Beginning
1 Akong si Pablo ay isang apostol ni Jesucristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus. 2 Ako ay sumusulat sa iyo, O Timoteo, ang minamahal kong anak.
Ang Diyos Ama at si Cristo Jesus na ating Panginoon ang magkakaloob sa iyo ng biyaya, kahabagan at kapayapaan.
Pinapayuhan ni Pablo si Timoteo na Maging Matapat
3 Nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi, tulad ng paglilingkod ng aking mga ninuno. Kapag ako ay nananalanging may paghiling gabi at araw, lagi kitang naaala-ala.
4 Kapag naaala-ala ko ang iyong mga luha, labis akong nananabik na makita ka upang mapuspos ako ng kagalakan. 5 Naaala-ala ko ang pananampalataya mong walang pagkukunwari na unang nanahan sa iyong lola Loida at sa iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nananahan din ito sa iyo. 6 Dahil dito, pinaaalalahanan kita na pagningasin mong muli ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpatong ko ng aking mga kamay sa iyo. 7 Ito ay sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng pagkatakot, sa halip, binigyan niya tayo ng espiritu ng kapangyarihan at ng pag-ibig at ng maayos na pag-iisip.
8 Kaya nga, huwag kang mahiya sa patotoo patungkol sa ating Panginoon, ni sa akin na isang bilanggo. Subalit dahil sa ebanghelyo, makibahagi kang kasama ko sa kahirapan ayon sa kapangyarihan ng Diyos. 9 Siya ang nagligtas at tumawag sa atin sa pamamagitan ng isang banal na pagtawag, hindi dahil sa ating mga gawa ngunit ayon sa kaniyang sariling layunin at biyaya. Ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa man nagsimula ang panahon. 10 Ngunit ngayon, ito ay nahayag sa pamamagitan ng pagdating ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Pinawalang-bisa niya ang kapangyarihan ng kamatayan at dinala niya ang buhay at ang kawalan ng kamatayan sa liwanag ng ebanghelyo. 11 Dito ay itinalaga ako na maging isang tagapangaral, isang apostol at isang guro para sa mga Gentil. 12 Dahil dito, nagtitiis ako sa mga bagay na ito. Ngunit hindi ako nahihiya. Ang dahilan nito ay kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong kaya niyang ingatan ang inilagak ko sa kaniya hanggang sa araw na iyon.
13 Panatilihin mong maging huwaran ng mapagkakatiwalaang salita na iyong narinig mula sa akin. Panatilihin mo ito sa pananampalataya at sa pag-ibig na na kay Cristo Jesus. 14 Ingatan mo ang mabuting bagay na inilagak ko sa iyo. Bantayan mo ito sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin.
15 Alam mo na iniwan ako ng lahat ng taga-Asya, kabilang sina Figelo at Hermogenes.
16 Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo. Ang dahilan nito ay maraming ulit niya akong pinasiglang muli at hindi niya ikinahiya ang aking pagiging bilanggo. 17 Noong siya ay nasa Roma, pinagsikapan niya akong hanapin at natagpuan niya ako. 18 Maging kalooban nawa ng Panginoon na makatagpo siya ng habag mula sa Panginoon sa araw na iyon. Higit mong nalalaman kung gaano siya naglingkod ng lubos sa Efeso.
2 Kaya nga, anak ko, magpakatibay ka sa biyaya na na kay Cristo Jesus. 2 Narinig mo ang maraming bagay na aking sinabi sa harapan ng maraming saksi. Ipagkatiwala mo ang mga bagay na ito sa mga lalaking mapagkakatiwalaan na makakapagturo rin naman sa iba. 3 Kaya nga, tiisin mo ang lahat ng hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Jesucristo. 4 Hindi isinasangkot ng naglilingkod bilang isang kawal ang kaniyang buhay sa mga bagay ng buhay na ito. Ito ay upang mabigyan niya ng kasiyahan ang nagtala sa kaniya bilang isang kawal. 5 Gayundin naman, kung ang sinuman ay nakikipagpaligsahan sa palaro, kung hindi siya makikipagpaligsahan ayon sa alituntunin, siya ay hindi bibigyan ng gantimpalang-putong. 6 Ang nagpapagal na magsasaka ang dapat munang makinabang sa kaniyang mga ani. 7 Pakaisipin mo ang mga sinasabi ko at bibigyan ka nawa ng Panginoon ng pang-unawa sa lahat ng bagay.
8 Alalahanin mo na si Jesucristo ay mula sa angkan ni David, na ibinangon mula sa mga patay ayon sa aking ebanghelyo. 9 Dahil dito, tiniis ko ang mga paghihirap kahit sa pagkabilanggo tulad sa isang manggagawa ng kasamaan. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi matatanikalaan. 10 Dahil dito, tiniis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga pinili, upang sila ay magtamo rin naman ng kaligtasan na na kay Cristo Jesus na may walang hanggang kaluwalhatian.
