Beginning
Ang mga Karapatan ng Isang Apostol
9 Ako ba ay hindi apostol? Hindi ba ako malaya? Hindi ko ba nakita si Jesucristo na ating Panginoon? Hindi ba kayo ay mga bunga ng aking gawa?
2 Kung sa ibang tao ako ay hindi apostol, gayunman, sa inyo ako ay isang apostol sapagkat kayo ang tatak ng aking pagka-apostol sa Panginoon.
3 Ito ang aking tugon sa mga sumisiyasat sa akin. 4 Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? 5 Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang manananampalataya tulad ng ibang mga apostol at ng mga kapatid sa Panginoon at ni Cefas? 6 Ako lang ba at si Bernabe ang walang karapatang hindi maghanapbuhay?
7 Sinong kawal, na sa panahon ng kaniyang pagiging kawal, ang naglingkod sa sarili niyang gugol? Sinong nagtatanim sa ubasan ang hindi kumakain ng bunga noon? Sinong nag-aalaga ng tupa ang hindi umiinom ng gatas ng tupa? 8 Sinasabi ko ba ang mga bagay na ito bilang isang tao? Hindi ba sinasabi rin ito ng kautusan? 9 Ito ay sapagkat isinulat ni Moises sa kautusan:
Huwag mong bubusalan ang baka na ginagamit sa paggigiik ng mais.
Ang baka ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos?
10 Hindi ba ito ay sinabi niya nang dahil sa atin? Dahil sa atin ito ay isinulat: Ang nag-aararo ay dapat mag-araro sa pag-asa, at ang naggigiik ng mais sa pag-asa ay dapat maging kabahagi ng kaniyang pag-asa. 11 Yamang nakapaghasik kami sa inyo ng mga espirituwal na bagay, malaking bagay ba kung umani kami ng mga bagay na para sa katawan? 12 Yamang ang iba ay kabahagi sa karapatan sa inyo, hindi ba kami rin?
Gayunman, hindi namin ginamit ang karapatang ito. Sa halip, binata namin ang lahat ng bagay upang hindi namin mahadlangan ang ebanghelyo ni Cristo.
13 Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga gumagawa ng mga banal na bagay sa templo ay kumakain mula sa mga bagay na nasa templo? Hindi ba sila na mga naglilingkod sa dambana, ay kabahagi samga handog sa dambana? 14 Sa gayunding paraan, itinalagang Panginoon na sila na nangangaral ng ebanghelyo ay mamumuhay sa ebanghelyo.
15 Ngunit alinman sa mga bagay na ito ay hindi ko ginamit. Hindi ko isinulat ang mga bagay na ito upang ito ay gawin sa akin sapagkat para sa akin mabuti pa na ako ay mamatay kaysa mawalan ng saysay ang dahilan ng aking pagmamalaki. 16 Ito ay sapagkat kahit na ipinapangaral ko ang ebanghelyo, wala akong anumang maipagmamalaki dahil kinakailangan kong ipangaral ito. Ngunit sa aba ko, kapag hindi ko ipangaral ang ebanghelyo. 17 Kapag ito ay ginawa ko nang kusang loob, mayroon akong gantimpala. Kapag ginawa ko ito nang labag sa aking kalooban, isang tungkulin pa rin ito na ipinagkatiwala sa akin. 18 Ano ngayon ang gantimpala ko? Ang gantimpala ko ay kung ipangaral ko ang ebanghelyo ni Cristo, ipinangangaral ko ang ebanghelyo ng walang bayad. Upang sa gayon ay hindi ko gagamitin ang sarili kong kapamahalaan sa ebanghelyo.
19 Ito ay sapagkat kahit na ako ay malaya mula sa kaninuman, gayunman, ginawa ko ang aking sarili na alipin ng lahat upang lalo pang marami ang madala ko. 20 Sa mga Judio ako ay naging Judio upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautusan ako ay naging tulad ng mga nasa ilalim upang madala ko sila na nasa ilalim ng kautusan. 21 Sa mga walang kautusan, ako ay naging tulad sa mga walang kautusan upang madala ko sila na walang kautusan.Hindi sa ako ay walang kautusan patungo sa Diyos subalit ako ay sa ilalim ng kautusan patungo kay Cristo. 22 Sa mga mahihina ako ay naging mahina upang madala ko ang mga mahihina. Naging ganito ako sa lahat ng bagay upang mailigtas ko sa bawat kaparaanan kahit ang ilan. 23 Ito ay ginagawa ko alang-alang sa ebanghelyo nang sa gayon ako ay maging kapwa kabahagi ng ebanghelyo.
