Beginning
9 Hinipan ng panglimang anghel ang kaniyang trumpeta. At nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa buhat sa langit. Ibinigay sa kaniya ang susi ng walang hanggang kalaliman. 2 At binuksan niya ang walang hanggang kalaliman. Pumailanlang ang usok na lumabas mula sa kalalim-lalimang hukay katulad ng usok na nagmumula sa isang napakalaking pugon. Ang araw at ang hangin ay dumilim dahil sa usok. 3 Buhat sa usok ay lumabas ang mga balang sa ibabaw ng lupa. Binigyan sila ng kapamahalaang katulad ng kapamahalaang taglay ng mga alakdan sa lupa. 4 At sinabi sa kanila na huwag nilang pipinsalain ang mga damo sa lupa o anumang bagay na luntian at ang mga punong-kahoy. Ang pipinsalain lamangnila ay ang mga taong walang tatak ng Diyos sa kanilang noo. 5 Hindi sila binigyan ng pahintulot na patayin ang mga tao. Pahihirapan lamang nila sila sa loob ng limang buwan. Ang pagpapahirap na ito ay katulad ng sakit na nararanasan ngtaong kinagat ng alakdan. 6 Sa mga araw na iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi nila matatagpuan. Magpapakamatay sila ngunit lalayuan sila ng kamatayan.
7 Ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa labanan. Sa kanilang mga ulo ay mayroong gantimpalang putong katulad ng ginto. Ang kanilang mga mukha ay katulad ng mga mukha ng tao. 8 May mga buhok silang katulad ng buhok ng babae. Ang kanilang mga ngipin ay katulad ng ngipin ng leon. 9 May mga baluti sila sa dibdib na katulad ng mga baluting bakal. Ang ugong ng kanilang mga pakpak ay katulad ng ugong ng mga karuwahe ng mga kabayong dumadaluhong sa labanan. 10 May mga buntot sila at tibo na katulad ng mga alakdan. May kapamahalaan silang saktan ang tao sa loob ng limang buwan. 11 Mayroon silang hari na namumuno sa kanila. Siya ay ang anghel sa walang hanggang kalaliman. Ang kaniyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon.[a] Sa wikang Griyego ito ay Apolyon.
12 Natapos na ang unang kaabahan. Pagkatapos ng mga bagay na ito, dalawa pang kaabahan ang darating.
13 Hinipan ng pang-anim na anghel ang kaniyang trumpeta. Narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. 14 Sinabi niya sa pang-anim na anghel na may trumpeta: Pakawalan mo ang apat na anghel na iginapos sa malaking ilog ng Eufrates. 15 At pinakawalan niya ang apat na anghel na inihanda para sa oras, araw, buwan at taon upang pumatay sa ikatlong bahagi ng mga tao. 16 Ang bilang ng hukbong nangangabayo ay dalawang daang milyon. Narinig ko ang bilang nila.
17 Sa ganito ko nakita ang mga kabayo at ang mga sakay nila sa isang pangitain. Sila ay may suot na mga baluti sa dibdib na mapulang katulad ng apoy, matingkad na bughaw at dilaw na katulad ng asupre. Ang ulo ng mga kabayo ay katulad ng mga ulo ng mga leon. Apoy at usok at nagniningas na asupre ang lumalabas sa kanilang mga bibig. 18 Sa pamamagitan ng tatlong ito, ang apoy, ang usok at ang nagniningas na asupre, ay pinatay nila ang ikatlong bahagi ng mga tao. Ang mga bagay na ito ay lumalabas mula sa kanilang mga bibig. 19 Ito ay sapagkat ang kanilang mga kapamahalaan ay nasa mga bibig at mga buntot katulad ng mga ahas na may mga ulong makakapanakit.
20 May mga nalalabing mga tao na hindi napatay ng mga salot na ito. Ngunit hindi nila pinagsisihan ang gawa ng kanilang mga kamay. At hindi sila nagsisi upang hindi sila sasamba sa mga demonyo at mga diyos-diyosang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy. Hindi sila makakakita, ni makakarinig, ni makakalakad man. 21 Hindi sila nagsisisi sa kanilang mga pagpatay, sa kanilang mga panggagaway, sa kanilang mga pakikiapid at sa kanilang pagnanakaw.
Ang Anghel at ang Maliit na Balumbon na Aklat
10 Nakita ko ang isa pang malakas na anghel na bumababang mula sa langit na nadaramtan ng ulap na may bahag-hari sa kaniyang ulo. Ang kaniyang mukha ay katulad ng araw at ang kaniyang mga paa ay katulad ng mga paa ng haligi ng apoy.
2 Mayroon siyang isang bukas na munting aklat sa kaniyang kamay. Ang kaniyang kanang paa ay nakatuntong sa dagat at ang kaniyang kaliwang paa ay sa lupa. 3 Sumigaw siya nang malakas na tinig na katulad ng leong umaatungal. At nang sumigaw siya, ang pitong kulog ay nagsalita sa pamamagitan ng kani-kanilang mga tinig. 4 Nang magsalita ang mga kulog sa pamamagitan ng kani-kanilang mga tinig, susulat na sana ako. At narinig ko ang isang tinig mula sa langit. Sinabi nito sa akin: Selyuhan ang sinabi ng pitong kulog. Huwag mong isulat ang kanilang mga salita.
