Beginning
Ang Babala ni Propeta Micaias kay Ahab(A)
18 Nang si Jehoshafat ay yumaman at naging tanyag, nakipagkaibigan siya kay Ahab. Ipinakasal ni Jehoshafat ang isang kabilang sa kanyang pamilya sa isang kabilang sa pamilya ni Ahab. 2 Lumipas ang ilang taon at dinalaw niya si Ahab sa Samaria. Nagpapatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanyang mga panauhin. Sa pagkakataong iyon, hinikayat ni Ahab si Jehoshafat na salakayin nila ang Ramot-gilead. 3 Nang tanungin ni Ahab na hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda tungkol dito, ganito ang sagot niya, “Handa ako at ang aking mga tauhan. Sasama kami sa inyo sa digmaan. 4 Ngunit bago natin gawin ito, sumangguni muna tayo kay Yahweh.”
5 Tinipon ng hari ng Israel ang apatnaraang propeta at tinanong kung dapat bang salakayin ang Ramot-gilead o hindi. “Sumalakay kayo,” ang nagkakaisang tugon nila, “ibibigay iyon ng Diyos sa inyong mga kamay.” 6 Ngunit nagtanong si Jehoshafat kung wala na bang ibang propeta si Yahweh na maaari nilang mapagtanungan.
7 Sumagot ang hari ng Israel, “Mayroon pang isa. Si Micaias na anak ni Imla. Kaya lang, galit ako sa taong iyon sapagkat wala na siyang mabuting propesiya tungkol sa akin, puro na lang masama.”
“Huwag kayong magsalita nang ganyan, mahal na hari,” sabi ni Jehoshafat.
8 Ipinatawag agad ng hari ng Israel ang isa sa mga opisyal niya upang ipasundo si Micaias. 9 Nakaupo ang dalawang hari sa kani-kanilang trono sa gitna ng giikan sa may pintuan ng Samaria. Nakasuot sila ng mariringal na damit at nasa harapan nila ang mga propeta na nagpapahayag. 10 Naroon din si Zedekias na anak ni Quenaana. May dala itong mga sungay na bakal na ginawa niya at ang sabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, maitataboy ninyo ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’” 11 Ganito rin ang sinabi ng mga propetang naroon. Iisa ang payo nila, “Salakayin ninyo ang Ramot-gilead at magtatagumpay kayo, sapagkat ibibigay ito ni Yahweh sa kamay ng hari.”
12 Samantala, nakita si Micaias ng sugo ng hari. Sinabi niya, “Ang ibang mga propeta'y nagkaisang magpahayag nang kasiya-siya sa hari. Makakabuting kasiya-siya rin ang ipahayag mo.”
13 Ngunit sinabi ni Micaias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] kung ano ang sasabihin niya sa akin iyon din ang aking sasabihin.”
14 Pagdating ni Micaias, tinanong siya ng hari, “Dapat ba o hindi dapat na salakayin namin ang Ramot-gilead?”
Ang tugon niya, “Humayo kayo at magtagumpay. Tiyak na ibibigay sila ni Yahweh sa inyong mga kamay.”
15 Ngunit sinabi ng hari, “Hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na sa pangalan ni Yahweh ay pawang katotohanan lamang ang iyong sasabihin sa akin?”
16 At(B) sumagot si Micaias,
“Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel,
Nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol!
Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna kaya't pauwiin na silang mapayapa.’”
17 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na ang taong iyan ay walang mabuting propesiya tungkol sa akin, at puro na lang masama?”
18 “Makinig kayo sa sinasabi ni Yahweh,” sabi ni Micaias. “Nakita kong nakaupo si Yahweh sa kanyang trono at ang buong hukbo ng kalangita'y nakahanay sa magkabilang tabi niya. 19 Nagtanong si Yahweh, ‘Sino ang mag-uudyok kay Haring Ahab ng Israel na sumalakay upang mapatay siya sa Ramot-gilead?’ 20 Isa't isa'y may kanyang sinasabi, hanggang may isang espiritu na tumayo sa harapan ni Yahweh at sinabi, ‘Ako ang mag-uudyok sa kanya.’ 21 ‘Paano mo iyan gagawin?’ tanong ni Yahweh. ‘Pupunta ako at uudyukan kong magsinungaling ang lahat ng kanyang mga propeta,’ sagot niya. ‘Gawin mo iyan at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.
