Beginning
Ang Araw ng Pagtubos
16 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron, nang sila'y lumapit sa harapan ng Panginoon at namatay.
2 Sinabi(A) ng Panginoon kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron na iyong kapatid na huwag papasok nang wala sa panahon[a] sa santuwaryo sa loob ng tabing, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban upang siya'y huwag mamatay, sapagkat ako'y magpapakita sa ulap sa ibabaw ng luklukan ng awa.
3 Ganito(B) papasok si Aaron sa loob ng dakong banal: may dalang isang guyang toro na handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki na handog na sinusunog.
4 Siya'y magsusuot ng banal na kasuotang lino, at ng lino bilang kasuotang panloob kasunod ng kanyang katawan, at magbibigkis ng pamigkis na lino, at magsusuot ng turbanteng lino; ito ang mga kasuotang banal. Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig at pagkatapos ay isusuot niya ang mga iyon.
5 Siya'y kukuha mula sa kapulungan ng mga anak ni Israel ng dalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog.
6 “At iaalay ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos niya sa kanya at sa kanyang sambahayan.
7 Pagkatapos ay kukunin niya ang dalawang kambing at ilalagay niya sa harapan ng Panginoon sa pintuan ng toldang tipanan.
8 Sa pamamagitan ng palabunutan ay pipiliin ni Aaron kung alin sa dalawang kambing ang sa Panginoon at kung alin ang kay Azazel.[b]
9 At ihaharap ni Aaron ang kambing na nabunot para sa Panginoon, at ihahandog ito bilang handog pangkasalanan.
10 Ngunit ang kambing na nabunot para kay Azazel ay ilalagay na buháy sa harapan ng Panginoon upang itubos sa kanya, at payaunin sa ilang kay Azazel.
11 “Ihaharap ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos para sa kanya at sa kanyang sambahayan, at papatayin niya ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili.
12 Kukuha siya mula sa dambana na nasa harapan ng Panginoon ng isang suuban na punô ng mga baga, at ng dalawang dakot ng masarap na dinikdik na insenso at kanyang dadalhin sa loob ng tabing.
13 Ilalagay niya ang insenso sa ibabaw ng apoy sa harapan ng Panginoon upang ang mga usok ng insenso ay tumakip sa luklukan ng awa[c] na nasa ibabaw ng patotoo,[d] upang huwag siyang mamatay.
14 At siya'y kukuha ng dugo ng toro at iwiwisik ito sa pamamagitan ng kanyang daliri sa ibabaw ng luklukan ng awa, at sa harapan ng luklukan ng awa ay iwiwisik niya ng pitong ulit ang dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri.
15 “Pagkatapos(C) ay papatayin niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at dadalhin ang dugo niyon sa loob ng tabing. Ang gagawin sa dugo ay ang gaya ng ginawa sa dugo ng toro, at iwiwisik iyon sa ibabaw ng luklukan ng awa at sa harapan ng luklukan ng awa.
16 Gayon niya tutubusin ang santuwaryo dahil sa karumihan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsuway, sa lahat nilang mga kasalanan. Gayon ang kanyang gagawin sa toldang tipanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumihan.
17 Huwag magkakaroon ng sinumang tao sa toldang tipanan kapag siya'y pumasok upang gumawa ng pagtubos sa loob ng dakong banal hanggang sa lumabas siya at matubos ang sarili, at ang kanyang kasambahay, at ang buong kapulungan ng Israel.
18 Pagkatapos ay lalabas siya patungo sa dambana na nasa harapan ng Panginoon, at gagawa ng pagtubos para dito, at kukuha ng dugo ng toro at ng kambing, at ilalagay sa mga sungay sa palibot ng dambana.
19 Pitong ulit niyang iwiwisik ang dugo sa dambana sa pamamagitan ng kanyang daliri, at lilinisin at babanalin ito mula sa mga karumihan ng mga anak ni Israel.
Ang Kambing na Pakakawalan
20 “Pagkatapos niyang matubos ang dakong banal, ang toldang tipanan, at ang dambana, ay ihahandog niya ang kambing na buháy.
21 At ipapatong ni Aaron ang kanyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buháy, at ipahahayag sa ibabaw niyon ang lahat ng mga kasamaan, mga paglabag at lahat ng mga kasalanan ng mga anak ni Israel. Ilalagay niya ang mga iyon sa ulo ng kambing at ipapadala sa ilang sa pamamagitan ng isang taong pinili.
22 Dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila sa lupaing walang naninirahan, at pakakawalan niya ang kambing sa ilang.
23 “At(D) papasok si Aaron sa toldang tipanan at huhubarin ang mga suot na lino na isinuot niya nang siya'y pumasok sa dakong banal at iiwan niya ang mga iyon doon.
