Beginning
Sinuway ni Reyna Vasti si Haring Xerxes
1 Nang(A) panahon ni Haring Xerxes ng Persia, ang sakop niya'y mula sa India hanggang Etiopia.[a] Binubuo ito ng 127 lalawigan. 2 Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa na siyang kapitolyo ng Persia.
3 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya ay naghanda ng isang piging para sa kanyang mga pinuno, mga katulong sa palasyo, mga punong-kawal ng Persia at Media, pati mga maharlika at mga gobernador ng mga lalawigan. 4 Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay. Ang piging ay tumagal nang 180 araw.
5 Pagkaraan nito, naghanda naman siya ng piging para sa lahat ng taga-Susa, dakila o hamak man. Ito'y ginanap sa patyo sa may hardin ng palasyo, at tumagal nang pitong araw. 6 Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at murado, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Yari sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay mosaik na yari sa porfido, alabastro, nakar, at mamahaling bato. 7 Ang mga alak ay inihain sa mga kopitang ginto na iba't iba ang hugis. Napakaraming mamahaling alak ang inilabas; alak na angkop lamang sa isang hari. 8 Walang humpay ang pagpapamahagi ng inumin; ipinag-utos ng hari sa mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa.[b] Walang pilitan sapagkat ipinag-utos ng hari sa kanyang mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa. 9 Samantala, si Reyna Vasti ay nagdaos din ng piging sa palasyo para naman sa kababaihan.
10 Nang ikapitong araw na ng pagdiriwang, medyo lango na ang hari. Ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas, ang pitong eunukong nag-aasikaso sa kanya. 11 Ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang korona nito upang ipagmayabang sa lahat ng naroon ang kagandahan nito, sapagkat ito nama'y talagang maganda. 12 Ngunit hindi pinansin ng reyna ang mga sugo ng hari. Dahil dito, lubhang nagalit ang hari.
13 Tuwing may pangyayaring tulad nito, ipinapatawag ng hari ang mga pantas tungkol sa kapanahunan, mga dalubhasa sa batas at paghatol 14 upang sangguniin. Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari, at mga pangunahin sa buong kaharian. 15 Itinanong ng hari, “Ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa utos ko sa pamamagitan ng mga sugo?”
16 Sumagot si Memucan, “Si Reyna Vasti ay nagkasala, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ninyo, Haring Xerxes. 17 Ang pangyayaring ito'y tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian. Kung magkagayon, magkakaroon sila ng katuwirang sumuway sa kanilang asawa. Idadahilan nilang sinuway ni Reyna Vasti ang hari. 18 Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, tiyak na lalaganap ang kawalan ng respeto sa mga asawang lalaki, at ito'y hahantong sa maraming kalupitan. 19 Kaya, kung inyong mamarapatin, magpalabas kayo ng isang utos na maisasama sa mga kautusan ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuting reyna. 20 Kapag ito'y naipahayag na sa buong kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kanilang mga asawa, maging hamak o dakila man.”
21 Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan, at ito nga ang ginawa ng hari. 22 Pinadalhan niya ng sulat ang mga lalawigang sakop niya. Ang liham ay nakasulat ayon sa wika ng bawat lalawigan. Ipinapahayag sa liham na ito na dapat ang asawang lalaki ang siyang pinuno ng kanyang sambahayan.
Naging Reyna si Ester
2 Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Subalit patuloy pa rin nitong naaalaala si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. 2 Kaya't iminungkahi ng kanyang mga lingkod, “Bakit di kayo magpahanap ng magaganda at kabataang dalaga, Kamahalan? 3 Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. 4 Ang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang mungkahing ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa.
5 Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya'y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya'y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. 6 Isa(B) siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. 7 Si Mordecai ay may isang napakaganda at kabigha-bighaning pinsang dalaga na ulilang lubos at siya na ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester (Hadasa naman sa Hebreo). Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak. 8 Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. 9 Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae.
10 Gayunpaman, hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai. 11 Araw-araw naman, nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.
12 Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari. 13 Bago humarap sa hari, ibinibigay sa kanila ang lahat ng maibigan nilang dalhin sa pagharap sa hari. 14 Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa isa pang harem nito na pinapamahalaan naman ng eunukong si Saasgaz. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakababalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito, lalo na kung hindi nasiyahan sa kanya ang hari.
15 Dumating ang araw na haharap na sa hari si Ester. (Si Ester ay anak ni Abihail na tiyuhin naman ni Mordecai.) Wala siyang hiniling maliban sa sinabi sa kanya ni Hegai. Nabighani ang lahat ng nakakita sa kanya. 16 Noon ay ang ikasampung buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Xerxes. 17 Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito at ginawang reyna kapalit ni Vasti. 18 Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang parangalan si Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, nagpahayag pa siya ng pista opisyal[c] sa buong kaharian at namahagi ng maraming regalo.
