Beginning
Namatay si Lazaro
11 Mayroon isang lalaking maysakit na ang pangalan ay Lazaro. Siya ay taga-Betania na nayon nina Maria at ng kaniyang kapatid na si Marta.
2 Si Maria ang siyang nagpahid ng pabangong langis sa Panginoon. Pinunasan niya ng kaniyang buhok ang mga paa ng Panginoon. Siya ay kapatid ni Lazaro na maysakit. 3 Ang mga kapatid na babae ni Lazaro ay nag sugo upang sabihin kay Jesus: Panginoon, narito, si Lazaro na iyong minamahal ay maysakit.
4 Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: Ang karamdamang ito ay hindi para sa layunin ng sa kamatayan kundi para sa kaluwalhatian ng Diyos. Sa gayon ang Anak ng Diyos ay maluwalhati sa pamamagitan nito. 5 Si Marta at ang kaniyang kapatid na babae at si Lazaro ay inibig nga ni Jesus. 6 Nang marinig nga niyang maysakit si Lazaro ay nanatili siya ng dalawang araw sa pook na kaniyang kinaroroonan.
7 Kaya pagkatapos nito ay sinabi niya sa kaniyang mga alagad: Pumunta tayong muli sa Judea.
8 Sinabi ng kaniyang mga alagad sa kaniya: Guro, ngayon pa lang ay naghahanap na sila ng pagkakataon upang ikaw ay batuhin ng mga Judio. Babalik ka na naman ba roon?
9 Sumagot si Jesus: Hindi ba may labindalawang oras sa maghapon? Ang sinumang naglalakad kung araw ay hindi natitisod dahil nakikita niya ang liwanag sa sanlibutang ito. 10 Ang sinumang naglalakad kung gabi ay natitisod dahil wala ang liwanag sa kaniya.
11 Sinabi niya ang mga bagay na ito. Pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanila: Ang ating kaibigang si Lazaro ay natutulog. Pupunta ako upang gisingin ko siya.
12 Sinabi nga ng kaniyang mga alagad: Panginoon, kung siya ay natutulog, gagaling siya. 13 Ang sinabi ni Jesus ay ang patungkol sa kaniyang kamatayan. Ngunit sa palagay nila, ang sinabi ni Jesus ay patungkol sa paghimlay sa pagtulog.
14 Kaya nga, tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila: Si Lazaro ay patay na. 15 Ako ay nagagalak alang-alang sa inyo na ako ay wala roon. Ito ay upang kayo ay sumampalataya, gayunman, puntahan natin siya.
16 Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi nga sa kaniyang mga kapwa alagad: Pumunta rin tayo upang mamatay tayong kasama niya.
Ang Magkapatid ay Binigyang Kaaliwan ni Jesus
17 Pagdating nga ni Jesus ay nalaman niyang si Lazaro ay apat na araw nang nasa libingan.
18 Ang Betania ay malapit sa Jerusalem na may humigit-kumulang na tatlong kilometro ang layo. 19 Marami sa mga Judio ang pumunta sa mga kababaihan na nakapalibot kina Marta at Maria upang aliwin sila tunkol sa kanilang kapatid. 20 Pagkarinig ni Marta na si Jesus ay dumarating sinalubong niya siya. Si Maria ay nakaupo sa loob ng bahay.
21 Sinabi nga ni Marta kay Jesus: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang aking kapatid. 22 Alam ko na kahit ngayon anuman ang hingin mo sa Diyos, ito ay ibibigay sa iyo ng Diyos.
23 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ang iyong kapatid ay muling babangon.
24 Sinabi ni Marta sa kaniya: Alam ko na siya ay muling babangon sa pagkabuhay na mag-uli sa huling araw.
25 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ako ang pagkabuhay na mag-uli at ang buhay. Siya na sumasampalataya sa akin bagamat siya ay mamamatay, siya ay mabubuhay. 26 Ang bawat isang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Sinasampalatayanan mo ba ito?
27 Sinabi niya sa kaniya: Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na darating sa sanlibutan.
28 Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya ay lumakad at tinawag ng palihim ang kaniyang kapatid na si Maria. Sinabi niya sa kaniya: Ang guro ay dumating at ipinatatawag ka. 29 Pagkarinig niya nito ay agad siyang tumindig at pumunta sa kaniya. 30 Si Jesus ay hindi pa nakarating sa nayon ng mga sandaling iyon. Siya ay nasa dako pa lang na kung saan ay sinalubong siya ni Marta. 31 Ang mga Judio na umaaliw kay Maria sa bahay ay sumunod sa kaniya. Ito ay nang makita nga nila si Maria na dali-daling tumindig at lumabas. Kanilang sinabi: Siya ay pupunta sa libingan upang doon tumangis.
