Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Gawa 21-23

Ang Pagpunta sa Jerusalem

21 Nangyari, na pagkahiwalay namin sa kanila at maka­paglayag, pumunta na kami sa Cos. Kinabukasan pumunta kami sa Rodas at buhat doon pumunta kami sa Patara.

Nang masumpungan namin ang isang barko na dumaraan patungong Fenecia, lumulan kami at naglayag. Nang matanaw namin ang Chipre, nilampasan namin ito sa may dakong kaliwa at naglayag kami hanggang Siria at dumaong sa Tiro sapagkat doon nagbaba ng lulan ang barko. Nang masumpungan namin ang mga alagad, nanatili kami roon ng pitong araw. Sinabi nila kay Pablo sa pamamagitan ng Espiritu na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. Nang makalipas na ang mga araw na iyon, handa na kaming magpatuloy sa paglalakbay. Silang lahat at ang kanilang mga asawa at mga anak ay naghatid sa amin. Inihatid nila kami sa aming paglalakad hanggang sa labas ng lungsod. Lumuhod kami sa baybayin, at nanalangin. Nang makapagpaalam na kami sa isa’t isa, lumulan kami sa barko. At sila ay umuwi sa kanilang tahanan.

Nang matapos na namin ang paglalayag mula sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida. Pagkatapos naming bumati sa mga kapatid, nanatili kami sa kanila ng isang araw. Kinabukasan, si Pablo at ang mga kasama niya ay umalis. Dumating sila sa Cesarea. Pagpasok namin sa bahay ni Felipe, na isa sa pito, na mangangaral ng ebanghelyo, nanatili kaming kasama niya. Ang lalaki ngang ito ay may apat na anak na dalagang birhen na naghahayag ng salita ng Diyos.

10 Sa aming pananatili roon ng maraming araw may isang dumating mula sa Judea. Siya ay isang propeta na ang pangalan ay Agabo. 11 Paglapit niya sa amin, kinuha niya ang pamigkis ni Pablo. Ginapos niya ang sarili niyang paa at mga kamay. Sinabi niya: Ganito ang sinasabi ng Banal na Espiritu: Gagapusin nang ganito ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking nagmamay-ari ng pamigkis na ito. Siya ay ibibigay nila sa kamay ng mga Gentil.

12 Nang marinig namin ang mga bagay na ito kami at ang mga taga-roon, ipinamanhik namin sa kaniya na huwag na siyang umahon sa Jerusalem. 13 Ngunit sumagot si Pablo: Anong pakahulugan ng inyong pagtangis at pagsira ng aking kalooban? Sa pangalan ng Panginoong Jesus ako ay hindi lamang handang magapos sa Jerusalem kundi maging ang mamatay. 14 Nang hindi siya mahikayat ay tumigil na kami. Sinabi namin: Mangyari ang kalooban ng Panginoon.

15 Pagkatapos ng mga araw na ito, inihanda namin ang aming mga dalahin at umahon kami sa Jerusalem. 16 Sumama naman sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea. Isinama nila ang isang Minason na taga-Chipre. Matagal na siyang alagad at sa kaniya kami makikituloy.

Ang Pagdating ni Pablo sa Jerusalem

17 Nang dumating kami sa Jerusalem, ay masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.

18 Kinabukasan, si Pablo ay kasama naming pumunta kay Santiago. Naroon ang lahat ng mga matanda. 19 Binati sila ni Pablo. Isinalaysay niyang isa-isa ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan ng kaniyang paglilingkod.

20 Nang marinig nila ito, niluwalhati nila ang Panginoon. Sinabi nila kay Pablo: Kapatid, nakikita mo kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya. Silang lahat ay masigasig para sa kautusan. 21 Nabalitaan nila ang patungkol sa iyo na tinuturuan mo ang lahat ng mga Judio, na nasa mga Gentil, ng pagtalikod kay Moises. Sinabi mo na huwag tuliin ang kanilang mga anak, ni mamuhay ng ayon sa mga kaugalian. 22 Anong gagawin natin? Tiyak na darating ang maraming tao at magkakatipon sapagkat mababalitaan nilang dumating ka. 23 Gawin mo nga itong sasabihin namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaking may sinumpaang panata sa kanilang sarili. 24 Isama mo sila. Dalisayiin mo ang iyong sarili kasama nila. Bayaran mo ang kanilang magugugol upang magpaahit sila ng kanilang mga ulo. Upang malaman ng lahat na hindi totoo ang mga bagay na nabalitaan nila patungkol sa iyo. At malalaman din na ikaw ay lumalakad ng maayos na tumutupad ng kautusan. 25 Patungkol naman sa mga Gentil na sumampalataya, sinulatan namin sila. Ipinasiya naming huwag na nilang gawin ang anumang bagay. Ang dapat nilang gawin ay lumayo sa mga bagay na inihandog sa diyos-diyosan, sa dugo, sa binigti at sa kasalanang sekswal.

