Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Levitico 22-23

Ang Kabanalan ng mga Handog

22 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na sila'y magsilayo sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang itinalaga sa akin upang huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: Ako ang Panginoon.

Sabihin mo sa kanila, ‘Sinuman sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong salinlahi na lumapit sa mga banal na bagay na itinalaga ng mga anak ni Israel sa Panginoon na nasa kalagayang marumi, ang taong iyon ay ititiwalag sa aking harapan: Ako ang Panginoon.

Sinuman sa binhi ni Aaron na may ketong o may tulo ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya'y maging malinis. At ang humipo ng alinmang bagay na marumi dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito,

o sinumang humipo ng anumang gumagapang na makakapagparumi sa kanya o humipo sa lalaking makakapagparumi sa kanya, sa pamamagitan ng alinman sa kanyang karumihan,

ang tao na humipo sa gayon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Huwag siyang kakain ng mga banal na bagay, kundi paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig.

Pagkalubog ng araw, siya ay magiging malinis at pagkatapos ay makakakain na siya ng mga banal na bagay, sapagkat iyon ay kanyang pagkain.

Hindi niya kakainin ang anumang kusang namatay o nilapa ng hayop, sapagkat marurumihan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan nito: Ako ang Panginoon.’

Kaya't tutuparin nila ang aking bilin, at hindi nila iyon ipagkakasala, upang sila ay huwag mamatay kapag kanilang nilapastangan ito: Ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.

10 “Ang isang taga-ibang bayan ay huwag kakain ng mga banal na bagay; sinumang manunuluyan sa pari, o aliping upahan niya ay huwag kakain ng banal na bagay.

11 Ngunit kung ang pari ay bumili ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang salapi, siya ay makakakain din nito; gayundin ang ipinanganak sa kanyang bahay ay makakakain ng kanyang tinapay.

12 Kung ang isang anak na babae ng pari ay mag-asawa sa isang dayuhan, ang babae ay hindi makakakain ng handog ng mga banal na bagay.

13 Subalit kung ang anak na babae ng pari ay balo o hiwalay sa asawa at walang anak at bumalik sa bahay ng kanyang ama na gaya rin nang kanyang kabataan, siya ay makakakain ng tinapay ng kanyang ama, ngunit ang sinumang dayuhan ay hindi makakakain niyon.

14 At kung ang sinumang lalaki ay magkamaling kumain ng banal na bagay, iyon ay kanyang daragdagan ng ikalimang bahagi at ibibigay iyon sa pari kasama ng banal na bagay.

15 Huwag lalapastanganin ng mga pari ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang inihahandog sa Panginoon;

16 sapagkat iyon ay magbubunga ng pagpasan nila ng kasamaan at pagkakasala sa pamamagitan ng pagkain ng kanilang mga banal na bagay; sapagkat ako ang Panginoon na nagpapabanal sa kanila.”

17 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel: Sinuman sa sambahayan ni Israel o sa mga dayuhan sa Israel, na maghahandog ng kanyang alay, maging kabayaran sa isang panata o bilang inialay sa Panginoon bilang handog na sinusunog,

19 upang tanggapin, ang inyong ihahandog ay isang lalaki na walang kapintasan, mula sa mga toro, sa mga tupa, o sa mga kambing.

20 Huwag(A) ninyong ihahandog ang anumang may kapintasan, sapagkat ito ay hindi tatanggapin para sa inyo.

21 At kapag ang isang tao ay naghandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan, sa pagtupad ng isang panata o kaya'y kusang-loob na handog mula sa bakahan o sa kawan, ito ay kailangang sakdal upang matanggap; ito ay kailangang walang kapintasan.

22 Ang bulag, may bali, may kapansanan, may tulo, may pangangati, o may galis, ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, ni gagawin ang mga ito bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana.

23 Ang toro o tupa na may bahaging napakahaba o napakaikli ay maaari mong ialay bilang kusang-loob na handog, subalit hindi matatanggap para sa isang panata.

24 Anumang hayop na nasira ang kasarian, nadurog, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa Panginoon, o iaalay sa loob ng inyong lupain.

