Beginning
Ang Trono sa Langit
4 Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako. Narito, ang isang bukas na pinto sa langit. At ang unang tinig na aking narinig ay katulad ng isang trumpeta na nagsasalita sa akin. Sinabi nito: Umakyat ka rito. Ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na dapat mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito.
2 Kaagad, ako ay nasa Espiritu at narito, isang trono ang naroon sa langit at isang nakaupo sa trono. 3 Ang siya na nakaupo ay katulad sa isang batong haspe at isang sardonise. Isang bahaghari ang nakapalibot sa trono na katulad ng isang esmeralda. 4 Dalawampu’t apat na luklukan ang nakapalibot sa tronong iyon. Sa mga luklukang iyon, nakita ko ang dalawampu’t apat na mga matanda na nakaupo roon. Sila ay nakasuot ng mapuputing damit at sa kanilang mga ulo ay may gintong putong. 5 Mga kidlat at mga kulog at mga tinig ang lumalabas mula sa trono. Pitong ilawan ng apoy ang nagniningas sa harap ng trono. Sila ay ang pitong Espiritu ng Diyos. 6 Sa harap ng trono ay isang lawa ng salamin na katulad ng kristal.
Sa gitna ng trono at sa palibot ng trono ay may apat na buhay na nilalang, puno ng mga mata sa harapan at sa likuran.
7 Ang unang buhay na nilalang ay katulad sa isang leon. Ang ikalawang buhay na nilalang ay katulad ng isang guya. Ang ikatlong buhay na nilalang ay mayroong mukhang katulad ng isang tao. Ang ikaapat na buhay na nilalang ay lumilipad katulad ng isang agila. 8 Ang bawat isa sa apat na buhay na nilalang ay may anim na pakpak sa kaniyang sarili. Puno ng mga mata sa buong palibot at sa loob nila. At hindi sila tumitigil araw at gabi sa pagsasabi ng:
Banal! Banal! Banal! Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Siya ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang darating.
9 At nang ang mga buhay na nilalang ay magbibigay papuri at karangalan at pasasalamat sa kaniya na nakaupo sa trono na siyang nabubuhay magpakailan pa man. 10 Ang dalawampu’t apat na matanda ay magpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono. Sasambahin nila ang nabubuhay mula sa kapanahunan hanggang sa kapanahunan. At ilalagay nila ang kanilang mga putong sa harapan ng trono. 11 Sasabihin nilang:
O, Panginoon, karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay at sa pamamagitan ng iyong kalooban, sila ay naroroon at sila ay nalalang.
Ang Balumbon na Aklat at ang Kordero
5 At nakakita ako ng isang balumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono na may sulat sa loob at sa likod nito, tinatakan ito ng pitong selyo.
2 At nakita ko ang isangmalakas na anghel na nagpapahayag sa isang malakas na tinig: Sino ang karapat-dapat na magbukas sa selyo ng balumbon at magpaluwag ng mga selyo nito. 3 Walang sinuman sa langit, o sa lupa, o sa ilalim ng lupa ang makakapagbukas ng balumbon o makatingin man dito. 4 Dahil hindi sila makakita ng sinumang karapat-dapat na magbukas at magbasa ng balumbon o makatingin man nito, ako ay tumangis ng labis. 5 Sinabi ng isa sa mga matanda sa akin: Huwag kang tumangis. Narito, ang leon na mula sa lipi ni Juda at ang ugat ni David ay nagtagumpay upang buksan ang balumbon at luwagan ang pitong selyo nito.
6 At nakita, narito, isang Kordero ang nakatayong katulad niyaong pinatay sa gitna ng trono at sa kanilang apat na nilalang at sa gitna ng mga matanda. Siya ay may pitong sungay at pitong mga mata na ang mga ito ay ang pitong Espiritu ng Diyos na sinugo sa lahat ng lupa. 7 At siya ay dumating at kinuha ang balumbon mula sa kanang kamay ng nakaupo sa trono.