26 Kaya kinabukasan pumasok si Pablo sa templo nang madalisay na niya ang kaniyang sarili, na kasama ng mga lalaking iyon. At ipinaalam niya ang kaganapan ng mga araw ng pagdadalisay. Sa panahong iyon ay magkakaroon ng handog sa bawat isa sa kanila.

Dinakip Nila si Pablo

27 Nang magtatapos na ang pitong araw, nakita ng mga Judiong nanggaling sa Asya si Pablo sa loob ng templo. Ginulo nila ang lahat ng tao at hinuli nila siya.

28 Sumisigaw sila ng ganito: Mga lalaking taga-Israel, tulungan ninyo kami. Ito ang lalaking nagtuturo sa lahat kahit saan, nang laban sa mga tao, sa kautusan at laban sa dakong ito. Bukod pa rito, nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo at dinungisan itong dakong banal. 29 Ito ay sapagkat nakita nila noong una si Trofimo na taga-Efeso na kasama niya sa lungsod. Inisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.

30 Nagulo ang buong lungsod at ang mga tao ay tumakbong sama-sama. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad siya papalabas sa templo. Kaagad-agad nilang isinara ang mga pinto. 31 Ngunit nang pinagsisikapan nila siyang patayin, dumating ang balita sa pinunong-kapitan ng batalyon, na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. 32 Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga pinuno at sumugod sila sa kinaroroonan nila. Nang makita ng mga tao ang pinunong-kapitan at ang mga kawal, tumigil sila sa paghampas kay Pablo.

33 Nang magkagayon, nilapitan siya ng pinunong-kapitan at hinuli siya. Ipinag-utos ng kapitan na gapusin ng dalawang tanikala si Pablo. Tinanong niya kung sino siya at kung ano ang kaniyang ginawa. 34 Ngunit iba-iba ang isinisigaw ng mga tao sa gitna ng mga karamihan. Nang hindi niya malaman ang katotohanan dahil sa kaguluhan, iniutos niya na dalhin si Pablo sa kuwartel. 35 Nang siya ay dumating sa hagdanan, binuhat siya ng mga kawal dahil sa karahasan ng maraming tao. 36 Ito ay sapagkat sinusundan siya ng maraming tao na sumisigaw: Patayin siya.

Nagsalita si Pablo sa Maraming Tao

37 Nang ipapasok na si Pablo sa kuwartel, sinabi niya sa pinunong-kapitan: Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?

At sinabi niya: Marunong ka bang magsalita ng Griyego?

38 Hindi ba ikaw iyong taga-Egipto na nang nakaraang araw ay gumawa ng kaguluhan? Hindi ba ikaw iyong nagdala sa ilang sa apat na libong kalalakihan na mga mamamatay-tao?

39 Ngunit sinabi ni Pablo: Ako ay Judio na taga-Tarso sa Cilicia. Isang mamamayan ng kilalang lungsod. Isinasamo ko sa iyo na pahintulutan mo akong magsalita sa mga tao.

40 Nang siya ay mapahintulutan na niya, tumayo si Pablo sa may hagdanan. Inihudyat niya ang kaniyang mga kamay upang patahimikin ang mga tao. Nang tumahimik na sila nang lubusan, nagsalita siya sa kanila sa wikang Hebreo.

22 Sinabi niya: Mga kapatid at mga ama, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko sa inyo ngayon.

Nang marinig nilang siya ay nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, sila ay lalo pang tumahimik.

