Beginning
Ang Bahagi ng mga Pari sa mga Bagay na Banal
18 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ikaw at ang iyong mga anak at ang sambahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ukol sa santuwaryo, at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ng inyong pagiging pari.
2 Isama mo rin ang iyong mga kapatid mula sa lipi ni Levi, na lipi ng iyong ama upang sila'y makasama mo at maglingkod sa iyo samantalang ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay nasa harap ng tolda ng patotoo.
3 Sila'y maglilingkod para sa iyo at para sa buong tolda. Huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuwaryo, ni sa dambana, upang hindi sila mamatay, maging kayo man.
4 Sila'y makikisama sa iyo, at maglilingkod sa toldang tipanan, sa buong paglilingkod sa tolda at walang sinumang ibang dapat lumapit sa iyo.
5 Gampanan ninyo ang mga gawain sa santuwaryo, at ang gawain sa dambana upang huwag nang magkaroon pa ng kapootan sa mga anak ni Israel.
6 Ako ang pumili sa inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila ay isang kaloob sa inyo, na ibinigay sa Panginoon, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan.
7 At gagampanan mo at ng iyong mga anak na kasama mo ang inyong gawain bilang pari sa bawat bagay ng dambana at doon sa nasa loob ng tabing at kayo'y maglilingkod. Ibinibigay ko sa inyo ang pagiging pari bilang kaloob at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin.”
8 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Ako'y narito, ibinigay ko sa iyo ang katungkulan sa mga handog na para sa akin, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel. Ibinigay ko sa iyo ang mga ito bilang bahagi; at sa iyong mga anak bilang marapat na bahagi ninyo magpakailanman.
9 Ito'y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawat alay nila, bawat handog na butil at bawat handog pangkasalanan, at bawat handog nila para sa may salang budhi na kanilang ihahandog sa akin ay magiging pinakabanal sa iyo at sa iyong mga anak.
10 Gaya ng mga kabanal-banalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawat lalaki ay kakain niyon; iyon ay banal na bagay para sa iyo.
11 Ito ay iyo rin, ang handog na iwinagayway na kanilang kaloob, samakatuwid ay ang lahat ng mga handog na iwinagayway ng mga anak ni Israel; ibinigay ko ang mga ito sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na kasama mo bilang walang hanggang bahagi magpakailanman. Bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.
12 Lahat ng pinakamabuting langis, at lahat ng pinakamabuting alak at trigo, ang mga unang bunga ng mga iyon na kanilang ibibigay sa Panginoon ay ibibigay ko sa iyo.
13 Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa Panginoon ay magiging iyo; bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon.
14 Lahat(A) ng mga bagay na nakatalaga sa Israel ay magiging iyo.
15 Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa Panginoon, sa mga tao at gayundin sa mga hayop, ay magiging iyo. Gayunman, ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin.
16 At ang halaga ng pantubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa halaga ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuwaryo (na dalawampung gera[a]).
17 Ngunit ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; banal ang mga iyon. Iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba bilang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo para sa Panginoon.
18 Ngunit ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na iwinagayway at gaya ng kanang hita ay magiging iyo.
19 Lahat ng banal na handog na ihahandog ng mga anak ni Israel sa Panginoon ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na walang hanggang bahagi. Iyon ay tipan ng asin magpakailanman sa harap ng Panginoon para sa iyo at sa iyong binhi na kasama mo.”
20 Sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Hindi ka magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anumang bahagi sa gitna nila. Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel.
Ang Ikasampung Bahagi ay Ipinamana sa mga Levita
21 Sa(B) mga anak ni Levi, narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel bilang mana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, samakatuwid ay sa paglilingkod sa toldang tipanan.
22 Mula ngayon ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa toldang tipanan, baka sila'y magtaglay ng kasalanan, at mamatay.
23 Ngunit gagawin ng mga Levita ang paglilingkod sa toldang tipanan at kanilang papasanin ang kanilang kasamaan; ito'y magiging tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.
24 Sapagkat ang ikapu ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog bilang handog sa Panginoon ay aking ibinigay sa mga Levita bilang mana. Kaya't aking sinabi sa kanila, ‘Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.’”
25 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26 “Bukod dito'y sasabihin mo sa mga Levita, ‘Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasampung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila bilang inyong mana, ay inyong ihahandog bilang handog na ibinigay sa Panginoon, ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi.
27 Ang inyong mga handog ay ibibilang sa inyo na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas.
28 Ganito rin kayo maghahandog ng handog sa Panginoon sa inyong buong ikasampung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak ni Israel; at ganito ninyo ibibigay sa paring si Aaron ang handog sa Panginoon.
