Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 2-5

Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(A)

Nagpasya si Solomon na magtayo ng templo na kung saan ay sasambahin si Yahweh, at ng palasyo para sa kanyang sarili. Naglagay si Solomon ng 80,000 katao na tagatibag ng bato sa kabundukan, 70,000 tagahakot, at 3,600 tagapamahala. Pagkatapos ay sumulat siya kay Haring Hiram ng Tiro na ganito ang sinasabi: “Kung paano ninyo pinakitunguhan ang aking amang si David at pinadalhan ninyo ng mga kahoy na sedar na ginamit niya sa pagtatayo ng kanyang palasyo, gayundin po sana ang gawin ninyo sa akin. Ngayon po'y magtatayo ako ng isang templo na kung saan ay sasambahin ang aking Diyos na si Yahweh. Magiging banal na lugar iyon para sa kanya bilang dakong sunugan ng insenso at pag-aalayan ng tinapay at handog na susunugin sa umaga, sa hapon, sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa mga takdang kapistahan ni Yahweh na aming Diyos, sapagkat ito'y utos sa Israel magpakailanman. Malaki ang templong ipatatayo ko sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa alinmang diyos. Ngunit(B) sino nga ba ang makakapagtayo ng isang templong maaaring tirahan niya gayong maging sa kataas-taasang langit ay hindi siya magkasya. At sino naman ako upang ipagtayo siya ng templo? Ang ipatatayo ko'y isa lamang templong mapagsusunugan ng mga handog sa harap niya. Kaya kung maaari, padalhan ninyo ako ng isang taong mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso at bakal, sanay humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul, at mahusay din naman sa pag-ukit. Siya ang mamamahala sa aking mga manggagawa rito sa Juda at sa Jerusalem, sa mga tauhang inihanda ng aking amang si David. Padalhan din ninyo ako ng mga kahoy na sedar, sipres at algum na galing sa Lebanon. Alam kong bihasa ang mga tauhan ninyo sa pagputol ng kahoy sa Lebanon. Magpapadala ako ng aking mga tauhan upang tumulong. Maraming kahoy ang kailangan kong ihanda sapagkat malaki at kahanga-hanga ang templong aking ipatatayo. 10 Ako ang bahala sa pagkain ng inyong mga tauhang magpuputol ng kahoy. Bibigyan ko sila ng 20,000 malalaking sisidlan[a] na puno ng trigo, 20,000 malalaking sisidlan na puno ng sebada, 2,000 malalaking sisidlan na puno ng alak at 2,000 malalaking sisidlan na puno ng langis.”

11 Ganito naman ang sagot ni Haring Hiram: “Dahil sa pag-ibig ni Yahweh sa kanyang bayan, kayo ang ginawa niyang hari. 12 Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel na lumikha ng langit at lupa. Binigyan niya si Haring David ng isang anak na matalino, may karunungan at kaalaman na siyang magtatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. 13 At ngayon, papupuntahin ko sa inyo si Huram, isang taong matalino at mahusay sa lahat ng trabaho. 14 Ang ina niya'y mula sa lipi ni Dan; taga-Tiro naman ang kanyang ama. Isa siyang mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy. Sanay siyang gumawa ng mga kagamitang bato o kahoy man. Bihasa siyang humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul at ng linong mamahalin. Magaling din siyang umukit ng anumang uri ng disenyong ipapagawa sa kanya. Kaya niyang gawin ang anumang iutos ninyo sa kanya, kasama ng mga manggagawa ninyo at ng inyong mahal na amang si David. 15 Kaya ipadala na ninyo rito ang trigo, sebada, langis at alak na inyong ipinangako, 16 at magpapaputol na kami ng lahat ng kahoy na kailangan ninyo. Mula sa Lebanon ay palulutangin namin sa dagat ang mga kahoy hanggang Joppa. Buhat naman doon ay kayo na ang magpahakot patungo diyan sa Jerusalem.”

17 Ipinakuha ni Solomon ang bilang ng lahat ng dayuhan sa Israel, tulad ng ginawa ni David. At ang nabilang nila ay 153,600 dayuhan. 18 Inatasan niya ang 70,000 sa paghahakot, at ang 80,000 sa pagtitibag ng bato sa bundok. Ang 3,600 naman ay ginawa niyang tagapamahala ng mga manggagawa.

Ang Templo sa Jerusalem(C)

Ang(D) Templo ni Yahweh sa Jerusalem ay sinimulang itayo ni Solomon sa Bundok ng Moria, sa giikan ng Jebuseong si Ornan. Inihanda ni David ang pook na iyon matapos magpakita sa kanya si Yahweh. Sinimulan niya ang pagtatayo noong ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari.

