Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Hebreo 1-6

Ang Anak ay Higit kaysa mga Anghel

Noong una, ang Diyos ay nagsalita sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa ating mga ninuno sa pamama­gitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Anak.

Siya ay hinirang ng Diyos na maging tagapagmana ng lahat ng mga bagay. Sa pamamagitan din niya, nilikha ng Diyos ang mga kapanahunan. Siya ang kaliwanagan ng kaluwalhatian ng Ama at ang ganap na kapahayagan ng pagka-Diyos ng Ama. Siya ang humahawak ng lahat ng bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan. Pagkatapos niyang gawin ang paglilinis sa ating mga kasalanan, umupo siya sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasang dako. Yamang siya ay higit pang dakila sa mga anghel, ang pangalan na kaniyang minana ay higit pa kaysa sa kanilang pangalan.

Alin sa mga anghel ang kailanman ay pinagsabihan ng ganito:

Ikaw ay ang aking Anak at sa araw na ito ay ipinanganak kita.

At muli niyang sinabi:

Ako ang magiging Ama sa kaniya at siya ay magiging Anak sa akin.

Gayundin, nang dalhin niya ang kaniyang tanging dakilang Anak sa sanlibutan, sinabi niya:

At hayaan siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.

Patungkol naman sa mga anghel, sinasabi niya:

Ginawa niyang espiritu ang kaniyang mga anghel at ang kaniyang mga natatanging lingkod na nag-aalab na apoy.

Ngunit patungkol sa Anak, sinabi niya:

O Diyos, ang iyong trono ay magpakailanman. At ang setro ng katuwiran ang magiging setro ng iyong paghahari.

Inibig mo ang katuwiran at kinapootan mo ang hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos. Dahil dito ay pinahiran ka ng Diyos, na iyong Diyos, ng langis ng kaligayahan higit sa iyong mga kasama.

10 At sinabi niya:

O, Panginoon, sa simula pa man ay itinatag mo na ang saligan ng lupa. At ang mga kalangitan ay mga gawa ng iyong mga kamay.

11 Sila ay mapapahamak ngunit mananatili ka. Silang lahat ay malulumang tulad ng isang kasuotan. 12 Babalumbonin mo silang tulad ng isang balabal at sila ay mababago. Ngunit ikaw ay mananatiling ikaw at ang iyong mga taon ay hindi matatapos kailanman.

13 Kailanman ay hindi sinabi ng Diyos sa kaninumang anghel:

Umupo ka sa aking kanan hanggang sa gawin kong tuntungan ng mga paa mo ang iyong mga kaaway.

14 Hindi ba silang lahat ay mga espiritung naglilingkod na sinugo upang maglingkod para sa mga magmamana ng kaligtasan?

Babalang Makinig

Kaya nga, dapat nating bigyan ng higit na pagpapahalaga ang mga salita na ating narinig upang tayo ay hindi maliligaw.

Sapagkat kung ang mga salitang sinalita ng mga anghel ay pinagtibay, ang bawat paglabag at bawat pagsuway ay tumanggap ng kaniyang makatarungang parusa. Kung gayon, papaano tayo makakatakas kung pinabayaan natin ang gayong napakadakilang kaligtasan? Ang Panginoon mismo ang unang nagsalita patungkol dito at pinagtibay ito sa atin ng mga nakarinig sa kaniya. Ang Diyos din naman ang nagbigay ng kaniyang patotoo sa pamamagitan ng mga tanda, mga kamangha-manghang gawa, iba’t ibang himala at gayundin ng mga kaloob na mula sa Banal na Espiritu, ayon sa kaniyang kalooban.

Ginawa ng Diyos na si Jesus ay Maging Tulad ng Kaniyang mga Kapatid

Sapagkat hindi ipinailalim ng Diyos sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siyang ating sinasabi.

May nagpa­totoo sa isang dako:

Ano ang tao upang alalahanin mo siya? O, sino ang anak ng tao upang pagmalasakitan mo siya?

