Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 1-2

Ito ang mga salitang sinabi ni Moises sa buong Israel sa kabila ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suf, sa pagitan ng Paran at ng Tofel, Laban, Haserot, at Di-zahab.

Iyon ay labing-isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung daraan sa bundok ng Seir hanggang sa Kadesh-barnea.

Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon, nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon sa kanya para sa kanila.

Ito(A) ay pagkatapos niyang talunin si Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon, at si Og na hari ng Basan, na naninirahan sa Astarot at sa Edrei.

Sa kabila ng Jordan sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipaliwanag ang kautusang ito gaya ng sumusunod:

“Ang Panginoon nating Diyos ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, ‘Kayo'y matagal nang naninirahan sa bundok na ito.

Ipagpatuloy ninyo ang inyong paglalakbay at pumunta kayo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, at sa lahat nitong kalapit na lugar, sa Araba na lupaing maburol at sa kapatagan, sa Negeb, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo, sa Lebanon, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates.

Tingnan ninyo, inilagay ko na ang lupain sa harapan ninyo. Pasukin ninyo at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang mga anak pagkamatay nila.’

Humirang si Moises ng mga Hukom(B)

“At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong iyon na sinasabi, ‘Hindi ko kayo kayang dalhing mag-isa.

10 Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Diyos, at kayo ngayon ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami.

11 Ang Panginoon na Diyos ng inyong mga ninuno, nawa'y paramihin kayo ng makalibong ulit kaysa ngayon, at kayo nawa'y pagpalain ng gaya ng ipinangako niya sa inyo!

12 Paano ko madadalang mag-isa ang mabigat na pasan ninyo at ng inyong mga alitan?

13 Pumili kayo ng mga lalaking matatalino, may pang-unawa at may karanasan mula sa inyong mga lipi, at sila'y aking itatalaga bilang mga pinuno ninyo.’

14 At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, ‘Ang bagay na iyong sinabi ay mabuting gawin natin.’

15 Kaya't kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga taong matatalino at may karanasan, at inilagay sila bilang mga pinuno ninyo, na mga pinuno ng libu-libo, mga pinuno ng daan-daan, mga pinuno ng lima-limampu, mga pinuno ng sampu-sampu, at mga pinuno sa inyong mga lipi.

16 Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon: ‘Pakinggan ninyo ang mga usapin ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang tao at ang kanyang kapatid, at ang dayuhan na kasama niya.

17 Huwag kayong magtatangi ng tao sa paghatol; inyong parehong papakinggan ang hamak at ang dakila; huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagkat ang paghatol ay sa Diyos, at ang bagay na napakahirap sa inyo ay inyong dadalhin sa akin, at aking papakinggan.’

18 Kaya't nang panahong iyon, aking iniutos sa inyo ang lahat ng mga bagay na inyong gagawin.

Nagsugo ng mga Espiya mula sa Kadesh-barnea(C)

19 “Pagkatapos, tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak ang malawak at nakakatakot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, na gaya ng iniutos ng Panginoon nating Diyos sa atin, at tayo'y dumating sa Kadesh-barnea.

20 Aking sinabi sa inyo, ‘Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Diyos.

21 Tingnan mo, ibinibigay ng Panginoon mong Diyos ang lupain sa harapan mo. Akyatin mo, angkinin mo, na gaya ng sinabi sa iyo ng Panginoong Diyos ng iyong mga ninuno; huwag kang matakot, o mangamba.’

22 At lahat kayo'y lumapit sa akin, bawat isa sa inyo, at nagsabi, ‘Tayo'y magsugo ng mga lalaki upang mauna sa atin, upang lihim nilang siyasatin ang lupain, at ibalita sa atin ang daang dapat nating tahakin, at ang mga lunsod na ating daratnan!’

23 Ang panukala ay minabuti ko at ako'y kumuha ng labindalawang lalaki sa inyo, isang lalaki sa bawat lipi.

24 Sila'y pumihit at umahon sa lupaing maburol at dumating sa libis ng Escol, at kanilang lihim na siniyasat.

25 At sila'y kumuha ng bunga ng lupain at ibinaba iyon sa atin, at ibinalita, ‘Ang lupaing ibinibigay sa atin ng Panginoon ay mabuti.’

Hindi Nanampalataya ang Kapulungan

26 “Gayunma'y(D) hindi kayo umakyat, kundi naghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Diyos,

27 at kayo'y nagbulung-bulungan sa inyong mga tolda, at sinabi, ‘Dahil kinapootan tayo ng Panginoon, kanyang inilabas tayo sa lupain ng Ehipto upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amoreo upang tayo'y lipulin.

28 Saan tayo aahon? Pinapanghina ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, “Nakita namin doon ang mga taong malalaki at matataas kaysa atin. Ang mga bayan ay malalaki at may pader hanggang sa langit, gayundin nakita namin ang mga anak ng Anakim roon.”’

