Beginning
Nagkatawang Tao ang Salita
1 Sa pasimula pa ay naroroon na ang Salita. Ang Salita ay sumasa Diyos at ang Salita ay Diyos.
2 Siya ay sumasa Diyos nang pasimula pa.
3 Ang lahat ng mga bagay ay nilikha sa pamamagitan niya. Kung wala siya ay walanganumang nilikhang bagay na nalikha. 4 Ang buhay ay nasa kaniya at ang buhay ay ang ilaw ng mga tao. 5 Ang ilaw ay nagliwanag sa kadiliman at hindi ito naunawaan ng kadiliman.
6 May isang lalaking isinugong mula sa Diyos. Ang kaniyang pangalan ay Juan. 7 Siya ay naparitong isang saksi na magpatotoo patungkol sa ilaw upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. 8 Hindi siya ang ilaw ngunit siya ay sinugo upang magpatotoo patungkol sa ilaw. 9 Ang tunay na ilaw ay iyong tumatanglaw sa bawat taong pumarito sa sanlibutan.
10 Siya ay nasa sanlibutan. Ang sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan niya at hindi siya nakilala ng sangkatauhan. 11 Siya ay pumunta sa kaniyang sariling mga tao ngunit hindi siya tinanggap ng kaniyang sariling mga tao. 12 Datapuwat ang lahat ng tumanggap sa kaniya ay binigyan niya ng kapamahalaan maging mga anak ng Diyos. Sila ay ang mga sumampalataya sa kaniyang pangalan. 13 Ipinanganak sila hindi sa dugo, ni sa kalooban ng laman, ni sa kalooban ng tao. Sila ay ipinanganak mula sa Diyos.
14 Nagkatawang-tao ang Salita at nanahang kasama natin. Namasdan namin ang kaniyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatian ng bugtong na Anak ng Ama. Ang Salitang ito ay puspos ng biyaya at katotohanan.
15 Si Juan ay nagpapatotoo patungkol sa kaniya. Siya ay sumigaw at nagsabi: Siya ang aking sinasabi na ang paparitong kasunod ko ay mas higit sa akin sapagkat siya ay una sa akin. 16 Mula sa kaniyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat ng abut-abot na biyaya. 17 Ito ay sapagkat ang kautusan ay ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesucristo. 18 Walang taong nakakita kailanman sa Diyos. Ang bugtong na Anak na nasa piling ng Ama ang naghayag sa kaniya.
Sinabi ni Juan Tagapagbawtismo na Hindi Siya ang Mesiyas
19 Ito ang patotoo ni Juan nang isugo sa kaniya ng mga Judio ang mga saserdote at mga Levita mula sa Jerusalem. Isinugo sa kaniya ang mga saserdote at mga Levita upang tanungin siya: Sino ka?
20 Siya ay nagtapat at hindi nagkaila. Kaniyang ipinagtapat: Hindi ako ang Mesiyas.[a]
21 ? Ikaw ba si Elias?
Sinabi niya: Hindi ako.
Ikaw ba ang propeta?
Siya ay sumagot: Hindi.
22 Sinabi nga nila sa kaniya: Sino ka ba? Sabihin mo sa amin, nang sa gayon ay maibigay namin ang sagot sa nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo patungkol sa iyong sarili?
23 Sinabi niya: Ako ang tinig na sumisigaw sa ilang. Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon tulad ng sinabi ni Isaias na propeta.
24 Ngayon, silang mga sinugo ay nagmula sa mga Fariseo. 25 Tinanong nila siya at sinabi sa kaniya: Bakit ka nagbabawtismo yamang hindi ikaw ang Mesiyas, ni si Elias, ni ang propeta?
26 Sumagot si Juan sa kanila na nagsasabi: Ako ay nagbabawtismo ng tubig, ngunit sa inyong kalagitnaan ay may isang nakatayo na hindi ninyo kilala. 27 Siya ang paparitong kasunod ko na higit kaysa sa akin. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng panali ng kaniyang panyapak.
