Beginning
Si Pedro at Juan sa Harapan ng Sanhedrin
4 Habang sila ay nagsasalita sa mga tao, dumating ang mga saserdote, ang pinunong kawal ng templo at ang mga Saduseo.
2 Ang mga ito ay nababahala sapagkat tinuturuan nila ang mga tao at inihayag nila na ang pagkabuhay-muli mula sa mga patay ay sa pamamagitan ni Jesus. 3 Dinakip sila ng mga tao at ibinilanggo hanggang kinabukasan dahil noon ay gabi na. 4 Gayunman, marami sa nakarinig ng salita ang sumampalataya. Ang kabuuang bilang ng mga lalaki ay umabot na nang halos limang libo.
5 Nangyari, kinabukasan, na nagtipun-tipon sa Jerusalemang kanilang mga pinuno at mga matanda at mga guro ng kautusan. 6 Kasama dito sila Anas na pinakapunong-saserdote, at si Caifas, at si Juan, at si Alexandro, at ang lahat ng mga angkan ng mga pinunong-saserdote. 7 Pagkalagay nila sa kanila sa kalagitnaan, tinanong nila sila: Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?
8 Si Pedro na puspos ng Banal na Espiritu ay nagsabi sa kanila: 9 Mga pinuno ng mga tao at mga matanda ng Israel, sa araw na ito ay sinisiyasat ninyo kami sa mabuting gawa na ginawa sa lalaking lumpo, kung papaano siya gumaling. 10 Alamin ninyong lahat ito at ng lahat ng mga tao sa Israel: Ang lalaking ito ay nakatayo sa inyong harapan na magaling. Siya ay gumaling sa pamamagitan ng pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret na inyong ipinako sa krus, na ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. 11 Siya ang:
Bato na hinamak ninyo na mga tagapagtayo. Siya ang naging batong-panulok.
12 Wala nang ibang kaligtasan sa kanino man sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ikaliligtas natin.
13 Kanilang nakita ang katapangan nina Pedro at Juan at nalaman nilang sila ay mga lalaking hindi nakapag-aral at hindi naturuan. Nang makita nila ito, sila ay namangha at nakilala nilang sila ay nakasama ni Jesus. 14 Ngunit nang makita nilang nakatayong kasama nila ang lalaking pinagaling, wala silang masabing laban dito. 15 At inutusan nila silang lumabas sa Sanhedrin, sila ay nagsanggunian sa isa’t isa. 16 Kanilang sinabi: Anong gagawin natin sa mga lalaking ito? Ito ay sapagkat tunay na ang tanyag na tanda na nangyari sa pamamagitan ng mga lalaking ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem at hindi natin ito maikakaila. 17 Upang hindi na ito kumalat pa sa mga tao, bantaan natin sila na mula ngayon ay huwag nang magsalita sa kaninuman sa pangalang ito.
18 Tinawag nila sila at inutusang huwag nang magsasalita ni magtuturo sa pangalan ni Jesus kailanman. 19 Ngunit sina Pedro at Juan ay sumagot at sinabi sa kanila: Kung magiging matuwid sa harapan ng Diyos na pakinggan namin kayo nang higit kaysa Diyos, kayo ang hahatol. 20 Ito ay sapagkat hindi namin mapigilang sabihin ang patungkol sa mga bagay na aming nakita at narinig.
21 Nang mabantaan nila silang muli, sila ay pinalaya nila. Wala silang masumpungang paraan kung papaano nila sila maaaring parusahan dahil sa mga tao sapagkat niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Diyos dahil sa nangyari. 22 Ito ay sapagkat ang lalaking ginawan ng tanda ng pagpapagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang.
Ang Panalangin ng mga Mananampalataya
23 Nang sila ay pinalaya, pumunta sila sa mga kasamahan nila at kanilang iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga pinunong-saserdote at ng mga matanda.
24 Nang marinig nila iyon, nagkaisa silang tumawag nang malakas sa Diyos at kanilang sinabi: Ikaw na May-ari ng lahat, ikaw ang Diyos na gumawa ng langit at lupa at ng dagat at ng lahat ng mga naroroon. 25 Sa pamamagitan ng bibig ng iyong lingkod na si David ay sinabi mo:
Bakit sumisigaw sa poot ang mga bansa. Bakit nag-iisip ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26 Ang mga hari ng lupa ay tumayo at ang mga pinuno ay nagtipun-tipon laban sa Panginoon at laban sa kaniyang Mesiyas.
