Beginning
Ang Isang Libong Taon
20 At nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit. Siya ay may taglay na susi ng walang hanggang kalaliman. Siya ay may hawak na malaking tanikala.
2 At hinuli niya ang dragon, na ito ay ang ahas noong matagal nang panahon. Siya ang diyablo at Satanas. Siya ay ginapos sa loob ng isang libong taon. 3 Itinapon siya sa walang hanggang kalaliman upang hindi na siya makapagligaw ng mga bansa. Sinarhan niya siya at nilagyan ng selyo sa ibabaw niya. Siya ay mananatili roon hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito kinakailangang pakawalan siya ng Diyos sa maikling panahon.
4 At nakita ko ang mga luklukan. Nakaupo rito ang mga tao at binigyan sila ng kapamahalaan upang humatol. Nakita ko ang mga kaluluwa ng mga lalaking pinugutan ng ulo dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at dahil sa salita ng Diyos. At nakita ko ang mga hindi sumamba sa mabangis na hayop o sa kaniyang larawan. Hindi nila tinanggap ang kaniyang tatak sa kanilang mga noo at sa kanilang mga kamay. Ang mga taong ito ay nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon. 5 Ngunit hanggang sa matapos ang isang libong taon, ang mga natira na mga namatay ay hindi muling nabuhay. Ito ang unang pagkabuhay muli. 6 Pinagpala at banal ang mga kabilang sa unang pagkabuhay muli. Ang ikalawang kamatayan ay walang kapamahalaan sa mga taong ito. Ngunit sila ay magiging mga saserdote ng Diyos at ni Cristo at sila ay maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.
Ang Malagim na Kahihinatnan ni Satanas
7 At kapag matapos na ang isang libong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kaniyang kulungan.
8 Ito ay upang linlangin ang mga bansa na nasa apat na sulok ng daigdig. Ito ay ang Gog at Magog. Titipunin niya sila sa pakikidigma. Ang bilang nila ay katulad sa bilang ng buhangin sa tabing dagat. 9 Sila ay umahon hanggang sa kabila ng kalaparan ng lupa. Pinalibutan nila ang kampo ng mga banal at ang lungsod na pinakamamahal. At ang apoy ay bumaba mula sa langit at tinupok sila. 10 At ang diyablo na nanglinglang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at ng asupre, kung saan naroroon ang mabangis na hayop at ang bulaang propeta at doon sila ay pahihirapan araw at gabi, magpakailan pa man.
Hinatulan ni Cristo ang Mga Taong Patay
11 At nakita ko ang dakilang maputing trono at ang nakaupo rito. Ang lupa at ang langit ay tumakas mula sa kaniyang harapan. Wala ng lugar doon para sa kanila.
12 At nakita ko ang mga taong patay, hindi dakila at dakila na nakatayo sa harapan ng Diyos. At binuksan ang mga aklat at ang isa pang aklat ang binuksan, ito ay ang aklat ng buhay. Hinatulan niya ang mga patay ayon sa nakasulat sa mga aklat, ayon sa kanilang mga gawa. 13 Pinakawalan ng dagat ang mga taong patay na taglay nito. At pinakawalan ng kamatayan at ng hades ang mga taong patay na nasa kanila. At hinatulan ng Diyos ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa. 14 Itinapon ng Diyos ang kamatayan at hades sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan. 15 At ang sinumang hindi nasumpungang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawang apoy.
Ang Bagong Jerusalem
21 At nakita ko ang isang bagong langit at ang bagong lupa, sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na. Ang dagat ay wala na.
2 At akong si Juan, nakita ko ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababang mula sa Diyos na buhat sa langit. Ito ay inihanda na katulad ng isang babaeng ikakasal na ginayakan para sa kaniyang magiging asawa. 3 Narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa langit. Sinabi nito: Narito, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya ay mananahang kasama nila. Sila ay magiging mga tao niya. Ang kanilang Diyos mismo ang sumakanila at siya ang kanilang magiging Diyos. 4 Pupunasin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata. Mawawala na ang kamatayan, ang pagtangis, ang pag-iyak o ang kabalisahan. Ang mga bagay sa nakaraan ay lumipas na.
5 Ang nakaupo sa trono ay nagsabi: Tingnan ninyo, ginawa kong bago ang lahat ng bagay. At sinabi niya sa akin: Isulat mo ito sapagkat ang mga salitang ito ay totoo at tapat.
