Beginning
Sa Corinto
18 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Pablo ay umalis sa Atenas at pumunta sa Corinto.
2 Natagpuan niya roon ang isang Judiong nagngangalang Aquila, lalaking tubo sa Ponto. Kasama niya ang kaniyang asawa na si Priscilla kagagaling pa lamang nila sa Italia, sapagkat iniutos ni Claudio na ang lahat ng mga Judio ay umalis sa Roma. Si Pablo ay lumapit sa kanila. 3 Dahil sa magkatulad ang kanilang hanapbuhay, siya ay nakipanuluyan sa kanila. Ang hanapbuhay nila ay ang paggawa ng mga tolda. 4 Tuwing araw ng Sabat ay nakikipagkatwiranan siya sa sinagoga. Hinihimok niya ang mga Judio at ang mga Griyego.
5 Nang dumating na sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, si Pablo ay nagkaroon ng kabigatan sa espiritu na magpatotoo sa mga Judio na si Jesus ang siyang Mesiyas. 6 Nang sila ay tumutol at namusong, ipinagpag ni Pablo ang kaniyang mga damit at sinabi sa kanila: Ang dugo ninyo ay sumainyong mga ulo. Wala na akong pananagutan sa inyo. Kaya mula ngayon ay paroroon ako sa mga Gentil.
7 Umalis siya roon at dumating sa bahay ng isang lalaking nagngangalang Justo. Siya ay sumasamba sa Diyos at ang bahay niya ay katabi ng sinagoga. 8 Si Crispo na pinuno ng sinagoga at ang kaniyang buong sambahayan ay nanampalataya sa Panginoon. Sa pamamagitan ng pakikinig, marami sa mga taga-Corinto ang sumampalataya at nabawtismuhan.
9 Kinagabihan, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng pangitain: Huwag kang matakot kundi magsalita ka at huwag kang tumahimik. 10 Ito ay sapagkat ako ay sumasaiyo at walang sinumang gagawa ng masama upang saktan ka sapagkat marami akong mga tao sa lungsod na ito. 11 Siya ay nanatili roon ng isang taon at anim na buwan na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos.
12 Ngunit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, ang mga Judio ay nagkaisang tumindig laban kay Pablo at siya ay dinala sa harapan ng hukuman. 13 Sinabi nila: Hinihikayat ng lalaking ito ang mga tao upang sumamba sa Diyos laban sa kautusan.
14 Ngunit nang magsasalita na si Pablo, sinabi ni Galio sa mga Judio: O, mga Judio, kung ito ay patungkol sa kalikuan o napakasamang gawa nararapat lamang na pakinggan ko kayo. 15 Ngunit yamang ito ay patungkol sa mga pagtatalo patungkol sa mga salita, mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala sa inyong sarili sapagkat ayaw kong maging tagahatol sa mga bagay na ito. 16 Itinaboy ni Galio sila sa hukuman. 17 Hinawakan ng lahat ng mga Griyego si Sostenes na pinuno ng sinagoga at hinampas siya sa harapan ng hukuman. Hindi man lamang pinansin ni Galio ang mga bagay na ito.
Sina Priscila, Aquila at Apollos
18 Si Pablo ay nanatili roon ng maraming araw. Pagkatapos, nagpaalam siya sa mga kapatid at buhat doon ay naglayagsiya patungo sa Siria. Kasama niya sina Priscila at Aquila. Ginupit niya ang kaniyang buhok nang siya ay nasaCencrea na sapagkat natapos na niya ang kaniyang sinumpaan.
19 Dumating siya sa Efeso at iniwan niya sila roon. Ngunit siya ay pumasok sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio. 20 Sila ay namanhik sa kaniya na tumigil pa roon ng ilang panahon. Ngunit hindi siya pumayag. 21 Subalit siya ay nagpaalam sa kanila, sinabi niya: Kinakailangang sa anumang paraan ay makapagdiwang ako sa nalalapit na kapistahan sa Jerusalem. Ngunit babalik akong muli sa inyo kung loloobin ng Diyos. Siya ay naglayag buhat sa Efeso. 22 Nang makalunsad na siya sa Cesarea, siya ay umahon at bumati sa iglesiya. Pagkatapos nito ay lumusong siya sa Antioquia.