32 Dumating nga si Maria sa kinaroroonan ni Jesus. Nang makita niya si Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito. Sinabi niya sa kaniya: Panginoon, kung naririto ka sana ay hindi namatay ang aking kapatid.
33 Nakita ni Jesus na siya at ang mga Judiong sumama sa kaniya ay tumatangis. Siya ay namighati sa espiritu at naguluhan. 34 Sinabi niya: Saan ninyo siya inilagay?
Sinabi nila sa kaniya: Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.
35 Si Jesus ay tumangis.
36 Sinabi nga ng mga Judio: Tingnan ninyo kung gaano niya siya kamahal.
37 Sinabi ng ilan sa kanila: Ang taong ito ang nagmulat ng mga mata ng bulag. Wala ba siyang magagawa upang hindi mamatay ang taong ito?
Ibinangon ni Jesus si Lazaro Mula sa mga Patay
38 Si Jesus, na muling namighati ang kalooban, ay pumunta nga sa libingan. Ang libingan ay isang yungib na natatakpan ng bato.
39 Sinabi ni Jesus: Alisin ninyo ang bato.
Si Marta na kapatid ng namatay ay nagsabi sa kaniya: Panginoon, sa oras na ito ay mabaho na siya sapagkat apat na araw na siyang patay.
40 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Hindi ba sinabi ko sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya, makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?
41 Inalis nga nila ang bato sa dakong pinaglagyan nila ng patay. Tumingala si Jesus at nagsabi: Ama, pinapasalamatan kita na ako ay dininig mo. 42 Alam ko na ako ay lagi mong dinirinig. Sinabi ko ito alang-alang sa mga taong nakatayo sa paligid. Ito ay upang sila ay sumampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin.
43 Nang masabi na niya ito, sumigaw siya ng may malakas na tinig: Lazaro, lumabas ka! 44 Lumabas ang patay. Ang kaniyang mga kamay at mgapaa ay natatalian ng telang panlibing. Ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo.
Sinabi ni Jesus sa kanila: Kalagan ninyo siya at pabayaan siyang yumaon.
Ang Banta na Papatayin si Jesus
45 Marami nga sa mga Judio na pumunta kay Maria ang nakakita sa mga bagay na ginawa ni Jesus. Dahil dito, sila ay sumampalataya sa kaniya.
46 Ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo. Sinabi nila sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus. 47 Ang mga pinunong-saserdote nga at mga Fariseo ay nagtipon ng isang sanggunian.
Sinabi nila: Ano ang ating ginagawa? Ang taong ito ay gumagawa ng maraming tanda.
48 Kapag pabayaan lang natin siya, ang lahat ng tao ay sasampalataya sa kaniya. Kung magkagayon, ang mga taga-Roma ay darating at aagawin maging ang ating pook at bansa.
49 Ang isa sa kanila ay si Caifas, ang pinunong-saserdote nang taong iyon. Bilang pinunong-saserdote ay sinabi niya sa kanila: Wala talaga kayong alam. 50 Hindi ninyo pinag-isipan na makakabuti sa atin na mamatay ang isa para sa mga tao. Kung magkagayon, ang buong bansa ay hindi malilipol.
51 Hindi niya ito sinabi nang sarili niya. Bilang pinunong-saserdote nang taong iyon, inihayag niyang si Jesus ay mamamatay na para sa bansang iyon. 52 Hindi lamang para sa bansang iyon kundi para rin sa mga anak ng Diyos na nangalat. Ito ay upang sila ay tipunin at pag-isahin. 53 Mula nga sa araw na iyon sila ay sumangguni sa isa’t isa na siya ay patayin.
54 Si Jesus nga ay hindi na lumakad ng hayag sa gitna ng mga Judio. Siya ay nagtungo sa isang lalawigang malapit sa ilang, sa lungsod na tinatawag na Efraim. Nanatili siya roon kasama ang kaniyang mga alagad.
55 Malapit na ang Paglagpas ng mga Judio. Bago ang Paglagpas, marami ang umahon sa Jerusalem mula sa lalawigan. Ang dahilan ay upang dalisayin ang kanilang mga sarili. 56 Hinanap nga nila si Jesus. Sila ay nag-usap-usap sa kanilang mga sarili habang nakatayo sa templo. Sabi nila: Ano sa palagay ninyo ang dahilan na hindi siya pumunta sa kapistahan? 57 Ang mga pinunong-saserdote maging ang mga Fariseo ay nagbigay ng utos na ang sinumang nakakaalamkung nasaan si Jesus ay ipagbigay alam upang siya ay madakip nila.
