Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
2 Cronica 32-34

Ang Babala ng mga Taga-Asiria Laban sa Jerusalem(A)

32 Matapos isagawa ni Ezequias ang lahat ng ito at ipakita ang kanyang katapatan sa Diyos, ang Juda ay sinalakay ni Senaquerib, hari ng Asiria. Pinalibutan ng kanyang mga kawal ang mga may pader na lunsod at humandang pasukin ang mga ito. Nang makita ni Ezequias ang balak na paglusob na ito sa Jerusalem, sumangguni siya sa kanyang mga pinuno. Nagkaisa silang harangin ang pag-agos ng bukal ng tubig sa labas ng lunsod. Tumawag sila ng maraming tao at hinarangan nga nila ang lahat ng bukal at ilog upang ang mga ito'y hindi pakinabangan ng mga taga-Asiria. Ipinaayos ni Ezequias ang mga wasak na pader at pinalagyan niya ito ng mga toreng-bantayan. Nagpatayo siya ng isa pang muog sa labas nito at pinatatag ang Millo sa Lunsod ni David. Pagkatapos, nagpagawa siya ng maraming mga sandata at kalasag. Ang mga kalalakihan sa lunsod ay ipinailalim niya sa mga opisyal ng hukbo. Tinipon niya ang mga ito sa may pintuan ng lunsod at pinagbilinan ng ganito: “Maging matapang kayo. Lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria. Mas malakas ang kapangyarihang nasa panig natin kaysa nasa panig nila. Nasa tao ang kanyang lakas samantalang nasa panig natin ang ating Diyos na si Yahweh. Tutulungan niya tayo at ipaglalaban.” Sa sinabing ito ni Haring Ezequias, nabuhayan ng loob ang mga tao.

Nasa Laquis noon si Haring Senaquerib ng Asiria kasama ang kanyang hukbo at pinapaligiran nila ang lunsod na iyon. Nagpadala siya ng mga sugo kay Ezequias at sa mga taga-Jerusalem. 10 Ganito ang sabi niya: “Napapalibutan na namin kayo diyan sa Jerusalem. Ano sa palagay ninyo ang makakapagligtas sa inyo? 11 Sumuko na kayo para hindi kayo mamatay sa gutom at uhaw. Nililinlang lamang kayo ni Ezequias! Paano kayo maililigtas ng Diyos ninyong si Yahweh sa kamay ng hari ng Asiria? 12 Hindi ba't si Ezequias ang nagpagiba ng mga altar at sagradong burol at nag-utos sa inyo na sa isang altar lamang kayo sasamba at maghahandog? 13 Alam ninyo ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang lupain. Nailigtas ba sila ng kanilang mga diyos? 14 Wala ni isa sa dinidiyos ng mga bansang winasak ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanila! Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos! 15 Huwag kayong magpaloko diyan kay Ezequias. Huwag kayong maniwala sa kanya. Walang diyos ng alinmang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanilang bayan sa kamay ko at sa aking mga ninuno. Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos!”

16 Ang mga sugo ni Senaquerib ay marami pang sinabi laban sa Panginoong Yahweh at kay Ezequias na kanyang lingkod. 17 May sulat pa ang hari na lumalait kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ganito ang sinasabi: “Hindi maipagtatanggol ng Diyos ni Ezequias ang kanyang bayan laban sa akin, tulad ng mga diyos ng mga bansang walang nagawa sa akin.” 18 Ipinagsigawan nila ito sa wikang Hebreo upang matakot at panghinaan ng loob ang mga taga-Jerusalem na nasa may pader ng lunsod. Sa ganitong paraan ay magiging madali ang pagsakop nila sa lunsod. 19 Sinasabi nila na ang Diyos ng Jerusalem ay tulad lamang ng mga diyus-diyosan ng ibang bansa na gawa lamang ng kamay ng tao.

20 Dahil dito, nanalangin at humingi ng saklolo sa Diyos sina Haring Ezequias at si propeta Isaias na anak ni Amoz. 21 Nagsugo si Yahweh ng isang anghel at pinatay nito ang mga pinuno at mga kawal ng Asiria. Kaya ang hari ng Asiria ay umuwing hiyang-hiya. Nang pumasok siya sa templo ng kanyang diyos, pinatay siya sa saksak ng sarili niyang mga anak.

22 Sa ganoong paraan iniligtas ni Yahweh sina Ezequias at ang mga taga-Jerusalem sa kamay ni Haring Senaquerib ng Asiria at ng lahat ng mga kaaway. Binigyan ni Yahweh ng kapayapaan ang buong bansa. 23 Maraming nagpuntahan sa Jerusalem. Naghandog sila kay Yahweh at nagkaloob ng mahahalagang bagay kay Haring Ezequias. Mula noo'y pinarangalan siya ng lahat ng bansa.