27 Ito ay sapagkat totoong nagtipun-tipon sina Herodes at Pontio Pilato, kasama ang mga Gentil at ang mga tao sa Israel. Ito ay upang labanan ang iyong Banal na Anak na si Jesus na iyong Mesiyas. 28 Nagtipun-tipon sila upang kanilang gawin ang itinakda ng iyong mga kamay nang una pa at ng iyong kalooban na dapat mangyari. 29 Ngayon Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga pagbabanta. Ipagkaloob mo sa amin na iyong mga alipin, na sa buong katapangan ay makapagsalita kami ng iyong salita. 30 Iunat mo ang iyong mga kamay upang magpagaling at ang mga tanda at mga kamangha-manghang gawa ay mangyari sa pamamagitan ng pangalan ng iyong Banal na Anak na si Jesus.
31 Nang sila ay makapanalangin na, ang dakong pinagtitipunan nila ay nauga at sila ay napuspos ng Banal na Espiritu at sinalita nilang may katapangan ang salita ng Diyos.
Nagbahaginan Ang mga Mananampalataya ng Kanilang mga Pag-aari
32 Ang malaking bilang ng mga sumampalataya ay nagkakaisa sa puso at sa kaluluwa. Walang sinuman sa kanila ang nagsabing ang mga bagay na tinatangkilik nila ay kanilang pag-aari. Sila ay nagbabahaginan sa lahat ng bagay.
33 Ang mga apostol ay nagpatotoo sa pagkabuhay-muli ng Panginoong Jesus na may dakilang kapangyarihan at ang dakilang biyaya ang sumakanilang lahat. 34 Walang sinuman sa kanila ang nangailangan sapagkat ipinagbili ng lahat na may mga tinatangkilik na mga lupa o mga bahay ang kanilang pag-aari. Kanilang dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili. 35 Inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ang pamamahagi ay ginawa sa bawat tao ayon sa kaniyang pangangailangan.
36 Si Jose ay tinawag na Barnabas ng mga apostol. Ang ibig sabihin ng Barnabas ay ang anak ng kaaliwan. Siya ay mula sa angkan ni Levi at ipinanganak sa isla ng Cyprus. 37 Siya ay may lupain na nang kaniyang maipagbili, ay dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol.
Si Ananias at Safira
5 Ngunit isang lalaking nagngangalang Ananias, kasama ang kaniyang asawang si Safira ang nagbili ng isang tinatangkilik.
2 Itinabi niya ang bahagi ng halaga para sa kaniyang sarili. Ito ay alam din ng kaniyang asawa. Dinala niya ang ilang bahagi at inilagay sa paanan ng mga apostol.
3 Ngunit sinabi ni Pedro: Ananias, bakit pinuspos ni Satanas ang iyong puso upang magsinungaling ka sa Banal na Espiritu at magtabi ng bahagi ng halaga ng lupa para sa iyong sarili? 4 Nang ito ay nananatili pa sa iyo, hindi ba ito ay sa iyo? Nang ito ay ipagbili, hindi ba ito ay nasa ilalim ng iyong kapangyarihan? Bakit binalak mo ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao kundi sa Diyos.
5 Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay natumba at namatay. Nagkaroon ng malaking takot ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito. 6 Ang mga kabataang lalaki ay tumindig at binalot siya at kanilang binuhat palabas at inilibing.
7 Pagkalipas ng halos tatlong oras ay dumating ang kaniyang asawa. Pumasok ito na hindi nalalaman ang nangyari. 8 At sinabi ni Pedro sa kaniya: Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ang lupa sa ganitong kalaking halaga.
Siya ay sumagot: Oo, sa ganitong kalaking halaga.
9 Sinabi ni Pedro sa kaniya: Bakit kayo nagkasundo na tuksuhin ang Espiritu ng Panginoon? Narito, ang mga paa ng naglibing sa iyong asawa ay nasa pinto at dadalhin ka nila sa labas.
10 Agad na bumagsak ang babae sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga kabataang lalaki, nasumpungan nila siyang patay. Dinala nila siya at inilibing sa tabi ng kaniyang asawa. 11 At nagkaroon ng malaking takot sa buong kapulungan at sa lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito.
Nagpagaling ng Maraming Tao ang mga Apostol
12 Sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol ay nangyari ang maraming tanda at mga kamangha-manghang gawa sa gitna ng mga tao. Lahat sila ay nagkakaisang naroroon sa portiko ni Solomon.