Sa maikling panahon ay ginawa mo siyang mababa kaysa mga anghel. Pinutungan mo siya ng kaluwal­hatian at karangalan. Ipinailalim mo sa kaniya ang lahat ng gawa ng iyong mga kamay. Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa kaniyang mga paa.

Sapagkat nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniya walang anumang bagay na hindi ipinasakop sa kaniya. Ngunit sa ngayon ay hindi pa natin nakikita ang lahat ng bagay na napailalim sa kaniya.

Ngunit nakikita natin si Jesus. Sa maikling panahon ay ginawa siyang mababa kaysa sa mga anghel na dahil sa kahirapan sa kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan. Ito ay upang sa pamamagitan ng biyaya Diyos ay tikman niya ang kamatayan para sa lahat ng tao.

10 Ang lahat ng mga bagay ay para sa Diyos at siya ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Nang siya ay magdala ng maraming anak sa kaluwahatian, nararapat na gawin niyang ganap ang may akda ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng kahirapan. 11 Sapagkat siya na nagpapaging-banal at ang mga pinaging-banal ay kabilang sa iisang sambahayan. Kaya ito ang dahilan na kung tawagin niya silang mga kapatid ay hindi siya nahihiya. 12 Sinabi niya:

Ipahahayag ko ang pangalan mo sa aking mga kapatid. Aawitin ko ang iyong papuri sa gitna ng iglesiya.

13 At muli sinabi niya:

Ilalagak ko ang aking tiwala sa kaniya.

At muli sinabi niya:

Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng Diyos sa akin.

14 Yamang ang mga anak ay may laman at dugo, siya din naman ay nakibahagi ng ganoon, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapawalang-bisa ang diyablo na siyang may hawak ng kapangyarihan ng kamatayan. 15 Gayun­din sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapalaya ang sinu­mang natatakot sa kamatayan at sa kanilang buong buhay ay nasa ilalim ng pagkaalipin. 16 Ito ay sapagkat tiyak na hindi ang mga anghel ang kaniyang tinutulungan kundi ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya kinakailangang matulad siya sa kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan upang sa kaniyang paglilingkod sa Diyos, siya ay maging mahabagin at matapat na pinaka­punong-saserdote, upang siya ay maging kasiya-siyang hain sa mga kasalanan ng mga tao. 18 Sapagkat nakaranas siya na siya ay tuksuhin. Kaya naman kaya niyang tulungan ang mga tinutukso.

Si Jesus ay Higit na Mahalaga Kaysa kay Moises

Kaya nga, mga banal na kapatid, kayong kabahagi sa tawag na makalangit, magtuon kayo ng inyong pag-iisip kay Jesus na siyang apostol at pinakapunong-saserdote na aming ipinahahayag.

Kung paanong si Moises ay matapat sa lahat ng sambahayan ng Diyos ay gayundin naman si Jesus ay tapat sa nagsugo sa kaniya. Sapagkat nasum­pungan siyang higit na karapat-dapat na parangalan kaysa kay Moises. Katulad din naman sa nagtayo ng bahay, ay dapat na higit na parangalan kaysa sa bahay. Sapagkat may gumagawa ng bawat bahay ngunit ang Diyos ang gumagawa ng lahat ng bagay. At si Moises ay totoong naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin pa lamang. Ngunit si Jesus ay ang anak na namamahala sa kaniyang bahay at ang bahay na ito ay tayo, kapag mananangan tayong may katatagan hanggang sa katapusan sa katiyakan at sa magpapapuri ng ating pag-asa.