6 At sinabi niya sa akin: Ang lahat ay naganap na. Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Ibibigay ko ang tubig ng buhay na walang bayad sa sinumang nauuhaw. 7 Ang magtatagumpay ay magmamana ng lahat ng bagay. Ako ay kaniyang magiging Diyos at siya ay magiging anak ko. 8 Ngunit ang mga natatakot at ang mga hindi sumasampalataya, ang mga kinamumuhian ng Diyos, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga manggagaway, mga sumasamba sa diyos-diyosan at lahat ng mga sinungaling, ang bahagi nila ay sa lawa na nagniningas sa apoy at asupre. Ito ang ikalawang kamatayan.
9 Ang isa sa pitong anghel ay nagpakita sa akin. Sila ang mga anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling mga salot at nagsalita sa akin: Halika rito. Ipapakita ko sa iyo ang babaeng ikakasal na asawa ng Kordero. 10 Dinala niya ako sa Espiritu patungo sa isang dakila at mataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang isang dakilang lungsod, ang banal na Jerusalem. Ito ay bumababang buhat sa langit mula sa Diyos. 11 Taglay nito ang kaluwalhatian ng Diyos. Ang ningning nito ay katulad sa isang napakahalagang bato, katulad ng isang kristal na batong haspe. 12 Ito ay may isang dakila at mataas na moog at labindalawang tarangkahan. Sa tarangkahan ay may labindalawang mga anghel. May nakaukit na pangalan sa tarangkahan. Ito ay ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak na lalaki ni Israel. 13 Tatlong tarangkahan ang nasa gawing silangan. Tatlong tarangkahan ang nasa gawing hilaga. Tatlong tarangkahan ang nasa gawing timog. Tatlong tarangkahan ang nasa gawing kanluran. 14 Ang pader ng lungsod ay may labindalawang saligan. Sa kanila ay ang labindalawang pangalan ng mga apostol ng Kordero.
15 Ang nagsalita sa akin ay may isang gintong panukat. Taglay niya ito upang sukatin niya ang lungsod, ang tarangkahan nito at ang pader nito. 16 Ang lungsod ay parisukat. Ang haba nito ay katulad din ng luwang nito. Sinukat niya ang lungsod ng panukat. Ang haba, ang luwang at ang taas nito ay magkakasukat na dalawanglibo at dalawangdaang kilometro. 17 Sinukat niya ang moog at ito ay isangdaan at apatnapu’t apat na siko. Ito ang sukat ng haba ng siko ng isang tao, na siya ring sukat ng anghel. 18 Ang pader ay yari sa haspeng bato. Ang lungsod ay yari sa dalisay na ginto, katulad ng malinaw na salamin. 19 Ang mga saligan ng lungsod ay nagayakan ng lahat ng uri ng mga mahalagang bato. Ang una ay haspeng bato. Ang pangalawa ay sapirang bato. Ang pangatlo ay kalsedonyang bato. Ang pang-apat ay esmeraldang bato. 20 Ang panglima ay batong onise. Ang pang-anim ay batong kornalina. Ang pangpito ay batong krisolito. Ang pangwalo ay batong berilo. Ang pangsiyam ay batong topasyo. Ang pangsampu ay batong krisopraso. Ang panglabing-isa ay batong hasinto. Ang panglabindalawa ay batong amatista. 21 Ang labindalawang tarangkahan ay labindalawang perlas. Ang bawat tarangkahan ay isang perlas. Ang lansangan ng lungsod ay dalisay na ginto katulad ng salaming malinaw.
22 At wala akong nakitang anumang banal na dako dito. Ang dahilan ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ay ang mga banal na dako nito. 23 Ang lungsod ay hindi nangailangan ng araw o buwan upang magliwanag dito sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbigay-liwanag dito. Ang Kordero ay ang ilawan nito. 24 Ang mga bansa ng mga iniligtas ng Diyos ay maglalakad sa liwanag nito. Ang mga hari sa lupa ay magbibigay ng kanilang kaluwalhatian at karangalan dito. 25 Kailanman ay hindi isasara ang tarangkahan nito sa araw sapagkat wala ng gabi roon. 26 Dadalhin nila ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa dito. 27 Kailanman ay hindi makakapasok doon ang anumang marumi o ang ang sinumang gumagawa ng kinapopootan ng Diyos o ang gumagawa ng kasinungalingan. Ang makakapasok lamang doon ay yaong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.
