Beginning
Ang Pagharap ni Esteban sa Sanhedrin
7 Sinabi ng pinakapunong-saserdote: Totoo ba ang mga bagay na ito?
2 Sinabi niya: Mga kapatid, at mga ama, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita sa ating amang si Abraham nang siya ay nasa Mesopotamia. Siya ay nagpakita sa kaniya bago siya manirahan sa Haran. 3 Sinabi niya sa kaniya: Umalis ka sa iyong bayan at sa iyong kamag-anakan. Pumunta ka sa bayang ipakikita ko sa iyo.
4 Nang magkagayon, siya ay umalis mula sa bayan ng Caldea at nanirahan sa Haran. Mula roon, nang mamatay ang kaniyang ama, siya ay dinala sa bayang ito kung saan kayo ay nananahan ngayon. 5 Hindi siya nagbigay sa kaniya ng pamana roon, kahit na maliit na mayayapakan. Ngunit ito ay ipinangakong ibibigay upang maging kaniyang pag-aari, at sa kaniyang lahi pagkatapos niya, kahit siya ay walang anak. 6 Sa ganito nagsalita ang Diyos: Ang kaniyang binhi ay maninirahan bilang isang dayuhan sa ibang bayan. Sila ay aalipinin at pagmamalupitan sa loob ng apatnaraang taon. 7 Hahatulan ko ang bansa na aalipin sa kanila, sabi ng Diyos. Pagkatapos ng mga bagay na ito, sila ay lalabas at maglilingkod sa akin sa dakong ito. 8 Ibinigay niya sa kaniya ang tipan ng pagtutuli. Sa ganito ay naging anak ni Abraham si Isaac at siya ay tinuli sa ikawalong araw.Naging anak ni Isaac si Jacob. Naging anak ni Jacob ang labingdalawang patriarka.
9 Dahil sa udyok ng pagka-inggit, si Jose ay ipinagbili ng mga patriarka sa Egipto. Gayunman, ang Diyos ay sumasakaniya. 10 At siya ay iniligtas ng Diyos sa lahat ng kaniyang mga paghihirap. Siya ay kinalugdan ng Diyos at binigyan ng karunungan sa harap ni Faraon na hari ng Egipto. Itinalaga siyang gobernador ni Faraon sa buong Egipto at sa kaniyang buong sambahayan.
11 Ngunit dumating ang taggutom sa buong bayan ng Egipto at Canaan. Nagkaroon ng malaking kahirapan at walang nasumpungang pagkain ang ating mga ninuno. 12 Ngunit nang marinig ni Jacob na may trigo sa Egipto, isinugo niya ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. 13 Sa ikalawa nilang pagparoon ay nagpakilala si Jose sa kaniyang mga kapatid. Nahayag kay Faraon ang angkan ni Jose. 14 Isinugo niya si Jose at ipinatawag ni Jose ang kaniyang amang si Jacob at ang lahat ng kaniyang kamag-anakan na pitumpu’t limang katao. 15 Lumusong si Jacob sa Egipto. Doon na siya namatay at gayundin ang ating mga ninuno. 16 Sila ay inilipat sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham ng isang halaga ng salapi sa mga anak ni Hamor sa Shekem.
17 Ngunit nang malapit na ang panahon upang matupad ang pangako ng Diyos kay Abraham, dumami nang dumami ang mga tao sa Egipto. 18 Dumami sila hanggang sa naghari ang isang hari na hindi nakakilala kay Jose. 19 Siya ang nagsamantala at nagmalupit sa ating mga ninuno upang kanilang pabayaan sa labas ang kanilang mga sanggol nang sa gayon ang mga ito ay mamatay.
20 Nang panahong iyon ipinanganak si Moises. Siya ay totoong may magandang anyo sa harap ng Diyos. Siya ay tatlong buwang inalagaan sa bahay ng kaniyang ama. 21 Nang siya ay pinabayaan sa labas, kinuha siya ng anak na babae ni Faraon. Siya ay pinalaking parang kaniyang sariling anak. 22 Si Moises ay tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga taga-Egipto. Siya ay makapangyarihan sa salita at sa gawa.
23 Nang apatnapung taong gulang na si Moises, pinasiyahan niyang dalawin ang kaniyang mga kapatiran, ang mga anak ni Israel. 24 Nang makita niya ang isa na ginagawan ng hindi tama, ipinagtanggol niya ito. Pinatay niya ang taga-Egipto at ipinaghiganti niya ang inaapi. 25 Ginawa niya ito dahil inaakala niyang mauunawaan ng kaniyang mga kapatid ay ililigtas ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang kamay. Ngunit hindi nila ito naunawaan. 26 Kinabukasan, nakita siya ng mga nag-aaway at sinikap niyang pagkasunduin sila at sinabi: Mga ginoo, kayo ay magkapatid, bakit kayo gumagawa ng hindi tama sa isa’t isa?