Babala Laban sa Hindi Pananampalataya

Iyan ang dahilan kaya sinabi ng Banal na Espiritu:

Ngayon, kung inyong marinig ang kaniyang tinig,

huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso, gaya ng inyong ginawa nang kayo ay maghimagsik, noong panahon nang kayo ay sinubok sa ilang. Doon ako ay tinukso at sinubok ng inyong mga ninuno at nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng apatnapung taon. 10 Kaya nga, ako ay nagalit sa lahing iyan. At aking sinabi: Ang kanilang mga puso ay laging naliligaw at hindi nila nalaman ang aking daan. 11 Kaya nga, sa aking pagkapoot, sumumpa ako: Hindi sila makaka­pasok sa lugar ng kapahingahan na aking inihanda.

12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang isa man sa inyo na may masamang puso na hindi sumasampalataya na magpapa­layo sa inyo sa buhay na Diyos. 13 Ngunit samantalang ito ay tinatawag na ngayon, hikayatin ninyong may kata­patan araw araw ang isa’t isa upang hindi patigasin ng daya ng kasalanan ang puso ng sinuman sa inyo. 14 Sapagkat tayo ay naging mga kabahagi ni Cristo kung ang pagtitiwalang natamo natin sa pasimula pa ay pananatilihin nating matatag hanggang sa katapusan. 15 Katulad ng sinabi ng mga kasulatan:

Ngayon, kung inyong marinig ang kaniyang tinig, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso na inyong ginawa nang kayo ay maghi­magsik.

16 Sapagkat ang ilang nakarinig ay naghimagsik. Ngunit hindi naghimagsik ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto. 17 At kanino siya nagalit sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba doon sa mga nagkasala at ang kanilang mga katawan ay nabuwal sa ilang? 18 At sa kanino siya sumumpa na hindi sila makapasok sa kaniyang kapahingahan? Hindi ba sa kanila na mga sumuway? 19 Kaya nga, nakikita natin na dahilhindi sila sumasampalataya, hindi sila nakapasok sa kapa­hingahan.

Isang Pamamahingang Sabat para sa Bayan ng Diyos

Kaya nga, dapat tayong matakot, yamang may nanana­tiling pangako na tayo ay makapasok sa kaniyang kapahingahan. Baka mayroon ilan sa inyo na maaring hindi makapasok.

Sapagkat may ipinangangaral na ebanghelyo sa atin at gayundin sa kanila. Subalit hindi naging kapakina­bangan sa kanila ang salita na ipinangaral. Sapagkat sila na nakinig ay hindi ito sinamahan ng pananampalataya. Sapagkat tayo na mga sumasampalataya ay pumasok sa kapahingahang iyon. Katulad ng sinabi niya:

Kaya nga, sa aking pagkapoot ay sumumpa ako: Kailanman ay hindi sila papasok sa aking kapahingahan.

Gayunman, ang mga gawa ay natapos mula sa pagkakatatag ng sanlibutan.

Sapagkat sa isang dako ng Kasulatan, siya ay nagsalita ng ganito patungkol sa ika-pitong araw:

At sa ikapitong araw ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng kaniyang mga gawa.

At muli, sa dako ring iyon:

Sila ay hindi maka­papasok sa aking kapa­hingahan.

Kaya nga, nananatili pa na ang iba ay makakapasok sa kapahingahang iyan sapagkat ang mga nakarinig ng ebanghelyo noong una ay hindi sumampalataya. Muli, nagta­laga siya ng isang takdang araw, nang siya ay nagsalita kay David pagka­lipas ng matagal na panahon. Ang tinawag dito ay Ngayon. Gaya ng sinalita niya noong una, sinabi niya:

Ngayon, kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, huwag ninyong pagmatigasin ang inyong mga puso.

Sapagkat kung binigyan sila ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana siya nagsalita ng iba pang araw, pagkatapos niyaon. Kaya nga, mayroon pang kapahingahang nananatili para sa mga tao ng Diyos. 10 Ito ay sapagkat ang sinumang pumapasok sa kaniyang kapahingahan, siya rin naman ay nagpahinga sa kaniyang mga gawa kung paanong ang Diyos ay nagpahinga mula sa kaniyang mga gawa. 11 Kaya nga, sikapin nating makapasok sa kapahingahang iyon upang walang sinumang bumagsak sa ganoon ding halimbawa ng pagsuway.

