Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
1 Cronica 15-17

Inilipat sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan

15 Nagpagawa si David para sa kanyang sarili ng maraming bahay sa Jerusalem. Naghanda rin siya ng isang lugar para sa Kaban ng Tipan at nagpatayo ng isang tolda para rito. Sinabi(A) niya, “Walang maaaring bumuhat sa Kaban ng Tipan ng Diyos maliban sa mga Levita, sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang magdala ng kanyang kaban at maglingkod sa kanya habang panahon.” Pagkatapos, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga mula sa angkan ni Aaron at ang mga Levita: sa angkan ni Kohat, si Uriel at ang 120 kamag-anak na pinamumunuan niya; sa angkan ni Merari, si Asaias at ang pinamumunuan niyang 220 mga kamag-anak; sa angkan ni Gershon ay si Joel at ang 130 kasama niya; sa angkan ni Elizafan, si Semaias at ang 200 mga kamag-anak na kanyang pinamumunuan; sa angkan ni Hebron, si Eliel at ang walumpung kamag-anak niya; 10 at sa angkan ni Uziel, si Aminadab at ang pinamumunuan niyang 112 mga kamag-anak.

11 Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levitang sina Uriel, Asaias, Joel, Semaias, Eliel, at Aminadab. 12 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng angkan ng mga Levita. Linisin ninyo ang inyong sarili pati ang inyong mga kapatid at dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa lugar na inihanda ko para dito. 13 Dahil hindi namin kayo kasama nang unang buhatin ito, nagalit ang Diyos nating si Yahweh sapagkat hindi namin ginawa ang ayon sa ipinag-uutos niya.”

14 Kaya nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili upang dalhin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Pinasan(B) ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga kahoy na pambuhat, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.

16 Inutusan din ni David ang mga pinunong Levita na pumili ng mga kapwa nila Levita upang umawit at tumugtog ng lira, alpa at pompiyang. 17 Kaya kinuha nila si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berequias; sa angkan ni Merari, si Etan, anak ni Cusaias. 18 Sa pangalawang hanay ng mang-aawit at manunugtog ay pinili nila sina Zacarias, Jaazael, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaias, Maasias, Matitias, Elifelehu, Micneias at sina Obed-edom at Jeiel, mga bantay sa pinto. 19 Sina Heman, Asaf at Etan ang pinili nilang tumugtog ng pompiyang. 20 Sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias at Benaias ang tutugtog ng mga lirang mataas ang tono. 21 At sina Matitias, Elifelehu, Micneias, Obed-edom, Jeiel at Azazias naman ang sa mga lirang mababa ang tono. 22 Ang kukumpas sa pagtugtog ay si Quenanias, pinuno ng mga manunugtog na Levita, sapagkat siya ang sanay sa gawaing ito. 23-24 Sina Berequias at Elkana kasama sina Obed-edom at Jehias ay ang mga bantay sa pinto sa kinalalagyan ng kaban. Ang iihip naman ng mga trumpeta sa harap ng Kaban ng Tipan ay ang mga paring sina Sebanias, Joshafat, Nathanael, Amazias, Zacarias, Benaias at Eliezer.

Dinala sa Jerusalem ang Kaban ng Tipan(C)

25 Pagkatapos, si David, ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng libu-libong kawal ay masayang nagpunta sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. 26 Sa tulong ng Diyos, nadala ng mga Levita ang Kaban ng Tipan, kaya't sila'y naghandog ng pitong toro at pitong tupang lalaki. 27 Si David ay nakasuot ng kamisetang yari sa magandang telang lino, gayundin ang mga Levitang may dala sa Kaban, ang mga manunugtog at si Kenaniaz, ang pinuno ng mga manunugtog. Suot din ni David ang isang efod na lino. 28 Ang buong Israel ay kasama nang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sila'y nagsisigawan sa galak, hinihipan ang tambuli at trumpeta, at tinutugtog ang pompiyang, lira at alpa.

29 Habang ipinapasok sa Lunsod ni David ang Kaban ng Tipan, si Mical, anak na babae ni Saul ay dumungaw sa bintana. Nang makita niyang si David ay nagsasayaw sa tuwa, siya'y labis na nainis.

Ang Kaban sa Loob ng Tolda

16 Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas.

Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh.

Ang Awit ng Papuri(D)

Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan;
    ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam.
Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan,
    ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan.
10 Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan,
    ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang.
11 Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin,
    sa tuwina'y parangalan siya at sambahin.
12 Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa,
    ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga.
13 Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod,
    ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob.
14 Si Yahweh ang ating Diyos,
    nasa buong mundo ang kanyang mga utos.
15 Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin,
    kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin.
16 Ang(E) ginawa niyang tipan kay Abraham,
    pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan.
17 Kay(F) Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan,
    walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman:
18 “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan.
    Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.”

19 Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga,
    nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira.
20 Sa maraming bansa sila'y natatagpuan,
    nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian.
21 Di(G) hinayaan ng Diyos sila'y alipinin,
    mga hari'y binalaang huwag silang aapihin.
22 Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang,
    ang mga propeta ko ay iyong igalang.”