22 “Ipinahintulot ni Yahweh na magsinungaling sa iyo ang mga propeta mo. Subalit itinakda na niya na mapapahamak ka!”
23 Lumapit si Zedekias kay Micaias at sinampal niya ito. Sinabi niya, “Kailan pa ako iniwan ng Espiritu ni Yahweh upang magsalita sa iyo?”
24 “Malalaman mo rin iyon kapag nagtago ka na sa loob ng isang silid,” sagot ni Micaias.
25 Iniutos ng hari ng Israel na dakpin si Micaias at ibigay sa kanyang anak na si Joas at kay Ammon na gobernador ng lunsod. 26 “Ikulong ninyo siya at bigyan ng kaunting tinapay at tubig lamang hanggang makauwi akong ligtas,” sabi niya.
27 “Kapag nakauwi kang ligtas, hindi nga ako kinausap ni Yahweh,” sagot naman ni Micaias. Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.”
Ang Kamatayan ni Ahab(C)
28 Magkasamang lumusob sa Ramot-gilead ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. 29 Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako pagpunta sa labanan ngunit magsuot ka ng damit-hari.” Nakabalatkayo nga ang hari ng Israel na pumunta sa labanan.
30 Iniutos ng hari ng Siria sa kanyang mga pinuno ng mga karwahe na ang hari ng Israel ang tutukan sa pagsalakay. 31 Nang makita nila si Jehoshafat, inisip nilang ito ang hari ng Israel, kaya't dinaluhong nila ito. Nanalangin nang malakas kay Yahweh si Jehoshafat upang siya'y iligtas. Tinulungan naman siya ng Diyos na si Yahweh at itinaboy nito ang mga kaaway. 32 Nang malaman ng mga pinunong nasa karwahe na hindi siya ang hari ng Israel, hindi na nila ito hinabol. 33 Ngunit sinamang-palad naman ang hari ng Israel. Tinamaan siya ng isang ligaw na palaso buhat sa kaaway. Tumagos ang palaso sa pagitan ng kanyang baluti at siya'y nasugatan. Sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Umalis na tayo rito! Malubha ang tama ko.” 34 Naging mahigpit ang labanan nang araw na iyon. Nanatiling nakasandal si Ahab sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga taga-Siria. Paglubog ng araw ay namatay siya.
Pinagsabihan ng Propeta si Jehoshafat
19 Ligtas na nakabalik sa kanyang palasyo sa Jerusalem si Jehoshafat na hari ng Juda. 2 Sinalubong siya ng propetang si Jehu, anak ni Hanani, at sinabi sa kanya, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at kumampi sa mga napopoot kay Yahweh? Sa ginawa mong ito ay ginalit mo si Yahweh. 3 Gayunma'y hindi ka naman lubos na masama sapagkat inalis mo sa lupain ang mga rebulto ng diyus-diyosang si Ashera at sinikap mo ring sumunod sa Diyos.”
Ang mga Repormang Isinagawa ni Jehoshafat
4 Kahit na sa Jerusalem nakatira si Jehoshafat, pumupunta siya sa Beer-seba hanggang sa kaburulan ng Efraim upang hikayatin ang mga tao na magbalik-loob kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. 5 Naglagay siya ng mga hukom sa buong lupain, isa sa bawat may pader na lunsod ng Juda. 6 Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat humahatol kayo para kay Yahweh at hindi para sa tao. Kasama ninyo siya sa inyong paghatol. 7 Igalang at sundin ninyo si Yahweh. Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat hindi pinahihintulutan ng Diyos nating si Yahweh ang pandaraya, ang pagkiling sa sinuman at ang pagtanggap ng suhol.”
