Beginning
Nagreklamo ang mga Tao
11 Ang bayan ay nagreklamo sa pandinig ng Panginoon, at nang marinig ito ng Panginoon ay nagningas ang kanyang galit, at ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila, at tinupok ang gilid ng kampo.
2 Ngunit ang bayan ay nagmakaawa kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa Panginoon at ang apoy ay namatay.
3 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Tabera, sapagkat ang apoy ng Panginoon ay nagningas laban sa kanila.
4 At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, “Sana'y mayroon tayong karneng makakain!
5 Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang.
6 Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito.”
7 Ang(A) manna ay gaya ng butil ng kulantro at ang kulay niyon ay gaya ng kulay ng bedelio.
8 Ang mga taong-bayan ay lumilibot at pinupulot iyon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay. Ang lasa nito ay gaya ng lasa ng tinapay na niluto sa langis.
9 Kapag(B) ang hamog ay nahulog sa ibabaw ng kampo sa gabi, kasama nitong nahuhulog ang manna.
10 Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang Panginoon ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises.
11 Kaya't sinabi ni Moises sa Panginoon, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito?
12 Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno?
13 Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’
14 Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin.
15 Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.”
Ang Pitumpung Matatanda
16 Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo.
17 Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa.
18 At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng Panginoon, na sinasabi, ‘Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.’ Dahil dito bibigyan kayo ng Panginoon ng karne at kakain kayo.
19 Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw;
20 kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang Panginoon na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, ‘Bakit pa kami umalis sa Ehipto?’”
21 Ngunit sinabi ni Moises, “Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, ‘Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.’
22 Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?”
23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umikli na ba ang kamay ng Panginoon? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.”
24 Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng Panginoon. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda.
25 At ang Panginoon ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli.
Si Eldad at si Medad
26 Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo.
27 Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.”
28 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!”
29 Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na ilagay sa kanila ng Panginoon ang kanyang espiritu!”
30 At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel.
Ipinadala ang mga Pugo na Kasama ang Salot
31 At lumabas ang isang hangin galing sa Panginoon, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko[a] ang kapal sa ibabaw ng lupa.
32 Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer[b] at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo.
33 Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng Panginoon laban sa bayan at pinatay ng Panginoon ang mga tao ng matinding salot.
34 Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik.
35 Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot.
Si Miriam ay Nagkaketong
12 Sina Miriam at Aaron ay nagsalita laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang napangasawa (sapagkat talagang nag-asawa siya ng isang babaing Cusita).
2 At kanilang sinabi, “Ang Panginoon ba'y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?” At narinig ito ng Panginoon.
3 Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa.
4 At sinabi agad ng Panginoon kina Moises, Aaron at Miriam, “Lumabas kayong tatlo patungo sa toldang tipanan.” At silang tatlo ay lumabas.
5 Ang Panginoon ay bumaba sa isang haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng tolda, at tinawag sina Aaron at Miriam at sila'y kapwa lumapit.
6 At kanyang sinabi, “Pakinggan ninyo ngayon ang aking mga salita. Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong Panginoon ay magpapakilala sa kanya sa pangitain, at kakausapin ko siya sa panaginip.
7 Ang(C) aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayan.
8 Sa kanya'y nakikipag-usap ako nang harapan,[c] nang maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng Panginoon ay kanyang nakikita. Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod na si Moises?”
9 Ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa kanila; at siya'y umalis.
10 Nang ang ulap ay lumayo sa tolda, si Miriam ay naging ketongin na kasimputi ng niyebe. Tiningnan ni Aaron si Miriam, at nakita na ito'y ketongin.
11 At sinabi ni Aaron kay Moises, “O panginoon ko, huwag mo kaming parusahan,[d] sapagkat gumawa kaming may kahangalan, at kami ay nagkasala.
12 Huwag mong itulot sa kanya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na naagnas ang kalahati ng kanyang laman paglabas sa tiyan ng kanyang ina.”
13 At tumawag si Moises sa Panginoon, “Pagalingin mo siya, O Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo.”
14 Sinabi(D) ng Panginoon kay Moises, “Kung siya'y niluraan ng kanyang ama sa kanyang mukha, hindi ba niya dadalhin ang kanyang kahihiyan nang pitong araw? Kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampo, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob.”
15 Si Miriam ay pitong araw na kinulong sa labas ng kampo at ang bayan ay hindi umalis upang maglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob.
16 Pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haserot, at nagkampo sa ilang ng Paran.
Nagpadala ng mga Espiya sa Canaan(E)
13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsugo ka ng mga lalaki upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel. Isang lalaki sa bawat isa sa mga lipi ng kanilang mga ninuno ay susuguin ninyo, na bawat isa'y pinuno sa kanila.”
3 Kaya't sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon. Silang lahat ay mga lalaking pinuno sa mga anak ni Israel.
4 At ito ang kanilang mga pangalan: mula sa lipi ni Ruben ay si Samua na anak ni Zacur;
5 mula sa lipi ni Simeon ay si Shafat na anak ni Hori;
6 mula sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone;
7 mula sa lipi ni Isacar ay si Igal na anak ni Jose;
8 mula sa lipi ni Efraim ay si Hosheas na anak ni Nun;
9 mula sa lipi ni Benjamin ay si Palti na anak ni Rafu;
10 mula sa lipi ni Zebulon ay si Gadiel na anak ni Sodi;
11 mula sa lipi ni Jose, samakatuwid ay sa lipi ni Manases ay si Gaddi na anak ni Susi;
12 mula sa lipi ni Dan ay si Amiel na anak ni Gemalli;
13 mula sa lipi ni Aser ay si Sethur na anak ni Micael;
14 mula sa lipi ni Neftali ay si Nahabi na anak ni Vapsi;
15 mula sa lipi ni Gad ay si Geuel na anak ni Maci.
16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue si Hosheas na anak ni Nun.
17 Isinugo sila ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan at sinabi sa kanila, “Umakyat kayo sa Negeb at umakyat kayo sa mga kaburulan.
18 Tingnan ninyo kung ano ang lupain, at ang mga taong naninirahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
19 at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampo o sa mga may pader,
20 at kung ang lupain ay mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. Magpakatapang kayo at magdala kayo rito ng mga bunga ng lupain.” Ang panahong iyon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
21 Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat.
22 Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto).
23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos.
24 Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon.
Ang Masamang Balita ng mga Espiya
25 At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw.
26 Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
27 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon.
28 Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak.
29 Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan.”
30 Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, “Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon.”
31 Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.
32 Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.
33 At(F) nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001