23 Nang makagugol na siya roon ng ilang panahon ay umalis na siya. Nilibot niya ang lalawigan ng Galacia at Frigia na pinatatatag ang lahat ng mga alagad.
24 Dumating sa Efeso ang isang Judio na nagngangalang Apollos. Siya ay isang lalaking taga-Alexandria na magaling manalita at may malawak na kaalaman patungkol sa mga kasulatan. 25 Ang lalaking ito ay tinuruan sa daan ng Panginoon. Yamang siya ay may maningas na espiritu, sinalita niya at itinuro ng walang kamalian ang mga bagay patungkol sa Panginoon. Ngunit ang nalalaman lamang niya ay ang patungkol sa bawtismo ni Juan. 26 Siya ay nagpasimulang magsalita ng buong katapangan sa sinagoga. Nang marinig siya nina Priscila at Aquila, siya ay isinama nila. Ipinaliwanag nilang maingat sa kaniya na walang kamalian ang daan ng Panginoon.
27 Nang ibig niyang dumaan sa Acaya, sumulat ang mga kapatid sa mga alagad na tanggapin siya. Nang dumating siya roon, lubos siyang tumulong sa mga sumampalataya sa pamamagitan ng biyaya. 28 Ito ay sapagkat may kapangyarihang dinaig niya ng hayagan ang mga Judio. Ipinakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na si Jesus ang Mesiyas.
Si Pablo sa Efeso
19 Nangyari, na samantalang si Apollos ay nasa Corinto, tinahak ni Pablo ang daan sa hilaga at dumating sa Efeso. Nakasumpong siya roon ng ilang alagad.
2 Sinabi niya sa kanila: Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang sumampalataya kayo?
Sinabi nila sa kaniya: Hindi man lang namin narinig na may Banal na Espiritu.
3 Sinabi niya: Kung gayon, anong bawtismo ang tinanggap ninyo?
Sinabi nila: Ang bawtismo ni Juan.
4 Sinabi ni Pablo: Nagbawtismo nga si Juan ng bawtismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila ay dapat sumampalataya sa kaniya na darating sa hulihan niya, samakatuwid ay si Jesus na siyang Mesiyas. 5 Nang ito ay marinig ng mga taga-Efeso, sila ay nabawtismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 Nang ipinatong ni Pablo ang kaniyang mga kamay sa kanila, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu. Sila ay nagsalita ng mga wika at naghayag ng salita ng Diyos. 7 Ang bilang ng mga lalaki ay humigit kumulang sa labindalawa.
8 Pumasok siya sa sinagoga at nagsalita siya ng may katapangan. Sa loob ng tatlong buwan, siya ay nakikipagkatwiranan at nanghihikayat patungkol sa mga bagay na nauukol sa paghahari ng Diyos. 9 Ang ilan ay nagmatigas at ayaw maniwala. Sa harapan ng maraming tao pinagsalitaan nila ng masama ang Daan. Kaya umalis siya sa kanila. Inihiwalay niya ang mga alagad mula sa kanila at araw-araw ay nakikipagkatwiranan sa paaralan ni Tirano. 10 Ito ay tumagal ng dalawang taon. Anupa’t ang lahat ng nakatira sa Asya ay nakarinig ng salita ng Panginoong Jesus. Sila ay ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego.
11 Ang Diyos ay gumawa ng mga di-pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo. 12 Kahit na ang mga panyo o mga tapis na mapadaiti sa kaniyang balat ay dinadala sa mga may karamdaman. Sila ay gumaling sa kanilang mga karamdaman at ang mga karumal-dumal na espiritu ay lumalabas mula sa kanila.
13 May ilan sa mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng mga karumal-dumal na espiritu ay nagsimulang sambitin ang pangalan ng Panginoong Jesus. Sinasabi nila: Ipinag-uutos namin sa inyo sa pamamagitan ni Jesus na siyang ipinangangaral ni Pablo. 14 Pitong anak na lalaki ni Esceva na isang Judio at pinunong-saserdote ang gumagawa nito. 15 Sumagot ang masamang espiritu at sinabi sa kanila: Kilala ko si Jesus at nakikilala ko si Pablo. Ngunit sinu-sino kayo? 16 Ang lalaking may karumal-dumal espiritu ay lumundag sa kanila at nagapi sila dahil siya ay higit na malakas kaysa sa kanila. Kaya tumakas sila mula sa bahay na iyon na mga sugatan at mga walang anumang damit.