Sinabi niya: Ako nga ay Judio na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia. Ngunit pinalaki sa lungsod na ito sa pagtuturo ni Gamaliel. Tinuruan ako alinsunod sa mahigpit na pamamaraan ng kautusan ng mga ninuno. Ako ay masigasig sa Diyos tulad din ninyong lahat ngayon. Pinag-uusig ko ang mga taong sumunod sa Daan hanggang sa mamatay sila. Tinalian ko sila at ipinabilanggo. Ginawa ko ito kapwa sa mga lalaki at samga babae. Ang mga pinunong-saserdote at ang lahat ng matatanda ay magpapatotoo rin ng ganito patungkol sa akin. Tinanggap ko mula sa kanila ang mga sulat para sa mga kapatiran at naglakbay ako sa Damasco. Ito ay upang dalhing bilanggo sa Jerusalem ang mga naroon at nang sila ay maparusahan.

At nangyari, na samantalang naglalakbay ako at papalapit na sa Damasco, biglang nagningning sa akin ang isang malaking liwanag na galing sa langit. Noon ay magtatanghaling tapat na. Nasubasob ako sa lupa. Narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin: Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?

Sumagot ako: Sino ka, Panginoon?

Sinabi niya sa akin: Ako ay si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.

Nakita nga ng mga kasamahan ko ang ilaw. Natakot sila ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsalita sa akin.

10 Sinabi ko: Ano ang dapat kong gawin, Panginoon?

Sinabi ng Panginoon sa akin: Tumindig ka at pumaroon ka sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng mga bagay na inutos kong gawin mo.

11 Nang hindi ako makakita dahil sa kaliwanagan ng ilaw na iyon, inakay ako sa kamay ng mga kasama ko. Pumunta ako sa Damasco.

12 Doon ay may isang lalaking nagngangalang Ananias. Siya ay palasamba sa Diyos ayon sa kautusan. Ang lahat ng mga Judiong nakatira roon ay nagpatotoo ng mabuti patungkol sa kaniya. 13 Lumapit siya sa akin at nakatayong nagsabi sa akin: Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. Nang sandali ring iyon ay tumingin ako sa kaniya.

14 Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kaniyang kalooban at upang makita mo siya na matuwid at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig. 15 Ito ay sapagkat ikaw ay magiging saksi niya sa lahat ng mga tao patungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. 16 Ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumindig ka at magbawtismo ka. Tumawag ka sa pangalan ng Panginoon, at huhugasan ang iyong mga kasalanan.

17 Nangyari na bumalik na ako sa Jerusalem. Nang ako ay nanalangin sa templo, ako ay nasa isang natatanging kalagayan. 18 Nakita ko siya na sinasabi niya sa akin: Magmadali ka at agad kang umalis sa Jerusalem. Sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo patungkol sa akin.

19 Sinabi ko: Panginoon, nalalaman nila na sa bawat sina­goga ako ang nagpabilanggo at nagpahampas sa kanila na mga sumampalataya sa iyo. 20 Nang mabuhos ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako naman ay nakatayo sa malapit. Sinang-ayunan ko ang pagpatay sa kaniya. Binan­tayan ko ang mga damit ng mga pumatay sa kaniya.

21 At sinabi sa akin: Yumaon ka. Ito ay sapagkat isusugo kita sa mga Gentil na nasa malayo.

Si Pablo ay Mamamayang Romano

22 Pinakinggan siya ng mga tao hanggang sa mga pananalitang ito. At sila ay sumigaw na sinasabi: Alisin ninyo mula sa lupa ang taong ito. Hindi siya nararapat mabuhay.

23 Samantalang sila ay sumisigaw at ipinagtatapon ang kanilang mga damit, nagsabog sila ng mga alabok sa hangin. 24 Ipinag-utos ng pangulong kapitan na ipasok si Pablo sa kuta. Iniutos nito na siya ay usisain sa pamamagitan ng hagupit. Ito ay upang malaman niya kung ano ang dahilan at ang mga tao ay sumisigaw laban kay Pablo. 25 Nang iginagapos na nila siya ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa pinunong-kapitang nakatayo sa malapit: Matuwid ba para sa iyo na hagupitin ang isang taong taga-Roma na hindi pa nahahatulan?

26 Nang marinig ito ng kapitan, naparoon siya sa pinunong-kapitan. Ipinag-bigay alam niya na sinasabi: Mag-ingat ka sa gagawin mo? Ito ay sapagkat ang lalaking ito ay taga-Roma.

