Beginning
Paghihiganti sa Midianita
31 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Ipaghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Midianita; pagkatapos nito'y ititipon ka sa iyong bayan.”
3 At sinabi ni Moises sa bayan, “Kayong mga lalaki ay maghanda ng sandata para sa pakikipaglaban upang labanan ang Midianita at igawad ang paghihiganti ng Panginoon sa Midian.
4 Sa bawat lipi ay isang libo ang susuguin ninyo sa pakikipaglaban.”
5 Sa gayo'y sinugo ang libu-libong Israelita, isang libo sa bawat lipi, labindalawang libong may sandata para sa pakikipaglaban.
6 Sinugo sila ni Moises sa pakikipaglaban, isang libo sa bawat lipi, sila at si Finehas na anak ng paring si Eleazar, na may mga kasangkapan ng santuwaryo at may mga trumpeta na panghudyat sa kanyang kamay.
7 Nakipaglaban sila sa Midian gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises, at kanilang pinatay ang bawat lalaki.
8 Pinatay nila ang mga hari sa Midian: sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba, limang hari sa Midian. Sina Balaam na anak ni Beor ay kanilang pinatay rin ng tabak.
9 At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Midian at ang kanilang mga bata. Ang lahat ng kanilang mga hayop at mga kawan, at ang lahat ng kanilang ari-arian ay kanilang sinamsam.
10 Ang lahat ng kanilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinitirhan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.
11 Kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging tao at hayop.
12 Ang mga bihag, ang nasamsam, at ang mga natangay ay kanilang dinala kay Moises at sa paring si Eleazar, at sa kapulungan ng mga anak ni Israel na nasa kampo sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.
13 Si Moises at ang paring si Eleazar, at ang lahat ng mga pinuno sa kapulungan, ay lumabas upang salubungin sila sa labas ng kampo.
14 Si Moises ay nagalit sa mga pinuno ng hukbo, sa mga pinuno ng libu-libo at sa mga pinuno ng daan-daan na nanggaling sa pakikipaglaban.
15 Sinabi ni Moises sa kanila, “Hinayaan ba ninyong mabuhay ang lahat ng mga babae?
16 Ang(A) mga babaing ito, dahil sa payo ni Balaam, ang naging dahilan upang ang mga anak ni Israel ay magtaksil sa Panginoon sa nangyari sa Peor, kaya't nagkasalot sa kapulungan ng Panginoon.
17 Ngayon ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalaki at bawat babae na nakakilala na ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
18 Ngunit ang lahat ng mga dalaga na hindi pa nakakilala ng lalaki dahil hindi pa nasisipingan ang mga ito ay hayaan ninyong mabuhay upang mapasainyo.
19 Manatili kayo sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sinuman sa inyo na nakamatay ng sinumang tao, at nakahawak ng anumang pinatay ay maglilinis sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.
20 Ang bawat kasuotan, lahat ng yari sa balat, sa balahibo ng kambing, at lahat ng bagay na yari sa kahoy ay linisin ninyo.
Pagbabahagi ng Samsam at Bihag
21 Sinabi ng paring si Eleazar sa mga mandirigma ng hukbo na pumunta sa pakikipaglaban, “Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:
22 Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, tingga,
23 at bawat bagay na hindi natutupok sa apoy ay inyong pararaanin sa apoy, at iyon ay magiging malinis. Gayunma'y inyong lilinisin iyon ng tubig para sa karumihan at ang lahat na hindi nakakatagal sa apoy ay inyong pararaanin sa tubig.
24 Inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makakapasok kayo sa kampo.”
25 Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
26 “Ang samsam na nakuha ninyo maging tao o hayop ay bilangin mo at ng paring si Eleazar, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno sa kapulungan.
27 Hatiin mo sa dalawa ang samsam, sa mga lalaking mandirigma na lumabas sa pakikipaglaban at sa buong kapulungan.
28 Bigyan mo ng buwis ang Panginoon para sa mga lalaking mandirigma na pumunta sa pakikipaglaban: isa sa bawat limang daang tao, at gayundin sa mga hayop, at sa mga asno at mga kawan.