27 Ngunit itinulak si Moises ng taong gumagawa ng hindi tama sa kaniyang kapatid. Sinabi sa kaniya: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom sa amin? 28 Ibig mo ba akong patayin tulad ng pagpatay mo kahapon sa taga-Egipto? 29 Tumakas si Moises nang marinig ang pananalitang ito. Siya ay nanirahan bilang isang dayuhan sa lupain ng Midian at doon nagkaanak siya ng dalawang anak na lalaki.
30 Pagkalipas ng apatnapung taon, nagpakita sa kaniya ang isang anghel ng Panginoon sa ilang na bundok ng Sinai sa pamamagitan ng ningas ng apoy sa isang mababang palumpong. 31 Nang makita ito ni Moises namangha siya sa nakita niya. At nang siya ay lumapit upang pagmasdan iyon, dumating sa kaniya ang tinig ng Panginoon. 32 Sinabi niya: Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno. Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob. At nanginig si Moises at hindi naglakas-loob na tumingin.
33 Sinabi sa kaniya ng Panginoon: Alisin mo ang mga panyapak mo sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal. 34 Totoong nakita ko ang labis na pagmamalupit ng mga taga-Egipto sa aking mga tao. Narinig ko ang kanilang hinagpis. Ako ay bumaba upang sila ay ilabas mula sa Egipto. Halika ngayon, susuguin kita sa Egipto.
35 Ito ang Moises na kanilang tinanggihan nang kanilang sabihin: Sino ang nagtalaga sa iyo na maging pinuno at hukom? Sa pamamagitan ng kamay ng anghel na nagpakita sa kaniya sa mababang palumpong, isinugo ng Diyos si Moises na maging tagapamahala at tagapagpalaya. 36 Siya ay nanguna sa kanila papalabas sa Egipto. Siya ay gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa lupain ng Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang sa loob ng apatnapung taon.
37 Siya iyong Moises na nagsabi sa mga anak ni Israel: Magtitindig ang Panginoong Diyos sa inyo ng isang propeta na tulad ko, mula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakinggan. 38 Siya iyong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kaniya sa bundok ng Sinai. Kasama niya ang ating mga ninuno. Siya ang tumanggap ng mga buhay na katuruan upang ibigay sa atin.
39 Ang ating mga ninuno ay ayaw magpasakop sa kaniya. Sa halip ay itinulak nila siya at ang kanilang mga puso ay bumabalik sa Egipto. 40 Sinabi nila kay Aaron: Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin sapagkat hindi namin nalalaman kung ano na ang nangyari kay Moises na siyang naglabas sa amin sa bayan ng Egipto. 41 Nang mga araw na iyon ay gumawa sila ng isang guyang baka at naghandog ng hain sa diyos-diyosang iyon. Sila ay natuwa sa mga nagawa ng kanilang mga kamay. 42 Tumalikod ang Diyos sa kanila at hinayaan silang sumamba sa mga bituin sa langit. Gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta:
O, angkan ng Israel, hindi ba naghandog kayo ng mga hayop na pinatay at mga hain sa loob ng apatnapung taon na kayo ay nasa ilang? Ngunit hindi ninyo ito inihandog sa akin.
43 Lagi ninyong dala ang tolda ni Moloc at ang bituin ng inyong diyos na si Refan. Lagi ninyong dala ang mga diyos-diyosang ginawa ninyo upang inyong sambahin. Dadalhin ko kayo sa dakong lagpas pa sa Babilonia.
44 Ang tolda ng patotoo ay nasa ating mga ninuno sa ilang, ayon sa iniutos nang siya ay nagsalita kay Moises. Sinabi niya kay Moises na gawin iyon ayon sa huwarang nakita niya. 45 Tinanggap ito ng ating mga ninuno. Dala nila ito nang sila ay nasa ilalim ng pamumuno ni Josue nang makapasok sila sa lupain ng mga Gentil. Ang mga Gentil ay pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ang tolda ay nanatili roon hanggang sa araw ni David. 46 Si David ay naging kaluguran sa paningin ng Diyos. Hiniling niyang siya ay makapagpatayo ng isang tahanan para sa Diyos ni Jacob. 47 Ngunit si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kaniya.