Ang Pagkakasakit ni Ezequias at ang Kanyang Kapalaluan(B)

24 Di nagtagal ay nagkasakit nang malubha si Ezequias. Nanalangin siya kay Yahweh at binigyan siya nito ng isang palatandaan na siya'y gagaling. 25 Ngunit hindi niya kinilalang utang na loob ang ginawa ni Yahweh para sa kanya. Sa halip ay naging palalo siya kaya naman pinarusahan siya ng Diyos, pati ang Juda at Jerusalem. 26 Ngunit sa bandang huli ay nagpakumbaba siya at ang mga taga-Jerusalem. Dahil dito, hindi pinarusahan ni Yahweh ang sambayanan habang nabubuhay pa si Ezequias.

Ang Kayamanan at ang Kadakilaan ni Ezequias(C)

27 Napakarami ng kayamanang naipon ni Ezequias. Kaya nagpagawa siya ng sariling imbakan ng pilak, ginto, mahahalagang bato, pabango, mga kalasag at mahahalagang kasangkapan. 28 Nagpagawa rin siya ng mga bodega ng trigo, alak at langis at mga kulungan ng baka at tupa. 29 Dumami ang kawan ng kanyang mga hayop. Pinayaman siya ng Diyos. 30 Hinarangan niya ang batis ng Gihon sa gawing itaas ng lunsod at pinalihis sa gawing kanluran patungo sa Lunsod ni David. Masasabing si Ezequias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang ginawa, 31 maging sa pakikitungo sa mga sugo ng hari ng Babilonia na dumating sa kanya upang magsiyasat sa mga pambihirang pangyayari sa lupain. Hinayaan siya ng Diyos na gawin ang gusto niya upang subukin ang kanyang pagkatao.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Ezequias(D)

32 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Ezequias at ang kanyang mabubuting ginawa ay nakasulat sa Ang Pangitain ni Propeta Isaias na Anak ni Amoz at saKasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 33 Namatay si Ezequias at inilibing sa pinakamataas na libingan ng mga anak ni David. Sa pagkamatay niya'y pinarangalan siya ng buong Juda at Jerusalem. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari.

Si Haring Manases ng Juda(E)

33 Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Limampu't limang taon siyang naghari sa Jerusalem. Hindi(F) kinalugdan ni Yahweh ang ginawa niya sapagkat tinularan niya ang kasamaan ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa lupaing iyon nang sakupin iyon ng bayang Israel. Muli niyang itinayo ang mga sambahan ng mga pagano na winasak ng kanyang amang si Ezequias. Nagtayo rin siya ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng mga imahen ng diyosang si Ashera at sumamba sa mga bituin. Nagtayo(G) siya ng mga altar ng mga pagano sa Templo, sa lugar na sinabi ni Yahweh kung saan siya'y sasambahin magpakailanman. Pati ang dalawang bulwagan ng Templo ay nilagyan niya ng mga altar para sa mga bituin. Ang mga anak niyang lalaki ay sinunog niya sa Libis ng Ben Hinom bilang handog sa mga diyus-diyosan. Naging mahilig siya sa mga panghuhula, pangkukulam at salamangka. Nagpupunta rin siya sa mga sumasangguni sa espiritu ng namatay na at sa mga manghuhula. Dahil sa mga kasamaang ito, nagalit sa kanya si Yahweh. Pati(H) ang inukit niyang larawan ng isang diyus-diyosan ay dinala niya sa Templo. Tungkol sa templong iyon ay sinabi ng Diyos kay David at sa anak nitong si Solomon: “Ang Templong ito sa Jerusalem ay pinili ko sa mga lipi ng Israel upang dito ako sambahin magpakailanman. Kung susundin nilang mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises, hindi ko na sila aalisin sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” Ngunit iniligaw ni Manases ang mga taga-Juda at Jerusalem. Inakay niya ang mga ito sa mga kasamaang masahol pa sa kasamaan ng mga bansang nilipol ni Yahweh nang sakupin iyon ng bayang Israel.

Ang Pagsisisi ni Manases

10 Binigyang-babala ni Yahweh si Manases at ang buong bayan, ngunit ayaw nilang makinig. 11 Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa hukbo ng hari ng Asiria. Nahuli nila si Manases, ikinadena at dinalang-bihag sa Babilonia. 12 Sa oras ng kagipitan ay nagpakumbaba siya, nanalangin sa Diyos niyang si Yahweh, at humingi rito ng saklolo. 13 Pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin kaya't pinabalik siya sa Jerusalem at muling naghari doon. Noon kinilala ni Manases na si Yahweh ay Diyos.