12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Diyos at higit na matalas ito kaysa sa alin mang tabak na may dalawang talim. Bumabaon ito hanggang sa ikapaghihiwalay ng kaluluwa at ng espiritu at ng kasu-kasuan at utak ng buto. Nakakatalos ito ng mga pag-iisip at mga saloobin ng puso. 13 At walang anumang nilikha ang makakapagkubli ng kaniyang mga gawa sa paningin ng Diyos. Ang lahat ay lantad at hayag sa kaniyang mga mata. At tayo ay magbibigay-sulit sa kaniya.

Si Jesus ang Dakilang Pinakapunong-saserdote

14 Kaya nga, yamang tayo ay may isang dakilang pinakapunong-saserdote, si Jesus na Anak ng Diyos na dumaan sa mga langit, tayo ay magpakatatag sa ating ipinahahayag.

15 Sapagkat wala tayong pinakapunong-saserdote na hindi maaaring makiramay sa ating mga kahinaan. Siya ay sinubok sa lahat ng paraan katulad natin ngunit siya ay hindi nagkasala. 16 Kaya nga, dumulog tayo sa trono ng biyaya na may malaking pagtitiwala upang tayo ay tumanggap ng habag at biyaya na makatutulong sa atin sa panahon ng panganga­ilangan.

Sapagkat ang bawat pinakapunong-saserdote ay kinuha mula sa mga kalalakihan upang siya ang dapat na kumatawan sa kanila sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos at upang siya ay naghandog ng mga kaloob at mga handog para sa kasalanan. Yamang siya rin naman ay napapaligiran ng kahinaan, maaari siyang makitungo nang mahinahon sa mga mangmang at sa mga naliligaw. Dahil dito, kailangan niyang maghandog ng mga handog para sa kasalanan. Kung papaanong siya ay naghandog para sa mga tao, gayundin naman ay maghandog siya para sa kaniyang sarili.

Walang sinumang nag-angkin ng karangalang ito para sa kaniyang sarili, kundi siya na tinawag ng Diyos tulad ng kaniyang pagkatawag kay Aaron. Gayundin namam, hindi inangkin ni Cristo para sa kaniyang sarili ang kaluwalhatianng pagiging isang pinakapunong-saserdote. Subalit sinabi ng Diyos sa kaniya:

Ikaw ay ang aking Anak. Sa araw na ito ay ipinanganak kita.

Gayundin naman sa ibang dako ay sinabi niya ito:

Ikaw ay isang saserdote magpakailanman, ayon sa pangkat ni Melquisedec.

Siya, nang nabubuhay pa sa laman, ay kapwa humiling at dumalangin na may malakas na iyak at pagluha sa kaniya na makakapagligtas sa kaniya mula sa kamatayan. At dahil siya ay may banal na pagkatakot, siya ay dininig. Bagaman siya ay isang anak, natutunan niyang sumunod mula sa mga bagay na kaniyang tiniis. Nang siya ay naging ganap, siya ay naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan para sa lahat ng mga sumusunod sa kaniya. 10 Siya ay itinalaga ng Diyos na maging isang pinakapunong-saserdote ayon sa pangkat ni Melquisedec.

Babala Laban sa Paglayo sa Pananampalataya

11 Marami kaming masasabi patungkol sa kaniya na mahirap ipaliwanag dahil kayo ay naging mapurol sa pakikinig.

12 Sapagkat sa panahon na kayo ay dapat na maging mga guro, nangangailangan pa kayo na may magturo sa inyong muli ng panimulang katuruan ng mga aral ng Diyos. Kayo ay naging katulad ng mga nangangailangan pa ng gatas at hindi tulad ng mga nangangailangan ang matigas na pagkain. 13 Sapagkat ang sinumang nabubuhay sa gatas ay hindi pa sanay sa katuruang patungkol sa katuwiran sapagkat siya ay isa pang sanggol. 14 Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga taong ganap na. Dahil sa pagsagawa ay nasanay na nila ang kanilang mga kaisipan upang makilala ang masama at mabuti.