29 Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawat handog na ukol sa Panginoon, ang lahat ng pinakamabuti sa mga iyon, samakatuwid ay ang banal na bahagi niyon.
30 Kaya't iyong sasabihin sa kanila, “Kapag inyong naialay na ang pinakamabuti sa handog, ang nalabi ay ibibilang sa mga Levita, na parang bunga ng giikan at parang pakinabang sa pisaan ng ubas.
31 Maaari ninyong kainin saanmang lugar, kayo at ang inyong mga kasambahay sapagkat ito'y inyong gantimpala dahil sa inyong paglilingkod sa toldang tipanan.
32 At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, kapag naialay na ninyo ang pinakamabuti sa mga iyon at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay.’”
Ang Paglilinis sa Pamamagitan ng Abo ng Babaing Baka
19 Ang Panginoon ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi:
2 “Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon, ‘Sabihin mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang dumalagang baka, na walang kapintasan, walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.
3 Ibibigay ninyo ito sa paring si Eleazar, at kanyang ilalabas sa kampo at papatayin sa kanyang harapan.
4 Ang paring si Eleazar ay kukuha ng dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri, at pitong ulit na magwiwisik ng dugo sa dakong harap ng toldang tipanan.
5 At susunugin sa paningin niya ang dumalagang baka; ang balat nito at ang laman, ang dugo, at ang dumi nito ay susunugin.
6 Ang pari ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng pulang tela, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa dumalagang baka.
7 Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang mga damit at kanyang paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo at ang pari ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
8 Ang sumunog sa baka ay maglalaba ng kanyang damit sa tubig at kanyang huhugasan ang kanyang katawan sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
9 At(C) titipunin ng isang taong malinis ang mga abo ng dumalagang baka at ilalagay sa labas ng kampo sa isang dakong malinis; at iingatan para sa kapulungan ng mga anak ni Israel bilang tubig para sa karumihan para sa pag-aalis ng kasalanan.
10 Ang pumulot ng mga abo ng dumalagang baka ay maglalaba ng kanyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa gabi; at sa mga anak ni Israel at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila ay magiging isang tuntunin magpakailanman.
11 Ang humawak sa bangkay ng sinumang tao ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.
12 Siya ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na iyon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis, ngunit kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.
13 Sinumang humipo ng patay, na bangkay ng namatay at hindi maglilinis, ay dinudungisan ang tabernakulo ng Panginoon; at ang taong iyon ay ititiwalag sa Israel, sapagkat ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya; siya'y magiging marumi; ang kanyang karumihan ay nasa kanya pa.
14 Ito ang batas kapag ang isang tao ay namatay sa isang tolda. Lahat ng pumapasok sa tolda at lahat ng nasa tolda ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.
15 Bawat sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon ay marumi sa loob.
16 Sinumang nasa parang na humawak sa pinatay ng tabak, o sa bangkay, o sa buto ng tao, o sa libingan, ay magiging marumi sa loob ng pitong araw.
17 Para sa taong marumi ay kukuha sila ng mga abo sa sinunog na handog pangkasalanan at kukuha ng tubig na umaagos at ilalagay sa isang sisidlan.
18 Pagkatapos, ang malinis na tao ay kukuha ng isopo at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda, sa lahat ng kasangkapan, sa mga taong naroon, sa humawak ng buto o ng bangkay ng patay, o ng libingan.
19 Wiwisikan ng taong malinis ang taong marumi sa ikatlo at ikapitong araw; kaya't kanyang lilinisin siya sa ikapitong araw. Siya'y maglalaba ng kanyang mga kasuotan, maliligo sa tubig at magiging malinis sa paglubog ng araw.
20 “Ngunit ang taong marumi at hindi maglilinis ay ititiwalag mula sa gitna ng kapulungan, sapagkat kanyang dinungisan ang santuwaryo ng Panginoon, yamang ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya, siya'y marumi.
21 Ito'y magiging isang tuntunin magpakailanman sa kanila at ang nagwiwisik ng tubig para sa karumihan ay maglalaba ng kanyang mga suot; at yaong humawak ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
22 Anumang hawakan ng taong marumi ay magiging marumi, at ang taong humawak niyon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw.
Ang Pagkamatay ni Miriam(D)
20 Ang mga anak ni Israel, ang buong kapulungan, ay dumating sa ilang ng Zin nang unang buwan; at ang bayan ay nanatili sa Kadesh. Si Miriam ay namatay, at inilibing doon.
Ang Tubig ng Meriba
2 At(E) walang tubig na mainom ang kapulungan at sila'y nagpulong laban kina Moises at Aaron.
3 Nakipag-away ang bayan kay Moises at nagsabi, “Sana ay namatay na kami nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng Panginoon!