Ito ang sukat ng Templo sa Jerusalem: dalawampu't pitong metro ang haba at siyam na metro ang luwang ayon sa matandang sukatan. Ang haba ng portiko sa dakong harap ng Templo ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo at limampu't apat na metro naman ang taas. Binalutan niya ng lantay na ginto ang loob nito.

Ang bulwagan ay pinatakpan ni Solomon ng mga tablang sipres. Pagkatapos, pinabalutan niya ito ng purong ginto at pinalagyan ng disenyo ng mga punong palma at kadena. Pinalamutian pa niya ito ng magagandang batong hiyas at gintong galing sa Parvaim. Binalutan niya ng ginto ang mga biga at hamba ng mga pinto at ang mga dingding ng Templo. Pinaukitan pa niya ang mga dingding ng mga larawan ng kerubin.

Ang(E) haba naman ng Dakong Kabanal-banalan ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo—at siyam na metro ang luwang. Binalot din niya ito ng lantay na ginto na umabot sa 21,000 kilo, at dalawampung onsa naman ang ginto na ginamit sa paggawa ng mga pako. Binalot din ng ginto ang mga dingding ng mga silid sa itaas.

10 Nagpagawa(F) siya ng dalawang rebultong kerubin na yari sa kahoy sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Binalot din ito ng ginto. 11 Siyam na metro ang kabuuang haba ng mga pakpak ng dalawang kerubin, dalawa't kalahating metro ang bawat isang pakpak. Ang dulo ng isang pakpak ng unang kerubin ay abot sa dingding at ang dulo naman ng kabilang pakpak ay abot sa dulo ng pakpak ng ikalawang kerubin. 12 Gayundin naman, ang dulo ng isang pakpak ng pangalawang kerubin na dalawa't kalahating metro ang haba ay abot sa kabilang dingding at ang dulo ng kabilang pakpak ay abot naman sa dulo ng pakpak ng unang kerubin. 13 Kaya't ang nasasakop ng kanilang mga pakpak ay siyam na metro. Nakatayo ang mga rebultong kerubin at parehong nakaharap sa bulwagan ng Templo.

14 Ang(G) ginamit na tabing ay mga telang hinabi sa lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula, at mamahaling lino. Pinaburdahan pa ito ng mga larawan ng kerubin.

Ang Dalawang Haliging Tanso(H)

15 Sa harap ng Templo, nagtayo siya ng dalawang haligi na labing-anim na metro ang taas at ang taas naman ng pinagkakabitan nito sa itaas ay dalawa't kalahating metro. 16 Nagpagawa siya ng mga kadena at isinabit iyon na parang kuwintas sa ibabaw ng mga haligi, at ikinabit sa mga kadena ang sandaang bunga ng granadang yari sa tanso. 17 Itinayo niya sa magkabilang tagiliran ng pasukan ng Templo. Ang nasa kanan ay tinawag na Jaquin at ang nasa kaliwa ay tinawag na Boaz.

Mga Kasangkapan sa Bulwagan ng Templo(I)

Gumawa(J) siya ng isang altar na tanso na siyam na metro ang haba, siyam na metro din ang luwang, at apat at kalahating metro ang taas. Gumawa rin siya ng malaking ipunan ng tubig na yari sa tanso. Ito'y isang malaking kawa, apat at kalahating metro ang luwang ng labi, dalawa't kalahating metro naman ang lalim at labingtatlo't kalahating metro ang sukat pabilog. Sa gilid nito'y may palamuting hugis toro na nakapaikot, sampu sa bawat apat at kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na hinulma kasama ng kawa. Ang patungan ng lalagyang ito ay labindalawang torong magkakatalikod: tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, tatlo sa kanluran at tatlo sa silangan. Tatlong pulgada ang kapal ng kawa at ang labi nito'y hugis kopa, parang bulaklak na liryo. Maaaring maglaman ito ng tatlong libong baldeng tubig. Nagpagawa(K) rin siya ng sampung palangganang hugasan, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Doon nililinis ang mga handog na susunugin at sa malaking kawa naman naghuhugas ang mga pari.

Gumawa(L) rin siya ng sampung ilawang ginto, katulad ng ipinagawa ni Yahweh kay Moises. Ipinalagay naman niya ang mga ilawang ito sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Pagkatapos,(M) nagpagawa siya ng sampung hapag at ipinalagay rin sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa gawing kaliwa. Nagpagawa rin siya ng sandaang mangkok na ginto.

