Beginning
Ang Muling Pagkabuhay ni Cristo
15 Mga kapatid, ipinaalam ko sa inyo ang ebanghelyo na ipinangaral ko sa inyo na inyo ring tinanggap at inyong pinaninindigan.
2 Sa pamamagitan din nito kayo ay ligtas, kapag nanghahawakan kayong matatag sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na lamang kung sumampalataya kayo nang walang kabuluhan.
3 Ito ay sapagkat ibinigay ko na nga sa inyo nang una pa lamang ang akin ding tinanggap, na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan. 4 Siya rin ay inilibing at siya ay ibinangon sa ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. 5 Siya ay nagpakita kay Cefas at gayundin sa labindalawang alagad. 6 Pagkatapos nito sa isang pagkakataon, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatiran. Ang nakakaraming bahagi nito ay nananatili hanggang ngayon at ang ilan ay natulog na. 7 Pagkatapos siya ay nagpakita kay Santiago at saka sa lahat ng mga apostol. 8 Sa kahuli-hulilan, nagpakita siya sa akin, ako na tulad ng isang sanggol na ipinanganak ng wala sa panahon.
9 Ito ay sapagkat ako ang pinakamababa sa lahat ng mga apostol, na hindi nararapat tawaging apostol dahil inusig ko ang iglesiya ng Diyos. 10 Dahil sa biyaya ng Diyos ako ay naging ako at ang biyaya niya na para sa akin ay hindinaging walang kabuluhan. Ako ay nagpagal nang higit pa sa kanilang lahat, ngunit hindi ako kundi ang biyaya ng Diyos na sumasaakin. 11 Kaya nga, maging ako man o sila, ito ang ipinangaral namin at kayo ay sumampalataya.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 Si Cristo ay ipinangangaral na ibinangon mula sa mga patay. Yamang gayon nga, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay mula sa mga patay?
13 Kung wala ngang muling pagkabuhay mula sa mga patay, kahit na si Cristo ay hindi ibinangon. 14 Kung si Cristo ay hindi naibangon, ang aming pagpapahahayag ay walang kabuluhan at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan. 15 Kami rin naman ay masusumpungang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat nagpatotoo kami patungkol sa Diyos na ibinangon niya si Cristo. Hindi na sana niya ibinangon si Cristo kung hindi rin lang ibabangon ang mga patay. 16 Ito ay sapagkat kunghindi ibabangon ang patay, maging si Cristo ay hindi nagbangon. 17 Kung si Cristo ay hindi nagbangon, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo ay nasa inyong mga kasalanan pa. 18 Kung magkaganito, sila na mga namatay kay Cristo ay napahamak. 19 Kung sa buhay lamang na ito tayo ay umaasa kay Cristo, tayo na ang higit na kahabag-habag sa lahat ng mga tao.
20 Ngayon, si Cristo ay ibinangon mula sa mga patay. Siya ang naging unang bunga nila na mga namatay. 21 Yaman ngang sa pamamagitan ng tao ang kamatayan ay dumating, sa pamamagitan din naman ng isang tao ay dumating ang muling pagkabuhay sa mga patay. 22 Kung papaanong kay Adan ang lahat ay namatay, gayundin naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. 23 Ngunit ang bawat tao ay may kaniya-kaniyang pagkakasunod-sunod. Si Cristo ang pinaka-unang bunga, pagkatapos sila na mga kay Cristo, sa kaniyang pagdating. 24 Pagkatapos ng mga ito ay ang katapusan, kapag naibigay na niya ang paghahari sa kaniya na Diyos at Ama. Ito ay kapag kaniyang napawalan ng kapangyarihan ang lahat ng pamumuno at lahat ng kapamahalaan at lahat ng kapangyarihan. 25 Ito ay sapagkat kinakailangan niyang maghari hanggang sa mailagay niya sa ilalim ng kaniyang mga paa ang lahat ng kaaway. 26 Ito ay sapagkat ang huling kaaway na pawawalan ng kapangyarihan ay ang kamatayan. 27 Ito ay sapagkat kaniya na ngang ipinasailalim sa kaniyang mga paa ang lahat ng mga bagay. Ngunit nang sabihin niya na ang lahat ng mga bagay ay ipinasailalim niya, maliwanag na siya na magpasailalim ng lahat ng mga bagay ay hindi kasama. 28 Kapag ang lahat ng mga bagay ay mapasailalim na niya, ang Anak din naman ay mapapasailalim sa Ama na nagpasailalim ng lahat ng mga bagay sa kaniya. Ito ay upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.