13 Walang sinuman sa mga iba ang naglakas-loob na sumama sa kanila subalit dinakila sila ng mga tao. 14 At maraming pang mga mananampalataya sa Panginoon, kapwa lalaki at babae ay nadagdag sa kanila. 15 Kaya nga, inilabas ng mga tao sa mga lansangan ang mga maysakit. Inilagay nila ang mga ito sa mga higaan at mga banig. Ginawa nila ito upang maliliman man lamang ng anino ni Pedro ang ilan sa kanila sa pagdaan niya. 16 May dumating din na napakaraming tao na mula sa mga lungsod sa palibot ng Jerusalem. Dala nila ang mga maysakit at ang mga pinahihirapan ng mga karumal-dumal na espiritu. Silang lahat ay pinagaling.
Inusig Nila ang mga Apostol
17 Tumindig ang pinakapunong-saserdote at lahat ng kasama niya na sekta ng mga Saduseo. Sila ay napuno ng inggit.
18 Dinakip ng mga ito ang mga apostol at ibinilango. 19 Gayunman nang gabi na ay binuksan ng anghel ng Panginoon ang mga pinto ng bilangguan. Inilabas ng anghel ang mga apostol at nagsabi: 20 Humayo kayo at tumayo kayo sa templo at sabihin sa mga tao ang lahat ng salitang patungkol sa buhay na ito.
21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang magbukang-liwayway at sila ay nagturo.
Dumating ang pinakapunong-saserdote at mga kasama nito. Sa pagdating nila, pinulong nila ang Sanhedrin at lahat ng matanda sa mga anak ng Israel. Nagsugo sila sa bilangguan upang kunin ang mga apostol.
22 Ngunit nang dumating sa bilangguan ang opisyales sa templo, hindi nila sila nakita roon. Sa pagbalik nila, sila ay nag-ulat. 23 Sinabi nila: Natagpuan namin ang bilangguan na nakapinid na mabuti. At ang mga bantay ay nakatayo sa labas ng mga pinto ngunit nang aming buksan ang mga pinto, wala kaming nakitang sinuman sa loob kahit isa. 24 Nang ang mga salitang ito ay narinig kapwa ng mga saserdote at kapitan ng templo at mga pinunong-saserdote, sila ay nalito patungkol sa kanila at kung magiging ano kaya ito.
25 May isang lalaking dumating at nag-ulat sa kanila. Sinabi nito: Narito, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nasa templo. Sila ay nakatayo at nagtuturo sa mga tao. 26 Pumunta ang kapitan sa templo kasama ang mga opisyales at dinala ang mga apostol ng walang dahas dahil natakot sila sa mga tao at baka batuhin sila.
27 Nang madala nila ang mga apostol, iniharap nila ang mga ito sa Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong-saserdote. 28 Sinabi niya: Hindi ba inutusan namin kayong huwag magturo sa pangalang ito? Narito, napuno ninyo ng inyong turo ang Jerusalem. Ibig ninyong papanagutin kami sa dugo ng taong ito.
29 Si Pedro at ang mga apostol ay sumagot at sinabi: Kinakailangan naming sundin ang Diyos kaysa ang mga tao. 30 Ang Diyos ng aming mga ninuno ang nagbangon kay Jesus na inyong pinatay sa pagbitin ninyo sa kaniya sa puno. 31 Siya ay itinaas ng Diyos sa kaniyang kanang bahagi upang maging Pinakapinuno at Tagapagligtas. Ito ay upang ang Israel ay pagkalooban ng pagsisisi at kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. 32 Kami ay mga saksi niya patungkol sa mga bagay na ito. Saksi rin ang Banal na Espiritu na siyang ibinigay ng Diyos sa kanila na sumusunod sa kaniya.
33 Nang marinig nila ito, nagsiklab ang kanilang galit at binalak nilang patayin sila. 34 Ngunit tumayo ang isang nasa Sanhedrin, siya ay isang Fariseo na ang pangalan ay Gamaliel. Siya ay isang guro ng kautusan na iginagalang ng lahat ng mga tao. Iniutos niyang ilabas sandali ang mga apostol. 35 Sinabi ni Gamaliel sa kanila: Mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa iniisip ninyong gawin patungkol sa mga lalaking ito. 36 Ito ay sapagkat bago pa sa mga araw na ito ay tumindig si Teudas na nagsasabing siya ay isang kilalang tao. Sumama sa kaniya ang isang pangkat ng mga lalaki na halos apatnaraan. Nang siya ay napatay, ang lahat ng nahikayat niya ay nagkahiwa-hiwalay at ang lahat ay naging walang kabuluhan. 37 Pagkatapos ng isang ito, sa mga araw ng pagpapatala, tumindig si Judas na taga-Galilea. Siya ay nakahikayat ng maraming tao. Nang siya ay namatay ang lahat ng nahikayat niya ay nangalat. 38 Sinasabi ko sa inyo ngayon: Layuan ninyo ang mga lalaking ito at pabayaan sila sapagkat kung ang layunin o gawaing ito ay mula sa tao, mawawalan ito ng saysay. 39 Ngunit kung ito ay mula sa Diyos, hindi ninyo ito maigugupo. At baka kayo ay masumpungang lumalaban sa Diyos.