29 Nang magkagayo'y sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong mangilabot ni matakot sa kanila.

30 Ang Panginoon ninyong Diyos, na nangunguna sa inyo ay siyang makikipaglaban para sa inyo, gaya ng kanyang ginawa para sa inyo sa Ehipto sa inyong harapan,[a]

31 at(E) sa ilang, na doon ay inyong nakita kung paanong dinala kayo ng Panginoon ninyong Diyos, na gaya ng pagdadala ng tao sa kanyang anak, sa lahat ng daang inyong nilakaran hanggang sa makarating kayo sa dakong ito.’

32 Gayunma'y(F) sa kabila ng bagay na ito ay hindi kayo sumampalataya sa Panginoon ninyong Diyos,

33 na nanguna sa inyo sa daan, upang ihanap kayo ng dakong mapagtatayuan ng inyong mga tolda na nasa apoy kapag gabi, at nasa ulap kapag araw, upang ituro sa inyo ang daang dapat ninyong lakaran.

Pinarusahan ng Panginoon ang Israel(G)

34 “Nang(H) marinig ng Panginoon ang inyong mga salita, siya ay nagalit at sumumpa na sinasabi,

35 ‘Wala ni isa man sa mga taong mula sa masamang salinlahing ito ang makakakita ng mabuting lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno,

36 maliban kay Caleb na anak ni Jefone. Makikita niya iyon at ibibigay ko sa kanya at sa mga anak niya ang lupain na kanyang nilakaran, sapagkat siya'y lubos na sumunod sa Panginoon.’

37 Ang Panginoon ay nagalit din sa akin, dahil sa inyo, na nagsasabi, ‘Ikaw man ay hindi papasok doon.

38 Si Josue na anak ni Nun, na iyong lingkod,[b] ay siyang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob, sapagkat siya ang mangunguna upang ito ay manahin ng Israel.

39 Bukod dito, ang inyong mga bata na inyong sinasabing magiging biktima, at ang inyong mga anak na sa araw na ito ay hindi nakakaalam ng mabuti o ng masama, ay siyang papasok doon, at sa kanila'y aking ibibigay, at ito'y kanilang aangkinin.

40 Ngunit tungkol sa inyo, bumalik kayo at maglakbay sa ilang sa daang patungo sa Dagat na Pula.’

41 “At kayo ay sumagot at sinabi sa akin, ‘Kami ay nagkasala laban sa Panginoon, kami ay aahon at lalaban, ayon sa iniutos sa amin ng Panginoon naming Diyos.’ At bawat isa sa inyo ay nagsakbat ng kanya-kanyang sandatang pandigma, at inyong inakalang madaling akyatin ang lupaing maburol.

42 Kaya't sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Sabihin mo sa kanila, Huwag kayong umakyat, ni lumaban, sapagkat ako'y wala sa inyong kalagitnaan. Baka kayo'y matalo sa harapan ng inyong mga kaaway.’

43 Gayon ang sinabi ko sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig kundi kayo'y naghimagsik laban sa utos ng Panginoon, at naghambog at umakyat sa lupaing maburol.

44 Ang mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol na iyon ay lumabas laban sa inyo, at kayo'y hinabol, na gaya ng ginagawa ng mga pukyutan, at kayo'y tinalo sa Seir hanggang sa Horma.

45 Kayo'y bumalik at umiyak sa harapan ng Panginoon, ngunit hindi dininig ng Panginoon ang inyong tinig, ni pinakinggan kayo.

46 Kaya't kayo'y nanatili nang maraming araw sa Kadesh, ayon sa mga araw na inyong inilagi roon.

Ang mga Taon sa Ilang

“Pagkatapos,(I) tayo ay naglakbay pabalik sa ilang patungo sa Dagat na Pula, gaya ng sinabi sa akin ng Panginoon; at tayo'y lumigid ng maraming araw sa bundok ng Seir.

At nagsalita ang Panginoon sa akin, na sinasabi,

‘Matagal na ninyong naligid ang bundok na ito; lumiko kayo sa dakong hilaga.

At(J) iutos mo ang ganito sa taong-bayan: Kayo'y daraan sa nasasakupan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na naninirahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo kaya't mag-ingat kayong mabuti.

Huwag kayong makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa kanilang lupain, kahit na ang tuntungan ng talampakan ng isang paa, sapagkat ibinigay ko na kay Esau ang bundok ng Seir bilang ari-arian.

Kayo'y bibili ng pagkain sa kanila sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makainom.

Sapagkat pinagpala ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kanyang nalalaman ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; ang Panginoon mong Diyos ay nakasama mo nitong apatnapung taon at ikaw ay di kinulang ng anuman.’

Kaya't tayo'y nagpatuloy palayo sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na nakatira sa Seir, palayo sa daan ng Araba, mula sa Elat at Ezion-geber. “Tayo'y pumihit at dumaan sa ilang ng Moab.

At(K) sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag mong guluhin ang Moab, ni kalabanin sila sa digmaan, sapagkat hindi ko ibibigay ang kanilang lupain sa iyo bilang pag-aari, sapagkat aking ibinigay na pag-aari ang Ar sa mga anak ni Lot.’

