Beginning
Pinabalik ni Ciro ang mga Judio
1 Noong(A) unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Jeremias nang udyukan ni Yahweh si Ciro na isulat at ipahayag sa buong kaharian ang utos na ito:
2 “Ito(B) ang utos ni Emperador Ciro, ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa buong daigdig at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng templo sa Jerusalem na nasa Juda. 3 Kayo na kanyang bayan, patnubayan nawa kayo ng inyong Diyos sa pagbabalik ninyo sa Jerusalem upang muling maitayo roon ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang Diyos na sinasamba sa Jerusalem. 4 Sinuman sa inyo na nangingibang-bayan, kung nais bumalik doon, dapat siyang tulungan ng kanyang mga kababayan. Dapat siyang bigyan ng pilak at ginto, mga bagay na kakailanganin, at mga hayop, gayundin ng mga kusang-kaloob na handog para sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem.”
5 Bilang tugon, agad na nagsipaghanda ang mga pinuno ng mga lipi ng Juda at Benjamin, gayundin ang mga pari at ang mga Levita, at ang mga iba pang inudyukan ng espiritu ng Diyos upang muling itayo ang Templo ni Yahweh sa Jerusalem. 6 Tinulungan sila ng lahat ng mga nakapalibot sa kanila. Binigyan sila ng mga pilak at gintong lalagyan, mga bagay na kakailanganin, mga hayop, iba pang mamahaling gamit, bukod pa sa mga kusang-kaloob na handog para sa Templo.
7 Ibinalik naman sa kanila ni Haring Ciro ang mga mangkok at tasa na dinala ni Haring Nebucadnezar sa templo ng kanyang mga diyos pagkatapos na kunin ang mga iyon mula sa Templo ni Yahweh. 8 Ipinagkatiwala ni Haring Ciro kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian ang pagbilang sa mga bagay na ibinalik. Ang mga ito'y binilang ni Metridat sa harap ni Sesbazar na tagapamahala ng Juda. 9-10 Ito ang bilang ng mga kagamitan:
palangganang ginto | 30 |
palangganang pilak | 1,000 |
lalagyan ng insenso[a] | 29 |
mangkok na ginto | 30 |
iba't ibang sisidlang pilak | 410 |
iba't iba pang kagamitan | 1,000 |
11 Lahat-lahat, umabot sa 5,400 ang bilang ng mga lalagyang ginto at pilak na dinala ni Sesbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng iba pang mga dinalang-bihag doon.
Ang Listahan ng mga Bumalik na Bihag(C)
2 Ito ang listahan ng mga dinalang-bihag sa lalawigan ng Babilonia na bumalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda. Nanirahan ang kanilang mga pamilya sa Babilonia simula pa nang ang mga ito ay dalhing-bihag doon ni Haring Nebucadnezar. 2 Sa kanilang pagbabalik pinangunahan sila nina Zerubabel, Josue, Nehemias, Seraias, Reelaias, Mordecai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana.