24 Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig sa isang dakong banal, at isusuot ang kanyang mga damit at lalabas, at iaalay ang kanyang handog na sinusunog at ang handog na sinusunog para sa bayan. Gayon niya gagawin ang pagtubos para sa kanyang sarili at sa bayan.
25 Kanyang susunugin sa ibabaw ng dambana ang taba ng handog para sa kasalanan.
26 At ang nagpakawala ng kambing na ukol kay Azazel ay maglalaba ng kanyang mga damit at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo.
27 Ang(E) toro na handog pangkasalanan at ang kambing na handog pangkasalanan, na ang dugo ay ipinasok upang ipantubos sa dakong banal ay ilalabas sa kampo; at susunugin nila sa apoy ang mga balat, ang laman, at ang dumi ng mga iyon.
28 Ang magsusunog ng mga iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit, at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo.
Pagdaraos ng Araw ng Pagtubos
29 “Ito'y(F) magiging alituntunin magpakailanman para sa inyo: sa ikapitong buwan ng ikasampung araw ng buwan ay magpakasakit kayo sa inyong mga sarili,[e] at huwag gagawa ng anumang gawain, ang mamamayan, ni ang taga-ibang bayan na nakatira sa inyong kalagitnaan.
30 Sapagkat sa araw na ito, ang pari ay gagawa ng pagtubos sa inyo upang linisin kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan; kayo ay magiging malinis sa harapan ng Panginoon.
31 Ito ay Sabbath na taimtim na kapahingahan sa inyo, at magpakasakit kayo;[f] ito'y isang alituntuning magpakailanman.
32 Ang pari na kanyang hihirangin at itatalaga upang maging pari na kapalit ng kanyang ama, ay siyang gagawa ng pagtubos na suot ang mga banal na kasuotang lino.
33 Kanyang tutubusin ang santuwaryo, at tutubusin niya ang toldang tipanan, at ang dambana; at tutubusin niya ang mga pari at ang buong bayan ng kapulungan.
34 Ito'y magiging alituntuning walang hanggan sa inyo, na tubusin ang mga anak ni Israel minsan sa isang taon dahil sa lahat nilang mga kasalanan.” At ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng Panginoon.
Ang Pagiging Banal ng Dugo
17 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka kay Aaron at sa kanyang mga anak at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Ito ang iniutos ng Panginoon:
3 Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na pumatay ng baka, o kordero, o kambing sa loob ng kampo, o pumatay sa labas ng kampo,
4 at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ihandog bilang alay sa Panginoon, sa harapan ng tabernakulo ng Panginoon, ang dugo ay ipaparatang sa taong iyon. Siya'y nagbubo ng dugo, at ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
5 Ito ay upang ang mga anak ni Israel ay magdala ng kanilang mga alay na kanilang pinapatay sa kaparangan, upang dalhin nila ang mga ito sa Panginoon, sa pari na nasa pintuan ng toldang tipanan, at ialay ang mga iyon bilang handog pangkapayapaan sa Panginoon.
6 Iwiwisik ng pari ang dugo sa ibabaw ng dambana ng Panginoon, sa pintuan ng toldang tipanan at susunugin ang taba na mabangong samyo sa Panginoon,
7 upang hindi na nila iaalay ang kanilang mga alay sa mga demonyong kambing na sanhi ng kanilang pagtataksil.[g] Ito ay magiging alituntunin magpakailanman sa kanila sa buong panahon ng kanilang salinlahi.
8 “At sasabihin mo sa kanila: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na naghandog ng handog na sinusunog o alay,
9 at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ialay sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.
Ang Dugo ay Hindi Dapat Kainin
10 “Sinumang(G) tao sa sambahayan ni Israel o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na kumain ng anumang dugo, ay aking ihaharap ang aking mukha laban sa taong iyon na kumain ng dugo, at ititiwalag siya sa kanyang bayan.
11 Sapagkat(H) ang buhay ng laman ay nasa dugo, at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay.
12 Kaya't aking sinabi sa mga anak ni Israel, ‘Sinuman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo ay huwag kakain ng dugo.’
13 At sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo na humuli ng hayop o ng ibon na makakain, ay ibubuhos niya ang dugo niyon at tatabunan ng lupa.
14 “Sapagkat ang buhay ng lahat ng laman ay ang dugo nito. Kaya't sinabi ko sa mga anak ni Israel: Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang laman, sapagkat ang buhay ng buong laman ay ang dugo nito, sinumang kumain niyon ay ititiwalag.
15 At sinumang tao, katutubo man o taga-ibang bayan, na kumain ng anumang kusang namatay o nilapa ng hayop ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos ay magiging malinis siya.
