Beginning
Ang Paglilinis ng Kampo
5 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampo ang bawat ketongin, at bawat may tulo at dinudugo, at ang bawat marumi dahil sa napahawak sa patay.
3 Kapwa ninyo ilalabas ang lalaki at babae. Sa labas ng kampo ninyo sila ilalagay upang hindi madungisan ang kanilang kampo na aking tinitirhan.”
4 Gayon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at inilabas sila sa kampo; kung paanong sinabi ng Panginoon kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
5 At(A) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang lalaki o babae ay nakagawa ng anumang kasalanan na nagagawa ng mga tao sa pamamagitan ng pagtataksil sa Panginoon, ang taong iyon ay nagkasala,
7 at kanyang ipahahayag ang kanyang kasalanang nagawa at kanyang pagbabayarang lubos ang kanyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa ginawan ng pagkakasala.
8 Subalit kung ang lalaki ay walang kamag-anak na mapagbabayaran ng sala, ang kabayaran sa sala ay mapupunta sa Panginoon para sa pari, bukod sa lalaking tupa na pantubos sa kanya.
9 At ang bawat handog sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel na kanilang dadalhin sa pari ay magiging kanya.
10 Ang mga bagay na banal ng bawat lalaki ay magiging kanya; ang ibigay ng sinumang tao sa pari ay magiging kanya.”
Ang Batas tungkol sa Nagtaksil na Asawa
11 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
12 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kung ang asawa ng sinumang lalaki ay lumihis ng landas at hindi naging tapat sa kanya,
13 at may ibang lalaking sumiping sa kanya, at ito'y nakubli sa mga mata ng kanyang asawa at siya ay hindi nahalata kahit na dinungisan niya ang kanyang sarili at walang saksi laban sa kanya, at hindi siya nahuli sa akto,
14 at kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya, at siya'y maninibugho sa kanyang asawa na dumungis sa kanyang sarili o kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya at siya'y naninibugho sa kanyang asawa, bagaman hindi niya dinungisan ang kanyang sarili,
15 dadalhin ng lalaki sa pari ang kanyang asawa, at dadalhin ang handog na hinihingi sa babae, ikasampung bahagi ng isang efa ng harina ng sebada. Hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito ay handog na butil tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala na nagpapaalala sa kasalanan.
16 “At ilalapit ng pari ang babae, at pahaharapin sa Panginoon.
17 Ang pari ay kukuha ng banal na tubig sa isang lalagyang luwad at dadampot ang pari ng alabok na nasa lapag ng tabernakulo at ilalagay sa tubig.
18 Pahaharapin ng pari ang babae sa Panginoon, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay sa kanyang mga kamay ang handog na butil na alaala, na handog na butil tungkol sa paninibugho, at hahawakan ng pari sa kamay ang mapapait na tubig na nagdadala ng sumpa.
19 Siya'y panunumpain ng pari, at sasabihin sa babae, ‘Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalaki, at kung hindi ka bumaling sa karumihan, habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa ay maligtas ka nawa sa mapait na tubig na ito na nagdadala ng sumpa.
20 Subalit kung ikaw ay lumihis habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa, at kung ikaw ay nadungisan at may ibang lalaking sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa,’
21 panunumpain ng pari ang babae ng panunumpang sumpa, at sasabihin ng pari sa babae, ‘Gagawin ka ng Panginoon na sumpa at kahihiyan sa gitna ng iyong bayan, kapag pinalaylay ng Panginoon ang iyong hita at pinamaga ang iyong katawan.
22 Ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok nawa sa iyong katawan, at ang iyong katawan ay pamagain at ang iyong hita ay palaylayin.’ At ang babae ay magsasabi, ‘Amen.’
23 “Pagkatapos ay isusulat ng pari ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kanyang tatanggalin sa tubig ng kapaitan.
24 Kanyang ipapainom sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa at papasok sa kanya ang tubig na nagdadala ng sumpa, at magbubunga ng matinding hapdi.
25 At kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog na butil tungkol sa paninibugho at kanyang iwawagayway ang handog na butil sa harap ng Panginoon, at dadalhin ito sa dambana.
26 Ang pari ay kukuha ng isang dakot ng handog na butil na alaala niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipapainom sa babae ang tubig.
27 Kapag napainom na siya ng tubig, at mangyari kung kanyang dinungisan ang kanyang sarili, at siya'y nagtaksil sa kanyang asawa, ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa kanya at magbubunga ng matinding hapdi. Ang kanyang katawan ay mamamaga at ang kanyang hita ay lalaylay; at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kanyang bayan.