28 Ang mga bagay na ito ay nangyari sa Betabara, sa ibayo ng Jordan na pinagbabawtismuhan ni Juan.
Si Jesus ang Kordero ng Diyos
29 Kinabukasan nang makita ni Juan si Jesus na papalapit sa kaniya, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan.
30 Siya ang aking tinutukoy nang sabihin kong may paparitong kasunod ko, na isang lalaking higit kaysa sa akin sapagkat siya ay una sa akin. 31 Hindi ko siya kilala ngunit upang maihayag siya sa Israel, ako nga ay naparitong nagbabawtismo sa tubig.
32 Nagpatotoo si Juan na nagsasabi: Nakita ko ang Espiritu na bumabang buhat sa langit tulad ng isang kalapati. Ito ay nanahan sa kaniya. 33 Hindi ko siya kilala ngunit ang nagsugo sa akin upang magbawtismo sa pamamagitan ng tubig ay siya ring nagsabi sa akin: Kung kanino mo makikitang bababa at mananahan ang Espiritu, siya ang magbabawtismo ng Banal na Espiritu. 34 Aking nakita at pinatotohanan na siya ang Anak ng Diyos.
Ang mga Unang Alagad ni Jesus
35 Kinabukasan, si Juan ay muling nakatayo roon kasama ang dalawa sa kaniyang mga alagad.
36 Pagtingin niya kay Jesus na naglalakad, sinabi niya: Narito, ang Kordero ng Diyos.
37 Narinig ng dalawang alagad nang siya ay magsalita. Sumunod sila kay Jesus. 38 Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod. Sinabi niya sa kanila: Ano ang inyong hinahanap?
Sinabi nila sa kaniya:Rabbi, na kung liliwanagin ay Guro, saan ka nakatira?
39 Sinabi niya sa kanila: Halikayo at inyong tingnan.
Sila ay pumaroon at nakita nila ang kaniyang tinitirahan. Nanatili silang kasama niya nang araw na iyon, noon ay mag-iikasampu na ang oras.
40 Ang isa sa dalawang nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres. Siya ay kapatid ni Simon Pedro. 41 Una niyang hinanap ang kaniyang sariling kapatid na si Simon at sinabi sa kaniya: Natagpuan namin ang Mesiyas. Ang kahulugan ng Mesiyas ay Cristo.[b] 42 Isinama ni Andres si Simon kay Jesus.
Tiningnan siya ni Jesus at sinabi: Ikaw ay si Simon na anak ni Jonas, tatawagin kang Cefas. Kung isasalin ang Cefas ay bato.[c]
Tinawag ni Jesus sina Felipe at Natanael
43 Kinabukasan ay ninais ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nasumpungan niya si Felipe at sinabi sa kaniya: Sumunod ka sa akin.
44 Si Felipe ay taga-Betsaida na lungsod nina Andres at Pedro. 45 Nasumpungan ni Felipe si Natanael at sinabi sa kaniya: Nasumpungan namin siya, na patungkol sa kaniya ang isinulat ni Moises sa kautusan at isinulat din ng mga propeta. Siya ay si Jesus, ang anak ni Jose na taga-Nazaret.
46 At sinabi ni Natanael sa kaniya: May mabuti bang bagay na magmumula sa Nazaret?
Sinabi sa kaniya ni Felipe: Halika at tingnan mo.
47 Nakita ni Jesus si Natanael na papalapit sa kaniya, sinabi niya ang patungkol kay Natanael: Narito, ang isang totoong taga-Israel, sa kaniya ay walang pandaraya.
48 Sinabi sa kaniya ni Natanael: Papaano mo ako nakilala?
Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Bago ka pa tawagin ni Felipe ay nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.
49 Sumagot si Natanael at sinabi sa kaniya: Guro, ikaw ang Anak ng Diyos. Ikaw ang Hari ng Israel.
50 Sumagot si Jesus at sinabi sa kaniya: Sumasampalataya ka ba dahil sinabi kong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makikita mo ang mga bagay na mas dakila kaysa sa mga ito. 51 At sinabi ni Jesus sa kaniya: Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa iyo: Mula ngayon ay makikita ninyong bukas ang langit. Makikita ninyo ang mga anghel ng Diyos ay pumapaitaas at bumababa sa Anak ng Tao.
