Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Bilang 23-25

Ang Unang Talinghaga ni Balaam

23 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”

Ginawa nga ni Balak ang sinabi ni Balaam. Sina Balak at Balaam ay naghandog sa bawat dambana ng isang toro at isang lalaking tupa.

Sinabi ni Balaam kay Balak, “Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na sinusunog at ako'y aalis. Baka sakaling pumarito ang Panginoon upang salubungin ako at anumang bagay na kanyang ipakita sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” Siya'y dumating sa isang dakong mataas na walang tanim.

At sinalubong ng Diyos si Balaam at sinabi sa kanya, “Aking inihanda ang pitong dambana, at inihandog ang isang toro at isang lalaking tupa para sa bawat dambana.”

Nilagyan ng Panginoon ng salita ang bibig ni Balaam at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”

Siya'y bumalik kay Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga pinuno ng Moab.

At binigkas ni Balaam[a] ang kanyang talinghaga, na sinasabi,

“Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balak,
    na hari ng Moab, mula sa mga bundok ng silangan.
Pumarito ka, sumpain mo para sa akin ang Jacob.
    Pumarito ka, laitin mo ang Israel.
Paano ko susumpain ang hindi sinumpa ng Diyos?
    At paano ko lalaitin ang hindi nilait ng Panginoon?
Sapagkat mula sa tuktok ng mga bundok ay nakikita ko siya,
    at mula sa mga burol ay akin siyang natatanaw;
narito, siya'y isang bayang naninirahang mag-isa,
    at hindi ibinibilang ang sarili sa gitna ng mga bansa.
10 Sinong makakabilang ng mga alabok ng Jacob,
    o ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel?
Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid,
    at ang aking wakas ay maging tulad nawa ng sa kanya!”

11 At sinabi ni Balak kay Balaam, “Anong ginawa mo sa akin? Isinama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, ngunit narito, wala kang ginawa kundi pagpalain sila.”

12 Siya'y sumagot, “Hindi ba nararapat na aking maingat na sabihin ang inilagay ng Panginoon sa bibig ko?”

Ang Ikalawang Talinghaga ni Balaam

13 Sinabi sa kanya ni Balak, “Ipinapakiusap ko sa iyo na sumama ka sa akin sa ibang lugar, kung saan mo sila makikita. Ang makikita mo lamang ay ang pinakamalapit sa kanila, at hindi mo sila makikitang lahat at sumpain mo sila para sa akin mula roon.”

14 Kaya't kanyang dinala siya sa parang ng Sofim, sa tuktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro at ng isang lalaking tupa sa bawat dambana.

15 Kanyang sinabi kay Balak, “Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na sinusunog, habang sinasalubong ko ang Panginoon doon.”

16 At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at nilagyan ng salita ang kanyang bibig, at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”

17 Nang siya'y dumating sa kanya, siya'y nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog na kasama ang mga pinuno sa Moab. At sinabi sa kanya ni Balak, “Anong sinabi ng Panginoon?”

18 At binigkas ni Balaam ang kanyang talinghaga, na sinasabi,

“Tumindig ka, Balak, at iyong pakinggan,
    makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zipor.
19 Ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling,
    ni anak ng tao na magsisisi.
Sinabi ba niya at hindi niya gagawin?
    O sinalita ba niya at hindi niya tutuparin?
20 Ako'y tumanggap ng utos na magbigay ng pagpapala:
    kanyang pinagpala, at hindi ko na mababago iyon.
21 Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob,
    ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel.
Ang Panginoon nilang Diyos ay kasama nila,
    at ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.
22 Ang Diyos ang naglalabas sa kanila sa Ehipto.
    Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro.
23 Tunay na walang engkanto laban sa Jacob,
    ni panghuhula laban sa Israel.
Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel,
    ‘Anong ginawa ng Diyos!’
24 Tingnan mo, ang bayan ay tumitindig na parang isang babaing leon,
    at parang isang leon na itinataas ang sarili.
Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng biktima
    at makainom ng dugo ng napatay.”