48 Subalit ang Kataas-taasan ay hindi tumitira sa mga banal na dakong gawa ng mga kamay, tulad sa sinasabi ng propeta:
49 Ang langit ay aking trono. Ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Sabi ng Panginoon: Anong bahay ang itatayo ninyo sa akin? O, anong dako ang pagpapahingahan ko? 50 Hindi ba ang lahat ng ito ay ginawa ng aking kamay?
51 Kayong mga matitigas ang ulo at hindi tuli ang mga puso at tainga! Lagi ninyong sinasalungat ang Banal na Espiritu. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno ay gayundin naman ang gingawa ninyo. 52 Sino sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay pa nila ang mga nagpahayag na nang una pa, ng pagdating ng Matuwid. Kayo ngayon ang pumatay at nagkanulo sa kaniya. 53 Kayo ang mga tumanggap ng kautusan na atas ng mga anghel at hindi naman ninyo ito sinunod.
Binato Nila si Esteban
54 Nang marinig nila ang mga bagay na ito, nagsiklab ang kanilang galit. Nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban.
55 Ngunit siya, na puspos ng Banal na Espiritu, ay tumingalang nakatuon sa langit. Nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos. 56 Sinabi niya: Narito, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao ay nakatayo sa kanang bahagi ng Diyos.
57 Kaya sila ay sumigaw ng malakas na tinig at tinakpan nila ang kanilang mga tainga. Nagkakaisa nilang dinaluhong si Esteban. 58 Itinapon nila siya sa labas ng lungsod at binato hanggang mamatay. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na Saulo ang pangalan.
59 Habang pinagbabato nila si Esteban tumawag siya sa Diyos at nagsabi: Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu. 60 Pagkatapos, siya ay lumuhod at siya ay sumigawng malakas: Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito. Pagkasabi niya nito, siya ay natulog.
Inusig ang Iglesiya at Ito ay Nangalat
8 Si Saulo ay sumang-ayon sa kamatayan ni Esteban. Sa araw na iyon, nagsimula ang isang malaking pag-uusig laban sa iglesiya na nasa Jerusalem. Silang lahat ay nangalat sa lahat ng mga dako sa Judea at Samaria maliban sa mga apostol.
2 Inilibing si Esteban ng mga taong palasamba sa Diyos at sa kaniya ay nanaghoy sila nang gayon na lamang. 3 Pinipinsala ni Saulo ang iglesiya na pinapasok ang mga bahay-bahay. Kinakaladkad niya ang mga lalaki at mga babae at ibinibilanggo sila.
Si Felipe sa Samaria
4 Kaya nga, ang nangalat na mga mananampalataya ay naglakbay na ipinangangaral ang ebanghelyo.
5 Si Felipe ay bumaba sa lungsod ng Samaria. Ipinangaral niya sa kanila ang Mesiyas. 6 Ang maraming tao ay nagkaisang nakinig sa mga bagay na sinalita ni Felipe, nang kanilang marinig at makita ang mga tanda na ginawa niya. 7 Ito ay sapagkat marami sa mga inaalihan ng mga karumal-dumal na espiritu ay iniwan ng mga espiritung ito na sumisigaw nang malakas. Maraming lumpo at pilay ang gumaling. 8 Nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.
Si Simon na Manggagaway
9 May isang tao na nagngangalang Simon na nang unang panahon ay gumagawa ng panggagaway sa lungsod. At lubos niyang pinamangha ang mga tao sa Samaria. Sinasabi niyang siya ay dakila.
10 Siya ay pinakikinggan nilang lahat, buhat sa pinakamaliit hanggang sa pinakadakila. Sinasabi nila: Ang lalaking ito ang siyang dakilang kapangyarihan ng Diyos. 11 Siya ay pinakinggan nila sapagkat sila ay lubos niyang pinamangha sa mahabang panahon ng kaniyang mga panggagaway. 12 Ngunit nang sila ay maniwala kay Felipe na nangangaral ng ebanghelyo patungkol sa paghahari ng Diyos at patungkol sa pangalan ni Jesucristo. Sila ay nabawtismuhan, mga lalaki at babae. 13 Si Simon ay naniwala rin. Nang mabawtismuhan na siya, matatag siyang nagpatuloy kasama ni Felipe. Si Simon ay lubos na namangha nang makakita siya ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa.
14 Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang Salita ng Diyos, sinugo nila roon sina Pedro at Juan. 15 Nang sila ay makalusong, nanalangin sila para sa kanila upang tanggapin nila ang Banal na Espiritu. 16 Ito ay sapagkat ang Banal na Espiritu ay hindi pa bumababa sa kaninuman sa kanila. Ngunit sila lamang ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 17 Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Banal na Espiritu.