17 Nalaman ito ng lahat ng mga Judio at gayundin ng mga Griyego na nakatira sa Efeso. At silang lahat ay natakot at ang pangalan ng Panginoong Jesus ay lalong dinakila. 18 Marami rin naman sa mga mananampalataya ang dumating. Inihayag nila at isinaysay ang kanilang mga masasamang gawa. 19 Marami sa mga gumagawa ng panggagaway ang nagdala ng kanilang mga aklat at pinagsusunog sa paningin ng lahat. Binilang nila ang halaga ng mga iyon. Natuklasan nilang umabot sa limampung libong putol na pilak ang halaga nito. 20 Sa gayong paraan, lumagong may kapangyarihan ang salita ng Panginoon at ito ay nanaig.
21 Pagkatapos nga na maganap ang mga bagay na ito, binalak ni Pablo sa kaniyang loob na dumaan muna sa Macedonia at Acaya, at sa Jerusalem. Sinabi niya: Pagkagaling ko roon, kinakailangang makita ko naman ang Roma. 22 Nang maisugo na niya sa Macedonia ang dalawang naglingkod sa kaniya, nanatili siya nang ilang panahon sa Asya. Ang dalawang sinugo niya ay sina Timoteo at Erasto.
Ang Kaguluhan sa Efeso
23 Nangyari, na sa panahong iyon ay may naganap na malaking kaguluhan patungkol sa Daan.
24 Ito ay sapagkat may isang lalaking panday-pilak na nagngangalang Demetrio. Siya ay gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis.[a] Ito ay pinagkakakitaan nang malaki ng mga panday-pilak. 25 Tinipon ni Demetrio ang lahat gayundin ang mga gumagawa ng gayong gawain. Sinabi niya: Mga kalalakihan, nalalaman ninyo na yumayaman tayo sa hanapbuhay na ito. 26 Nakikita ninyo at naririnig, hindi lamang sa Efeso kundi halos sa buong Asya nakahimok ang Pablong ito at ibinabaling niya ang maraming tao. Sinasabi niyang walang mga diyos na ginawa ng kamay. 27 Nanganganib na mapasama ang pangalan ng pangangalakal nating ito. Hindi lamang iyon, kundi gayundin ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay ituturing na walang halaga. Mababawasan na ang kadakilaan niya na sinasamba ng buong lalawigan ng Asya at ng sanlibutan.
28 Nang marinig nila ito, napuno sila ng poot. Nagsigawan sila na sinasabi: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso. 29 Napuno ng kalituhan ang buong lungsod. Pinagkaisahan nilang lusubin ang dulaan. Sinunggaban nila sina Gayo at Aristarco na mga taga-Macedonia at mga kasama ni Pablo sa paglalakbay. 30 Nang ibig pasukin ni Pablo ang mga tao, hindi siya pinahintulutan ng mga alagad. 31 Ang ilan sa mga pinuno ng Asya na mga kaibigan niya ay nagsugo sa kaniya. Ipinamanhik nila sa kaniya na huwag pumunta sa dulaan.
32 Ang iba nga ay sumisigaw ng ibang bagay at iba naman ang isinisigaw ng iba dahil ang buong kapulungan ay nasa kalituhan. Hindi malaman ng nakakarami kung bakit sila ay nagkakatipon. 33 Inilabas nila si Alexander mula sa maraming tao. Ipinagtutulakan siya ng mga Judio na pumunta sa may dakong harapan. Inihudyat ni Alexander ang kaniyang mga kamay na ibig sanang magtanggol sa harapan ng mga tao. 34 Ngunit nang nakilala nila na siya ay isang Judio, nagkaisa silang lahat sa paulit-ulit na pagsigaw. Sa loob ng halos dalawang oras ay kanilang isinisigaw: Dakila ang Artemis ng mga taga-Efeso.