Iniligtas ni Mordecai ang Hari
19 Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan. 20 Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, tulad ng bilin ni Mordecai (sinusunod niya ang mga utos ni Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata). 21 Isang araw habang nasa bulwagan ng palasyo si Mordecai, narinig niyang nag-uusap ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Bigtan at Teres. Galit sila kay Haring Xerxes at balak nilang patayin ito. 22 Nang marinig ito ni Mordecai, gumawa siya ng paraang makausap si Reyna Ester at sinabi rito ang kanyang narinig. Sinabi naman ito ni Ester sa hari, pati ang tungkol kay Mordecai. 23 Pinaimbestigahan ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabitay sina Bigtan at Teres. Ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian.
Binalak ni Haman na Lipulin ang mga Judio
3 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro. 2 Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod at lumuluhod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod at lumuluhod. 3 Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” 4 Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman para malaman kung pagbibigyan siya ni Haman, sapagkat sinasabi ni Mordecai na siya'y isang Judio. 5 Nang mapatunayan ni Haman na hindi nga yumuyukod at lumuluhod si Mordecai, sumiklab ang galit nito. 6 Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes.
7 Nang unang buwan ng ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, ginawa sa harapan ni Haman ang palabunutang tinatawag na Pur upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumama ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan na kung tawagi'y Adar.
8 Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat pong panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po kung pababayaan ninyo silang ganito. 9 Kung inyong mamarapatin, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong yaon. Magbibigay po ako ng 350,000 kilong pilak sa mga pinuno at ito'y ilalagak sa kabang-yaman ng hari.”
10 Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata, ang Agagitang kaaway ng mga Judio. 11 At sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na ang bahala sa salapi at gawin mo ang gusto mong gawin sa mga taong iyon.”
12 Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang mga kalihim ng hari. Pinagawa niya sila ng liham para sa mga gobernador ng lahat ng lalawigan at sa mga pinuno ng bayan, sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. Ang liham ay ginawa sa pangalan ni Haring Xerxes at tinatakan ng singsing nito. 13 Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian, na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio, maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. 14 Bawat lalawiga'y padadalhan ng sipi ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit. 15 At ipinahayag nga sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia, ang utos ng hari. Ang mga lalawigan naman ay kaagad pinadalhan ng mga sipi nito. Kaya't samantalang masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, ang lunsod naman ng Susa ay gulung-gulo.
Pinakiusapan ni Mordecai si Ester na Mamagitan
4 Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na tumatangis. 2 Naupo siya sa labas ng pintuan ng palasyo sapagkat hindi pinapayagang pumasok doon ang sinumang nakasuot ng damit panluksa. 3 Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis nang buong kapaitan, nag-ayuno at nagluksa. Karamihan sa kanila'y nagsuot ng damit panluksa at naglagay ng abo sa ulo.
4 Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon. 5 Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac, isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon. 6 Pinuntahan nga ni Hatac si Mordecai sa labas ng palasyo. 7 Sinabi naman nito sa kanya ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa kabang-yaman ng hari mapatay lamang ang mga Judio. 8 Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng sulat ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari.
9 Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai. 10 Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi: 11 “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinapatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester, 13 ganito naman ang ipinasabi niya: “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio. 14 Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!”
15 Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai, 16 “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.” 17 Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester.
Ang Piging para sa Hari at kay Haman
5 Lumipas ang tatlong araw mula nang mag-usap sina Ester at Mordecai. Isinuot ni Ester ang kanyang kasuotan bilang reyna at tumayo sa bulwagan ng palasyo, sa tapat ng tirahan ng hari. Nakaupo noon sa trono ang hari, paharap sa pintuan ng palasyo. 2 Nalugod siya nang makita si Ester at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Lumapit naman si Ester at hinipo ang dulo ng setro. 3 Itinanong ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
4 Sumagot si Ester, “Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo po kayo ni Haman ngayon sa piging na inihanda ko para sa inyo.”
5 Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa piging na inihanda ni Ester. 6 Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.”
7 Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: 8 Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa piging na ihahanda ko para sa inyo bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.”
Nagpagawa si Haman ng Pagbibitayan
9 Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas ng palasyo si Haman. Ngunit sumiklab na naman ang kanyang galit nang mapatapat siya kay Mordecai na nasa may pintuang papasok sa palasyo. Ni hindi man lamang ito tumayo o nagbigay-galang sa kanya. 10 Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. 11 Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkalagay sa kanya bilang pinakamataas sa mga pinuno at kagawad sa palasyo. 12 Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng handaan. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. 13 Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita kong nakaupo sa pasukan ng palasyo ang Judiong si Mordecai.”
14 Sinabi sa kanya ng asawa niyang si Zeres at ng kanyang mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang taas sa may pintuan ng palasyo at bukas ng umaga hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Sa gayon, masaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa siya ng bitayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.