27 Lumapit ang pinunong-kapitan at sinabi sa kaniya: Sabihin mo sa akin, ikaw ba ay taga-Roma?

Sinabi niya: Oo.

28 Sumagot ang pinunong-kapitan: Binili ko ng malaking halaga ang pagkamamamayang ito.

Sinabi ni Pablo: Ako ay ipinanganak na gayon.

29 Agad na lumayo sa kaniya ang mga magsisiyasat sana sa kaniya. Ang pinunong-kapitan ay natakot din naman nang malaman na siya ay taga-Roma at sa dahilang siya ang nagpagapos kay Pablo.

Sa Harap ng Sanhedrin

30 Kinabukasan, ibig niyang matiyak ang dahilan kung bakit isinakdal siya ng mga Judio. Pinakawalan siya ng kapitan sa pagkagapos at ipinag-utos niyang magpulong ang mga pinunong-saserdote at ang buong Sanhedrin. Ipinanaog niya si Pablo at iniharap sa kanila.

23 Tinitigang mabuti ni Pablo ang Sanhedrin at sinabi: Mga kapatid, ako ay namumuhay sa harapan ng Diyos na may malinis na budhi hanggang sa araw na ito. Si Ananias na pinakapunong-saserdote ay nag-utos sa mga malapit sa kaniya na sampalin si Pablo sa bibig. Nang magkagayon, sinabi ni Pablo sa kaniya: Malapit ka nang sampalin ng Diyos, ikaw na ang katulad ay pinaputing pader. Tama ba na ikaw ay nakaupo upang ako ay hatulan ayon sa kautusan at nag-utos ka na ako ay sampalin nang labag sa kautusan?

Sinabi ng nakatayo sa malapit: Nilalait mo ba ang pinakapunong-saserdote ng Diyos?

Sinabi ni Pablo: Mga kapatid, hindi ko nalalaman na siya ay pinakapunong-saserdote sapagkat nasusulat: Huwag kang magsasalita ng masama patungkol sa pinuno ng iyong mgatao.

Ngunit nang malaman ni Pablo na ang isang bahagi ay mga Saduceo at ang mga iba ay mga Fariseo, sumigaw siya sa Sanhedrin nang ganito: Mga kapatid, ako ay Fariseo, anak ng Fariseo. Ako ay hinahatulan patungkol sa pag-asa at sa muling pagkabuhay ng mga patay. Nang masabi na niya ang gayon, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa mga Fariseo at sa mga Saduceo. Nagkabaha-bahagi ang kara­mihan. Ito ay sapagkat sinasabi nga ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, ni anghel, ni espiritu. Ngunit ang lahat ng ito ay pinaniniwalaan ng mga Fariseo.

At nagkaroon ng malakas na pagsisigawan. Tumindig ang ilan sa mga guro ng kautusan na kakampi ng mga Fariseo. Nakikipagtalo sila at sinabi: Wala kaming masumpungang anumang masama sa lalaking ito. Yamang siya ay kinausap ng isang espiritu o ng isang anghel, huwag nating kalabanin ang Diyos. 10 Lumala ang mainit na pagtatalo. Nangamba ang pinunong-kapitan na baka pagpira-pirasuhin nila si Pablo. Kaya inutusan niyang manaog ang mga kawal upang agawin siya sa kanilang kalagitnaan at ibalik sa kuwartel.

11 Nang sumunod na gabi, lumapit sa kaniya ang Panginoon at sinabi: Pablo, lakasan mo ang iyong loob sapagkat kung paano ka nagpatotoo patungkol sa akin sa Jerusalem, gayundin ang gawin mong pagpapatotoo sa Roma.

Ang Banta na Patayin si Pablo

12 Kinaumagahan, nagsabwatan ang ilang mga Judio at ipinailalim nila ang kanilang sarili sa isang sumpa. Sinabi nila: Hindi kami kakain ni iinom man hanggat hindi namin napapatay si Pablo.