23 Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan,
    ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan.
24 Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian.
    Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan.

25 Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan,
    siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan.
26 Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang,
    ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan.
27 Kanya ang kaluwalhatian at karangalan,
    lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan.

28 Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa,
    dapat siyang kilalanin na marangal at dakila.
29 Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan,
    bawat isa'y lumapit at siya ay handugan.
Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan,
30     sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa.
Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa.
31 Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa.
    “Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita.
32 Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon,
    ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh.
33 Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan
    sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan.

34 Purihin(H) si Yahweh, sa kanyang kabutihan;
    pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
35 Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
    tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban;
    upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan
    at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.”
36 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
purihin siya ngayon at magpakailanman!

Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh.

Ang Pananambahan sa Jerusalem at Gibeon

37 Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan. 38 Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto. 39 Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon. 40 Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar. 41 Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman. 42 Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan.

43 Pagkatapos,(I) nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya.

Ang Mensahe ni Natan kay David(J)

17 Nang si Haring David ay nakatira na sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Propeta Natan, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Tipan ni Yahweh.”

Sinabi ni Natan, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.”

Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mong hindi siya ang magtatayo ng Templo para sa akin. Sapagkat mula nang ilabas ko ang Israel mula sa Egipto hanggang sa araw na ito ay hindi pa ako nanirahan sa isang templo. Ang tahanan ko'y toldang palipat-lipat. Gayunman, kahit saan ako magpunta kasama ang bayang Israel, wala isa man sa mga hukom na inilagay kong tagapanguna ang sinumbatan ko o pinaghanapan man lang kung bakit hindi ako ipinagpatayo ng templong yari sa sedar. Sabihin mo kay David na aking lingkod na ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng mga tupa upang pamunuan ang aking bayang Israel. Sinamahan kita saan ka man pumaroon, at sa harapan mo'y pinuksa ko ang iyong mga kaaway. Ang pangalan mo'y mapapabilang sa mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng sariling lupain at hindi na sila pahihirapan ni gagambalain man ng masasamang tao, 10 gaya ng nangyari sa kanila nang unang maglagay ako ng mga hukom sa aking bayang Israel. Papasukuin kong lahat ang iyong mga kaaway at patatatagin ko ang iyong angkan. 11 Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at patatatagin ko ang kanyang kaharian. 12 Siya ang magtatayo ng aking templo at magiging walang katapusan ang kanyang paghahari. 13 Ako'y(K) kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Hindi magbabago ang aking pag-ibig sa kanya, di tulad ng ginawa ko sa sinundan mo. 14 Siya ang pamamahalain ko sa aking bayan at kaharian habang panahon. Mananatili magpakailanman ang kanyang trono.’”

15 Sinabi ni Natan kay David ang lahat nang narinig at nakita niya sa pangitain.

Ang Panalangin ni David(L)

16 Dumulog si Haring David kay Yahweh sa Toldang Tipanan at sinabi, “ Panginoong Yahweh, ako at ang aking sambahayan ay di karapat-dapat sa mga kabutihang ginawa mo na sa amin. 17 Ang kabutihang ito'y patuloy mo pang dinaragdagan. At ngayon ay may pangako ka pa sa aking susunod na salinlahi. Panginoong Yahweh, itinuturing mo pa ako ngayon na isa sa mga dakilang tao. 18 Sa ganitong pagpaparangal mo sa akin, ano pa ang masasabi ko? Higit mo akong kilala bilang iyong lingkod! 19 Alang-alang sa akin na iyong lingkod, at ayon sa iyong kalooban, ipinahayag mo ang mga dakilang bagay na ito. 20 Wala kang katulad, O Yahweh. Wala kaming kilalang Diyos na tulad mo. 21 Mayroon bang bansa sa daigdig na maitutulad sa Israel? Tinubos mo siya sa pagkaalipin upang maging bayan mo. Nakilala ng marami ang iyong pangalan dahil sa ginawa mong mga kababalaghan. Pinalayas mo ang mga bansang dinatnan ng bayan mong ito na inilabas mo sa Egipto. 22 Yahweh, tinanggap mo ang bayang Israel upang maging iyo magpakailanman, at kinilala ka namang Diyos nila.

23 “Kaya pagtibayin mo ang iyong sinabi tungkol sa iyong lingkod, at patatagin magpakailanman ang kanyang angkan. 24 Kung magkagayon, kikilalanin ang iyong pangalan at dadakilain ng mga tao. At sasabihin nila, ‘Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.’ Patatatagin mo ang paghahari ng angkan ng iyong lingkod na si David. 25 Ikaw na rin ang naghayag sa akin ng iyong pangakong patatatagin ang aking sambahayan kaya malakas ang loob kong hilingin ito sa iyo. 26 Ikaw, Yahweh, ay Diyos, at ang mga dakilang pangakong ito'y ginawa mo para sa iyong lingkod. 27 Kaya basbasan mo nawa ang angkan ng iyong lingkod upang magpatuloy ito sa iyong harapan magpakailanman, sapagkat ang pinagpapala mo ay pinagpapala magpakailanman.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.