8 Naglagay rin si Jehoshafat sa Jerusalem ng mga hukom na binubuo ng mga Levita, mga pari at mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Pinili niya ang mga ito upang humatol sa mga usapin ukol sa paglabag sa mga kautusan ni Yahweh at sa mabibigat na usapin ng mga taong-bayan. 9 Sinabi niya sa kanila, “Gampanan ninyo ang inyong tungkulin nang may takot kay Yahweh nang buong puso, at nang buong katapatan. 10 Kapag ang inyong mga kapatid mula sa ibang lunsod ay nagsampa sa inyo ng usaping may kinalaman sa pagpatay ng tao o anumang paglabag sa kautusan, pangaralan ninyo silang mabuti upang hindi sila magkasala sa harap ni Yahweh. Sa ganitong paraan, hindi magagalit si Yahweh sa inyo at sa kanila. 11 Sa mga bagay na nauukol kay Yahweh, si Amarias na pinakapunong pari ang mamumuno sa paglilitis. Sa mga bagay namang nauukol sa hari, si Zebadias na anak ni Ismael at pinuno ng angkan ni Juda ang mamumuno. Ang mga Levita naman ang magiging mga tagapagpatupad ng hatol. Magpakatatag kayo sa inyong paghatol at pagpalain nawa ni Yahweh ang mga matuwid.”
Digmaan Laban sa Edom
20 Dumating ang panahon na nilusob ng mga Moabita, Ammonita at ilang Meunita si Jehoshafat. 2 Nabalitaan niya na isang malaking pangkat mula sa Edom ang sumasalakay sa ibayo ng lawa at nasa Hazazon-tamar, na tinatawag ding En-gedi. 3 Nabahala si Jehoshafat at humingi siya ng patnubay kay Yahweh. Iniutos niya na mag-ayuno ang lahat ng mamamayan ng Juda. 4 Nagtipun-tipon ang buong Juda upang humingi ng tulong kay Yahweh. Dumating sila buhat sa iba't ibang lunsod.
5 Tumayo si Jehoshafat sa harap ng mga taga-Juda at Jerusalem na nagtitipon sa bagong bulwagan ng Templo. 6 Nanalangin siya:
“O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno at ng buong kalangitan, kayo po ang namamahala sa lahat ng bansa at ikaw ang may lubos na kapangyarihan. Kaya walang maaaring lumaban sa inyo. 7 O(D) Diyos namin, ikaw ang nagpalayas sa mga tagarito upang ibigay ang lupaing ito sa bayan mong Israel magpakailanman. Ginawa ninyo iyon ayon sa inyong pangako kay Abraham na inyong kaibigan. 8 Dito nga sila tumira at itinayo nila ang Templong ito upang dito kayo sambahin. Sabi nila, 9 ‘Kung may masamang mangyari sa amin tulad ng digmaan, baha, salot o taggutom, haharap kami sa Templong ito upang humingi ng tulong sa inyo sapagkat dito kayo sinasamba. Tatawag kami sa inyo, papakinggan ninyo kami at ililigtas sa panahon ng aming kagipitan.’
10 “Ngayo'y(E) sinasalakay kami ng mga kawal mula sa Ammon, Moab at sa kaburulan ng Edom, mga lugar na hindi ninyo ipinahintulot na pasukin ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto, kaya sila'y hindi nawasak. 11 Ngayo'y ito po ang iginanti nila sa amin! Sinalakay nila kami at nais palayasin sa lupaing ito na ipinamana ninyo sa amin. 12 Ikaw po ang Diyos namin, parusahan ninyo sila. Hindi namin kayang labanan ang ganito karaming hukbo. Hindi po namin alam ang aming gagawin. Sa inyo lamang kami umaasa.”
13 Samantala, lahat ng kalalakihan ng Juda kasama ang kanilang mga asawa't anak ay dumulog kay Yahweh. 14 Ang Espiritu[b] ni Yahweh ay lumukob kay Jahaziel na anak ni Zacarias. Apo siya ni Benaias na anak ni Jeiel na apo naman ni Matanias, isa sa mga Levitang anak ni Asaf. 15 Sinabi(F) niya, “Makinig kayo, Haring Jehoshafat, at kayong mga taga-Juda at Jerusalem. Ganito ang sinasabi sa inyo ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot ni masiraan ng loob dahil sa maraming kaaway. Ang Diyos ang makikipaglaban at hindi kayo. 16 Harapin ninyo sila bukas sapagkat aahon sila sa Ziz. Makakasagupa ninyo sila sa may dulo ng libis sa silangan ng ilang ng Jeruel. 17 Hindi(G) na kayo kailangang lumaban. Manatili na lamang kayo sa inyong kinatatayuan at maghintay. Makikita ninyo ang pagtatagumpay ni Yahweh para sa inyo.’ Kaya hindi kayo dapat matakot ni masiraan ng loob. Harapin ninyo sila bukas sapagkat si Yahweh ang kasama ninyo!”