Pinahiran ni Maria ng Langis si Jesus sa Betania
12 Anim na araw bago ang Paglagpas, si Jesus ay pumunta sa Betania. Ito ang kinaroonan ni Lazaro na namatay na kaniyang ibinangon mula sa mga patay.
2 Sila ay naghanda roon ng hapunan para sa kaniya. Si Marta ay naglingkod. Ngunit si Lazaro ay isa sa mga nakaupong kasalo niya sa mesa. 3 Si Maria ay kumuha ng isang librang purong nardo. Ito ay mamahaling pamahid. Ipinahid niya ito sa mga paa ni Jesus at pinunasan niya ng kaniyang buhok at ang bahay ay napuno ng halimuyak ng pamahid.
4 Si Judas na taga-Keriot, na anak ni Simon ay isa sa kaniyang mga alagad. Siya ang magkakanulo kay Jesus. Sinabi nga niya: 5 Bakit hindi ipinagbili ang pamahid na ito sa halagang tatlong daang denaryo at ibinigay sa mga dukha? 6 Ito ay sinabi hindi dahil siya ay nagmamalasakit sa mga dukha kundi dahil siya ay isang magnanakaw. Nasa kaniya rin ang supot ngsalapi at kinukupit niya ang inilalagay rito.
7 Sinabi nga ni Jesus: Hayaan ninyo si Maria. Inilalaan niya iyon para sa araw ng aking libing. 8 Ito ay sapagkat ang mga dukha ay lagi ninyong kasama ngunit ako ay hindi ninyo makakasamang lagi.
9 Maraming mga Judio ang nakakaalam na siya ay naroon. Sila ay pumunta hindi lamang dahil kay Jesus. Sila ay pumunta upang makita rin si Lazaro na ibinangon ni Jesus mula sa mga patay. 10 Nagsanggunian ang mga pinunong-saserdote upang patayin din si Lazaro. 11 Ito ay sapagkat maraming mga Judio ang lumayo at sumampalataya kay Jesus dahil sa nangyari kay Lazaro.
Pumasok si Jesus sa Jerusalem Tulad ng Isang Hari
12 Kinabukasan, maraming mga tao ang dumating na nanggaling sa kapistahan. Narinig nila na darating si Jesus sa Jerusalem.
13 Sila ay kumuha ng mga tangkay ng punong palma at lumabas upang siya ay salubungin. Sumigaw sila:
Hosana! Papuri sa Hari ng Israel napumaparito sa pangalan ng Panginoon!
14 Sinakyan ni Jesus ang isang batang asno na natagpuan niya. Ayon sa nasusulat:
15 Huwag kang matakot, anak na babae ng Sion! Narito, ang iyong hari ay dumarating. Siya ay nakasakay sa isang bisirong asno.
16 Sa simula ay hindi naunawaan ng kaniyang mga alagad ang mga bagay na ito. Subalit nang naluwalhati na si Jesus, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay isinulat patungkol sa kaniya. Naalala rin nila na ang mga bagay na ito ay ginawa nila sa kaniya.
17 Kaya nga, nagpatotoo nga ang maraming tao na nakasama niya nang kaniyang tawagin si Lazaro mula sa libingan at ibinangon mula sa mga patay. 18 Dahil dito, sumalubong sa kaniya ang maraming tao sapagkat narinig nila na siya ay gumawa ng tandang ito. 19 Sinabi nga ng mga Fariseo sa kanilang sarili: Nakikita ninyo na wala kayong napapala. Narito, sumusunod na sa kaniya ang sanlibutan.
Ipinagpauna nang Sabihin ni Jesus ang Kaniyang Kamatayan
20 At may ilang mga Griyego na umahon, kasama noong mga pumaroon sa kapistahan, upang sumamba.
21 Sila nga ay lumapit kay Felipe na taga-Betsaida ng Galilea. Hiniling nila sa kaniya na sinasabi: Ginoo, nais naming makita si Jesus. 22 Lumapit si Felipe at sinabi kay Andres. Sinabi naman nina Andres at Felipe kay Jesus.
23 Tinugon sila ni Jesus na sinasabi: Dumating na ang oras upang maluwalhati ang Anak ng Tao. 24 Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo: Mananatiling nag-iisa ang butil ng trigo malibang ito ay mahulog sa lupa at mamatay. Kapag ito ay namatay, mamumunga ito ng marami. 25 Siya na umiibig sa kaniyang buhay ay mawawalan nito. Siya na napopoot sa kaniyang buhay dito sa sanlibutan ay makakapag-ingat nito patungo sa buhay na walang hanggan. 26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, hayaan siyang sumunod sa akin. Kung saan ako naroroon ay doroon din angaking tagapaglingkod. Kung ang sinuman ay naglilingkod sa akin, siya ay pararangalan ng aking Ama.