24 Hindi ba ninyo nalalaman na sa paligsahan sa pagtakbo ang lahat ay tumatakbo ngunit iisa ang nagkakamit ng gantimpala? Kung gayon, pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang makamit ang gantimpala. 25 Ang bawat isang sumasali sa paligsahan ay may pagpipigil sa sarili sa lahat ng bagay. Ginagawa nila iyon upang magkamit sila ng putong na nasisira ngunit tayo ay putong na hindi nasisira. 26 Kaya nga, ako ay tumatakbo hindi tulad sa walang katiyakan. Sa ganitong paraan ako ay nakikipaglaban, hindi tulad ng isang sumusuntok sa hangin. 27 Sinusupil ko ang aking katawan at pinasusuko ito upang sa aking pangangaral sa iba ay hindi ako masumpungang hindi karapat-dapat.
Mga Babala Mula sa Kasaysayan ng Israel
10 Mga kapatid, hindi ko ibig na hindi kayo makaalam. Ang mga ninuno natin ay naliliman ng ulap at silang lahat ay tumawid sa dagat.
2 Lahat sila ay binawtismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. 3 Iisa ang kinain nilang espirituwal na pagkain. 4 Iisa ang ininom nilang espirituwal na inumin dahil uminom sila mula sa espirituwal na bato na sumunod sa kanila. Ang batong ito ay si Cristo. 5 Subalit, hindi nalugod ang Diyos sa marami sa kanila kaya sila ay ikinalat niya sa ilang.
6 Ang mga ito ay halimbawa sa atin upang hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad nang naging paghahangad nila. 7 Huwag din nga kayong sumamba sa diyos-diyosan tulad ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat:
Ang mga tao ay umuupo upang kumain at uminom. Sila ay tumitindig upang maglaro.
8 Huwag din nga tayong makiapid tulad ng ilan sa kanila na nakiapid. Sa loob ng isang araw dalawampu’t tatlong libo ang bumagsak sa kanila at namatay. 9 Huwag din nating subukin si Cristo tulad ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga ahas sila ay namatay. 10 Huwag din kayong laging bumubulong tulad ng ilan sa kanila na laging bumubulong at namatay sa pamamagitan ng mangwawasak.
11 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari upang maging halimbawa. Ito ay isinulat para maging babala sa atin na kung kanino ang mga katapusan ng mga kapanahunan ay dumating. 12 Kaya nga, siya na nag-aakalang nakatayo ay mag-ingat at baka siya ay bumagsak. 13 Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang pagsubok.
Ang Hain sa Diyos-diyosan at ang Hapag ng Panginoon
14 Kaya nga, mga iniibig, lumayo nga kayo sa pagsamba sa diyos-diyosan.
15 Tulad sa matalinong tao ako ay nagsasalita. Hatulan ninyo ang aking sinasabi: 16 Ang saro ng pagpapala, na aming pinagpala, hindi ba ito ay ang pakikipag-isa sa dugo ni Cristo? Hindi ba ang tinapay na pinagputul-putol, hindi baito ay ang pakikipag-isa sa katawan ni Cristo? 17 Tayo bagamat marami ay iisang tinapay dahil tayong lahat ay nakikibahagi sa iisang tinapay.
18 Tingnan ninyo ang Israel ayon sa laman. Hindi ba sila na kumain ng hain ay kapwa kabahagi sa dambana? 19 Anong sasabihin ko? Sasabihin ko bang may kabuluhan ang diyos-diyosan o ang inihain sa mga diyos-diyosan ay may kabuluhan? 20 Sinasabi ko: Ang inihahain ng mga Gentil ay inihahain nila sa mga demonyo at hindi sa Diyos. Hindi ko ibig na kayo ay maging kapwa kabahagi ng mga demonyo. 21 Hindi ka makaiinom sa saro ng Panginoon at sa saro ng mga demonyo. Hindi ka makakabahagi sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. 22 Iniinggit ba natin ang Panginoon? Higit ba tayong malakas kaysa sa kaniya?