Ito ang bilang ng mga angkan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag:
3-20 Ito ang listahan ng mga angkan ng Israelitang nakauwi:
Paros | 2,172 |
Sefatias | 372 |
Arah | 775 |
Pahat-moab (sa mga anak nitong sina Jeshua at Joab) | 2,812 |
Elam | 1,254 |
Zatu | 945 |
Zacai | 760 |
Bani | 642 |
Bebai | 623 |
Azgad | 1,222 |
Adonikam | 666 |
Bigvai | 2,056 |
Adin | 454 |
Ater (tinatawag ding Ezequias) | 98 |
Bezai | 323 |
Jora | 112 |
Hasum | 223 |
Gibar | 95 |
21-35 Ito naman ang listahan ng mga angkang nakabalik na nakatira sa mga sumusunod na bayan:
Bethlehem | 123 |
Netofa | 56 |
Anatot | 128 |
Azmavet | 42 |
Jearim, Cafira at Beerot | 743 |
Rama at Geba | 621 |
Micmas | 122 |
Bethel at Hai | 223 |
Nebo | 52 |
Magbis | 156 |
Elam | 1,254 |
Harim | 320 |
Lod, Hadid, at Ono | 725 |
Jerico | 345 |
Senaa | 3,630 |
36-39 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng pari:
Jedaias (mula kay Jeshua) | 973 |
Imer | 1,052 |
Pashur | 1,247 |
Harim | 1,017 |
40-42 Ito naman ang listahan ng mga angkan ng Levita:
Jeshua at Kadmiel (mula kay Hodavias) | 74 |
Mga mang-aawit (mula kay Asaf) | 128 |
Mga bantay-pinto (mula kina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita, at Sobai) | 139 |
43-54 Ang mga manggagawa naman ng Templo na nakabalik mula sa pagkabihag ay ang mga angkan nina:
Ziha, Hasufa, Tabaot,
Keros, Siaha, Padon,
Lebana, Hagaba, Akub,
Hagab, Samlai, Hanan,
Gidel, Gahar, Reaias,
Rezin, Nekoda, Gazam,
Uza, Pasea, Besai,
Asnah, Meunim, Nefisim,
Bakbuk, Hakufa, Harhur,
Bazlut, Mehida, Harsa,
Barkos, Sisera, Tema,
Nezias, at Hatifa.
55-57 Bumalik din mula sa pagkabihag ang mga sumusunod na angkan ng mga lingkod ni Solomon:
Sotai, Hasoferet, Peruda,
Jaala, Darkon, Gidel,
Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim,
at Ami.
58 Ang kabuuang bilang ng mga nagmula sa angkan ng mga manggagawa sa Templo at ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag ay 392.
59-60 May 652 na buhat sa mga angkan nina Delaias, Tobias, at Nekoda ang bumalik mula sa mga bayan ng Tel-mela, Tel-harsa, Querub, Adan, at Imer, kahit hindi nila napatunayan na sila'y mga Israelita.
61-62 Hindi rin mapatunayan ng mga sumusunod na angkan ng mga pari ang kanilang pinagmulang lahi: Habaias, Hakoz, at Barzilai. Ang kauna-unahang ninuno ng angkang ito ay nakapag-asawa sa anak na babae ni Barzilai na Gileadita, kaya't ang pangalan ng kanilang angkan ay mula sa pangalan ng kanyang biyenan. Hindi sila ibinilang na mga pari sapagkat hindi nila napatunayan kung sino ang kanilang mga ninuno. 63 Sinabihan(D) sila ng tagapamahalang Judio na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkaing handog sa Diyos hanggang wala pang pari na maaaring sumangguni sa Urim at Tumim.
64-67 Ang kabuuang bilang ng mga bumalik mula sa pagkabihag ay 42,360.
Ang kanilang mga utusang lalaki at babae ay 7,337.
Ang mga manunugtog na lalaki at babae ay 200.
Ang mga kabayo ay 736.
Ang mga mola ay 245.
Ang mga kamelyo ay 435.
Ang mga asno ay 6,720.
68 Nang dumating na sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem ang mga bumalik mula sa pagkabihag, ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng kusang-loob na handog upang gamitin sa muling pagtatayo ng Templo sa dating kinatatayuan nito. 69 Ibinigay nila ang buo nilang makakaya para sa gawaing ito, at ang kabuuang naipon ay 500 kilong ginto, 2,800 kilong pilak, at sandaang kasuotan ng mga pari.
70 Ang(E) mga pari, ang mga Levita, at ang ilang mga tao ay nanirahan sa loob mismo ng lunsod ng Jerusalem at sa palibot nito. Ang mga manunugtog, ang mga bantay sa Templo, at ang mga manggagawa sa Templo ay nanirahan naman sa mga karatig-bayan. Ang ibang mga Israelita ay nanirahan sa mga bayang pinagmulan ng kani-kanilang mga ninuno.