27 Ngayon ay nababalisa ang aking kaluluwa. Ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako mula sa oras na ito. Subalit ito ang dahilan kung bakit ako narito sa oras na ito. 28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.
Nang magkagayon, may narinig silang tinig mula sa langit na nagsasabi: Niluwalhati ko na ito at muli kong luluwalhatiin.
29 Ang mga tao ngang nakatayo roon at nakarinig nito ay nagsabi: Kumulog! Ang iba naman ay nagsabi: Siya ay kinausap ng isang anghel.
30 Tumugon si Jesus at nagsabi: Ang tinig na ito ay hindi ipinarinig nang dahil sa akin kundi dahil sa inyo. 31 Ngayon na ang paghatol sasanlibutang ito. Ngayon ang prinsipe ng sanlibutan ito ay palalayasin. 32 Ako, kapag ako ay maitaasna mula sa lupa, ay ilalapit ko ang lahat ng tao sa akin. 33 Sinabi ito ni Jesus bilang kapahayagan kung papaano siya mamamatay.
34 Ang mga tao ay tumugon sa kaniya: Narinig namin mula sa kautusan na ang Mesiyas ay mananatili magpakailanman. Papaano mo nasabi: Ang Anak ng Tao ay kinakailangang maitaas? Sino ba itong Anak ng Tao?
35 Nang magkagayon ay sinabi ni Jesus sa kanila: Sandaling panahon na lamang na makakasama ninyo ang liwanag. Lumakad kayo habang may liwanag pasa inyo upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi nalalaman ng lumalakad sa kadiliman kung saan siya napupunta. 36 Habang may liwanag pa sa inyo, sumampalataya kayo sa liwanag upang kayo ay maging mga tao ng liwanag. Pagkasabi ni Jesus ng mga bagay na ito ay umalis siya at nagtago mula sa kanila.
Ang mga Judio ay Nagpatuloy sa Kanilang Hindi Pagsampalataya
37 Bagamat gumawa si Jesus ng maraming tanda sa harapan nila, hindi pa rin sila sumampalataya sa kaniya.
38 Ito ay upang matupad ang salita ni propeta Isaias na kaniyang sinabi:
Panginoon, sino ang naniwala sa aming pangaral? Kanino ipinahayag ang bisig ng Panginoon?
39 Dahil dito, hindi sila makapaniwala dahil sinabing muli ni Isaias:
40 Binulag niya ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang puso. Ito ay upang hindi sila makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata, ni makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at manumbalik. Kung hindi gayon sila ay pagagalingin ko.
41 Ang bagay na ito ay sinabi ni Isaias nang makita niya ang kaluwalhatian ng Panginoon at nagsalita patungkol sa kaniya.
42 Gayunman, marami sa mga mataas na pinuno ang sumampalataya kay Jesus. Ngunit dahil sa mga Fariseo hindi nila siya ipinahayag baka sila palayasin sa sinagoga. 43 Ito ay sapagkat higit nilang inibig ang papuring mula sa mga tao kaysa ang papuri ng Diyos.
44 Si Jesus ay sumigaw at nagsabi: Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. 45 Ang nakakita sa akin ay nakakita sa kaniya na nagsugo sa akin. 46 Ako ay narito bilang liwanag sa sanlibutan upang ang lahat ng sumasampalataya sa akin ay hindi manatili sa kadiliman.
47 Kung ang sinuman ay nakikinig ng aking mga salita at hindi sumasampalataya, hindi ko siya hinahatulan. Ito ay sapagkat hindi ako narito upang hatulan ang sanlibutan kundi upang iligtas ang sangkatauhan. 48 May isang hahatol sa tumatanggi sa akin at hindi tumatanggap ng aking mga salita. Ang salita na aking sinalita ay siyang hahatol sa kaniya sa huling araw. 49 Ito ay sapagkat hindi ako nagsasalita mula sa sarili ko. Ang Ama na nagsugo sa akin ang nag-utos kung ano ang dapat kong sabihin at bigkasin. 50 Alam ko, na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan. Ito nga ang sinasabi ko. Kung papaanong sinasabi sa akin ng Ama, sa gayunding paraan nagsasalita ako.
Copyright © 1998 by Bibles International