14 Pagkatapos nito, nagpatayo siya ng karagdagang pader sa labas ng Lunsod ni David sa gawing kanluran ng Batis ng Gihon patungo sa libis hanggang sa may Pintuan ng Isda. Pinaligiran din niya ng mataas na pader ang Ofel. Naglagay din siya ng mga pinunong-kawal sa mga may pader na lunsod ng Juda. 15 Inalis niya sa Templo ang mga diyus-diyosan ng mga bansa at ang imahen ni Ashera. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinagawa niya sa bundok na kinatatayuan ng Templo sa Jerusalem at ipinatapon sa labas ng lunsod. 16 Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog siya ng handog na pagkaing butil at pasasalamat. Iniutos niya sa mga mamamayan ng Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 17 Nagpatuloy ang mga tao sa kanilang paghahandog sa mga dambana sa burol ngunit iyo'y ginagawa nila para kay Yahweh na kanilang Diyos.

Ang Buod ng Kasaysayan ni Manases(I)

18 Ang iba pang ginawa ni Manases, ang panalangin niya sa kanyang Diyos at ang mga pahayag ng mga propetang nagsalita sa kanya sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 19 Ang kanyang panalangin at ang kasagutan ng Diyos dito, gayundin ang mga kasalanang ginawa niya ay nakasulat naman sa Kasaysayan ng mga Propeta. Naroon din ang tungkol sa mga ipinatayo niyang mga sambahan ng mga pagano, ang mga ipinagawa niyang larawan ni Ashera at ang mga ginawa niyang diyus-diyosan bago siya nagbalik-loob sa Diyos. 20 Namatay si Manases at inilibing sa kanyang palasyo. Humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ammon.

Si Haring Ammon ng Juda(J)

21 Si Ammon ay dalawampu't dalawang taóng gulang nang maging hari at dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. 22 Tulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sumamba siya at naglingkod sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanyang ama. 23 Ngunit hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbaba kay Yahweh. Mas malaki ang kanyang naging kasalanan kaysa sa kanyang ama. 24 Nagsabwatan ang kanyang mga tauhan at pinatay siya ng mga ito sa loob ng palasyo. 25 Nagalit naman ang mga taong-bayan at ang mga tauhang iyo'y pinatay din nila. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon.

Si Haring Josias ng Juda(K)

34 Si(L) Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Tulad ng ninuno niyang si David, naging kalugud-lugod kay Yahweh ang mga ginawa niya. Namuhay siya nang matuwid. Nang ikawalong taon ng kanyang pamamahala, kahit bata pa, ay naglingkod na siya nang tapat sa Diyos ni David na kanyang ninuno. Kaya noong ikalabindalawang taon, sinimulan niyang alisin sa Juda at Jerusalem ang mga sambahan ng mga pagano, ang mga larawan ng diyosang si Ashera at ang lahat ng diyus-diyosang kahoy o tanso. Ipinasibak(M) niya sa kanyang harapan ang larawan ng mga Baal. Giniba niya ang mga altar ng insenso. Winasak niya ang mga imahen ni Ashera at ang mga diyus-diyosang kahoy at ginto. Ipinadurog niya ito nang pinung-pino at ipinasabog sa libingan ng mga sumamba sa kanila. Ipinasunog(N) niya ang mga kalansay ng mga paring pagano sa ibabaw ng kanilang mga dambana. Sa ganoong paraan, nilinis ni Josias ang Jerusalem at ang buong Juda. Ganoon din ang ginawa niya sa mga lunsod ng Manases, Efraim at Simeon at sa mga nawasak na nayon sa paligid ng Neftali. Matapos niyang gawin ang lahat ng ito sa buong Israel, bumalik na siya sa Jerusalem.

Natagpuan ang Aklat ng Kautusan(O)

Inalis ni Josias ang lahat ng karumal-dumal sa buong lupain at sa Templo ng Diyos. Kaya't noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari, sinugo niya si Safan na anak ni Azalias, ang pinuno ng lunsod na si Maasias at ang kalihim niyang si Joas na anak ni Joahaz, upang ipaayos muli ang Templo ni Yahweh. Ibinigay nila kay Hilkias na pinakapunong pari ang pilak na nalikom sa Templo. Ito ang mga nalikom mula sa mga taga-Manases, Efraim, Benjamin, Juda at iba pang mga Israelita at mga taga-Jerusalem. Tinipon ito ng mga Levitang naglilingkod sa Templo. 10 Ibinigay nila ang salaping ito sa namamahala ng gawain sa Templo ni Yahweh para sa pagpapaayos nito. 11 Ang iba nama'y ibinili ng mga bato at kahoy na gagamitin sa pag-aayos ng bubong ng Templo na nasira dahil sa kapabayaan ng mga naunang hari ng Juda. 12 Naging tapat ang mga taong katulong sa gawain. Pinamahalaan sila nina Jahat at Obadias, mga Levita buhat sa angkan nina Merari, Zacarias at Mesulam sa sambahayan ni Kohat. Mga Levita rin na pawang bihasang manunugtog 13 ang nangasiwa sa mga manggagawang naghahakot ng mga gagamitin at sa iba pang gawain. Ang ibang Levita ay ginawang kalihim, karaniwang kawani o kaya'y mga bantay.

