat ng sa akin ay ituring mong sa iyo.”
5 Ngunit bumalik kay Ahab ang mga sugo at ganito naman ang sabi: “Ipinapasabi ni Ben-hadad na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto at pilak, pati ang iyong mga asawa at anak. 6 Tandaan mo, bukas sa ganitong oras, darating ang kanyang mga tauhan upang halughugin ang iyong palasyo, at ang mga bahay ng mga tauhan mo. Kukunin nila ang kanilang magustuhan.”
7 Tinipon ng hari ng Israel ang lahat ng matatandang pinuno sa kaharian at sinabi, “Tingnan ninyo! Maliwanag na gusto tayong lipulin ng taong iyan. Pumayag na nga akong ibigay sa kanya ang lahat ng aking ginto't pilak, pati ang aking mga asawa at mga anak.”
8 Sumagot ang matatandang pinuno at ang buong bayan, “Huwag ninyo siyang pansinin. Huwag po kayong papayag.”
9 Kaya't ganito ang sagot ni Ahab sa mga sugo ni Ben-hadad: “Sabihin ninyo sa mahal na hari, lahat ng iniutos ninyo noong una sa inyong alipin ay gagawin ko. Ngunit itong huli ay hindi ko magagawa.”
At umalis ang mga sugo, dala ang ganoong sagot. 10 Nagpasabi muli si Ben-hadad, “Magpapadala ako ng mga tauhang wawasak sa lunsod mong ito, at tatangayin nila ang mga nasira nilang bagay. Parusahan sana ako ng mga diyos kung hindi ko ito gagawin!”
11 Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihin mo kay Haring Ben-hadad na ang tunay na sundalo ay hindi nagyayabang hangga't hindi pa natatapos ang labanan.
12 Nasa kanyang tolda noon si Ben-hadad at nakikipag-inuman sa mga haring kasama niya. Pagkarinig sa sagot na iyon ay sumigaw si Ahab, “Salakayin! Salakayin ang kaaway!” At humanda ang bawat isa sa pakikipaglaban.
Nagtagumpay ang Israel
13 Samantala, dumating noon ang isang propeta at sinabi kay Haring Ahab ng Israel, “Ipinapasabi ni Yahweh na huwag kang matakot sa napakalaking hukbong iyan. Sa araw na ito ay pagtatagumpayin kita laban sa kanila at malalaman mong ako nga si Yahweh.”
14 “Sino ang sasalakay?” tanong ni Ahab.
Sumagot ang propeta, “Ang mga kabataang kawal na nasa ilalim ng mga pinuno ng mga lalawigan.”
“At sino ang mamumuno sa labanan?” tanong uli ni Ahab.
“Kayo!” tugon ng propeta.
15 Tinipon nga ni Ahab ang mga kabataang kawal ng mga pinuno ng mga lalawigan, may 232 lahat-lahat. Pagkatapos, tinipon din niya ang hukbo ng Israel na may pitong libong kalalakihan.
16 Pagdating ng tanghaling-tapat, samantalang si Ben-hadad at ang tatlumpu't dalawang hari na kasama niya'y nag-iinuman sa kanilang tolda, 17 lumusob ang mga Israelita sa pangunguna ng mga kabataang kawal. May nagsabi kay Ben-hadad, “May lumalabas pong mga lalaki mula sa Samaria.” 18 At sumagot siya, “Hulihin sila nang buháy, anuman ang kanilang pakay, kapayapaan man o labanan!”
19 Sumalakay nga mula sa lunsod ang mga kabataang kawal, kasunod ang buong hukbo ng Israel. 20 Sa unang sagupaan ay napatay ng bawat isa ang kanyang kalaban, kaya't nagtakbuhan ang mga taga-Siria. Hinabol naman sila ng mga Israelita, ngunit nakatakas si Ben-hadad kasama ng ilang kawal na nakakabayo. 21 Lumabas naman si Haring Ahab at sumama sa paghabol sa mga taga-Siria. Pinuksa nila ang mga ito, at napakaraming kabayo at karwahe ang kanilang nasamsam.
Panibagong Pagsalakay ng mga Taga-Siria
22 Matapos ang labanang iyon, sinabihan muli ng propeta ang hari ng Israel. Wika niya, “Magdagdag pa kayo ng tauhan at ihanda ninyong mabuti ang inyong hukbo. Planuhin ninyong mabuti ang dapat gawin, sapagkat sa susunod na tagsibol ay muling sasalakay ang hari ng Siria.”
23 Pinayuhan din ng kanyang mga opisyal ang hari ng Siria, at kanilang sinabi, “Mga diyos ng kabundukan ang kanilang diyos, kaya tayo natalo. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan at tiyak na matatalo sila. 24 Ganito po ang inyong gawin: alisin ninyo sa kanilang tungkulin sa hukbo ang mga haring kasama ninyo, at palitan ninyo ng mga pinunong-kawal. 25 Bumuo kayo ng isang hukbong sinlaki ng dati, na may gayunding dami ng kabayo at karwahe. Sa kapatagan natin sila labanan at ngayo'y tiyak na magtatagumpay tayo.” Nakinig ang hari sa kanilang payo at ganoon nga ang ginawa.