Gumawa rin siya ng bulwagan ng mga pari, at ng bulwagang malaki, pati ng mga pinto nito. Ang mga pintong ito ay binalot niya ng tanso. 10 Inilagay niya ang malaking kawa sa gawing kanan sa dakong timog-silangang sulok ng Templo. 11 Gumawa rin si Huram ng mga lalagyan ng abo, mga pala at mga kalderong sahuran ng dugo.

Tinapos nga ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa Templo ng Diyos: 12 ang dalawang haliging tanso, ang hugis mangkok na nasa itaas ng mga haligi at ang dalawang hanay ng palamuti na parang lambat na nakapaligid dito; 13 ang apatnaraang granadang tanso na dalawang hanay ang pagkakabit sa mga palamuting hugis mangkok sa itaas ng mga haligi; 14 ang sampung palanggana at ang sampung patungan ng mga ito; 15 ang malaking kawang tanso at ang labindalawang rebultong toro na kinapapatungan nito; 16 ang mga lalagyan ng abo, mga pala at mga pantusok at iba pang kasangkapan. Ang mga kasangkapang ito na yari lahat sa makinis na tanso ay ginawa ni Huram para sa Templo ni Yahweh ayon sa utos ni Haring Solomon. 17 Ipinahulma ng hari ang lahat ng ito sa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zereda. 18 Sa dami ng mga kagamitang ito na ipinagawa ni Solomon, hindi na matiyak ang kabuuang timbang ng ginamit na tanso.

19 Ipinagawa rin ni Solomon ang mga kasangkapan sa loob ng Templo ng Diyos: ang altar na ginto, ang mga mesa para sa tinapay na handog; 20 ang mga ilawang lantay na ginto, pati ang mga ilawang dapat sindihan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, ayon sa Kautusan; 21 ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga sipit na pawang gintong lantay; 22 ang mga pampatay ng ilaw, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso at mga lalagyan ng baga ay pawang lantay na ginto. Pati ang mga pinto ng Templo, at ng Dakong Kabanal-banalan ay balot din ng ginto.

Nang(N) matapos na ang lahat ng ipinagawa ni Solomon para sa Templo, ipinasok niya sa kabang-yaman ng Templo ang lahat ng bagay na inilaan para dito ng kanyang amang si David: ginto, pilak, mga lalagyan at iba pang kagamitan.

Dinala sa Templo ang Kaban ng Tipan(O)

Pinulong(P) ni Solomon sa Jerusalem ang matatandang pinuno ng Israel, ang lahat ng pinuno ng mga lipi at ng mga angkan upang kunin sa Zion, sa Lunsod ni David, ang Kaban ng Tipan. Kaya't nagtipun-tipon ang kalalakihan ng Israel noong ikapitong buwan, Pista ng mga Tolda. Pagdating ng pinuno ng Israel, binuhat ng mga Levita ang Kaban ng Tipan at dinala sa Templo. Ipinasok din ng mga pari at ng mga Levita ang Toldang Tipanan pati ang mga banal na kagamitan nito sa loob ng Templo.

Pagkatapos, si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagkakatipon sa harap ng kaban ay naghandog ng mga baka at mga tupa na sa dami ay hindi na mabilang. At ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan. Inilagay nila ito sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Ang mga pasanan ay lampas sa magkabilang dulo ng Kaban at nakikita ito mula sa Dakong Kabanal-banalan. Ngunit hindi ito nakikita sa labas. Ganito pa rin ang ayos ng lahat ng iyon hanggang ngayon. 10 Walang(Q) laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai.[b] Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa Egipto.

Ang Kaluwalhatian ni Yahweh

11 Ang lahat ng paring naroon, kahit na iba't ibang pangkat ay naghanda ng kani-kanilang sarili sa paglilingkod. At paglabas nila mula sa Templo, 12 nakatayo naman sa gawing silangan ng altar ang mga mang-aawit na Levita: sina Asaf, Heman at Jeduthun, kasama ang kanilang mga anak at mga kapatid. Nakadamit sila ng mamahaling lino at tumutugtog ng pompiyang, alpa at lira, kasaliw ng mga trumpeta na hinihipan ng 120 pari. 13 Ang(R) (S) mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat kay Yahweh. Sa saliw ng mga trumpeta, pompiyang at iba pang mga instrumento ay inaawit nila ang ganito: “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” At ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay napuno ng ulap. 14 Kaya't ang mga pari'y hindi nakatagal sa loob upang maglingkod. Napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang buong Templo.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.