Ang Kalayaan ng Mananampalataya
23 Para sa akin, ang lahat ng bagay ay ayon sa kautusan, subalit hindi lahat ng mga bagay ay kapakipakinabang. Para sa akin ang lahat ng mga bagay ay ayon sa batas ngunit hindi lahat ng bagay ay nakakapagpatibay.
24 Huwag hangarin ng sinuman ang para sa sarili niya kundi ang para sa kapakanan ng iba.
25 Anumang ipinagbibili sa pamilihan ay kainin ninyo. Huwag nang magtanong alang-alang sa budhi. 26 Ito ay sapagkat
ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng kasaganaan nito.
27 Kapag ang sinuman sa mga hindi sumasampalataya ay mag-anyaya sa inyo, pumunta kayo kung ibig ninyo. Kainin ninyo ang lahat ng inihanda sa inyo. Huwag nang magtanong alang-alang sa budhi. 28 Kapag may nagsabi sa iyo: Ito ay inihain sa diyos-diyosan. Huwag kang kumain alang-alang sa kaniya na nagsabi sa iyo at alang-alang sa budhi sapagkat ang lupa ay sa Panginoon at ang kasaganaan nito. 29 Ang budhi na sinasabi ko ay hindi ang sa iyo kundi ang sa iba. Bakit hahatulan ng ibang budhi ang aking kalayaan? 30 Ako ay nakikibahagi nang may pasasalamat. Bakit ako nilalait sa mga bagay na pinasalamatan ko?
31 Kaya nga, kung kakain kayo, o iinom o anumang gagawin ninyo, gawin ninyo ang lahat ng bagay para sa kaluwalhatian ng Diyos. 32 Huwag kayong maging katitisuran kapwa sa mga Judio at sa mga Griyego at sa iglesiya ng Diyos. 33 Ako sa lahat ng bagay ay nagbibigay-lugod sa lahat. Hindi ko hinahangad ang sarili kong kapakinabangan, kundi ang kapakinabangan ng marami upang sila ay maligtas.
Nararapat na Pagsamba
11 Tumulad kayo sa akin gaya ko na tumulad din kay Cristo.
2 Mga kapatid, pinupuri ko kayo na sa lahat ng mga bagay ay naalala ninyo ako. Sinusunod din ninyo ang mga kaugalian ayon sa pagkakatagubilin ko sa inyo.
3 Ibig kong malaman ninyo na ang pangulo ng bawat lalaki ay si Cristo. Ang pangulo ng bawat babae ay ang lalaki. Ang pangulo ni Cristo ay ang Diyos. 4 Ang bawat lalaking nananalangin o naghahayag nang may takip ang ulo, ay nagbibigay ng kahihiyan sa kaniyang ulo. 5 Ang bawat babaeng nananalangin at naghahayag nang walang panakip ng ulo aynagbibigay ng kahihiyan sa kaniyang ulo. Ang walang panakip ng ulo ng babae ay tulad na rin ng inahitan ng buhok. 6 Ito ay sapagkat kung ang babae ay walang panakip ng ulo, magpagupit na rin siya. Ngunit kung kahihiyan para sa babae ang siya ay magpagupit o magpaahit, maglagay na lang siya ng panakip ng ulo. 7 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi na dapat magtakip ng ulo dahil ito ang wangis at kaluwalhatian ng Diyos. Ang babae ay ang kaluwalhatian ng lalaki. 8 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi nagmula sa babae. Ang babae ang siyang nagmula sa lalaki. 9 Ito ay sapagkat ang lalaki ay hindi nilikha para sa babae kundi ang babae aynilikha para sa lalaki. 10 Dahil dito ang babae ay kailangan ding magkaroon ng kapangyarihan sa kaniyang ulo alang-alang sa mga anghel.