18 Nakita ni Simon na sa pagpapatong ng kamay ng mga apostol ang Banal na Espiritu ay ibinibigay. Inalok nga niya sila ng kayamanan. 19 Sinabi niya: Ibigay rin ninyo sa akin ang kapangyarihang ito. Sa ganoon, sinumang patungan ko ng kamay ay tatanggap ng Banal na Espiritu.
20 Ngunit sinabi ni Pedro sa kaniya: Ang salapi mo ay mapapahamak na kasama mo sapagkat iniisip mong tamuhin ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng kayamanan. 21 Wala kang bahagi ni dako man sa bagay na ito sapagkat ang puso mo ay hindi matuwid sa harap ng Diyos. 22 Kaya nga, magsisi ka sa kasamaan mong ito. Humiling ka sa Diyos, baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso. 23 Ito ay sapagkat nakikita kong ikaw ay puno ng kapaitan tulad ng apdo at natatanikalaan ng kalikuan.
24 Sumagot si Simon at sinabi:Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang huwag mangyari sa akin ang alinman sa mga bagay na sinasabi ninyo.
25 Nang makapagpatotoo na sila at maipangaral ang Salita ng Panginoon, bumalik sila sa Jerusalem. Ipinangaral nila ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga taga-Samaria.
Si Felipe at ang Taga-Etiopia
26 Ang anghel ng Panginoon ay nagsalita kay Felipe na sinasabi: Tumindig ka. Pumaroon ka sa dakong timugan, sa daang palusong mula sa Jerusalem hanggang sa Gaza. Ito ay ilang na dako.
27 Siya ay tumindig at pumaroon. At narito, isang lalaking taga-Etiopia ang naroon. Siya ay isang kapon na may dakilang kapangyarihan na sakop ni Candace, reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala sa lahat niyang nakaimbak na kayamanan. Siya ay naparoon sa Jerusalem upang sumamba. 28 Siya ay pabalik na at nakaupo sa kaniyang karuwahe. Binabasa niya ang aklat ni Propeta Isaias. 29 Sinabi ng Espiritu kay Felipe: Lumapit ka at manatili sa tabi ng karuwaheng ito.
30 Tumakbo si Felipe palapit at narinig niyang binabasa niya ang aklat ni Isaias na propeta. Sinabi niya:Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?
31 Papaano ko ito mauunawaan maliban na lamang kung may isang gagabay sa akin? Pinakiusapan niya si Felipe na sumampa at maupong kasama niya.
32 Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito:
Siya ay gaya ng tupa na dinala upang katayin. Tulad siya ng kordero na hindi umimik sa harap ng kaniyang manggugupit. Sa ganoong paraan ay hindi niya ibinubuka ang kaniyang bibig.
33 Sa kaniyang pagpapakumbaba ay inalis nila ang karapatan niyang mahatulan ng nararapat. Sino ang maghahayag ng kaniyang lahi sapagkat ang kaniyang buhay ay inalis sa ibabaw ng lupa?
34 Sumagot ang kapon kay Felipe at sinabi: Isinasamo ko sa iyo, sabihin mo sa akin kung sino ang tinutukoy dito ng propeta? Ang kaniya bang sarili o ibang tao? 35 Nagsimulang magsalita si Felipe at mula sa kasulatang ito, ipinangaral niya sa kaniya si Jesus.
36 Sa pagpapatuloy nila sa paglalakbay, nakarating silasa isang dako na may tubig. Sinabi ng kapon: Narito, may tubig dito. Ano ang makakahadlang upang ako ay hindi mabawtismuhan? 37 Sinabi ni Felipe: Kung sumasampalataya ka nang buong puso ay maaari kang bawtismuhan. Ang lalaki ay sumagot at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesucristo ay ang Anak ng Diyos. 38 Iniutos niyang itigil ang karwahe. Sila ay kapwa lumusong sa tubig, si Felipe at ang lalaki. Binawtismuhan siya ni Felipe. 39 Nang umahon sila sa tubig, si Felipe ay inagaw ng Espiritu ng Panginoon. Hindi na siya nakita ng lalaking kapon. Gayunman, siya ay nagpatuloy sa kaniyang paglalakbay na nagagalak. 40 Si Felipe ay nasumpungan sa Azoto. Sa kaniyang pagdaraan, ipinangangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga lungsod hanggang sa dumating siya sa Cesarea.
Copyright © 1998 by Bibles International