40 Sila ay nahimok ni Gamaliel. Tinawag nila ang mga apostol. Pagkapalo nila sa mga apostol, inutusan nila ang mga ito na huwag magsalita sa pangalan ni Jesus. Pagkatapos, pinalaya nila sila.
41 Nagagalak na nilisan nga ng mga apostol ang Sanhedrin sapagkat sila ay ibinilang na karapat-dapat na dumanas ng kahihiyan dahil sa pangalan niya. 42 Araw-araw, sa templo at sa mga bahay, sila ay hindi tumitigil sa pagtuturo at paghahayag ng ebanghelyo na si Jesus ang Mesiyas.
Pumili Sila ng Pito
6 Sa mga araw na iyon na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng bulung-bulungan ang mga Judio, na ang wika ay Griyego, laban sa mga Hebreo sapagkat ang kanilang mga babaeng balo ay nakakaligtaan sa araw-araw na paglilingkod.
2 Kaya tinawag ng labindalawa ang napakaraming alagad. Sinabi nila: Hindi nararapat na iwanan namin ang salita ng Diyos upang maglingkod sa hapag. 3 Kaya nga, mga kapatid, humanap kayo mula sa inyong mga sarili ng pitong lalaki na may magandang patotoo, puspos ng Banal na Espiritu at karunungan na itatalaga natin sa gawaing ito. 4 Kami ay matatag na magpapatuloy sa pananalangin at paglilingkod para sa salita.
5 Ang sinabing ito ay nakalugod sa buong karamihan. Pinili nila si Esteban, isang lalaking puspos ng pananampalataya at ng Banal na Espiritu. Pinili rin nila sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas at Nicolas na taga-Antioquia na naging Judio. 6 Iniharap nila ang mga ito sa mga apostol. Pagkatapos manalangin, ipinatong ng mga apostol ang kanilang mga kamay sa kanila.
7 Lumago ang salita ng Diyos at lubhang dumami ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem. Malaking karamihan ng mga saserdote ang tumalima sa pananampalataya.
Hinuli Nila si Esteban
8 Si Esteban ay puspos ng pananampalataya at kapangyarihan. Siya ay gumawa ng mga dakilang kamangha-manghang gawa at dakilang mga tanda sa kalagitnaan ng mga tao.
9 Ngunit may mga tumindig na mga nasa bahay sambahan na tinatawag na mga Malaya. Tumindig din ang mga taga-Cerene, ang mga taga-Alexandria at ang mga mula sa Cilicia at Asya. Sila ay nakikipagtalo kay Esteban. 10 Hindi sila makatanggi sa karunungan at sa espiritu na kung saan si Esteban ay nangungusap.
11 Nagsuhol sila ng mga lalaki at ang mga ito ay nagsabi: Narinig namin silang nagsasalita ng mga panunungayaw laban kay Moises at laban sa Diyos.
12 Ginulo nila ang mga tao at ang mga matanda at ang mga guro ng kautusan. Dinaluhong nila at sinunggaban si Esteban at dinala sa Sanhedrin. 13 Iniharap nila ang mga saksing sinungaling. Ang mga ito ay nagsabi: Ang taong ito ay hindi tumigil sa pagsasalita ng pamumusong laban sa banal na dakong itoat sa kautusan. 14 Ito ay sapagkat narinig namin siyang nagsasabing ang dakong ito ay wawasakin ni Jesus na taga-Nazaret. Sinabi rin niya na babaguhin ni Jesus ang mga kaugaliang ibinigay ni Moises sa atin.
15 Ang lahat ng nakaupo sa Sanhedrin ay nakatitig kay Esteban. Nakita ng mga ito ang mukha niya na parang mukha ng anghel.
Copyright © 1998 by Bibles International