5 Ang anghel na nakita kong nakatayo sa dagat at sa lupa ay nagtaas ng kaniyang kamay sa langit. 6 Siya ay sumumpa sa pamamagitan niya na nabubuhay sa magpakailan pa man, na lumalang ng langit at ng mga bagay na naroon, ang lupa at ang mga bagay rito, ang dagat at ang mga bagay rito at sinabi ng anghel: Hindi na maaaring ipagpaliban pa. 7 Subalit sa mga araw na hihipan na ng ikapitong anghel ang kaniyang trumpeta, matatapos na ang hiwaga ng Diyos katulad nang pagpapahayag ng ebangelyo sa kaniyang mga alipin na mga propeta.
8 At ang tinig na aking narinig mula sa langit ay muling nagsasabi sa akin: Yumaon ka. Kunin mo ang bukas na munting aklat sa kamay ng anghel na nakatuntong sa ibabaw ng dagat at sa ibabaw ng lupa.
9 At ako ay pumunta sa anghel at sinabi ko sa kaniya: Ibigay mo sa akin ang munting balumbon. At sinabi niya sa akin: Kunin mo at kainin mong lahat ito. Paaasimin nito ang iyong tiyan. Ngunit sa iyong bibig, matamis itong katulad ng pulot. 10 At kinuha ko ang munting aklat mula sa kamay ng anghel. Kinain kong lahat ito. Sa aking bibig ay matamis itong katulad ng pulot. Nang kainin ko ito, naging mapait ang tiyan ko. 11 At sinabi niya sa akin: Dapat na ihayag mong muli ang patungkol sa mga tao, sa mga bansa, sa mga wika at sa mga hari.
Ang Dalawang Tagapagpatotoo
11 At binigyan ako ng isang tambo na katulad ng isang panukat at sinabi ng anghel: Tumindig ka at sukatin mo ang banal na dako ng Diyos at ang dambana at ang mga sumasamba roon.
2 Huwag mo nang isali ang patyo na nasa labas ng templo. Huwag mo na itong sukatin sapagkat ibinigay na ito ng Diyos sa mga Gentil. Yuyurakan nila ang banal na lungsod sa loob nang apatnapu’t dalawang buwan. 3 Bibigyan ko ng kapangyarihan ang dalawang tagapagpatotoo ko. Sila ay maghahayag sa loob ng isang libo at dalawangdaan at animnapung araw. Magsusuot sila ng magaspang na damit. 4 Sila ang dalawang punong olibo at ang dalawang lalagyan ng ilawan. Nakatayo ang mga ito sa harapan ng Diyos ng lupa. 5 Kung sinuman ang ibig manakit sa kanila, ang apoy ay lalabas mula sa kanilang mga bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Ang sinumang ibig manakit sa kanila ay dapat patayin sa ganitong paraan. 6 May kapamahalaan ang mga lalaking ito na isara ang langit upang hindi umulan sa mga araw ng kanilang paghahayag. May kapamahalaan sila sa tubig upang gawin itong dugo. May kapamahalaan silang saktan ang lupa ng lahat ng mga salot kailanman nila ibig.
7 Pagkatapos ng kanilang patotoo, ang mabangis na hayop na umahong palabas ng walang hanggang kalaliman ay makikipagdigma laban sa kanila. Sila ay lulupigin at papatayin nila. 8 Malalagay sa lansangan ng kabilang lungsod ang kanilang mga katawan. Sodoma at Egipto ang espirituwal na pangalan ng dakilang lungsod. Doon ipinako ang ating Panginoon. 9 At ang ilang taong nagmula sa mga lipi at mga wika at mga bansa ay titingin sa kanilang mga katawan sa loob nang tatlo at kalahating araw. Hindi nila papayagang ilibing sa mga libingan ang mga katawan nila. 10 Dahil sa kanila, magagalak ang mga taong nakatira sa lupa. Magdiriwang sila at magpapadala ng mga kaloob sa isa’t isa dahil patay na ang dalawang propeta na ito na nagpapahirap sa mga naninirahan sa lupa.
11 Pagkatapos ng tatlo at kalahating araw, pumasok sa kanila ang espiritu ng buhay na mula sa Diyos. Tumindig sila sa kanilang mga paa. Labis na sindak ang bumalot sa lahat ng mga nakakita sa kanila. 12 Nakarinig sila ng isang napakalakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila: Umakyat kayo rito. At umakyat sila sa langit sa alapaap at nakita sila ng kanilang mga kaaway.
13 Sa oras na iyon, nagkaroon ng isang napakalakas na lindol. Bumagsak ang ika-sampung bahagi ng lungsod. Pitong libong tao ang pinatay ng lindol. Ang mga natira ay natakot at nagbigay papuri sa Diyos ng kalangitan.