25 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Huwag mo silang sumpain ni pagpalain.”

26 Ngunit si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balak, “Di ba sinabi ko sa iyo, ‘Ang lahat na sinasalita ng Panginoon ay siya kong nararapat gawin?’”

27 Kaya't sinabi ni Balak kay Balaam, “Halika ngayon, isasama kita sa ibang lugar; marahil ay matutuwa ang Diyos na iyong sumpain sila para sa akin mula roon.”

28 At isinama ni Balak si Balaam sa tuktok ng Peor na nasa gawing itaas ng ilang.

29 Sinabi ni Balaam kay Balak, “Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at pitong lalaking tupa.”

30 At ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat dambana.

Ang Ikatlong Talinghaga ni Balaam

24 Nang makita ni Balaam na ikinatuwa ng Panginoon na pagpalain ang Israel, hindi siya pumunta na gaya nang una, upang maghanap ng tanda, kundi kanyang iniharap ang kanyang mukha sa dakong ilang.

Itinaas ni Balaam ang kanyang paningin, at kanyang nakita ang Israel na nagkakampo ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa kanya.

At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi:

“Ang sinabi ni Balaam na anak ni Beor,
    ang sinabi ng lalaking bukas[b] ang mga mata,
ang sabi niya na nakarinig ng mga salita ng Diyos,
    na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat,
    na nakalugmok ngunit bukas ang mga mata.
Napakaganda ng iyong mga tolda, O Jacob,
    ang iyong mga himpilan, O Israel!
Gaya ng mga libis na abot hanggang sa malayo,
    gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog,
gaya ng aloe na itinanim ng Panginoon,
    gaya ng mga puno ng sedro sa tabi ng ilog.
Ang tubig ay aagos mula sa kanyang pang-igib,
    at ang kanyang binhi ay matatatag sa maraming tubig,
ang kanyang hari ay tataas ng higit kay Agag,
    at ang kanyang kaharian ay matatanyag.
Ang Diyos ang naglalabas sa kanya sa Ehipto;
    may lakas na gaya ng mabangis na toro.
Kanyang lalamunin ang mga bansa na kanyang mga kaaway,
    at kanyang babaliin ang kanilang mga buto,
    at papanain sila ng kanyang mga palaso.
Siya'y(A) yumuko, siya'y lumugmok na parang leon,
    at parang isang babaing leon, sinong gigising sa kanya?
Pagpalain nawa ang lahat na nagpapala sa iyo,
    at sumpain ang lahat na sumusumpa sa iyo.”

Ang Ikaapat na Talinghaga ni Balaam

10 Ang galit ni Balak ay nagningas laban kay Balaam. Isinuntok ni Balak ang kanyang mga kamay at sinabi kay Balaam, “Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, ngunit binasbasan mo sila nang tatlong ulit.

11 Ngayon nga ay umalis ka patungo sa iyong lugar. Aking inisip na lubos kitang gantimpalaan ngunit pinigil ng Panginoon ang iyong gantimpala.”

12 At sinabi ni Balaam kay Balak, “Di ba sinabi ko rin sa iyong mga sugo,

13 kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto ay hindi ako maaaring lumampas sa salita ng Panginoon na gumawa ng mabuti o masama sa aking sariling kalooban. Kung ano ang sabihin ng Panginoon ay siya kong sasabihin?

14 Ngayon, ako'y pupunta sa aking bayan. Pumarito ka at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.”

15 At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi:

“Ang sabi ni Balaam na anak ni Beor,
    ang sabi ng taong bukas ang mga mata,
16 ang sabi niya, na nakarinig ng mga salita ng Diyos,
    at nakaalam ng karunungan ng Kataas-taasan,
na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat,
    na nakalugmok ngunit bukas ang kanyang mga mata.
17 Aking makikita siya, ngunit hindi ngayon;
    aking pagmamasdan siya, ngunit hindi sa malapit:
Lalabas ang isang bituin sa Jacob,
    at may isang setro na lilitaw sa Israel,
at dudurugin ang noo[c] ng Moab,
    at lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan.
18 Ang Edom ay sasamsaman,
    ang Seir na kanyang mga kaaway ay sasamsaman rin,
    samantalang ang Israel ay nagpapakatapang.
19 Sa pamamagitan ng Jacob ay magkakaroon ng kapamahalaan,
    at ang nalalabi sa bayan ay pupuksain.”

