Beginning
Mga Tagubilin ni David tungkol sa Templo
28 Tinipon ni David sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng Israel, lahat ng pinuno ng mga lipi, lahat ng namamahala ng mga pangkat na naglilingkod sa hari, ang mga pinuno ng mga libu-libo at mga pinuno ng mga daan-daan. Tinawag din niya ang mga katiwala ng mga ari-arian, at ng mga kawan ng hari, at ng mga anak niya, lahat ng mga may tungkulin sa palasyo, lahat ng matatapang na lalaki, at lahat ng mahuhusay na mandirigma.
2 Nang(A) naroon na ang lahat, tumayo siya at nagsalita, “Mga kapatid at mga kababayan, matagal ko nang minimithi na magtayo ng isang permanenteng tahanan para sa Kaban ng Tipan na siyang tuntungan ng Diyos nating si Yahweh. Inihanda ko na ang lahat ng kailangan upang maitayo ito. 3 Ngunit sinabi sa akin ng Diyos na hindi ako ang magtatayo ng Templo para sa kanya sapagkat ako'y isang mandirigma at may bahid ng maraming dugo ang aking kamay. 4 Subalit sa sambahayan ng aking ama, ako ang pinili ni Yahweh, ang Diyos ng Israel upang maghari sa bansang ito magpakailanman. Ang pinili niyang mangunguna ay si Juda, at nagmula sa lipi nito ang pamilya ng aking ama. Sa amin namang pamilya, ako ang kanyang itinalaga para maging hari ng buong Israel. 5 Binigyan ako ni Yahweh ng maraming anak at mula sa kanila, si Solomon ang pinili niya upang umupo sa trono ng Israel, ang kaharian ni Yahweh. 6 Ang sabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magtatayo ng aking Templo, sapagkat siya ang pinili kong maging anak, at ako naman ang magiging ama niya. 7 Patatatagin ko ang kanyang kaharian magpakailanman kung patuloy niyang susundin ang aking mga utos at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon.’ 8 Kaya nga, sa harapan ng buong Israel na bayan ni Yahweh, at ng Diyos na ngayo'y nakikinig, inaatasan ko kayo na sundin ninyong mabuti ang kautusan ng Diyos ninyong si Yahweh upang manatiling sa inyo ang masaganang lupaing ito at maipapamana naman ninyo sa inyong mga salinlahi magpakailanman.
9 “At ikaw naman, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang buong puso at pag-iisip, sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang ating damdamin at nauunawaan ang ating binabalak at iniisip. Kung lalapit ka sa kanya, tatanggapin ka niya. Ngunit kung tatalikuran mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman. 10 Alalahanin mong ikaw ang pinili ni Yahweh upang magtayo ng kanyang banal na Templo. Magpakatatag ka at gawin mo ito nang may paninindigan.”
Ibinigay kay Solomon ang Plano ng Templo
11 Ibinigay ni David kay Solomon ang mga plano ng mga gusali ng Templo, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga silid sa loob at ng silid para sa banal na trono ng awa. 12 Ibinigay din niya ang plano para sa mga bulwagan at mga silid sa palibot nito at ang kabang-yaman ng Templo ng Diyos at ang bodega para sa mga kaloob na ukol kay Yahweh. 13 Ibinigay din niya ang plano para sa organisasyon ng mga pari at Levita at ang paghahati-hati sa mga gawaing may kinalaman sa paglilingkod sa Templo, at sa mga kagamitan dito. 14 Itinakda niya ang timbang ng ginto o pilak na gagawing mga sisidlan, 15 mga ilawan at patungan ng mga ito. 16 Gayundin ang timbang ng ginto na ibabalot sa bawat mesa na pagpapatungan ng tinapay na handog, at ang pilak na gagamitin sa bawat mesang pilak. 17 Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto na gagawing mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, at mga gintong mangkok, gayundin ang pilak at gintong gagamitin sa mga mangkok. 18 Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto para sa altar na sunugan ng insenso, pati ang plano at gintong gagamitin sa karwahe ng mga kerubin na ang mga pakpak ay tumatakip sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. 19 Sinabi ni David, “Ang lahat ng ito ay nasa plano na ginawa ayon sa utos ni Yahweh at siyang kailangang isagawa.”