18 Si Jehoshafat at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa at sumamba kay Yahweh. 19 Tumayo naman ang mga Levita sa angkan ni Kohat at Korah at sa napakalakas na tinig ay nagpuri sila kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.
20 Kinabukasan, maaga silang lumabas patungo sa ilang ng Tekoa. Ngunit bago sila umalis, sinabi sa kanila ni Jehoshafat, “Makinig kayo, mga taga-Juda at Jerusalem. Magtiwala kayo sa Diyos ninyong si Yahweh at magiging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta at magtatagumpay kayo.” 21 Matapos niyang paalalahanan ang mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit na magpupuri kay Yahweh dahil sa kanyang kahanga-hangang kabanalan. Inilagay niya ang mga ito sa unahan ng hukbo at habang daa'y umaawit:
“Purihin si Yahweh,
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
22 Nang marinig ng mga kaaway ang awitan, ginulo sila ni Yahweh. Dahil dito, sila-sila ang nagkagulo. 23 Ang sinalakay ng mga Ammonita at Moabita ay ang kasama nilang taga-Edom, at nilipol nila ang mga ito. Pagkatapos, sila-sila ang nagpatayan.
24 Umakyat ang mga taga-Juda sa tore na nasa disyerto at nagmanman sa mga kaaway. Wala silang nakitang nakatakas. Lahat ay patay na nakahandusay sa lupa. 25 Napakaraming nasamsam ni Jehoshafat at ng kanyang mga kasama. Halos hindi nila madala ang nasamsam nilang kawan, mga kagamitan, damit at maraming mahahalagang bagay. Tatlong araw nila itong hinakot ngunit sa sobrang dami ay hindi nila nakuhang lahat. 26 Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa isang libis at nagpuri kay Yahweh. Kaya, simula noo'y tinawag na Libis ng Beraca ang lugar na iyon. 27 Sa pangunguna ni Jehoshafat, umuwi na ang lahat ng mga taga-Juda at Jerusalem. Tuwang-tuwa sila dahil sa tagumpay na ipinagkaloob sa kanila ni Yahweh. 28 Pagdating nila sa Jerusalem ay tumuloy sila sa Templo, kasabay ng tugtog ng mga alpa, lira at trumpeta. 29 Mula noon, ang lahat ng kaharian at bansa ay natakot nang malaman nila kung paano tinalo ni Yahweh ang mga kaaway ng Israel. 30 Naging tahimik ang buong nasasakupan ni Jehoshafat, at binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa buong kaharian.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Jehoshafat(H)
31 Tatlumpu't limang taóng gulang si Jehoshafat nang magsimula siyang maghari, at namahala siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang ina niya'y si Azuba na anak ni Silhi. 32 Tulad ng kanyang amang si Asa, ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. 33 Gayunman, nanatili pa rin ang mga dambana ng mga pagano. Hindi pa lubusang nanumbalik ang mga tao sa Diyos ng kanilang mga ninuno.
34 Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Jehu na Anak ni Hanani na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Israel.
35 Dumating ang panahong si Jehoshafat ay nakipagkasundo kay Ahazias, isang masamang hari ng Israel. 36 Nagkaisa silang magpagawa ng mga malalaking barko sa Ezion-geber. 37 Sa ginawang ito, sinabi ni Eliezer, anak ni Dodavahu na taga-Maresa, laban kay Jehoshafat, “Dahil sa pakikiisa mo kay Ahazias, wawasakin ni Yahweh ang lahat ng ginawa mo.” At lahat nang mga barkong ipinagawa nila ay winasak ng bagyo at hindi nakaalis.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.