35 Nang mapatahimik na ng kawaning-lungsod ang karamihan, sinabi niya: Kayong mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang diyosang si Artemis at ng diyos-diyosang nahulog mula kay Zeus? 36 Yamang hindi nga maikakaila ang mga bagay na ito ay dapat lang na pumayapa kayo. Hindi kayo dapat gumawa ng anumang bagay na pabigla-bigla. 37 Ito ay sapagkat dinala ninyo rito ang mga lalaking ito na hindi naman nagnakaw sa templo, ni namusong man sa inyong diyosa. 38 Kung si Demetrio nga at ang kasamahan niyang mga panday ay may anumang sakdal laban sa kanino man, bukas ang hukuman. May mga gobernador tayo, bayaan ninyong magsakdal ang isa’t isa. 39 Ngunit kung may katanungan kayo sa ano pa mang mga bagay, lulutasin ito ayon sa nararapat na kapulungan. 40 Tayo ay nanganganib na maipagsakdal ng paghihimagsik dahil sa gulong nangyari sa araw na ito na walang anumang kadahilanan. Ito ay sapagkat hindi tayo makakapagpaliwanag patungkol sa magulong pagkakatipon na ito. 41 Pagkasabi niya nito, pinauwi na niya ang mga tao.
Ang Pagdaan sa Macedonia at Grecia
20 Pagkatapos na mapatigil ang kaguluhang ito, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad. Nagpaalam siyasa kanila at siya ay umalis patungong Macedonia.
2 Nang makarating na siya sa mga dakong iyon, pinalakas niya ang kanilang mga kalooban sa pamamagitan ng mga salita. At siya ay dumating sa Grecia. 3 Tatlong buwan siyang nanatili roon. Nagkasabwatan na ang mga Judio laban sa kaniya at nang siya ay maglalayag na sa Siria, pinagpasiyahan niyang bumalik na dadaan sa Macedonia. 4 Sinamahan siya hanggang sa Asya ng mga taong ito: Si Sopatro na taga-Berea, sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, sina Gayo at Timoteo na mga taga-Derbe, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asya. 5 Nauna sila at hinintay kami sa Troas. 6 Naglayag kami mula sa Filipos pagkatapos ng kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa. Nakarating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw at nanatili kami roon ng pitong araw.
Doon sa Troas, Si Eutico ay Ibinangon Mula sa mga Patay
7 Nang unang araw ng sanlinggo, ang mga alagad ay nagkakatipun-tipon upang magputul-putol ng tinapay. Nangaral si Pablo sa kanila dahil siya ay papaalis na kinabukasan. Tumagal ang kaniyang pangangaral hanggang hatinggabi. 8 Mayroong maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagkakatipunan nila. 9 May nakaupo sa bintana na isang binatang nagngangalang Eutico. Dahil antok na antok na siya, nakatulog siya nang mahimbing. Sa kahabaan ng pangangaral ni Pablo at sa kaniyang mahimbing na pagkatulog, nahulog siya mula sa ikatlong palapag. Patay na nang siya ay damputin. 10 Nanaog si Pablo at dumapa sa ibabaw niya. Niyakap siya at sinabi: Huwag kayong magkagulo, sapagkat nasa kaniya pa ang kaniyang buhay. 11 Siya nga ay muling pumanhik at pinagputul-putol ang tinapay at kumain. Pagkatapos nito, nagsalita pa siya ng mahaba sa kanila hanggang sa sumikat na ang araw at pagkatapos ay umalis na siya. 12 At iniuwi nilang buhay ang binata at lubos silang naaliw.
Ang Pamamaalam ni Pablo sa Matatanda sa Efeso
13 Kami ay nauna sa barko at naglayag patungong Asos upang doon isakay si Pablo. Ito ang bilin niya dahil ibig niyang maglakad.
14 Nang sinalubong niya kami sa Asos, isinakay na namin siya, at kami ay pumunta sa Mitilene. 15 Naglayag kami mula roon, kinabukasan ay sumapit kami sa tapat ng Quio. Kinabukasan, dumating kami sa Samos at nanatili kami sandali sa Trogilium. Kinabukasan, dumating kami sa Mileto. 16 Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso dahil ayaw niyang gumugol ng panahon sa Asya. Siya ay nagmamadali sapagkat ninanais niya hanggat maaari, na siya ay naroroon sa Jerusalem sa araw ng Pentecostes.