16 Subalit kung hindi niya labhan ang mga iyon, ni paliguan ang kanyang katawan, ay tataglayin niya ang kanyang kasalanan.”
18 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsalita ka ng ganito sa mga anak ni Israel: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
3 Huwag ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Ehipto na inyong tinirahan; at huwag din ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa nila sa lupain ng Canaan, na pinagdadalhan ko sa inyo. Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga alituntunin nila.
4 Gagawin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga batas at lakaran ninyo ang mga iyon: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.
5 Tutuparin(I) nga ninyo ang aking mga alituntunin at mga batas; na kapag tinupad ng isang tao, siya ay mabubuhay. Ako ang Panginoon.
Mga Bawal na Pagtatalik
6 “Huwag lalapit ang sinuman sa inyo sa kaninumang kanyang malapit na kamag-anak upang ilitaw ang kahubaran. Ako ang Panginoon.
7 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng iyong ama, na siyang kahubaran ng iyong ina. Siya'y iyong ina; huwag mong ililitaw ang kanyang kahubaran.
8 Ang(J) kahubaran ng asawa ng iyong ama ay huwag mong ililitaw; iyon ay kahubaran ng iyong ama.
9 Huwag(K) mong ililitaw ang kahubaran ng iyong kapatid na babae, na anak ng iyong ama o anak ng iyong ina, maging ipinanganak sa sariling tahanan o sa ibang bayan;
10 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng iyong anak na lalaki, o ng anak na babae ng iyong anak na babae; sapagkat ang kahubaran nila ay kahubaran mo rin.
11 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng asawa ng iyong ama, na anak ng iyong ama, siya'y kapatid mo.
12 Huwag(L) mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ama; siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ama.
13 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, sapagkat siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ina.
14 Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na lalaki ng iyong ama; samakatuwid ay huwag kang sisiping sa asawa niya; siya'y iyong tiya.
15 Huwag(M) mong ililitaw ang kahubaran ng iyong manugang na babae, siya'y asawa ng iyong anak; ang kahubaran niya ay huwag mong ililitaw.
16 Huwag(N) mong ililitaw ang kahubaran ng asawa ng iyong kapatid na lalaki; siya ay kahubaran ng iyong kapatid na lalaki.
17 Huwag(O) mong ililitaw ang kahubaran ng isang babae at ng kanyang anak na babae; huwag mong papakisamahan ang anak na babae ng kanyang anak na lalaki o ang anak na babae ng kanyang anak na babae, upang lumitaw ang kanyang kahubaran; sila'y malapit na kamag-anak; ito ay masama.
18 Hindi mo maaaring maging asawa ang iyong hipag, upang maging kaagaw ng kanyang kapatid na babae na iyong ililitaw ang kahubaran niya, habang nabubuhay pa ang kanyang kapatid.
19 “At(P) huwag kang sisiping sa isang babae upang ilitaw ang kahubaran niya habang siya ay nasa karumihan ng pagreregla.
20 Huwag(Q) kang sisiping sa asawa ng iyong kapwa, at dungisan ang iyong sarili kasama niya.
21 Huwag(R) kang magbibigay ng iyong anak[h] upang italaga iyon sa apoy kay Molec; ni huwag mong lalapastanganin ang pangalan ng iyong Diyos; Ako ang Panginoon.
22 Huwag(S) kang sisiping sa lalaki na gaya ng pagsiping mo sa babae: ito ay karumaldumal.
23 At(T) huwag kang sisiping sa anumang hayop upang dungisan mo ang iyong sarili kasama nito, ni ang babae ay huwag ibibigay ang sarili upang makasiping ng hayop, ito ay mahalay na pagtatalik.
24 “Huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa lahat ng mga ito ay dinungisan ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo ang kanilang mga sarili,
25 at nadungisan ang lupain, kaya't aking dadalawin ang kanyang kasamaan at isinusuka ng lupain ang mga naninirahan doon.
26 Subalit inyong tutuparin ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas, at huwag ninyong gagawin ang alinman sa mga karumaldumal na ito, maging ang mga katutubo o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.
27 Ang mga tao sa lupain na nauna sa inyo ay gumawa ng lahat ng mga karumaldumal na mga ito, at ang lupain ay nadungisan;
28 baka isuka rin kayo ng lupain kapag dinungisan ninyo ito, gaya ng pagsuka nito sa bansang nauna sa inyo.
29 Sapagkat sinumang gumawa ng alinman sa mga karumaldumal na ito, ang mga taong gumagawa ng mga iyon ay ititiwalag sa kanilang bayan.
30 Kaya ingatan ninyo ang aking bilin na huwag gawin ang alinman sa mga karumaldumal na kaugaliang ito na ginawa ng mga nauna sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga ito: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001