14 Nang ilabas nila ang salaping natipon sa Templo, natagpuan ng paring si Hilkias ang Aklat ng Kautusang ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. 15 Kaya tinawag niya si Safan, ang kalihim ng hari at sinabi, “Natagpuan ko sa Templo ang Aklat ng Kautusan.” Ibinigay ni Hilkias kay Safan ang aklat 16 at dinala naman nito sa hari nang siya'y mag-ulat tungkol sa pagpapaayos ng Templo. Sabi niya, “Maayos po ang takbo ng lahat ng gawaing ipinagkatiwala ninyo sa inyong mga lingkod. 17 Tinunaw na po nila ang pilak na nakuha sa Templo at ibinigay sa namamahala ng trabaho.” 18 Sinabi rin ng kalihim ang tungkol sa aklat na ibinigay sa kanya ng paring si Hilkias at binasa niya ito nang malakas sa hari.

19 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit nito ang kanyang kasuotan. 20 Iniutos niya agad kay Hilkias, kay Ahikam na anak ni Safan, kay Abdon na anak ni Mica, kay Safan, na kalihim, at kay Asaias, ang lingkod ng hari, na sumangguni kay Yahweh. Ang sabi niya, 21 “Sumangguni kayo kay Yahweh para sa akin at para sa nalalabing sambayanan ng Juda at Israel. Alamin ninyo ang mga itinuturo ng aklat na ito. Galit si Yahweh sa atin dahil sinuway ng ating mga ninuno ang salita ni Yahweh at hindi nila sinunod ang mga utos na nakasulat sa aklat na ito.”

22 Ang lahat ng inutusan, sa pangunguna ni Hilkias ay sama-samang sumangguni kay Hulda na isang babaing propeta at asawa ni Sallum. Si Sallum ay anak ni Tokat at apo naman ni Hasra na tagapag-ingat ng mga kasuotan. Siya'y pinuntahan nila sa kanyang tirahan sa bagong bahagi ng Jerusalem at sinabi rito ang nangyari. 23 Sinabi ni Hulda: “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa nagsugo sa inyo 24 na padadalhan ko ng malaking sakuna ang lugar na ito at padaranasin ng matinding hirap. Mangyayari ang lahat ng sumpang sinasabi sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. 25 Matutupad iyon sapagkat ako'y kanilang itinakwil at sa ibang mga diyos sila naghandog at sumamba. Ginalit nila ako dahil sa mga diyus-diyosang ginawa nila. Kaya't hindi mapapawi ang galit na ibubuhos ko sa bayang ito.’ 26 Ito ang sabihin ninyo sa hari ng Juda. Sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Nakita kong buong puso kang nagsisi at nagpakumbaba nang marinig mo ang kanyang salita laban sa lugar na ito at sa mamamayan dito. 27 Dahil nagpakumbaba ka, sinira mo ang iyong kasuotan at nakita kong tumangis ka nang marinig mo ang nakahanda kong parusa sa Jerusalem at sa mga naninirahan dito, pinakinggan ko ang iyong panalangin. 28 Kaya, hindi mo na maaabutan ang parusang igagawad ko sa lugar na ito. Isasama kita sa iyong mga ninuno at mamamatay kang mapayapa.’” Ito ang kasagutang dinala nila sa hari.

Ang Pangako ni Josias at ng mga Mamamayan kay Yahweh

29 Dahil dito'y ipinatawag ng hari ang mga matatandang pinuno ng sambayanan sa Juda at Jerusalem. 30 Kaya't sama-sama silang pumunta sa Templo kasama ang mga pari, Levita at lahat ng mamamayan sa Juda at Jerusalem. Tumayo ang hari sa harap ng madla at binasa ang buong Aklat ng Tipan na natagpuan sa Templo. 31 Nakatayo noon ang hari malapit sa isang haligi ng Templo. Nanumpa siya kay Yahweh na susundin nila nang buong puso at kaluluwa ang Kautusan at ang mga itinatakda ng kasunduang nakasulat sa aklat na iyon. 32 Pagkatapos, pinanumpa rin niya ang lahat ng taga-Jerusalem pati ang taga-Benjamin na sumunod sa kasunduang ginawa ng Diyos ng kanilang mga ninuno. 33 Inalis ni Josias sa buong nasasakupan ng bayang Israel ang lahat ng mga diyus-diyosang kasuklam-suklam sa Diyos at habang siya'y nabubuhay, inatasan niya ang bawat mamamayan na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos na sinamba ng kanilang mga ninuno.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.