17 Mula sa Mileto ay nagsugo siya sa Efeso. Ipinatawag niya ang mga matanda sa iglesiya. 18 Nang makarating ang mga ito sa kinaroroonan niya, sinabi niya sa kanila: Nalalaman ninyo simula pa sa unang araw na tumungtong ako sa Asya kung papaano ako namuhay kasama ninyo sa buong panahon. 19 Ako ay naglilingkod sa Panginoon ng buong pagpapakumbaba ng isip at ng maraming luha. Dumaan ako sa mga mabigat na pagsubok dahil sa mga sabwatan ng mga Judio. 20 Nalalaman ninyo na wala akong ipinagkait na anumang bagay na mapapakinabangan ninyo. Nagturo ako sa inyo ng hayagan at sa bahay-bahay. 21 Pinatototohanan ko sa mga Judio at sa mga Griyego ang pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo.
22 Ngayon, narito, ako ay nabibigatan sa espiritu na pumunta sa Jerusalem. Hindi ko alam ang mga bagay na mangyayari sa akin doon. 23 Ang tanging alam ko, sa bawat lungsod ay pinatotohanan ng Banal na Espiritu, na sinasabing ang mga tanikala at mga paghihirap ang naghihintay sa akin. 24 Ngunit hindi ko inaalala ang mga bagay na iyon ni hindi ko itinuturing ang aking buhay na waring sa akin ay mahalaga. Nang sa gayon ay matapos ko ang aking takbuhin na may kagalakan at ang paglilingkod na tinanggap ko sa Panginoong Jesus upang magpatotoo sa ebanghelyo ng biyaya ng Diyos.
25 Ngayon, narito, nalalaman ko na kayong lahat na nalibot ko, upang pangaralan sa paghahari ng Diyos, ay hindi na muli pang makakakita ng aking mukha. 26 Kaya ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito, na wala akong pananagutan sa dugo ng lahat ng tao. 27 Ito ay sapagkat hindi ako nagkulang na ipangaral sa inyo ang buong kalooban ng Diyos. 28 Kaya nga, ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila ay itinalaga kayong mga tagapangasiwa ng Banal na Espiritu upang pangalagaan ninyo ang iglesiya ng Diyos na binili niya ng sarili niyang dugo. 29 Ito ay sapagkat nalalaman ko ito, na sa pag-alis ko ay papasukin kayo ng mga mabagsik na lobo na walang patawad na sisila sa kawan. 30 Titindig mula sa mga kasamahan ninyo ang mga lalaking magsasalita ng mga bagay na lihis. Ang layunin nila ay upang ilayo ang mga alagad para sumunod sa kanila. 31 Kaya nga, magbantay kayo. Alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon, gabi at araw ay hindi ako tumitigil ng pagbibigay babala sa bawat isa sa inyo na may mga pagluha.
32 Ngayon mga kapatid, inihahabilin ko kayo sa Diyos at sa salita ng kaniyang biyaya. Ito ang makapagpapatibay at makapagbibigay sa inyo ng mana, kasama ang lahat ng pinaging-banal. 33 Hindi ko hinangad ang pilak, ginto o ang pananamit ng sinuman. 34 Nalalaman din ninyo na ang mga kamay na ito ay gumawa para sa aking mga pangangailangan at ng aking mga kasamahan. 35 Nagpakita ako ng halimbawa sa inyo sa lahat ng mga bagay. Sa ganitong pagpapagal ay dapat kayong sumaklolo sa mahihina. Dapat ninyong alalahanin ang salita ng Panginoong Jesus na siya rin ang maysabi: Lalo pang pinagpala ang magbigay kaysa tumanggap.
36 Nang masabi niya ang lahat ng mga ito, lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat. 37 Silang lahat ay tumangis na mainam. Niyakap nila si Pablo ng buong pagmamahal. 38 Ang lubha nilang ikinahapis ay ang sinabi niyang hindi na nila muling makikita ang kaniyang mukha. At inihatid nila siya sa barko.
Copyright © 1998 by Bibles International