11 Ito ay mapagkakatiwalaang pananalita sapagkat kung tayo ay namatay na kasama niya, tayo rin naman ay mabubuhay na kasama niya. 12 Kung tayo ay maghihirap, tayo rin naman ay maghaharing kasama niya. Kung ipagkakaila natin siya, ipagkakaila rin niya tayo. 13 Kung hindi tayo mapagkakatiwalaan, siya ay nananatiling mapagkakatiwalaan. Hindi niya maipagkakaila ang kaniyang sarili.
Manggagawang Minarapat ng Diyos
14 Patuloy mong ipaala-ala sa kanila ang mga bagay na ito. Mahigpit mong iutos sa kanila, sa harapan ng Diyos, na huwag silang makikipagtalo patungkol sa mga salita na walang kabuluhan at nakakapagpahamak sa mga nakikinig.
15 Pagsikapan mong mabuti na iyong iharap ang iyong sarili na katanggap-tanggap sa Diyos, isang manggagawa na walang dapat ikahiya, na itinuturo ng tama ang salita ng katotohanan. 16 Ngunit layuan mo ang usapang walang kabuluhan at mapaglapastangan sa Diyos sapagkat ang ganitong usapan ay nagbubunsod sa hindi pagkakilala sa Diyos. 17 Ang katuruan ng mga gumagawa nito ay kumakalat na parang kanggrena. Sina Himeneo at Fileto ay kabilang dito. 18 Sila ay sumala sa katotohanan. Sinasabi nila: Naganap na ang muling pagkabuhay. Sa ganyang paraan ay itinataob nila ang pananampalataya ng ilan. 19 Gayunman, ang matatag na saligan ng Diyos ay nakatindig nang matibay. Ito ang nakatatak dito:
Kilala ng Panginoon ang kabilang sa kaniya. Lumayo sa kalikuan ang bawat isang sumasambit sa pangalan ni Cristo.
20 Ngunit sa isang malaking bahay, hindi lamang mga kasangkapang gawa sa ginto at pilak ang naroon, subalit may mga kasangkapan ding gawa sa kahoy at putik. Ang ilang kasangkapan ay ginagamit sa pagpaparangal, ang iba ay ginagamit sa hindi pagpaparangal. 21 Kaya nga, kung nilinis ng isang tao ang mga bagay na ito na nasa kaniyang sarili, siya ay magiging kasangkapang kagamit-gamit sa pagpaparangal, pinaging-banal, kapaki-pakinabang siya sa kaniyang panginoon at nakahanda para sa bawat mabuting gawa.
22 Ngunit takasan mo ang masasamang nasa ng kabataan. Pagsikapan mong maabot ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig at kapayapaan kasama ang mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso. 23 Tanggihan mo ang mangmang at mga hangal na pagtatalo. Alam mong ang mga ito ay nagbubunga ng mga paglalaban-laban. 24 Ang pakikipag-away ay hindi nababagay sa isang alipin ng Panginoon. Sa halip, siya ay maging mabait sa lahat, handang makapagturo at matiisin sa iba. 25 Kailangan niyang turuan ng may kababaang-loob ang mga sumasalungat sa kaniya. Marahil ay maging kalooban ng Diyos na magsisi sila at sila ay makaalam sa katotohanan. 26 At sila ay magigising at tatakas mula sa silo ng diyablo, na bumihag sa kanila upang sumunod sa kaniyang kalooban.
Kawalan ng Pagsamba sa Mga Huling Araw
3 Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw, daratingang magulong panahon.
2 Ito ay sapagkat ang tao ay magigimg maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, hindi mapagpasalamat, hindi banal. 3 Sila ay walang pag-ibig, hindi mapagpatawad, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabagsik, hindi mapagmahal sa kabutihan. 4 Sila ay mga taksil, mga hindi mapigil at mga mapagpalalo. Iniibig nila ang kalayawan kaysa sa ibigin nila ang Diyos. 5 Sila ay may anyo ng pagkamaka-Diyos ngunit ipinagkakaila ang kapangyarihan nito. Iwasan mo ang mga taong ito.
6 Ito ay sapagkat ang ganitong mga tao ang pumapasok sa bahay sa pamamagitan ng panlilinlang at binibihag ang mga babaeng mahihina ang kaisipan. Ang mga kasalanan ay nagpapabigat sa mga babaeng ito at inililigaw sila ng lahat ng uri ng pagnanasa. 7 Sila ay laging nag-aaral ngunit hindi sila kailanman makakaalam ng katotohanan. 8 Kung paanong si Janes at Jambres ay sumalungat kay Moises, gayundin ang pagsalungat sa katotohanan ng mga taong ito na may mga kaisipang napakasama. Patungkol sa pananampalataya, sila ay nasumpungang walang kabuluhan. 9 Ngunit sila ay hindi makakasulong pa. Ito sapagkat kung paanong nakita ng lahat ang kamangmangan nina Janes at Jambres, makikita rin ng lahat ang kamangmangan ng mga ito.