11 Magkagayunman, sa Panginoon ang lalaki ay hindi hiwalay sa babae at ang babae ay hindi hiwalay sa lalaki. 12 Ito ay sapagkat ang babae ay nagmula sa lalaki, gayundin naman ang lalaki ay ipinanganganak ng babae. Ngunit ang lahat ng bagay ay nagmula sa Diyos. 13 Kayo ang humatol. Nararapat ba sa isang babae ang manalangin sa Diyos nang walang lambong? 14 Hindi ba ang kalikasan na rin ang nagturo na kapag mahaba ang buhok ng lalaki, iyon ay kasiraang dangal sa kaniya? 15 Ngunit sa babae, kung mahaba ang buhok niya, iyon ay kaluwalhatian sa kaniya sapagkat ang mahabang buhok ay ibinigay sa kaniya bilang panakip. 16 Kung may nagnanais makipagtalo patungkol sa bagay na ito, wala na kaming ibang kaugalian, maging ang mga iglesiya ng Diyos.
Ang Hapag ng Panginoon
17 Ngayon, sa sasabihin ko, hindi ko kayo pinupuri sapagkat ang pagtitipon ninyo ay hindi para sa ikabubuti kundi sa lalong ikasasama.
18 Ito ay sapagkat una sa lahat, sa pagtitipun-tipon ninyo sa iglesiya, naririnig ko na may pagkakampi-kampi sa inyo. Naniniwala ako na maaaring ito ay totoo. 19 Ito ay sapagkat kinakailangang mahayag ang pangkat na nagtuturo ng mga kamalian na nasa inyo nang sa gayon ay mahayag ang mga katanggap-tangap sa Diyos. 20 Sa pagtitipon ninyo sa isang dako, hindi kayo nagtitipon upang kumain ng hapunan ng Panginoon. 21 Ito ay sapagkat sa inyong pagkain, ang bawat isa ay kumakain ng kani-kaniyang hapunan nang una sa iba. Kaya ang isa ay gutom at ang isa ay lasing. 22 Hindi ba mayroon kayong mga bahay upang doon kumain at uminom? O baka naman hinahamak ninyo ang iglesiya ng Diyos at ipinapahiya ang mga walang pagkain? Ano ang dapat kong sabihin? Pupurihin ko ba kayo sa ganito? Hindi ko kayo pupurihin.
23 Ito ay sapagkat tinanggap ko mula sa Panginoon ang siya ko namang ibinibigay sa inyo. Ang Panginoong Jesus, nang gabing siya ay ipinagkanulo, ay kumuha ng tinapay. 24 Pagkatapos niyang magpasalamat, pinagputul-putol niya ito, at sinabi: Kunin ninyo, kainin ninyo, ito ang aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 25 Sa gayunding paraan kinuha niya ang saro pagkatapos maghapunan. Sinabi niya: Ang sarong ito ay ang bagong tipan sa aking dugo. Sa tuwing kayo ay iinom nito, gawin ninyo ito sa pag-alaala sa akin. 26 Ito ay sapagkat sa tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa sarong ito, inihahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa siya ay dumating.
27 Ang sinumang kumain ng tinapay at uminom sa saro ng hindi nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. 28 Ngunit suriin muna ng tao ang kaniyang sarili. Pagkatapos hayaan siyang kumain ng tinapay at uminom sa saro. 29 Ito ay sapagkat siya na kumakain at umiinom nang hindi karapat-dapat ay kumakain at umiinom ng kahatulan sa kaniyang sarili. Hindi niya kinikilala nang tama ang katawan ng Panginoon. 30 Dahil dito marami sa inyo ang mahihina at may karamdaman at marami ang natulog na. 31 Ito ay sapagkat hindi tayo hahatulan kung hahatulan natin ang ating mga sarili. 32 Kung tayo ay hinahatulan, tayo ay tinuturuan upang hindi tayo mahatulang kasama ng sanlibutan.
33 Kaya nga, mga kapatid, sa inyong pagtitipon upang kumain, maghintayan kayo sa isa’t isa. 34 Kapag ang sinuman ay nagugutom, hayaan siyang kumain muna sa bahay. Ito ay upang hindi kayo magtipun-tipon sa kahatulan.
Aayusin ko ang ibang mga bagay sa pagdating ko.
Copyright © 1998 by Bibles International