25 Huwag ninyong ihahandog bilang pagkain ng inyong Diyos ang anumang gayong hayop na nakuha mula sa isang dayuhan, yamang ang mga ito ay may kapintasan dahil sa kanilang kapansanan; hindi iyon tatanggapin para sa inyo.”

26 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

27 “Kapag ipinanganak ang isang baka, tupa, o kambing, ito ay mananatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ito ay tatanggapin bilang alay, handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon;

28 subalit huwag ninyong papatayin sa gayon ding araw ang baka, o tupa at ang kanyang anak.

29 Kapag kayo'y maghahandog ng handog na pasasalamat sa Panginoon, iaalay ninyo ito upang kayo ay tanggapin;

30 at ito ay kakainin sa araw ding iyon, huwag kayong magtitira ng anuman hanggang sa umaga: Ako ang Panginoon.

31 “Kaya't inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tuparin ang mga iyon: Ako ang Panginoon.

32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; kundi ako'y pakakabanalin sa bayan ng Israel; ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo,

33 na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang ako'y maging inyong Diyos: Ako ang Panginoon.”

Batas tungkol sa mga Kapistahan

23 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

“Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong.

Anim(B) na araw na gagawin ang mga gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath na ganap na kapahingahan, isang banal na pagpupulong. Huwag kayong gagawa ng anumang gawain; ito ay Sabbath sa Panginoon sa lahat ng inyong mga paninirahan.

“Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon, mga banal na pagpupulong na inyong ipagdiriwang sa takdang panahon.

Ang Paskuwa at Tinapay na Walang Pampaalsa(C)

“Sa(D) ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, ay ang Paskuwa ng Panginoon.

Ang(E) ikalabinlimang araw ng buwang ito ay Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa Panginoon. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw.

Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.

Kayo ay maghahandog sa Panginoon sa loob ng pitong araw ng handog na pinaraan sa apoy; at ang ikapitong araw ay magiging banal na pagpupulong. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.”

At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kapag kayo'y dumating sa lupain na aking ibinibigay sa inyo, at inyong nagapas na ang ani niyon, ay dalhin ninyo sa pari ang unang bunga ng inyong inani.

11 Iwawagayway niya ang bigkis sa harapan ng Panginoon upang kayo'y tanggapin; sa kinabukasan pagkatapos ng Sabbath, ito ay iwawagayway ng pari.

12 At ikaw ay maghahandog ng isang taong gulang na kordero na walang kapintasan, sa araw na iyong iwagayway ang bigkis bilang handog na sinusunog sa Panginoon.

13 Ang handog na butil ay magiging dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng pinong harina na hinaluan ng langis, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy na may mabangong samyo. Ang handog na inumin na kasama nito ay alak na ikaapat na bahagi ng isang hin.[a]

Kapistahan ng Pag-aani(F)

14 Huwag kayong kakain ng tinapay at trigong sinangag, ni uhay na bago, hanggang sa araw na ito, hanggang sa inyong madala ang handog sa inyong Diyos. Ito ay tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi, sa lahat ng inyong mga tirahan.

15 “Mula(G) sa kinabukasan, pagkalipas ng Sabbath mula sa araw na inyong dalhin ang bigkis na handog na iwinawagayway, ay bibilang kayo ng pitong buong linggo.

16 Hanggang sa kinabukasan pagkalipas ng ikapitong Sabbath, bibilang kayo ng limampung araw; pagkatapos ay mag-aalay kayo ng handog na bagong butil sa Panginoon.

17 Mula sa inyong mga tahanan ay magdadala kayo ng dalawang tinapay upang iwagayway, na ang bawat isa ay dalawang ikasampung bahagi ng isang efa na mula sa piling harina, at lulutuin na may pampaalsa bilang unang bunga sa Panginoon.

18 Bukod sa tinapay, maghahandog kayo ng pitong kordero na isang taong gulang na walang kapintasan, at ng isang guyang toro at ng dalawang tupang lalaki. Ang mga ito ay magiging handog na sinusunog sa Panginoon, kasama ng kanilang butil na handog, at ng kanilang mga handog na inumin, isang handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Panginoon.

19 Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng dalawang korderong lalaki na isang taong gulang bilang alay na mga handog pangkapayapaan.