Ang Ilog na Nagbibigay Buhay
22 Ipinakita niya sa akin ang isang ilog na may dalisay na tubig na nagbibigay buhay. Ito ay nagniningning katulad ng kristal. Ito ay lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero.
2 Sa kalagitnaan ng lansangan at sa magkabilang panig ng ilog, naroroon ang punong-kahoy na nagbibigay buhay. Ito ay nagbubunga ng labindalawang bunga. Bawat buwan ay magbibigay ng kaniyang bunga. Ang dahon ng punong-kahoy ay para sa pagpapagaling ng mga bansa. 3 Doon ay hindi na magkakaroon ng sumpa. Ang trono ng Diyos at ng Kordero ay makikita sa lungsod. Ang kaniyang mga alipin ay maglilingkod sa kaniya. 4 Makikita nila ang kaniyang mukha. Ang kaniyang pangalan ay nasa mga noo nila. 5 Hindi na magkakaroon ng gabi roon. Hindi na nila kailangan ang isang ilawan o ang liwanag ng araw sapagkat ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila. Sila ay maghahari magpakailan pa man.
6 Sinabi ng anghel sa akin: Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. Ang Panginoong Diyos ng mga propetang banal ay nagsugo ng kaniyang anghel upang ipakita ang mga bagay na dapat nang mangyari kaagad.
Si Jesus ay Darating
7 Narito, malapit na akong dumating. Pinagpala ang tumutupad sa mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito.
8 At akong si Juan na nakakita at nakarinig ng mga bagay na ito ay nagpatirapa sa paanan ng anghel, na siyang nagpakita sa akin ng mga bagay na ito, upang sambahin siya. 9 Sinabi niya sa akin: Huwag mong gawin ito sapagkat ako ay iyong kapwa alipin at gayundin ang iyong mga kapatid na lalaki na mga propeta at sa mga tumutupad ng mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo.
10 At sinabi niya sa akin: Huwag mong selyohan ang mga pahayag sa aklat na ito sapagkat nalalapit na ang panahon. 11 Ang hindi matuwid ay magpapatuloy sa pagiging hindi matuwid. Ang masama ay magpapatuloy sa pagiging masama. Ang matuwid ay magpapatuloy sa pagiging matuwid. Ang banal ay magpapatuloy sa pagpapakabanal.
12 Narito, malapit na Akong dumating. Ang aking gantimpala ay nasa akin upang igawad sa bawat tao ayon sa kaniyang gawa. 13 Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas, ang una at ang huli.
14 Pinagpala ang mga tumutupad sa kaniyang mga utos. Sila ay magkakaroon ng karapatang kumain mula sa punong-kahoy ng buhay at pumasok sa mga tarangkahan ng lungsod. 15 Ngunit sa labas ng mga ito ay mananatili ang mga aso, ang mga gumagawa ng panggagaway, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga mapagsamba sa diyos-diyosan at bawat gumugusto sa kasinungalingan at ang mga sinungaling.
16 Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang siya ay magpatotoo sa mga bagay na ito sa inyong mga nasa iglesiya. Ako ang ugat at ang anak ni David, ang maningning na tala sa umaga.
17 Ang Espiritu at dalagang ikakasal ay nagsabi: Halika. At ang nakarinig ay dapat magsabi: Halika. Ang nauuhaw ay dapat lumapit. Ang naghahangad ay dapat uminom ng walang bayad sa tubig na nagbibigay buhay.
18 Ang dahilan nito ay nagpapatotoo rin ako sa lahat ng nakakarinig ng mga pahayag ng Diyos sa aklat na ito. Sinabi ko: Kapag dinagdagan ng sinuman ang mga bagay na ito, idadagdag ng Diyos sa kaniya ang mga salot na aking isinulat sa aklat na ito. 19 Kung binawasan ng sinuman ang mga salita sa aklat ng pahayag na ito, aalisin ng Diyos ang kaniyang bahagi sa aklat ng buhay. Aalisin din ang kaniyang bahagi sa banal na lungsod at mula sa mga bagay na isinulat sa aklat na ito.
20 Siya na nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsabi: Oo, ako ay malapit nang dumating.
Siya nawa. Oo, Panginoong Jesus, dumating ka na.
21 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay mapasainyo nawang lahat. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International