8 Nang kunin niya ang balumbon, ang apat na buhay na nilalang at ang dalawampu’t apat na mga matanda ay may mga alpa at mga gintong mangkok na pinuno ng kamangyan na ito ang mga panalangin ng mga banal. 9 At sila ay umawit ng bagong awit. Sinabi nila:
Ikaw ay karapat-dapat kumuha ng balumbon at magbukas ng selyo nito. Dahil pinatay ka nila at tinubos mo kami para sa Diyos ng iyong dugo, sa bawat lipi at wika, mga tao at bansa.
10 Ginawa mo kaming mga hari at mga saserdote para sa aming Diyos. At kami ay maghahari sa ibabaw ng lupa.
11 Nakita ko at narinig ang tinig ng maraming anghel na nakapalibot sa trono, ng mga buhay na nilalang, ng mga matanda at ng mga sampunlibo ng sampunlibo at mga libu-libo ng mga libu-libo. 12 Sinabi nila sa pamamagitan ng isang malakas na tinig:
Ang Korderong kanilang pinatay ay karapat-dapat na tumanggap ng kapangyarihan at kayamanan at karunungan at kalakasan at karangalan at kaluwalhatian at pagpapala.
13 Narinig ko ang tinig ng lahat ng nilalang na naroon sa langit, at sa lupa, at ilalim ng lupa, at silang nasa karagatan at ang lahat ng bagay na nasa kanila, nagsasabi:
Sa kaniya na nakaupo sa trono at sa Kordero, pagpapala at karangalan at kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailan pa man.
14 At ang apat na buhay na nilalang ay nagsabi: Siya nawa. At ang dalawampu’t apat na mga matanda ay nagpatirapa at sinamba siyang nabubuhay magpakailan pa man.
Ang mga Selyo
6 At nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa mga selyo. At narinig ko ang isa sa mga apat na buhay na nilalang na nagsasabi sa isang malakas na tinig na katulad ng kulog: Halika at tingnan mo.
2 At nakita ko at narito, ang isang puting kabayo. At ang nakaupo rito ay may isang pana. Binigyan siya ng isang putong. Humayo siya na nanlulupig at upang manlupig.
3 Nang buksan ng Kordero ang ikalawang selyo, narinig ko ang ikalawang buhay na nilalang na nagsasabi: Sinabi niya: Halika at tingnan mo. 4 At isa pang kabayo ang lumabas, ito ay pula. At ibinigay sa kaniya na nakaupo dito na pawiin ang kapayapaan sa lupa upang magpatayan sa isa’t isa ang mga tao at binigyan siya ng isang malaking tabak.
5 Nang buksan ng Kordero ang ikatlong selyo, narinig ko ang ikatlong buhay na nilalang na nagsasabi: Halika at tingnan mo. At nakita ko, narito, ang isang itim na kabayo. Ang nakaupo rito ay may isang timbangan sa kaniyang kamay. 6 At narinig ko ang isang tinig sa kalagitnaan ng apat na buhay na nilalang na nagsasabi: Gawin mo na ang halaga ng isang takal ng trigo ay isang denaryo at ang tatlong takal na sebada na isang denaryo. Huwag mong pinsalain ang langis at alak.
7 At nang binuksan niya ang ikaapat na selyo, narinig ko ang tinig ng ikaapat na buhay na nilalang na nagsasabi: Halika at tingnan mo. 8 Nakita ko ang isang kabayong maputla. Ang pangalan ng nakaupo roon ay Kamatayan. At sumunod ang hades sa kaniya. Binigyan sila ng kapamahalaan na patayin ang higit sa ikaapat na bahagi ng lupa, ng tabak at ng gutom at ng kamatayan at sa pamamagitan ng mabangis na hayop ng lupa.