29 Sa kalahating nauukol sa kanila ay kukunin mo iyon at ibibigay mo sa paring si Eleazar na handog sa Panginoon.
30 Sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kunin mo ang isang samsam sa bawat limampu, sa mga tao, mga baka, mga asno, mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita na siyang namamahala sa tabernakulo ng Panginoon.”
31 Ginawa nga ni Moises at ng paring si Eleazar ang ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
32 Ang nabihag bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipaglaban ay animnaraan at pitumpu't limang libong tupa,
33 pitumpu't dalawang libong baka,
34 animnapu't isang libong asno,
35 at tatlumpu't dalawang libong tao lahat, mga babae na hindi pa nakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito.
36 Ang kalahati, na siyang bahagi niyong mga pumunta sa pakikipaglaban ay umaabot sa bilang na tatlong daan tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa.
37 Ang buwis na tupa sa Panginoon ay animnaraan at pitumpu't lima.
38 Ang mga baka ay tatlumpu't anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay pitumpu't dalawa.
39 Ang mga asno ay tatlumpung libo at limang daan; at ang buwis sa Panginoon ay animnapu't isa.
40 Ang mga tao ay labing-anim na libo; at ang buwis sa Panginoon ay tatlumpu't dalawang tao.
41 Ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog sa Panginoon, sa paring si Eleazar, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
42 Ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipaglaban.
43 Ang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa,
44 tatlumpu't anim na libong baka,
45 tatlumpung libo't limang daang asno,
46 at labing-anim na libong tao.
47 Ang kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kinuha ni Moises, ang isa sa bawat limampu, sa tao at gayundin sa hayop, at ibinigay sa mga Levita na namamahala sa tabernakulo ng Panginoon; gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
48 Ang mga pinuno na namamahala sa libu-libo ng hukbo, ang mga pinuno ng libu-libo, at ang mga pinuno ng daan-daan ay lumapit kay Moises.
49 Sinabi nila kay Moises, “Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mandirigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin.
50 Aming dinala bilang handog sa Panginoon ang nakuha ng bawat lalaki na mga hiyas na ginto, mga panali sa braso, at mga pulseras, mga singsing na pantatak, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang ipantubos sa aming mga sarili sa harap ng Panginoon.”
51 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang kanilang ginto na lahat ay nasa anyong hiyas.
52 Ang lahat ng gintong handog na kanilang inihandog sa Panginoon, ng mga pinuno ng libu-libo, at ng mga pinuno ng daan-daan, ay labing-anim na libo pitong daan at limampung siklo.
53 (Sapagkat ang mga lalaki na nakipaglaban ay kanya-kanyang nag-uwi ng mga samsam.)
54 At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang ginto ng mga pinuno ng libu-libo at ng daan-daan, at ipinasok sa toldang tipanan bilang alaala sa mga anak ni Israel sa harap ng Panginoon.
Ang Ruben, Gad, at ang Kalahati ng Lipi ni Manases ay Nanirahan sa Gilead(B)
32 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay may lubhang napakaraming hayop. Nang kanilang makita ang lupain ng Jazer at ang lupain ng Gilead ay mabuting lugar iyon para sa hayop,
2 lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng sambayanan, na sinasabi:
3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Saban, Nebo, at ang Beon,
4 na lupaing winasak ng Panginoon sa harap ng kapulungan ng Israel ay lupaing mabuti para sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.”
5 At sinabi nila, “Kung kami ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ibigay sa iyong mga lingkod ang lupaing ito bilang ari-arian; at huwag mo na kaming patawirin sa Jordan.”
6 Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at sa mga anak ni Ruben, “Pupunta ba ang inyong mga kapatid sa pakikipaglaban, samantalang kayo'y nakaupo rito?
7 At bakit pinanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, upang huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?
8 Ganyan(C) ang ginawa ng inyong mga ninuno nang sila'y aking suguin, mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain.