Ang Bilin ni Pablo kay Timoteo
10 Ngunit maingat mong sinunod ang mga itinuro ko, ang aking pamamaraan sa buhay, ang aking layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at pagtitiis.
11 Alam mo ang aking mga pag-uusig at ang aking mga kahirapan. Alam mo ang mga bagay na nangyari sa akin sa Antioquia, sa Iconio at sa Listra. Alam mo kung anong uri ng pag-uusig ang aking binata. Iniligtas ako ng Panginoon mula sa lahat ng ito. 12 At lahat nga ng ibig na mamuhay kay Cristo ng may pagkamaka-Diyosay uusigin. 13 Ngunit ang mga taong masasama at mga mapagpakunwari ay higit pang sasama. Inililigaw nila ang iba at ililigaw din sila ng iba. 14 Ngunit ikaw ay manatili sa mga bagay na iyong natutunan at sa mga bagay na nakakatiyak ka, sapagkat kilala mo kung kanino mo ito natutuhan. 15 Mula ng ikaw ay sanggol pa lamang, alam mo na ang banal na mga kasulatan na makakapagbigay ng karunungan sa iyo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Kinasihan ng Diyos ang bawat kasulatan. Ang mga ito ay mapakikinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagsasanay sa katuwiran. 17 Ito ay upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, na naihandang lubos sa mga mabubuting gawa.
4 Inuutusan kita sa harap ng Diyos at sa harapan ng Panginoong Jesucristo, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay sa kaniyang pagpapakita at paghahari. 2 Ipangaral mo ang salita. Maging handa ka sa mabuting panahon o sa hindi mabuting panahon. Manumbat ka, magsaway ka, manghikayat kang may katapatan at pagtuturo. 3 Ito ay sapagkat ang panahon ay darating na ang mga tao ay ayaw nang tumanggap ng mabuting katuruan. Sa halip, ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa, mag-iipon sila ng mga guro para sa kanilangmga sarili. Magtuturo sila kung ano ang nais ng kanilang nangangating tainga. 4 Itatalikod nila ang kanilang mga tainga mula sa katotohanan. Babaling sila sa mga alamat. 5 Ngunit ikaw, maging maayos ang iyong pag-iisip sa lahat ng mga bagay. Tiisin mo ang lahat ng kahirapan. Gawin mo ang gawain ng isang mangangaral ng ebanghelyo. Ganapin mong lubusan ang iyong paglilingkod.
6 Ito ay sapagkat ibinuhos na ako tulad ng isang handog. Sumapit na ang panahon ng aking pag-alis. 7 Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka. Natapos ko na ang takbuhin. Naingatan kong lubusan ang pananampalataya. 8 Kaya nga, ang Diyos ay naglaan para sa akin sa itaas ng isang gantimpalang putong ng katuwiran. Ang Panginoon na siyang matuwid na tagahatol ang magbibigay sa akin nito sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa kanila na nagmamahal sa kaniyang pagpapakita.
Mga Sariling Habilin
9 Sikapin mong makaparito sa akin sa lalong madaling panahon.
10 Ito ay sapagkat pinabayaan ako ni Demas at siya ay pumunta sa Tesalonica dahil inibig niya ang kasalukuyang sanlibutang ito. Si Cresente ay pumunta sa Galacia. Si Tito ay pumunta sa Dalmacia. 11 Si Lucas lamang ang naiwang kasama ko. Si Marcos ay isama mo sa iyong pagparito sapagkat siya ay mahalaga sa akin para sa paglilingkod. 12 Ngunit si Tiquico ay pinapunta ko sa Efeso. 13 Sa pagparito mo, dalhin mo ang balabal na aking iniwan kay Carpo sa Troas at ang mga aklat, lalong lalo na ang mga balat ng hayop na sinusulatan.
14 Ginawan ako ng napakaraming kasamaan ni Alexander na panday. Gantihan nawa siya ng Panginoon ayon sa kaniyang mga gawa. 15 Mag-ingat ka sa kaniya sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang aming mga salita.
16 Sa aking unang pagtatanggol, walang sinumang sumama sa akin sa halip ay pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawa itong ibilang laban sa kanila. 17 Ngunit ang Panginoon ang kasama ko at nagbigay sa akin ng kakayanan upang makapangaral ako ng lubusan at upang marinig ito ng mga Gentil. Sinagip niya ako mula sa bibig ng leon. 18 At sasagipin ako ng Panginoon mula sa lahat ng masasamang gawa. Ililigtas niya ako para sa kaniyang makalangit na paghahari. Sumakaniya ang kaluwalhatian magpakailan pa man. Siya nawa.
Panghuling Pagbati
19 Batiin mo sina Priscila at Aquila at ang mga tao sa sambahayan ni Onesiforo.
20 Si Erasto ay nanatili sa Corinto. Dahil si Trofimo ay may sakit, iniwan ko siya sa Mileto. 21 Sikapin mong makaparito bago mag-taglamig. Binabati ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid.
22 Sumaiyong espiritu nawa ng Panginoong Jesucristo. Sumaiyo ang biyaya. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International