9 At nang binuksan niya ang ikalimang selyo, sa ilalim ng dambana, nakita ko ang mga kaluluwa ng mga taong napatay dahil sa Salita ng Diyos at dahil sa patotoong taglay nila. 10 Sila ay sumisigaw nang malakas na nagsasabi: O Panginoon, ikaw ang banal at totoo. Hanggang kailan mo hahatulan ang mga taong naninirahan sa lupa at ipaghihiganti ang aming dugo? 11 Binigyan ng maputing kasuotan ang bawat isa sa kanila. Sinabi sa kanila na magpahinga muna sila ng kaunting panahon hanggang ang bilang ng kapwa nila alipin at mga kapatid na papatayin nang katulad nila ay maganap.
12 At nang binuksan niya ang ika-anim na selyo, narito, isang malakas na lindol. Ang araw ay naging maitim na katulad ng magaspang na damit na mabalahibo. Ang buwan ay naging katulad ng dugo. 13 Ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa katulad ng pagkahulog ng mga bubot na bunga ng punong igos kung inuuga ng isang napakalakas na hangin. 14 Ang kalangitan ay nawalang katulad ng balumbong nilulon. Ang bawat bundok at bawat pulo ay naalis sa kinalalagyan nila.
15 At ang mga hari sa lupa, mga dakilang tao, mga mayaman, mga pinunong-kapitan, mga makapangyarihan, ang bawat alipin at bawat malaya ay nagtago ng kanilang sarili sa mga yungib at sa mga bato sa kabundukan. 16 Sinabi nila sa mga bundok at mga bato: Bagsakan ninyo kami. Itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono ng Diyos at mula sa poot ng Kordero. 17 Sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kaniyang poot. Kaya, sino nga ang makakatagal?
Tinatakan ng Diyos ang Isangdaan at Apatnapu’t Apat na Libong Tao
7 Pagkatapos ng mga bagay na ito, nakita ko ang apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa. Pinipigil nila ang apat na hangin ng lupa upang walang hanging makaihip sa lupa o sa dagat o sa anumang punong-kahoy.
2 At nakita ko ang isa pang anghel na pumapaitaas mula sa sinisilangan ng araw. Nasa kaniya ang tatak ng buhay na Diyos. Siya ay sumigaw ng isang malakas na tinig at nagsalita sa apat na mga anghel na binigyan ng kapangyarihan upang saktan ang lupa at ang dagat. 3 Sinabi ng anghel sa kanila: Huwag ninyong saktan ang lupa o ang dagat o ang mga punong-kahoy hanggang hindi namin natatatakan sa noo ang mga alipin ng aming Diyos. 4 Narinig ko ang bilang ng mga natatakan. Ang bilang ay isangdaan apatnapu’t apat na libo na tinatakan mula sa bawat lipi ng mga taga-Israel.
5 Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Juda. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Ruben. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Gad. 6 Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Aser. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Neftali. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Manases. 7 Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Simeon. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Levi. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Isacar. 8 Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Zabulon. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Jose. Labindalawang libo ang tinatakan nila mula sa lipi ni Benjamin.
Ang Maraming Taong Nakasuot ng Puting Damit
9 Pagkatapos kong makita ang mga bagay na ito, narito,ang napakaraming taong naroroon na walang sinumang makakabilang sa kanila. Sila ay mula sa bawat bansa, bawat lipi at bawat wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero. Sila ay nakasuot ng maputing damit at may hawak na mga palaspas.
10 Sila ay sumisigaw ng isang malakas na tinig. Sinabi nila:
Ang kaligtasan ay sa kaniya na nakaupo sa trono at sa Kordero.
11 At ang lahat ng anghel at mga matanda at ang apat na kinapal na buhay ay nakatayo sa palibot ng trono. Sila ay nagpatirapa sa harap ng trono at sinamba ang Diyos. 12 Sinabi nila:
Siya nawa. Pagpapala at kaluwalhatian at karunungan at pasasalamat at karangalan at kapangyarihan at kalakasan sa ating Diyos magpakailan pa man. Siya nawa.