28 Ngunit kung ang babae ay hindi nadungisan, kundi malinis, lalaya siya at magdadalang-tao.
29 “Ito ang batas tungkol sa paninibugho, kapag ang isang babae bagaman nasa ilalim ng kapangyarihan ng kanyang asawa, ay naligaw at dinungisan ang kanyang sarili,
30 o kapag ang diwa ng paninibugho ay dumating sa isang lalaki, at naninibugho sa kanyang asawa; ang babae ay pahaharapin niya sa Panginoon at ilalapat ng pari sa babae ang buong kautusang ito.
31 Ang lalaki ay maliligtas sa kasamaan ngunit ang babae ay mananagot sa kanyang kasamaan.”
Ang Batas tungkol sa mga Nazirita
6 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kapag ang sinumang lalaki o babae ay gagawa ng panata ng isang Nazirita[a] upang italaga ang sarili para sa Panginoon,
3 ay lalayo(B) siya sa alak at sa matapang na inumin. Siya'y hindi iinom ng tubang mula sa alak, o anumang inuming nakalalasing, ni iinom man ng anumang katas ng ubas o kakain man ng ubas na sariwa o pinatuyo.
4 Sa lahat ng araw ng kanyang pagiging Nazirita, hindi siya kakain ng anumang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
5 “Sa lahat ng araw ng kanyang panata bilang Nazirita ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kanyang ulo; hanggang sa matapos ang mga araw nang pagkabukod ng kanyang sarili sa Panginoon, siya'y magiging banal; kanyang pababayaang humaba ang buhok ng kanyang ulo.
6 “Sa lahat ng araw ng kanyang pagbubukod ng kanyang sarili para sa Panginoon, ay hindi siya lalapit sa bangkay.
7 Maging sa kanyang ama o sa kanyang ina, o sa kanyang kapatid na lalaki, o babae, kapag sila'y namatay ay hindi siya magpapakarumi, sapagkat ang kanyang pagkakabukod para sa Diyos ay nasa kanyang ulo.
8 Sa lahat ng araw ng kanyang pagkabukod ay banal siya sa Panginoon.
9 “At kung ang sinuman ay biglang mamatay sa tabi niya at nadungisan niya ang kanyang ulong itinalaga, aahitan niya ang kanyang ulo sa araw ng kanyang paglilinis; sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.
10 Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.
11 Ihahandog ng pari ang isa na handog pangkasalanan at ang isa'y handog na sinusunog at itutubos sa kanya, sapagkat siya'y nagkasala dahil sa bangkay, at itatalaga niya ang kanyang ulo sa araw ding iyon.
12 At itatalaga niya sa Panginoon ang mga araw ng kanyang pagkabukod, at siya'y magdadala ng isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog pangkasalanan subalit ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat ang kanyang pagkabukod ay nadungisan.
13 “At(C) ito ang batas tungkol sa Nazirita, kapag natapos na ang mga araw ng kanyang pagkabukod, siya'y dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan.
14 At kanyang ihahandog ang kanyang alay sa Panginoon, na isang korderong lalaki na isang taon na walang kapintasan, bilang handog na sinusunog, at isang korderong babae na isang taon na walang kapintasan bilang handog pangkasalanan at isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog pangkapayapaan,
15 at isang bakol na tinapay na walang pampaalsa, mga munting tinapay ng piling harina na hinaluan ng langis at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at ang handog na butil niyon at ang mga handog na inumin niyon.
16 Ihaharap iyon ng pari sa harapan ng Panginoon, at ihahandog ang kanyang handog pangkasalanan at ang kanyang handog na sinusunog.
17 Kanyang ihahandog sa Panginoon ang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa. Ihahandog din ng pari ang handog na butil niyon at ang handog na inumin niyon.
18 Ang Nazirita ay mag-aahit ng kanyang ulo ng pagkatalaga doon sa pintuan ng toldang tipanan at kanyang dadamputin ang buhok ng kanyang ulo ng pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng alay na handog pangkapayapaan.
19 At kukunin ng pari ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang pampaalsa sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang pampaalsa, at ilalagay sa mga kamay ng Nazirita, pagkatapos makapag-ahit ng buhok ng kanyang pagkatalaga.
20 Ang mga ito ay iwawagayway ng pari bilang handog na iwinagayway sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa pari, pati ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay; at pagkatapos nito, ang Nazirita ay maaari nang uminom ng alak.
21 “Ito ang batas para sa Nazirita na nagpanata. Ang kanyang alay sa Panginoon ay magiging ayon sa kanyang panata bilang Nazirita, bukod pa sa kanyang nakayanan; ayon sa kanyang panata na kanyang ipinangako ay gayon niya dapat gawin, ayon sa batas para sa kanyang pagkabukod bilang isang Nazirita.”
Ang Basbas ng Pari sa mga Anak ni Israel
22 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
23 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; sasabihin ninyo sa kanila:
24 Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka.
25 Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kanyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo.
26 Ilingap nawa ng Panginoon ang kanyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
27 Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel, at pagpapalain ko sila.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001