Ginawa ni Jesus na ang Tubig ay Maging Alak
2 Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng kasalan sa Cana ng Galilea. Naroroon ang ina ni Jesus.
2 Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. 3 Nang magkulang ang alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kaniya: Wala na silang alak.
4 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Ginang, ano ang kinalaman ng bagay na ito sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.
5 Sinabi ng kaniyang ina sa mga tagapaglingkod. Gawin ninyo ang anumang sasabihin niya sa inyo. 6 Mayroon doong anim na tapayang bato na nakalagay alinsunod sa pagdadalisay ng mga Judio. Ang bawat isa ay maaaring maglaman ng humigit-kumulang sa isang daang litrong tubig.
7 Sinabi ni Jesus sa mga tagapaglingkod: Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan. Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi.
8 Sinabi niya sa kanila: Sumalok kayo ngayon at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.
Kanilang dinala ito.
9 Natikman ng namamahala ng handaan ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan ito nanggalingngunit alam ng mga tagapaglingkod na sumalok ng tubig. Dahil dito, tinawag ng namamahala ng kapistahan ang lalaking ikinasal. 10 Sinabi niya sa kaniya: Unang inihahain ng bawat tao ang mabuting alak. Ang mababang uri ay inihahain kapag marami na silang nainom. Ngunit itinabi mo ang mabuting alak hanggang ngayon.
11 Ang pasimulang ito ng mga tanda ay ginawa ni Jesus sa Cana ng Galilea at nahayag ang kaniyang kaluwalhatian. Ang kaniyang mga alagad ay sumampalataya sa kaniya.
Nilinis ni Jesus ang Templo
12 Pagkatapos nito ay bumaba siya patungong Capernaum. Kasama niya ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki at ang kaniyang mga alagad. Nanatili sila roon ng ilang araw.
13 Malapit na ang Araw ng Paglagpas ng mga Judio at umahon si Jesus patungong Jerusalem. 14 Nakita niya sa templo ang mga nagtitinda ng mgabaka, ng mga tupa at ng mga kalapati, at ang mga mamamalit-salapi na nakaupo. 15 Pagkagawa niya ng panghagupit na lubid ay tinaboy niya silang lahat papalabas sa templo pati na ang mga tupa at ang mga toro. Ibinubo niya ang salapi ng mga mamamalit-salapi at itinumba ang kanilang mga mesa. 16 Sa mga nagtitinda ng kalapati ay sinabi niya: Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito. Huwag ninyong gawing bahay-kalakal ang bahay ng aking Ama.
17 Naala-ala ng kaniyang mga alagad na nasusulat: Pinagharian ako ng kasigasigan sa iyong bahay.
18 Sumagot nga ang mga Judio at sinabi sa kaniya: Anong tanda ang maipapakita mo sa amin yamang ginawa mo ang mga bagay na ito?
19 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: Gibain ninyo ang banal na dakong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw.
20 Sinabi nga ng mga Judio: Apatnapu’t-anim na taon ang pagtatayo ng banal na dakong ito at itatayo mo sa loob ng tatlong araw? 21 Ngunit ang banal na dako na kaniyang tinutukoy ay ang kaniyang katawan. 22 Nang ibinangon nga siya mula sa mga patay ay naalala ng kaniyang mga alagad na sinabi niya ito sakanila. Sumampalataya sila sa kasulatan at sa salita na sinabi ni Jesus.
23 Si Jesus ay nasa Jerusalem nang Araw ng Paglagpas. Sa panahon ng kapistahan, marami ang sumampalataya sa kaniyang pangalan nang kanilang makita ang mga tanda na ginawa niya. 24 Gayunman hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang sarili sa kanila dahil nakikilala niya ang lahat. 25 Hindi niya kailangang magpatotoo ang sinuman patungkol sa tao sapagkat nalalaman niya kung ano ang nasa kalooban ng tao.
Copyright © 1998 by Bibles International