13 At isa sa mga matanda ang sumagot. Sinabi niya sa akin: Sino ang mga taong ito na nakasuot ng mapuputing damit? Saan sila nanggaling?
14 At sinabi ko sa kaniya: Ginoo, nalalaman mo iyan.
Sinabi niya sa akin: Sila ang mga nanggaling sa dakilang paghihirap. Hinugasan nila ang kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito ng dugo ng kordero.
15 Dahil dito:
Sila ay nasa harapan ng trono ng Diyos. Pinaglilingkuran nila siya araw at gabi sa kaniyang banal na dako. Ang nakaupo sa trono ay mananahang kasama nila.
16 Kailanman ay hindi na sila magugutom at kailanman ay hindi na sila mauuhaw. Hindi na sila maiinitan ng sikat ng araw ni wala ng matinding init ang tatama sa kanila. 17 Ito ay sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang siyang mangangalaga sa kanila. Aakayin niya sila sa buhay na bukal ng tubig. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Ang Ikapitong Selyo at ang Ginintuang Sunugan ng Insenso
8 At nang buksan niya ang ikapitong selyo, tumahimik sa langit nang may kalahating oras.
2 At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Binigyan sila ng pitong trumpeta.
3 At isa pang anghel ang dumating at tumayo sa tabing dambana. Siya ay may taglay na gintong suuban ng kamangyan. Binigyan siya ng maraming kamangyan upang ihandog niya itong kasama ng mga panalangin ng lahat ng banal sa ginintuang dambana na nasa harapan ng trono. 4 Ang usok ng kamangyan, kasama ang mga panalangin ng mga banal ay pumailanglang sa harapan ng Diyos mula sa kamay ng anghel. 5 Kinuha ng anghel ang suuban ng kamangyan at pinuno ito ng apoy na mula sa dambana. Inihagis niya ito sa lupa. Nagkaroon ng ingay, kulog, kidlat at lindol.
Ang mga Trumpeta
6 Inihanda ng pitong anghel, na may pitong trumpeta, ang kanilang mga sarili upang hipan ang kanilang mga trumpeta.
7 Hinipan ng unang anghel ang kaniyang trumpeta. Bumagsak ang graniso at apoy na may kahalong dugo. Inihagis ito sa lupa. Ika-tatlong bahagi ng mga punong-kahoy ang nasunog at lahat ng sariwang damo ay nasunog.
8 Hinipan ng pangalawang anghel ang kaniyang trumpeta. At isang katulad ng malaking bundok na nagliliyab, ito ay itinapon sa dagat. At ang ika-tatlong bahagi ng dagat ay naging dugo. 9 At ang ika-tatlong bahagi ng mga buhay na nilalang na nasa dagat ang namatayat ang ika-tatlong bahagi ng mga sasakyang dagat ay nawasak.
10 Hinipan ng pangatlong anghel ang kaniyang trumpeta. Isang malaking bituin ang bumagsak mula sa langit na nagniningas na katulad ng isang ilawan. At ito ay bumagsak sa ikatlong bahagi sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig. 11 Ang pangalan ng bituin ay Kapaitan. Ang ika-tatlong bahagi ng tubig ay pumait. Maraming tao ang namatay dahil pumait ang tubig.
12 Hinipan ng pang-apat na anghel ang kaniyang trumpeta. Napinsala ang ika-tatlong bahagi ng araw at ang ika-tatlong bahagi ng buwan at ang ika-tatlong bahagi ng mga bituin upang magdilim ang ika-tatlong bahagi nito at ang ika-tatlong bahagi ng isang araw ay hindi magliliwanag at gayundin ng sa gabi.
13 At nakita ko at narinig ang isang anghel na lumilipad sa gitna ng langit na nagsasabi sa malakas na tinig: Sa aba, sa aba, sa aba sa kanila na naninirahan sa lupa dahil sa nananatili pang tunog ng trumpeta ng tatlong anghel na kanila pang hihipan.
Copyright © 1998 by Bibles International