Tagumpay sa Afec
26 Pagsapit ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang hukbo ng Siria at nagtungo sa Afec upang lusubin ang Israel. 27 Nagtipun-tipon din naman ang mga Israelita at naghanda upang salubungin ang kalaban. Nagdalawang pangkat sila, at nagtayo ng kampo sa tapat ng mga iyon. Parang dalawang kawan lang ng kambing ang hukbo ng Israel, samantalang halos matakluban ng hukbo ng Siria ang pook na iyon.
28 Lumapit muli sa hari ng Israel ang lingkod ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria na ako ay Diyos ng kabundukan at hindi Diyos ng kapatagan, ipapalupig ko sa iyo ang hukbong iyan sa kabila ng kanilang dami at lakas. Makikita ninyo ngayon na ako nga si Yahweh.’” 29 Pitong araw silang nagmanman sa isa't isa. Nagsimula ang labanan sa ikapitong araw, at sa araw na iyon sandaang libong kawal ang napatay sa hukbo ng Siria. Tumakas ang natirang buháy at pumasok sa Lunsod ng Afec. 30 Ngunit gumuho ang pader ng lunsod at 27,000 pa ang natabunan. Nakatakas muli si Ben-hadad at nagtago sa isang silid sa loob ng lunsod.
31 Sa gayong kalagayan, nasabi ng isa niyang tauhan, “Balita po namin ay maawain ang mga hari ng Israel. Magsusuot po kami ng damit-panluksa at magtatali ng lubid sa aming leeg, at haharap sa hari ng Israel. Baka sakaling kaawaan kami at hindi na kayo ipapatay.” 32 At ganoon nga ang ginawa nila. Humarap sila sa hari ng Israel at nagmakaawa. “Hinihiling po ng inyong aliping si Ben-hadad na huwag na ninyo siyang patayin.”
“Buháy pa ba siya? Buháy pa ba ang kapatid kong hari?” tanong ng hari ng Israel.
33 Sinamantala ng mga sugo ang gayong magandang pahiwatig kaya't agad sumagot, “Opo, buháy pa po siya! Buháy pa.”
“Dalhin ninyo siya agad dito,” utos ni Ahab. Pagdating ni Ben-hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe. 34 Sinabi noon ni Ben-hadad, “Isasauli ko sa inyo ang mga lunsod na inagaw ng aking ama sa inyong ama. Maaari kayong magtayo ng pamilihan sa Damasco, tulad ng itinayo ng aking ama sa Samaria.”
Sumagot naman si Ahab, “Sa ganitong kondisyon, pinapalaya ko na kayo.” Nangyari nga ang kasunduan at pinalaya sila ni Ahab.
35 Sa utos ni Yahweh, hiniling ng isang alagad ng mga propeta sa isa niyang kasamahan, “Sugatan mo ako.” Subalit tumanggi ito. 36 Kaya(H) sinabi niya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang utos ni Yahweh, pag-alis mo rito'y papatayin ka ng leon.” Hindi pa nakakalayo ang sinabihan ay nakasalubong at napatay nga siya ng isang leon.
37 Nakakita ng ibang kasamahan ang alagad ng mga propeta at ito naman ang kanyang pinakiusapan. “Sugatan mo ako,” wika niya, at ginawa naman ng pinakiusapan ang hinihiling sa kanya. 38 Nagtuloy ang alagad ng mga propeta at saka naghintay sa daraanan ng hari matapos bendahan ang kanyang mga mata upang hindi siya makilala. 39 Sumigaw siya pagdaan ng hari at ganito ang sinabi: “Kamahalan, nang ako po'y nasa labanan, lumapit po sa akin ang isang kawal at iniwan sa akin ang isang bihag. Ang sabi po niya, ‘Alagaan mo ang bihag na ito. Kapag siya'y nakatakas, buhay mo ang kapalit, o magmumulta ka ng 35 kilong pilak.’ 40 Nakalingat po ako at nakatakas ang bihag.”
Sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na rin ang nagbigay ng iyong hatol. Mamamatay ka o magmumulta.”
41 Nang marinig ito, bigla niyang inalis ang bendang nakatakip sa mga mata at nakilala ng hari na siya pala'y isang alagad ng mga propeta. 42 At sinabi niya sa hari, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Sapagkat pinakawalan mo ang isang taong ayon sa utos ko'y dapat mamatay, buhay mo ang kapalit ng kanyang buhay, at bayan mo ang kapalit ng kanyang bayan.’”
43 Bumalik sa Samaria ang hari na nababahala at masama ang loob.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.