14 Natapos na ang ikalawang kaabahan. Narito, darating na agad ang pangatlong kaabahan.
Ang Pangpitong Trumpeta
15 Hinipan ng pangpitong anghel ang kaniyang trumpeta. May malakas na mga tinig sa langit na nagsasabi:
Ang mga paghahari ng sanlibutan ay naging mga paghahari ng ating Panginoon at ng kaniyang Cristo. At maghahari siya sa mga magpakailan pa man.
16 Ang dalawampu’t apat na nga matanda ay nagpatirapa at sinamba ang Diyos. Sila ang mga nakaupo sa kanilang mga luklukan sa harapan ng Diyos. 17 Sinabi nila:
Panginoong Diyos na makapangyarihan sa lahat, nagpapasalamat kami sa inyo. Ikaw ang kasalukuyan, ang nakaraan at ang darating. Tinanggap mo ang dakilang kapangyarihan at ikaw ay naghari.
18 Nagalit ang mga bansa. Ang poot mo ay dumating na. Dumating na ang panahon na hahatulan mo na ang mga patay. At gagantimpalaan mo na ang mga alipin mo na mga propeta at ang mga banal at sila na natakot sa iyong pangalan at ang mga hindi dakila at ang mga dakila. At pipinsalain mo na ang mga tao na namiminsala sa lupa.
19 Nabuksan ang templo ng Diyos sa langit. Nakita ng mga tao ang kaban ng tipan sa kaniyang templo. Nagkaroon ng mga kidlat at mga tinig at mga kulog at lindol at malakas na ulan ng graniso.
Ang Babae at ang Dragon
12 At lumabas ang isang dakilang tanda sa langit. Isang babaeng nararamtan ng araw. Ang buwan ay nasa ilalim ng kaniyang mga paa. Sa kaniyang ulo ay may isang putong na may labindalawang bituin.
2 At siya ay nagdalangtao. Sumisigaw siya sa sakit ng panganganak dahil manganganak na siya. 3 At lumabas ang isa pang tanda sa langit. At narito, isang dakilang pulang dragon. Ito ay may pitong ulo at sampung sungay. May pitong koronang panghari sa kaniyang ulo. 4 Hinihila ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit. Inihagis niya ang mga ito sa lupa. Nakatayo ang dragon sa harapan ng babae na manganganak na, upang kapag siya ay nakapanganak na, kakainin niya ang anak. 5 Nagsilang siya ng isang batang lalaki. Siya ang magpapastol sa mga bansa sa pamamagitan ng isang pamalong bakal. Inagaw ang kaniyang anak patungo sa Diyos at sa kaniyang trono. 6 Tumakas ang babae papuntang ilang. Naghanda ang Diyos ng dako para sa kaniya upang alagaan siya ng mga tao roon sa loob ng isang libo dalawangdaan at animnapung araw.
7 Nagdigmaan sa langit. Nakipagdigma si Miguel at ang kaniyang mga anghel laban sa dragon. Lumaban sa kanila ang dragon at ang mga anghel niya. 8 Ngunit hindi sila nagtagumpay, ni wala nang lugar sa langit para sa kanila. 9 Itinapon palabas ang isang napakalaking dragon. Siya iyong ahas na mula pa noong unang panahon na ang tawag ay Diyablo at Satanas. Siya yaong nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa at itinapon ding kasama niya ang kaniyang mga anghel.
10 Narinig ko ang isang malakas na tinig na nagsasalita sa langit. Sinabi nito:
Dumating na ngayon ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang paghahari ng Diyos. Ang kapamahalaan ng kaniyang Mesiyas ay dumating sapagkat naihulog na nila ang sumasakdal sa ating mga kapatid. Siya iyong sumasakdal sa kanila sa harapan ng Diyos gabi at araw.
11 Sila ay nilupig nila sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at sa pamamagitan ng salita ng kanilang mga patotoo. Hindi nila minahal ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. 12 Dahil dito, magalak kayong mga langit at kayong mga nananahan sa langit. Kaabahan sa inyo na nananahan sa lupa at sa dagat sapagkat ang diyablo ay bumaba na sa inyo. Siya ay may matinding poot dahil alam niyang maikli na ang kaniyang panahon.
13 Nang makita ng dragon na inihagis siya ng Diyos salupa, inusig niya ang babae na nagsilang ng batang lalaki. 14 Binigyan ang babae ng dalawang pakpak ng malaking agila upang lumipad siya sa ilang. Doon ay aalagaan siya sa loob ng panahon, ng mga panahon at kalahating panahon mula sa harap ng ahas. 15 Pagkatapos, nagpadala ang ahas ng isang napakalaking ilog mula sa kaniyang bibig upang makuha ang babae. Ipinadala niya ito upang tangayin ang babae. 16 Ngunit tinulungan ng lupa ang babae ibinuka ng lupa ang kaniyang bibig, hinigop ang ilog na ipinadala ng dragon mula sa kaniyang bibig. 17 Nagalit ang dragon sa babae. Yumaon siya upang makipagdigma sa mga naiwang anak na mula sa kaniya. Sila iyong mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at taglay ang patotoo ni Jesucristo.
Copyright © 1998 by Bibles International