Beginning
Pinatay si Isboset
4 Nang malaman ni Isboset na si Abner ay pinatay sa Hebron, pinagharian siya ng takot, pati ang buong Israel. 2 Noo'y may dalawa siyang pinuno sa pagsalakay, sina Baana at Recab. Sila'y mga anak ni Rimon na taga-Beerot at mula sa lipi ni Benjamin. Ang Beerot ay dating sakop ng Benjamin, 3 ngunit ang mga tagaroon ay tumakas at nagpunta sa Gitaim at doon na nanirahan.
4 Isa(A) pa sa mga apo ni Saul ay si Mefiboset na anak ni Jonatan. Limang taon siya noon nang mapatay sa Jezreel sina Saul at Jonatan. Nang dumating ang malagim na balita, dinampot siya ng tagapag-alaga upang itakas. Ngunit sa pagmamadali ay nabitawan siya at iyon ang dahilan ng kanyang pagkalumpo.
5 Isang tanghali, sina Recab at Baana ay pumasok sa tahanan ni Isboset samantalang ito'y namamahinga. 6 Hindi sila namalayang pumasok sapagkat ang babaing bantay-pinto ay nakatulog dahil sa pagod sa paglilinis ng trigo.[a] 7 Kaya't tuluy-tuloy sila sa silid ni Isboset at pinatay nila habang ito'y natutulog. Pinutol nila ang kanyang ulo saka sila tumakas. Magdamag silang naglakbay sa lupain ng Araba patungo sa Hebron. 8 Dinala nila ang ulo ni Isboset kay David at ang sabi rito, “Narito ang ulo ng anak ni Saul, ang nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ngayon ni Yahweh ang inyong kadakilaan!”
9 Sumagot na may sumpa si David sa magkapatid na Recab at Baana, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[b] at tumulong sa akin sa lahat kong kagipitan. 10 Hinuli(B) ko at pinatay sa Ziklag ang taong nagbalita sa aking patay si Saul sa pag-aakalang matutuwa ako sa balitang iyon. 11 Gaano pa kaya ang aking gagawin sa mga taong pumatay sa walang malay na natutulog sa sariling tahanan! Hindi kaya dapat kayong lipulin sa daigdig na ito dahil sa ginawa ninyong iyan?” 12 Kaya't iniutos ni David na sila'y patayin at ganoon nga ang ginawa ng mga kawal. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid at ibinitin sa may lawa sa Hebron. Ang ulo naman ni Isboset ay dinala sa Hebron at isinama sa libingan ni Abner.
Naghari si David sa Israel at Juda(C)
5 Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. 2 Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.” 3 Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. 4 Tatlumpung(D) taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. 5 Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda.
6 Nang(E) siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.” 7 Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon.
8 Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, “Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon.” Doon nagmula ang kawikaang, “Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!”
9 Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. 10 Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
11 Si Haring Hiram ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Pagkatapos, nagpadala siya ng mga kahoy na sedar at mga karpintero at kanterong gagawa ng palasyo ni David. 12 Noon natiyak ni David na ang pagiging hari niya sa Israel ay pinagtibay na ni Yahweh at ginawang maunlad ang kanyang kaharian alang-alang sa bayang Israel.
13 Paglipat niya sa Jerusalem buhat sa Hebron, siya ay kumuha pa ng maraming asawa at asawang-lingkod. Nadagdagan pa ang kanyang mga anak. 14 Ito ang mga anak niya roon: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, 15 Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia, 16 Elisama, Eliada at Elifelet.
Nalupig ang mga Filisteo(F)
17 Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay kinilala nang hari ng Israel, tinipon nila ang kanilang hukbo upang siya'y digmain. Umabot ito sa kaalaman ni David, kaya't nagpunta siya sa isang kuta. 18 Dumating ang mga Filisteo at humanay sa kapatagan ng Refaim. 19 Sumangguni si David kay Yahweh, “Lalabanan ko ba ang mga Filisteo? Matatalo ko ba sila?” tanong ni David.
Sumagot si Yahweh, “Lumusob ka at magtatagumpay ka.”
20 Lumusob nga si David at tinalo niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim.[c] Sinabi niya, “Nilupig ni Yahweh ang aking mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Kaya, Baal-perazim ang itinawag sa lugar na iyon. 21 Naiwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan at ang mga iyo'y kinuha nina David.
22 Ngunit nagbalik ang mga Filisteo at humanay muli sa kapatagan ng Refaim. 23 Sumangguni na naman kay Yahweh si David at ito ang sagot: “Huwag mo silang lulusubin nang harapan. Lumigid ka sa kanilang likuran sa tapat ng mga puno ng balsam. 24 Pagkarinig mo ng mga yabag sa itaas ng mga kahuyan, lumusob ka agad, sapagkat ako ang nangunguna upang gapiin sila.” 25 Sinunod ni David ang iniutos ni Yahweh at tinalo nga nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang Gezer.