13 Mahigit na apatnapu sila na nagsab­watan. 14 At sila ay pumaroon sa mga pinunong-saserdote at sa mga matanda. Sinabi nila: Ipinailalim namin ang aming mga sarili sa isang sumpa. Hindi kami titikim ng anuman hanggang hindi namin napapatay si Pablo. 15 Kaya nga, ngayon kasama ng Sanhedrin, magpasabi kayo sa pinunong-kapitan na dalhin niya bukas sa inyo si Pablo na waring sisiyasatin ninyo siyang mabuti. Handa na kaming patayin siya bago dumating dito.

16 Ngunit narinig ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo ang patungkol sa kanilang gagawing pagtambang. Siya ay pumaroon at pumasok sa kuwartel at iniulat iyon kay Pablo.

17 Tinawag ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi: Dalhin mo ang kabataang ito sa pinunong-kapitan sapagkat mayroon siyang iuulat sa kaniya. 18 Kaya nga, kinuha niya siya at dinala sa pinunong-kapitan.

Sinabi niya: Tinawag ako ng bilanggong si Pablo. Ipinamanhik niya sa aking dalhin ko sa iyo ang kabataang ito. May mahalaga siyang sasabihin sa iyo.

19 Hinawakan siya ng pinunong-kapitan sa kamay. Sila ay pumunta sa isang tabi at tinanong siya nang palihim: Ano iyong iuulat mo sa akin?

20 Sinabi niya: Pinagkasunduan ng mga Judio na ipamanhik sa iyo na bukas ay ipananaog mo si Pablo sa Sanhedrin. Magkukunwari silang may aalamin na lalong tiyak patungkol sa kaniya. 21 Huwag kang pahimok sa kanila sapagkat may apatnapung kalalakihan na nag-aabang upang manambang. Ipinailalim nila ang kanilang sarili sa sumpa. Hindi sila kakain ni iinom man hanggat hindi nila siya napapatay. Nakahanda na sila ngayon, naghihintay na lamang sila ng pangako mo.

22 Kaya pinaalis ng pinunong-kapitan ang kabataan. Iniutos niya sa kaniya: Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo sa akin ang mga bagay na ito.

Inilipat si Pablo sa Cesarea

23 Pagkatapos nito, tinawag niya ang dalawa sa mga kapitan. Sinabi niya: Ihanda ninyo ang dalawandaang kawal upang magtungo sa Cesarea sa ikatlong oras ng gabi. Isamarin ninyo ang pitumpung mangangabayo at dalawang daang maninibat.

24 Nagpahanda siya ng mga kabayo para masakyan ni Pablo. Ito ay upang ligtas nila siyang maihatid kay gobernador Felix.

25 Sumulat siya ng isang sulat na ganito:

26 Akong si Claudio Lisias ay bumabati sa kagalang-galang na gobernador Felix.

27 Ang lalaking ito ay hinuli ng mga Judio. Siya ay papatayin na lamang sana nila nang dumating akong may kasamang mga kawal. Iniligtas ko siya nang malaman kong siya ay taga-Roma. 28 Sa kagustuhan kong mapag-alaman ang paratang kung bakit siya ay isinakdal nila, pinapanaog ko siya sa kanilang Sanhedrin. 29 Nasum­pungan kong siya ay isinasakdal sa mga bagay patungkol sa kanilang kautusan. Ngunit walang anumang paratang laban sa kaniya na karapat-dapat hatulan ng kamatayan o tanikala. 30 Nang ipaalam sa akin na may bantang gagawin ang mga Judio laban sa lalaking iyon, agad ko siyang ipinadala sa iyo. Ipinagbilin ko rin sa mga nagsasakdal na magsalita ng mga bagay laban sa kaniya sa harapan mo. Paalam.

31 Kaya kinuha si Pablo ng mga kawal alinsunod sa iniutos sa kanila. Gabi nang dalhin nila si Pablo sa Antipatris. 32 Kinabukasan, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo. At bumalik sa kuwartel ang mga maninibat. 33 Nang makapasok sa Cesarea si Pablo at ang mga mangangabayo, binigay nila ang sulat sa gobernador. Iniharap din nila si Pablo sa kaniya. 34 Nang mabasa na ng gobernador ang sulat, tinanong niya siya kung taga-saang lalawigansiya. Nalaman niyang siya ay taga-Cilicia. 35 Sinabi niya: Pakikinggan kitang lubos pagdating ng mga magsasakdalsa iyo. Ipinag-utos niya na siya ay bantayan sa hukuman ni Herodes.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International