20 Ang mga iyon ay iwawagayway ng pari kasama ng tinapay ng mga unang bunga, bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon, kasama ng dalawang kordero; ang mga iyon ay magiging banal sa Panginoon para sa pari.

21 Ikaw ay magpapahayag sa araw ding iyon; ito ay banal na pagtitipon sa inyo; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Ito ay walang hanggang tuntunin sa lahat ng inyong mga tahanan sa buong panahon ng inyong salinlahi.

22 “Kapag(H) inyong ginapas ang ani sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagapasan hanggang sa mga sulok ng inyong bukid; huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong pag-aani. Iiwan ninyo ang mga iyon para sa dukha at sa dayuhan: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

Pista ng mga Trumpeta(I)

23 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

24 “Magsalita ka sa mga anak ni Israel: Sa unang araw ng ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng unang araw ng ganap na kapahingahan, isang banal na pagpupulong na ipinagdiriwang sa pamamagitan ng tunog ng mga trumpeta.

25 Kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain at kayo'y mag-aalay ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.”

Ang Araw ng Pagtubos(J)

26 At(K) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

27 “Gayundin, ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay araw ng pagtubos. Magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong, magpakumbaba kayo,[b] at mag-alay kayo ng handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

28 Huwag kayong gagawa ng anumang gawa sa araw ding ito, sapagkat ito ay araw ng pagtubos, upang gumawa ng pagtubos para sa inyo sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos.

29 Sapagkat sinumang tao na hindi magpakumbaba[c] sa araw ding ito ay ititiwalag sa kanyang bayan.

30 At sinumang tao na gumawa ng anumang gawa sa araw ding ito ay pupuksain ko sa kalagitnaan ng kanyang bayan.

31 Kayo'y huwag gagawa ng anumang gawa; ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong salinlahi sa lahat ng inyong tirahan.

32 Ito ay magiging ganap na kapahingahan sa inyo, at kayo'y magpapakumbaba; sa ikasiyam na araw ng buwan sa hapon, mula sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog ng araw ay ipapangilin ninyo ang inyong Sabbath.”

Kapistahan ng mga Kubol(L)

33 At(M) nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,

34 “Iyong sabihin ang ganito sa mga anak ni Israel: Sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwang ito ay pitong araw na Kapistahan ng mga Kubol[d] sa Panginoon.

35 Ang unang araw ay isang banal na pagpupulong; kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain.

36 Pitong araw na maghahandog kayo sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy. Sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; at kayo'y maghahandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy. Ito ay isang taimtim na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain.

37 “Ito ang mga takdang kapistahan sa Panginoon na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong, upang maghandog sa Panginoon ng handog na pinaraan sa apoy, ng handog na sinusunog, ng butil na handog, at ng mga inuming handog, na bawat isa ay sa nararapat na araw;

38 bukod sa mga Sabbath sa Panginoon, at bukod sa inyong mga kaloob, bukod sa lahat ng inyong panata, bukod sa lahat ng inyong mga kusang-loob na handog na inyong ibibigay sa Panginoon.

39 “Gayundin, sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, kapag inyong tinipon ang bunga ng lupain, ipagdiriwang ninyo ang mga kapistahan ng Panginoon sa loob ng pitong araw; ang una at ikawalong araw ay Sabbath.

40 Sa unang araw ay magdadala kayo ng bunga ng magagandang punungkahoy, ng mga sanga ng mga palma, mga sanga ng mayayabong na punungkahoy, at ng maliliit na halaman sa batis; at kayo'y magdiriwang sa harapan ng Panginoon ninyong Diyos sa loob ng pitong araw.

41 Inyong tutuparin ito bilang isang kapistahan sa Panginoon sa loob ng pitong araw sa bawat taon. Ito ay isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi; sa ikapitong buwan ay ipagdiriwang ninyo ang kapistahang ito.

42 Kayo'y maninirahan sa mga kubol sa loob ng pitong araw; ang lahat ng katutubo sa Israel ay maninirahan sa mga kubol,

43 upang malaman ng inyong salinlahi na pinatira ko sa mga kubol ang mga anak ni Israel nang sila'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto: Ako ang Panginoon ninyong Diyos.”

44 Gayon ipinahayag ni Moises ang mga takdang kapistahan ng Panginoon sa bayan ng Israel.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001