Muling Sinimulan ang Pagsamba
3 Pagsapit ng ika-7 buwan, ang mga Israelita ay panatag nang nanirahan sa kani-kanilang bayan. Isang araw, lahat sila'y sama-samang nagtipon sa Jerusalem. 2 Ang(F) altar ng Diyos ng Israel ay muling itinayo ni Josue na anak ni Jehozadak, kasama ang kanyang mga kapwa-pari at si Zerubabel na anak ni Sealtiel, gayundin ang mga kamag-anak nito. Ginawa nila ito upang makapag-alay sa altar ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. 3 Bagama't[b] (G) takot sa mga naninirahan sa lupain ang mga nagsibalik na Judio, itinayo pa rin nila sa dating lugar ang altar. Doon ay muli silang nag-alay ng mga handog na susunugin para kay Yahweh sa umaga at sa gabi. 4 Ipinagdiwang(H) din nila ang Pista ng mga Tolda gaya ng nakasulat, at araw-araw ay nagsusunog sila ng mga handog na ukol sa bawat araw. 5 Bukod(I) dito, nag-alay sila ng mga palagiang handog na sinusunog, mga handog para sa panahon ng Pista ng Bagong Buwan at para sa lahat ng kapistahang itinalaga ni Yahweh. Nag-alay din sila ng mga kusang-loob na handog para kay Yahweh. 6 Sa pagsapit ng unang araw ng ika-7 buwan, sinimulan na nilang maghandog kay Yahweh kahit hindi pa nasimulang muling itayo ang Templo.
Sinimulan ang Muling Pagtatayo ng Templo
7 Kumuha sila ng mga swelduhang tagatapyas ng bato at mga karpintero. Nagpadala rin sila ng mga pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at taga-Tiro bilang bayad sa mga punong sedar na dadalhin ng mga barko mula sa Lebanon patungo sa daungan ng Joppa. Ang lahat ng ito ay ginawa nang may pahintulot mula kay Haring Ciro ng Persia. 8 Kaya't nagsimula na silang magtrabaho pagsapit ng ika-2 buwan ng ika-2 taon mula nang makabalik sila sa dating kinatatayuan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Sama-samang nagtrabaho sina Zerubabel na anak ni Sealtiel, at Josue na anak ni Jozadak, kasama ang iba pa nilang mga kababayan, gayundin ang mga pari at Levita. Sa katunayan, kasama sa gawaing ito ang lahat ng bumalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Inatasan nilang mamahala sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ang mga Levita na ang edad ay dalawampung taon pataas. 9 Ang mga nagtatrabaho sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ay pinamahalaan nina Josue at ng kanyang mga anak at mga kamag-anak kasama sina Kadmiel at ang kanyang mga anak mula sa angkan ni Hodavias. Kasama rin ang mga anak ni Henadad, ang mga Levita at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak.
10 Nang(J) inilalagay na ng mga manggagawa ang pundasyon ng Templo ni Yahweh, pumuwesto na ang mga nakabihis na pari, hawak ang kanilang mga trumpeta pati ang mga Levita na anak ni Asaf, na hawak ang kanilang mga pompiyang. Nagpuri sila kay Yahweh ayon sa paraang itinuro ni Haring David ng Israel. 11 Nagsagutan(K) sila sa pag-awit ng mga papuri at pasasalamat kay Yahweh. Ito ang kanilang inawit:
“Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Malakas na isinigaw ng lahat ng tao ang kanilang papuri kay Yahweh sapagkat ang pundasyon ng Templo ni Yahweh ay inilagay na. 12 Marami(L) sa matatandang pari, Levita at pinuno ng mga angkan na nakakita sa unang templo ang umiyak nang malakas habang sinasaksihan ang paglalagay ng pundasyon ng bagong Templo. Marami ring tao ang sumigaw nang may kagalakan. 13 Dahil dito'y hindi na malaman kung alin ang sigaw ng kagalakan at alin ang sigaw ng pag-iyak sapagkat ang ingay ng mga tao ay napakalakas at dinig sa malayo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.