20 Pagkatapos, sinabi ni David sa kanyang anak na si Solomon, “Magpakatatag ka, lakasan mo ang iyong loob at gawin mo ito. Huwag kang matatakot ni panghinaan ng loob sapagkat ang Panginoong Yahweh, na aking Diyos ay kasama mo. Hindi ka niya bibiguin. Hindi ka niya pababayaan hangga't hindi mo natatapos ang lahat ng bagay na kailangan sa paglilingkod sa kanyang Templo. 21 Narito ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita na handa para sa lahat ng gawain sa Templo ng Diyos. Narito rin ang mga ekspertong manggagawa, ang buong bayan at ang kanilang mga pinuno na handang tumulong at sumunod sa iyo sa anumang oras.”
Ang mga Kaloob para sa Templo
29 Ipinahayag(B) ni Haring David sa buong kapulungan, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Diyos upang humalili sa akin ay bata pa at walang sapat na karanasan. Napakalaki ng gawaing kakaharapin niya, sapagkat ang gagawin niya ay hindi isang palasyo para sa tao kundi Templo para sa Panginoong Yahweh. 2 Dahil dito, sinikap kong magtipon ng mga gagamitin para sa Templo ng aking Diyos tulad ng ginto, pilak, tanso, bakal at kahoy. Napakarami ng inihanda kong batong onise at iba pang mahahalagang batong pampalamuti, at lahat ng uri ng mahahalagang bato at marmol. 3 Hindi lang iyan, pati na ang sarili kong pilak at ginto ay inilaan ko na rin sa gawaing ito, sapagkat kasiyahan kong magkaroon ng Templo ang aking Diyos. 4 May nakalaan akong 105,000 kilong ginto na mula pa sa Ofir, at 245,000 kilong purong pilak na ididikit sa mga dingding ng Templo, 5 at sa iba pang bagay na gagawin ng mga mahuhusay na platero. Sino sa inyo ngayon ang kusang-loob na magbibigay para kay Yahweh?”
6 Sumang-ayon agad ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinuno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga hukbo at ang mga katiwala ng hari. 7 Kusang-loob silang nagbigay, at ang natipon para sa gagawing templo ay 175,000 kilong ginto, 350,000 kilong pilak, 630,000 kilong tanso, at 3,500,000 kilong bakal. 8 Ipinagkaloob nila ang kanilang mahahalagang bato sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh na nasa pamamahala ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. 9 Masayang-masaya ang mga tao sa kanilang mga kusang-loob na panghandog kay Yahweh, at labis din itong ikinatuwa ni Haring David.
Pinuri ni David si Yahweh
10 Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, “Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama. 11 Sa(C) inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat. 13 Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos, at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan.
14 “Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob sapagkat ang lahat ng ito ay galing sa inyo at ibinabalik lamang namin. 15 Tulad ng aming mga ninuno, kami nga'y mga dayuhan at naglalakbay lamang. Ang buhay namin sa daigdig na ito ay parang anino at pansamantala lamang. 16 O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na aming ibinigay para ipagpagawa ng inyong tahanan ay sa inyo rin nagmula. 17 Alam kong sinasaliksik ninyo ang puso ng bawat tao, at natutuwa kayo sa mga matuwid. O Diyos, buong puso kong ipinagkakaloob sa inyo ang lahat ng ito. Nasaksihan ko rin ang buong puso at may kagalakang pagkakaloob ng inyong bayan na narito ngayon. 18 Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob na aming mga ninuno, panatilihin ninyo sa isipan ng inyong bayan ang mga layuning ito, at akayin ninyo silang palapit sa inyo. 19 Tulungan ninyo ang anak kong si Solomon na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos at tuntunin upang maitayo niya ang Templong aking pinaghandaan.”
20 At sinabi ni David sa sambayanan, “Purihin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh!” Pinuri nga ng buong kapulungan si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Yumuko ang lahat, sumamba kay Yahweh, at nagbigay-galang sa hari. 21 Kinabukasan, ang dinala nilang handog na susunugin ay 1,000 toro, 1,000 tupang lalaki, 1,000 kordero at mga alak na handog, at napakaraming handog para sa buong Israel. 22 Masasaya silang nagsalu-salo sa harapan ni Yahweh noong araw na iyon.