29 Kung hindi gayon, ano pa ang gagawin nila na mga nabawtismuhan alang-alang sa mga patay kung hindi rin lang ibabangon ang mga patay? Bakit pa sila binawtismuhan alang-alang sa mga patay? 30 At bakit nasa panganib tayo bawat oras? 31 Masasabi ko, ayon sa aking pagmalalaki patungkol sa inyo na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon, na namamatay ako araw-araw. 32 Kung ayon sa paraan ng tao ako ay nakikipaglaban sa mga mababangis na hayop sa Efeso, ano ang kapakinabangan sa akin kung ang patay ay hindi ibabangon? Kumain tayo, uminom tayo, sapagkat sa kinabukasan tayo ay mamamatay. 33 Huwag kayong magpadaya. Ang masamang kasama ay sumisira sa magandang pag-uugali. 34 Gumising kayo na may katuwiran at huwag magkasala sapagkat ang iba ay hindi nakakakilala sa Diyos. Nagsasalita ako para sa inyong kahihiyan.
Ang Katawang Binuhay Muli ng Diyos
35 Subalit maaaring may magsabi: Papaano ibinabangon ang mga patay? At ano ang magiging katawan nila?
36 Ikaw na hangal, anuman ang iyong itanim, hindi ito mabubuhay maliban ito ay mamatay. 37 Anuman ang iyong itanim, hindi mo itinatanim ang magiging katawan noon. Ang itinatanim ay ang butil, ito ay maaaring butil ng trigo o anumang ibang butil. 38 Ang Diyos ang siyang nagbibigay ng katawan ayon sa kaniyang kalooban, at sa bawat isang binhi ay binibigyan niya ng sariling katawan. 39 Hindi lahat ng laman ay magkatulad na laman. Iba ang laman ng tao, iba ang sa hayop, iba ang sa isda at iba naman ang sa ibon. 40 May katawan na panlangit at mayroon ding panlupa, ngunit iba ang kaluwalhatian ng panlangit at iba ang sa panlupa. 41 Iba ang karilagan ng araw at iba ang karilagan ng buwan. Iba ang karilagan ng mga bituin dahil ang karilagan ng isang bituin ay iba kaysa sa isang bituin.
42 Ganito rin nga ang pagkabuhay muli ng mga patay. Ito ay inililibing sa kabulukan, ito ay ibinabangon sa walang kabulukan. 43 Ito ay inililibing sa walang karangalan, ito ay ibinabangon sa kaluwalhatian. Ito ay inililibing sa kahinaan, ito ay ibinabangon sa kapangyarihan. 44 Ito ay inihasik na likas na katawan, ito ay babangon na espirituwal na katawan.
Mayroong likas na katawan at mayroong espirituwal na katawan.
45 Gayundin ang nasusulat: Ang unang tao na si Adan ay naging buhay na kaluluwa. Ang huling Adan ay espiritu na nagbibigay buhay. 46 Hindi una ang espirituwal kundi ang likas, pagkatapos ay ang espirituwal. 47 Ang unang tao ay mula sa lupa, gawa sa alabok. Ang ikalawang tao ay ang Panginoon na mula sa langit. 48 Kung ano siya na gawa sa alabok, gayundin sila na mga gawa sa alabok. Kung ano siya na panlangit, gayundin sila na panlangit. 49 Kung paano natin tinataglay ang anyo ng gawa sa alabok, gayundin natin tataglayin ang anyo ng nagmula sa langit.
50 Ngayon, ito ang sinasabi ko mga kapatid: Ang dugo at laman ay hindi makakapagmana ng paghahari ng Diyos. Maging ang kabulukan ay hindi makakapagmana ng walang kabulukan. 51 Narito, sinasabi ko sa inyo ang isanghiwaga: Hindi lahat sa atin ay matutulog ngunit lahat ay babaguhin. 52 Lahat ay babaguhin sa isang iglap, sa isangkisap mata, sa huling pagtunog ng trumpeta dahil ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay ibabangong walang kabulukan at tayo ay mababago. 53 Ito ay sapagkat kinakailangang ang may kabulukang ito ay maging walang kabulukan at ang may kamatayang ito ay maging walang kamatayan. 54 Kapag ang may kabulukan ay maging walang kabulukan at ang may kamatayan ay maging walang kamatayan, matutupad ang salitang isinulat:
Ang kamatayan ay nilamon na sa tagumpay.