10 (Ang mga Emita ay tumira doon noong una, isang bayang malaki at marami, at matataas na gaya ng mga Anakim.

11 Ang mga ito man ay itinuturing na mga Refaim, na gaya ng mga Anakim; ngunit tinatawag silang Emita ng mga Moabita.

12 Ang mga Horita ay nanirahan din sa Seir noong una, ngunit ito ay binawi sa kanila ng mga anak ni Esau at pinuksa sila nang harapan at nanirahang kapalit nila, gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kanyang pag-aari na ibinigay ng Panginoon sa kanila.)

13 ‘Ngayon, tumindig kayo at tumawid sa batis ng Zared.’ At tayo'y tumawid sa batis ng Zared.

14 Ang(L) panahon mula nang tayo ay lumabas sa Kadesh-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zared ay tatlumpu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mandirigma ay malipol sa gitna ng kampo, gaya ng ipinangako sa kanila ng Panginoon.

15 Talagang ang Panginoon ay laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampo, hanggang sa sila'y nalipol.

16 “Kaya't nang mapuksa at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mandirigma,

17 ay sinabi sa akin ng Panginoon,

18 ‘Ikaw ay daraan sa araw na ito sa hangganan ng Moab sa Ar.

19 Kapag(M) ikaw ay papalapit na sa hangganan ng mga anak ni Ammon, huwag mo silang guluhin ni makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa iyo ang lupain ng mga anak ni Ammon yamang ibinigay ko na ito bilang pag-aari ng mga anak ni Lot.’

20 (Iyon ay kilala rin na lupain ng mga Refaim: ang mga Refaim ang nanirahan doon noong una, ngunit sila ay tinawag na mga Zamzumim ng mga Ammonita,

21 isang lunsod na malaki, marami at matataas na gaya ng mga Anakim; ngunit sila ay pinuksa ng Panginoon nang harapan. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila.

22 Gayundin ang kanyang ginawa sa mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, nang kanyang puksain ng harapan ang mga Horita. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila hanggang sa araw na ito.

23 Tungkol naman sa mga Avim na naninirahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ang mga Caftoreo[c] na nagmula sa Caftor,[d] lipulin ninyo sila at manirahang kapalit nila.)

24 ‘Tumindig kayo, at maglakbay. Dumaan kayo sa libis ng Arnon, at ibinigay ko na sa iyong kamay si Sihon na Amoreo, na hari ng Hesbon, at ang kanyang lupain. Pasimulan mong angkinin, at kalabanin mo siya sa digmaan.

25 Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay ang pagkasindak at pagkatakot sa inyo sa mga bayang nasa ilalim ng buong langit, na makakarinig ng balita tungkol sa iyo. Manginginig at mahahapis sila dahil sa iyo.’

Nilupig ng Israel ang Hesbon(N)

26 “Kaya't ako'y nagpadala ng mga sugo mula sa ilang ng Kedemot kay Sihon na hari ng Hesbon na may mga salita ng kapayapaan, na sinasabi,

27 ‘Paraanin mo ako sa iyong lupain. Sa lansangan lamang ako daraan, hindi ako liliko sa kanan ni sa kaliwa.

28 Pagbilhan mo ako ng pagkain kapalit ng salapi, upang makakain ako, at bigyan mo ako ng tubig kapalit ng salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako,

29 gaya nang ginawa sa akin ng mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar, hanggang makatawid ako sa Jordan, sa lupaing ibinibigay sa amin ng Panginoon naming Diyos.’

30 Ngunit ayaw tayong paraanin ni Sihon na hari ng Hesbon; sapagkat pinapagmatigas ng Panginoon mong Diyos ang kanyang espiritu at kanyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito.

31 Sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Pinasimulan ko nang ibigay sa iyo si Sihon at ang kanyang lupain, pasimulan mong kunin upang matirahan ang kanyang lupain.’

32 At dumating si Sihon upang kami ay harapin, siya at ang kanyang buong bayan, upang makipagdigmaan sa Jahaz.

33 Ibinigay siya ng Panginoon nating Diyos sa harapan natin; at ginapi natin siya at ang kanyang mga anak, at ang kanyang buong bayan.

34 At nasakop natin ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon, at ganap na winasak ang bawat lunsod, mga lalaki, mga babae, at mga bata; wala tayong itinira.

35 Ang mga hayop lamang ang para sa ating sarili, at sinamsaman ang mga lunsod na ating sinakop.

36 Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon at mula sa lunsod na nasa libis hanggang sa Gilead, ay walang lunsod na napakataas para sa atin. Ang lahat ay ibinigay na sa atin ng Panginoon nating Diyos.

37 Hindi lamang kayo lumapit sa lupain ng mga anak ni Ammon; sa alinmang bahagi sa buong pampang ng ilog Jaboc at sa mga lunsod ng lupaing maburol, at sa lahat na ipinagbawal sa atin ng Panginoon nating Diyos.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001