Minsan pa nilang ipinahayag na si Solomon na anak ni David ay hari, at binuhusan ito ng langis sa pangalan ni Yahweh. Si Zadok naman ay hinirang bilang pari. 23 Mula(D) noon, umupo si Solomon sa tronong itinatag ni Yahweh bilang kahalili ng kanyang amang si David. Naging matagumpay siya at sumunod sa kanya ang buong Israel. 24 Nanumpa ng katapatan kay Haring Solomon ang mga pinuno at mandirigma, pati na ang iba pang anak ni Haring David. 25 Binigyan ni Yahweh si Solomon ng dakilang karangalan at katanyagang higit sa mga naging hari sa Israel.
Ang Buod ng Paghahari ni David
26 Si David na anak ni Jesse ay naghari sa buong Israel. 27 Apatnapung(E) taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem. 28 Nabuhay siya nang matagal, at namatay na mayaman at marangal. Si Solomon ang humalili sa kanya bilang hari. 29 Ang lahat ng pangyayari sa buong panahon ng paghahari ni David ay nakasulat sa mga aklat ng mga propetang sina Samuel, Natan at Gad. 30 Sa mga aklat na iyon nakasulat kung paano siya namahala, gaano kalawak ang kanyang kapangyarihan at ang mga nangyari sa kanya sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa paligid.
Binigyan ng Karunungan si Solomon(A)
1 Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sapagkat pinagpapala siya ng Diyos niyang si Yahweh at pinalakas ang kanyang kapangyarihan. 2 Ipinatawag niya ang mga pinunong namamahala sa libu-libo at sa daan-daan, ang lahat ng may kapangyarihan at ang buong bayan. 3 Isinama niya ang mga ito sa burol ng Gibeon, sa Toldang Tipanan, na ginawa ni Moises noong sila'y nasa ilang. 4 Ngunit(B) wala roon ang Kaban ng Tipan sapagkat ito'y kinuha ni David sa Lunsod ng Jearim at dinala sa Jerusalem, sa toldang itinayo niya roon. 5 Ang(C) nasa Gibeon, sa harap ng tabernakulo ni Yahweh, ay ang altar na tanso na ginawa ni Bezalel, anak ni Uri at apo ni Hur. 6 Pagdating sa Gibeon, nag-alay si Solomon ng sanlibong handog na susunugin sa altar na tanso na nasa loob ng Toldang Tipanan.
7 Kinagabihan, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya: “Sabihin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko sa iyo.”
8 Sumagot si Solomon: “Napakabuti ninyo sa aking amang si David. At ngayo'y ginawa ninyo akong hari kahalili niya. 9 Panginoong(D) Yahweh, natupad sa akin ang pangako ninyo sa kanya. Ginawa ninyo akong hari ng isang lahing sindami ng alabok sa lupa. 10 Kaya ngayon, ang hiling ko'y bigyan ninyo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang bayang ito. Kung hindi, paano ko pamamahalaan ang malaking bayang ito?”
11 “Mabuti ang hiniling mo,” sagot ng Diyos kay Solomon. “Hindi ka naghangad ng kayamanan o karangalan. Hindi mo hinihiling ang kamatayan ng iyong mga kaaway o pahabain ang iyong buhay. Sa halip, ang hiningi mo'y karunungan at kaalaman sa pamamalakad sa bayang ito na niloob kong pagharian mo. 12 Ipinagkakaloob ko sa iyo ang hinihingi mo. At hindi lamang iyan! Bibigyan pa kita ng kayamanan at karangalan na kailanma'y hindi nakamtan ng mga haring nauna sa iyo, at hindi kakamtan ng mga susunod pa.” 13 Pagkatapos sumamba sa Gibea, bumalik si Solomon sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.
Ang Kayamanan at Kapangyarihan ni Solomon(E)
14 Nagtatag(F) si Solomon ng isang hukbong binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 15 Sa panahon ng paghahari ni Haring Solomon, ang ginto at pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa paanan ng mga burol. 16 Ang(G) mga kabayo niya'y galing pa sa Egipto at sa Cilicia, na binibili ng kanyang mga tagapamili. 17 Bumibili rin siya ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak ang isa, at sa 150 pirasong pilak naman ang isang kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili naman niya sa mga hari ng mga Heteo at mga Arameo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.