Dahil dito, itigil na natin ang pag-uusap sa mga pani­mulang katuruan patungkol kay Cristo. Dapat tayong magpatuloy na lumago sa lalong ganap na mga bagay. Huwag na nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos. Gayundin naman ang patungkol sa mga pagbabawtismo, pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay at kahatulang walang hanggan. Kung ipahihintulot ng Diyos, gagawin namin ito.

Sapagkat minsan ay naliwanagan na ang mga tao. Natikman na nila ang makalangit na kaloob at naging kabahagi na ng Banal na Espiritu. Natikman na nila ang mabuting Salita ng Diyos at ang mga kapangyarihan ng darating na kapanahunan. Kung sila ay tatalikod, hindi na maaring mapanumbalik sila sa pagsisisi. Sapagkat muli nilang ipinako sa krus para sa kanilang sarili ang anak ng Diyos.

Sapagkat ang lupa ay umiinom ng ulang malimit bumuhos dito. Pagkatapos, ito ay nagbibigay ng mga tanim na mapapa­kina­bangan ng mga nagbungkal nito. Ito ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos. Ngunit ang lupang tinutubuan ng mga tinik at mga dawag ay tinatanggihan at nanganganib na sumpain. At ito ay susunugin sa katapusan.

Ngunit mga minamahal, bagaman kami ay nagsasalita ng ganito, nakakatiyak kami ng higit na mabubuting bagay patungkol sa inyo at mga bagay na nauukol sa kaligtasan. 10 Ang Diyos ay makatarungan at hindi niya kalilimutan ang inyong mga gawa at pagpapagal sa pag-ibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan. Kayo na naglingkod ay patuloy na naglilingkod sa mga banal. 11 Ninanais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding pagsusumikap patungo sa lubos na katiyakan ng pag-asa hanggang sa wakas. 12 Hindi namin nais na kayo ay maging tamad kundi inyong tularan sila na sa pamamagitan ng pananam­palataya at pagtitiyaga ay magmamana ng ipinangako ng Diyos.

Ang Pangako ng Diyos ay Tiyak

13 Sapagkat nang mangako ang Diyos kay Abraham, sumumpa siya sa kaniyang sarili yamang wala nang sinumang makakahigit pa na kaniyang mapanumpaan.

14 Sinabi niya:

Tiyak na pagpapalain kita at ibibigay sa iyo ang maraming angkan.

15 At sa ganoong mahabang pagtitiis, tinanggap niya ang pangako.

16 Sapagkat sumusumpa ang mga tao sa sinumang nakaka­higit. At ang sumpa ang siyang nagpapatibay sa mga sinabi nila at nagbibigay wakas sa bawat pagtatalo. 17 Gayundin lalong higit na ninais ng Diyos na ipakita nang may kasaganaan ang hindi pagkabago ng kaniyang layunin sa mga tagapagmana ng pangako. Ito ay kaniyang pinagtibay sa pamamagitan ng isang sumpa. 18 Sa pamamagitan ng dalawang bagay na hindi kailanman nagbabago, hindi maaari para sa Diyos ang magsinungaling sa pamamagitan ng dalawang bagay na iyon. Ginawa niya ito upang tayo ay magkaroon ng matibay na kalakasan ng loob, na mga lumapit sa kaniya upang manangan sa pag-asang inilagay niya sa harapan natin. 19 Ito ang ating pag-asa na katulad ng isang angkla ng ating kaluluwa ay matatag at may katiyakan. Ito ay pumapasok doon sa kabilang dako ng tabing. 20 Dito pumasok si Jesus bilang tagapanguna natin para sa ating kapakinabangan, na maging isang pinakapunong-saserdote magpakailanman ayon sa uri ni Melquisedec.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International