Kinuha ni David ang Kaban ng Tipan(G)
6 Pagkatapos nito, muling tinipon ni David ang mga piling kawal ng Israel; may tatlumpung libong kalalakihan lahat. 2 Pinangunahan(H) niya ang buong hukbo at nagpunta sila sa Baale-Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan na kumakatawan sa kaluwalhatian ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nakaluklok sa ibabaw ng mga kerubin. 3 Kinuha(I) nila ito sa bahay ni Abinadab doon sa burol at isinakay sa isang bagong kariton na inaalalayan ng dalawang anak nito na sina Uza at Ahio. 4 Si Ahio ay nauuna ng paglakad sa kaban. 5 Si David at ang buong bayan ng Israel ay buong galak na sumasayaw. Sila'y umaawit sa saliw ng mga lira, kudyapi, tamburin, kastaneta, at pompiyang.
6 Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, natalisod ang mga baka kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. 7 Nagalit si Yahweh at siya'y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di'y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan. 8 Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza.[d] 9 Dahil dito'y natakot si David kay Yahweh. Sinabi niya, “Paano ko iingatan ngayon ang Kaban ng Tipan?” 10 Hindi niya ito mapangahasang dalhin sa Lunsod ni David, kaya't doon na niya inihatid sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. 11 Tatlong(J) buwang nanatili roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at pinagpala ni Yahweh si Obed-edom at ang kanyang sambahayan.
12 May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem. 13 Hindi pa man nakakalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng Kaban ng Tipan, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang baka. 14 Isinuot ni David ang isang linong efod, at nagsasayaw siya sa harapan ni Yahweh. 15 Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta.
16 Nang sila'y papasok na ng lunsod, si David ay naglululundag at nagsasayaw. Nang siya'y madungawan ni Mical na anak ni Saul, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni David. 17 Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Tipan at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama'y muling nag-alay ng mga handog na susunugin sa harapan ni Yahweh. 18 Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ni Yahweh na Pinakamakapangyarihan sa Lahat. 19 Bago(K) nagsiuwi ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, sila'y pinakain ng tinapay, karne at pasas.
20 Pag-uwi ni David upang batiin ang kanyang pamilya, sinalubong siya ni Mical na may ganitong pagbati: “Dakilang araw ito sa hari ng Israel na parang baliw na nagsasayaw sa harapan ng mga aliping babae ng kanyang mga tauhan.”
21 Sumagot si David, “Ginawa ko iyon upang parangalan si Yahweh. Sapagkat sa halip na ang iyong ama at ang kanyang sambahayan, ako ang pinili ni Yahweh na mamuno sa Israel. At patuloy pa akong magsasayaw upang parangalan si Yahweh, 22 at gagawa pa nang mas masahol dito. Sa tingin mo'y hamak ako dahil sa aking ginawa, ngunit sa paningin ng mga babaing iyon ay marangal ang ginawa ko.”
23 Si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa siya'y mamatay.
Ang Kasunduan ng Diyos kay David(L)
7 Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang palasyo. Sa tulong ni Yahweh, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. 2 Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.”
3 Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.” 4 Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, 5 “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? 6 Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan. 7 Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ 8 Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. 9 Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. 10 Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una, 11 buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. 12 Pagkamatay(M) mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. 13 Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. 14 Ako'y(N) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak. 15 Ngunit ang paglingap ko sa kanya'y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. 16 Magiging(O) matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman.’” 17 Isinaysay nga ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh.
Ang Panalangin ni David(P)
18 Pagkatapos nito, pumasok sa tolda si Haring David, umupo at nanalangin. Sinabi niya, “Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh. 19 Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, O Panginoong Yahweh, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko para sa hinaharap. 20 Wala na akong masasabi sapagkat kilala ninyo ang inyong lingkod. 21 Ayon sa inyong pangako, niloob ninyong maging dakila ang inyong lingkod. 22 Napakadakila mo, O Panginoong Yahweh. Wala pa kaming nababalitaang Diyos na tulad ninyo. Ikaw lamang ang Diyos. 23 Walang(Q) bansang maitutulad sa Israel. Ito'y hinango ninyo sa pagkaalipin upang maging inyong bayan. Ito lamang ang bansang pinagpakitaan ninyo ng mga kakila-kilabot at dakilang bagay para sila'y matulungan. Itinaboy ninyo ang ibang mga bansa at inalis ang kanilang mga diyus-diyosan pagdating nila. 24 Yahweh, itinatag ninyo ang bansang Israel upang maging inyo magpakailanman at kayo po ang kanilang naging Diyos.
25 “At ngayon Panginoong Yahweh, gawin ninyo ang inyong pangako sa inyong alipin at sa kanyang sambahayan. 26 Pararangalan ang inyong pangalan ng lahat ng bansa at sasabihin nila, ‘Si Yahweh, ang Makapangyarihan, ay Diyos ng Israel!’ Sa gayon, magiging matatag sa harapan ninyo ang sambahayan ni David na inyong lingkod. 27 Yahweh, Makapangyarihang Diyos ng Israel, nagkaroon ako ng lakas ng loob na manalangin ng ganito sapagkat kayo na rin ang nagsabi sa inyong lingkod na paghahariin ninyo sa Israel ang aking angkan.
28 “Panginoong Yahweh, kayo'y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin. 29 Ngayo'y pagpalain ninyo ang sambahayan ng inyong lingkod upang ito'y magpatuloy. Panginoong Yahweh, ikaw rin ang nangako nito kaya manatili nawa sa aking angkan ang iyong pagpapala.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.