4 Bakit ninyo dinala ang kapulungan ng Panginoon sa ilang na ito upang kami at ang aming mga hayop ay mamatay dito?
5 At bakit ninyo kami pinaahon mula sa Ehipto upang dalhin kami sa masamang lugar na ito? Hindi ito lugar na bukirin, o ng igos, o ng ubasan, o ng mga granada; at dito'y walang tubig na mainom.”
6 Sina Moises at Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at nagtungo sa pintuan ng toldang tipanan at nagpatirapa. Ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagpakita sa kanila.
7 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
8 “Kunin mo ang tungkod at tipunin mo ang kapulungan, ikaw at ang kapatid mong si Aaron, at magsalita kayo sa bato sa harapan nila upang magbigay ito ng kanyang tubig. Sa gayon ka maglalabas ng tubig para sa kanila mula sa bato; gayon ka magbibigay ng inumin para sa kapulungan at sa kanilang mga hayop.”
9 At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng Panginoon, na gaya ng iniutos sa kanya.
10 Tinipon nina Moises at Aaron ang kapulungan sa harap ng malaking bato, at kanyang sinabi sa kanila, “Makinig kayo ngayon, mga mapaghimagsik! Ikukuha ba namin kayo ng tubig sa malaking batong ito?”
11 Itinaas ni Moises ang kanyang kamay at dalawang ulit na hinampas ng kanyang tungkod ang malaking bato at ang tubig ay lumabas na sagana, at uminom ang kapulungan at ang kanilang mga hayop.
12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, “Sapagkat hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng mga anak ni Israel, kaya't hindi ninyo dadalhin ang kapulungang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila.”
13 Ito ang tubig ng Meriba[b] na kung saan nakipag-away ang mga anak ni Israel sa Panginoon at ipinakita niya sa kanila na siya ay banal.
Ayaw Paraanin ng Edom ang Israel
14 Si Moises ay nagsugo sa mga hari sa Edom mula sa Kadesh, “Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israel, ‘Alam mo ang lahat ng kahirapan na dumating sa amin.
15 Kung paanong ang aming mga ninuno ay pumunta sa Ehipto, at kami ay nanirahan sa Ehipto ng matagal na panahon at pinahirapan kami at ang aming mga ninuno ng mga Ehipcio.
16 Nang kami ay dumaing sa Panginoon ay pinakinggan niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Ehipto. At ngayon, kami ay nasa Kadesh, na isang bayan na nasa dulo ng iyong nasasakupan.
17 Ipinapakiusap ko sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa kabukiran o sa ubasan, ni hindi kami iinom ng tubig sa mga balon. Kami ay daraan sa Daan ng Hari. Hindi kami liliko sa dakong kanan o sa kaliwa man hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan.’”
18 Sinabi ni Edom sa kanya, “Huwag kang daraan sa aking lupain, baka salubungin kita ng tabak.”
19 At sinabi ng mga anak ni Israel sa kanya, “Kami ay aahon sa lansangan at kung kami at ang aming mga hayop ay iinom ng iyong tubig, ito ay babayaran ko. Pahintulutan mo lamang ako na makaraan. Wala ng iba pa.”
20 Ngunit kanyang sinabi, “Hindi ka makakaraan.” Ang Edom ay lumabas laban sa kanya na may dalang maraming tao, at may malakas na hukbo.
21 Ganito tumanggi ang Edom na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan kaya't ang Israel ay lumayo sa kanya.
Ang Kamatayan ni Aaron
22 Sila at ang buong kapulungan ng mga Israelita ay naglakbay mula sa Kadesh at nakarating sa bundok ng Hor.
23 At sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron sa bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom,
24 “Si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan. Siya'y hindi papasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagkat kayo'y naghimagsik laban sa aking utos sa tubig ng Meriba.
25 Dalhin mo sina Aaron at Eleazar na kanyang anak sa bundok ng Hor.
26 Hubaran mo si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isuot mo kay Eleazar na kanyang anak at si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan, at doon siya mamamatay.”
27 Ginawa ni Moises ang iniutos ng Panginoon at sila'y umahon sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapulungan.
28 Hinubaran(F) ni Moises si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isinuot kay Eleazar na kanyang anak. Namatay si Aaron doon sa tuktok ng bundok at sina Moises at Eleazar ay bumaba sa bundok.
29 Nang makita ng buong kapulungan na si Aaron ay patay na, ang buong sambahayan ni Israel ay tumangis para kay Aaron sa loob ng tatlumpung araw.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001