20 Pagkatapos siya'y tumingin sa Amalek, at binigkas ang kanyang talinghaga na sinasabi,

“Ang Amalek ay siyang dating nangunguna sa mga bansa;
ngunit sa huli siya ay mapupuksa.”

21 At tumingin siya sa Kineo, at binigkas ang kanyang talinghaga na sinasabi,

“Matibay ang iyong tirahan,
    at ang iyong pugad ay nasa malaking bato;
22 gayunma'y mawawasak ang Cain.
    Gaano katagal na bibihagin ka ng Ashur?”

23 At siya'y nagsalita ng talinghaga, na sinasabi:

“Sinong mabubuhay kapag ginawa ito ng Diyos?
24     Ngunit ang mga barko ay manggagaling sa baybayin ng Kittim
at kanilang pahihirapan ang Ashur at Eber,
    at siya man ay pupuksain.”

25 Pagkatapos, si Balaam ay tumindig at bumalik sa kanyang lugar; at si Balak ay umalis na rin.

Sinamba si Baal-peor

25 Samantalang ang Israel ay naninirahan sa Shittim, ang taong-bayan ay nagpasimulang makiapid sa mga anak na babae ng Moab.

Sapagkat inanyayahan ng mga ito ang taong-bayan sa mga paghahandog sa kanilang mga diyos; at ang bayan ay kumain at yumukod sa mga diyos ng Moab.

Ang Israel ay nakipag-isa sa Baal ng Peor; at ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel.

Kaya't sinabi ng Panginoon kay Moises, “Isama mo ang lahat ng pinuno sa bayan at bitayin mo sila sa harap ng araw sa harap ng Panginoon, upang ang matinding galit ng Panginoon ay mapawi sa Israel.

Sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, “Patayin ng bawat isa sa inyo ang mga taong nakipag-isa sa Baal ng Peor.”

At dumating ang isa sa mga anak ni Israel at nagdala sa kanyang mga kapatid ng isang babaing Midianita sa paningin ni Moises at ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel, habang sila'y umiiyak sa pintuan ng toldang tipanan.

Nang makita ito ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ay tumindig siya sa gitna ng kapulungan at hinawakan ang isang sibat.

Pumunta siya sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at tinuhog silang pareho, ang lalaking Israelita at ang babae, tagos sa katawan nito. Sa gayon ang salot ay huminto sa mga anak ni Israel.

Ang mga namatay sa salot ay dalawampu't apat na libo.

10 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

11 “Pinawi ni Finehas na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y nanibugho dahil sa aking paninibugho sa kanila, na anupa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking paninibugho.

12 Kaya't sabihin mo, narito, ibinibigay ko sa kanya ang aking tipan ng kapayapaan.

13 At magiging kanya at sa binhing susunod sa kanya ang tipan ng walang hanggang pagkapari, sapagkat siya'y mapanibughuin para sa kanyang Diyos at ginawa ang pagtubos para sa mga anak ni Israel.”

14 Ang pangalan ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kasama ng babaing Midianita ay Zimri na anak ni Salu, na pinuno sa isang sambahayan ng mga Simeonita.

15 Ang pangalan ng babaing Midianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya'y pinuno sa bayan ng isang sambahayan ng mga sambayanan sa Midian.

16 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

17 “Guluhin ninyo ang mga Midianita, at inyong daigin sila;

18 sapagkat ginulo nila kayo ng kanilang mga pandaraya sa inyo sa nangyari sa Peor, at sa pangyayari kay Cozbi, na anak na babae ng pinuno sa Midian, na kanilang kapatid na namatay nang araw ng salot dahil sa pangyayari sa Peor.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001