9 Sapagkat nang sila'y makaahon sa libis ng Escol at makita ang lupain, ay kanilang pinanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.
10 Ang(D) galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na iyon, at siya'y sumumpa na sinasabi,
11 ‘Tunay na walang taong lumabas sa Ehipto, mula sa dalawampung taong gulang pataas na makakakita ng lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob; sapagkat sila'y hindi lubos na sumunod sa akin;
12 liban kay Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, at si Josue na anak ni Nun sapagkat sila'y lubos na sumunod sa Panginoon.’
13 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang pinagala-gala sila sa ilang nang apatnapung taon hanggang sa ang buong salinlahing iyon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon ay nalipol.
14 At, ngayo'y bumangon kayo na kapalit ng inyong mga ninuno, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang matinding galit ng Panginoon sa Israel.
15 Sapagkat kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kanya ay kanyang muling iiwan sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.”
16 Sila'y lumapit sa kanya, at nagsabi, “Gagawa kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop, at ng mga bayan para sa aming mga bata.
17 Ngunit kami ay maghahandang lumaban upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming madala sila sa kanilang lugar; at ang aming mga bata ay maninirahan sa mga bayang may pader dahil sa mga naninirahan sa lupain.
18 Kami ay hindi babalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang lahat ng mga anak ni Israel ay magkaroon ng kanilang sariling pag-aari,
19 sapagkat hindi kami makikihati sa kanilang mana sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagkat tinanggap na namin ang aming mana rito sa dakong silangan ng Jordan.”
20 At sinabi ni Moises sa kanila, “Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y maghahandang lumaban upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipaglaban,
21 at bawat may sandata sa inyo ay tatawid sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kanyang mapalayas ang kanyang mga kaaway sa harap niya;
22 at ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon; kung gayon ay makababalik kayo at magiging malaya sa pananagutan sa Panginoon at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.
23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang ganito, kayo'y magkakasala laban sa Panginoon at tiyak na tutugisin kayo ng inyong kasalanan.
24 Igawa ninyo ng mga lunsod ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi.”
25 Nagsalita ang mga anak nina Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, “Gagawin ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.
26 Ang aming mga bata, mga asawa, kawan at buong bakahan ay mananatili riyan sa mga bayan ng Gilead.
27 Ngunit ang iyong mga lingkod ay tatawid, bawat lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon upang makipaglaban gaya ng sinabi ng aking panginoon.”
28 Sa(E) gayo'y nag-utos si Moises tungkol sa kanila sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel.
29 At sinabi sa kanila ni Moises, “Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay tatawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon; at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo ay ibibigay ninyo sa kanila bilang ari-arian ang lupain ng Gilead.
30 Ngunit kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may sandata, magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.”
31 Ang mga anak nina Gad at Ruben ay sumagot, “Kung ano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin.
32 Kami ay tatawid na may sandata sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.”
33 At ibinigay ni Moises sa mga anak nina Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain at ang mga bayan niyon, sa loob ng mga hangganan niyon, samakatuwid ay ang mga bayan sa buong lupain.
34 Itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, ang Atarot, ang Aroer,
35 ang Atarot-sofan, ang Jazer, ang Jogbeha,
36 ang Bet-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang may pader, at kulungan din naman ng mga tupa.
37 Itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim,
38 ang Nebo, Baal-meon, (na ang pangalan ng mga iyon ay pinalitan,) at ang Sibma. Binigyan nila ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.
39 Ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay pumunta sa Gilead, sinakop ito, at pinalayas ang mga Amoreo na naroroon.
40 Ibinigay ni Moises ang Gilead kay Makir na anak ni Manases; at kanyang tinirhan.
41 Si Jair na anak ni Manases ay pumaroon at sinakop ang mga bayan niyon at tinawag ang mga ito na Havot-jair.
42 Si Noba ay pumaroon at sinakop ang Kenat at ang mga nayon niyon. Tinawag ito na Noba, ayon sa kanyang sariling pangalan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001