55 Kamatayan, nasaan ang iyong tibo? Hades, nasaan ang iyong tagumpay?
56 Ngayon, ang tibo ng kamatayan ay kasalanan at ang lakas ng kasalanan ay ang kautusan. 57 Ngunit salamat sa Panginoon na nagbigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo.
58 Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo, hindimakilos, laging nananagana sa gawain ng Panginoon. Alam ninyo na ang inyong mga pagpapagal ay hindi walang kabuluhan sa Panginoon.
Ang Paglilikom Para sa mga Anak ng Diyos
16 Patungkol naman sa nalilikom na para sa mga banal, gawin ninyo ang tulad sa ibinilin ko sa mga taga-Galacia.
2 Tuwing unang araw ng sanlinggo, bawat isa sa inyo ay maglagak ayon sa naging pagpapala niya. Ito ay upang sa pagdating ko ay wala nang paglilikom na gagawin. 3 Kapag dumating ako, sinuman ang inyong payagan sa pamamagitan ng sulat ay aking isusugo saJerusalem upang dalhin ang inyong tulong. 4 Kung nararapat din akong pumunta, kasama nila akong pupunta.
Sariling Kahilingan
5 Pupunta ako sa inyo kapag nakadaan na ako sa Macedonia sapagkat sa Macedonia ako dadaan.
6 Maaaring tumigil ako sa inyo o maging hanggang sa taglamig upang matulungan ninyo ako saan man ako pumaroon. 7 Ito ay sapagkat hindi ko ibig na makita ko kayo ngayon sa aking pagdaan, ngunit umaasa akong makapanatili ng ilang panahon kasama ninyo, kung pahihintulutan ng Panginoon. 8 Ngunit ako ay mananatili sa Efeso hanggang sa Pentecostes. 9 Ito ay sapagkat isang malaki at mabisang daan ang binuksan sa akin doon at marami ang humahadlang.
10 Kapag dumating diyan si Timoteo, tiyakin ninyo na makakasama ninyo siya ng walang pagkatakot sapagkat gawain ng Panginoon ang kaniyang ginagawa, tulad ng ginagawa ko. 11 Kaya nga, huwag ninyo siyang hayaang hamakin ng sinuman, sa halip, tulungan ninyo siyang makahayo nang mapayapa upang makarating siya sa akin sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid.
12 Patungkol kay kapatid na Apollos, lubos kong ipinamanhik sa kaniya na pumunta sa inyo kasama ng mga kapatid. Hindi niya kaloobang pumunta sa panahong ito ngunit pupunta siya sa inyo kapag may pagkakataon siya.
13 Magbantay kayo, tumayo kayong matatag sa pananampalataya, maging matapang kayo, magpakalakas kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay nang may pag-ibig.
15 Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid. Kilala ninyo ang sambahayan ni Estefanas. Alam ninyo na ito ang unang bunga ng Acaya at itinalaga nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga banal. 16 Ipinamamanhik ko na magpasakop din kayo sa kanila at sa bawat isang gumagawa at nagpapagal na kasama namin. 17 Ako ay nagagalak sa pagdating nina Estefanas, Fortunato at Acaico dahil ang inyong kakulangan ay pinunan nila. 18 Ito ay sapagkat napagpanibagong-sigla nila ang aking espiritu, at ang inyong espiritu kaya kilalanin nga ninyo sila.
Panghuling Pagbati
19 Binabati kayo ng iglesiya sa Asya. Lubos kayong binabati nina Aquila at Priscilla kasama ang iglesiya na nasa kanilang tahanan.
20 Ang lahat ng mga kapatid ay bumabati sa inyo. Magbatian kayo sa isa’t isa ng banal na halik.
21 Ito ang pagbati ko, akong si Pablo, sa pamamagitan ng sarili kong kamay.
22 Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoong Jesucristo, sumpain siya. Maranatha![a]
23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesucristo.
24 Sumainyo ang aking pag-ibig sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International