Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Hebreo 7-10

Si Melquisedec ang Pinakapunong-saserdote

Ang Melquisedec na ito ay hari ng Salem at siya ay naging saserdote ng kataas-taasang Diyos. Nasalubong niya si Abraham pagkatapos niyang maipalipol ang mga hari at pinagpala niya siya.

Ibinigay ni Abraham sa kaniya ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya. Ayon sa kahulugan ng kaniyang pangalan, na una sa lahat ay ang hari ng katuwiran, siya rin naman ay hari ng Salem, na hari ng kapayapaan. Wala siyang ama o ina, wala siyang talaan ng mga angkan. Ang kaniyang mga taon ay walang simula, ang kaniyang buhay ay walang wakas. Siya ay natutulad sa anak ng Diyos. Siya ay nanatiling saserdote magpakailanman.

Ngayon, isipin natin kung gaano kadakila ang taong ito, na maging si Abraham na ating ninuno ay nagbigay sa kaniya ng ikapu sa kaniyang mga samsam. Ang mga anak nga ni Levi na naging mga saserdote ay may kautusan na kumuha ng ikapu mula sa mga tao. Ito ay ang kaniyang mga kapatid bagaman sila ay nagmula sa baywang ni Abraham. Ngunit siya na ang angkan ay hindi nanggaling sa kanila ay kumuha ng ikapu mula kay Abraham at siya na tumanggap ng mga pangako ay kani­yang pinagpala. Ngunit walang pagtatalo na ang nakakababa ay pinagpala sa pamamagitan niya na nakakahigit. At dito, ang mga taong tumatangap ng ikapu ay namamatay. Ngunit sa kabilang dako, siya ay tumatanggap ng ikapu at mayroon siyang patooo na siya ay buhay. Marahil, maaaring masabi ng sinuman na maging si Levi na kumukuha ng ikapu ay nagbayad ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham. 10 Sapagkat nang salubungin ni Melquisedec si Abraham, si Levi ay nasa baywang pa ng kaniyang ninuno.

Si Jesus ay Tulad ni Melquisedec

11 Nang ibigay ng Diyos ang kautusan sa mga tao, ito ay nakabatay sa gawaing pagiging saserdote na nauukol sa mga angkan ni Levi. Hindi ba totoo na kung ang pagiging-ganap ay sa pamamagitan ng gawain ng pagiging saserdoteng iyon, hindina kailangang magkaroon ng iba pang saserdote? Gayunman, itinalaga ng Diyos ang saserdote na ito ayon sa pangkat ni Melquisedec at hindi ayon sa angkan ni Aaron.

12 Sapagkat nang baguhin ng Diyos ang pagkasaserdote, kinakailangang baguhin din niya ang kautusan. 13 Sapagkat siya, na tinutukoy ng mga bagay na ito, ay kabahagi ng ibang lipi, kung saan ay walang sinuman ang naglingkod sa dambana. 14 Sapagkat malinaw na ang ating Panginoon ay nagmula sa lipi ni Juda. At nang tukuyin ni Moises ang liping ito, siya ay walang binanggit patungkol sa mga pagkasaserdote. 15 Kung may lilitaw na bagong saserdote na katulad ni Melquisedec, lalo itong nagiging malinaw. 16 Ito ay hindi nakabatay ayon sa makalamang kautusan, kundi sa kapangyarihan ng buhay na kailanman ay hindi masisira. 17 Sapagkat pinatotohanan ng kasulatan:

Ikaw ay isang saserdote magpakailanman, ayon sa uri ni Melquisedec.

18 Sapagkat ang dating kautusan ay isina isangtabi dahil ito ay mahina at walang kabuluhan. 19 Sapagkat walang napapa­ging-ganap ang kautusan. Sa kabilang dako, mayroong pagpapa­kilala ng lalong mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito, tayo ay lumalapit sa Diyos.

20 Ito ay hindi ginawa ng walang panunumpa. 21 Sa isang dako, sila ay naging saserdote ng walang panunumpa, sa kabi­lang dako si Jesus ay naging saserdote ng may panunumpa sa pamamagitan niyaong nagsasabi sa kaniya:

Ang Panginoon ay sumumpa at hindi magsisisi. Ikaw ay saserdote magpakailanman ayon sa uri ni Melquisedec.

22 Sa pamamagitan nito, si Jesus ang naging katiyakan ng isang lalong higit na mabuting tipan.

23 Sa isang dako, dahil pinigilan sila ng kamatayan upang magpatuloy, kinakailangan ang maraming saserdote. 24 Sa kabi­lang dako naman, dahil si Jesus ay nabubuhay magpakailanman, siya ay may pagkasaserdoteng mananatili magpakailanman. 25 Kaya nga, ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya ay maililigtas niya nang lubusan, yamang siya ay nabubuhay magpakailanman upang siya ay mamagitan sa kanila.

26 Sapagkat nararapat na ibigay sa atin ang ganitong uri ng pinakapunong-saserdote. Siya ay banal, walang kapin­tasan at malinis. Siya ay nahihiwalay sa mga makasalanan at itinaas siya ng Diyos na mataas pa sa kalangitan. 27 Siya ay hindi natutulad sa ibang mga pinunong-saserdote na kailangang maghandog ng mga handog araw-araw, una para sa kaniyang mga kasalanan. At pagkatapos ay maghahandog sila ng mga handog para sa mga kasalanan ng ibang tao. Sapagkat kaniyang ginawa ito nang minsan at magpa­kailanman, nang ihandog niya ang kaniyang sarili. 28 Sapagkat ang kautusan ay nagtatalaga ng mga pinunong-saserdote na mga taong may kahinaan. Ngunit ang salita ng panunumpa na dumating pagkatapos ng kautusan ay nagtalaga sa anak na pinaging-ganap magpaka­ilanman.

Si Jesus ang Pinakapunong-saserdote ng Bagong Tipan

Ngayon, ito ang buod ng mga bagay na sinasabi. Mayroon tayong gayong pinakapunong-saserdote na nakaupo sa kanan ng trono ng kamahalan sa mga kalangitan.

Siya ay naglilingkod sa banal na dako at tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.

Sapagkat ang bawat pinunong-sasedote na itinalaga upang makapaghandog ng mga kaloob at mga handog, kinakailangan na ang pinakapunong-saserdoteng ito ay magkaroon din ng maihahandog. Sapagkat kung narito siya sa lupa, hindi siya magiging isang saserdote dahil may ibang mga saserderdote na naririto na naghahandog ng mga kaloob ayon sa kautusan. Sila ay naglilingkod sa isang tabernakulo na isang larawan at isang anino ng nasa kalangitan. Kaya nang si Moises ay handa na upang magtayo ng tabernakulo, nagbabala ang Diyos sa kaniya. Sinabi niya: Tiyakin mong gawin ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok. Ngunit ngayon si Jesus ay nagtamo ng isang higit na dakilang paglilingkod, yamang siya ay tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti. Ang tipang ito ay natatag sa lalong mabuting pangako.

Sapagkat kung ang unang tipan ay walang kakulangan, hindi na sana naghahanap pa ng lugar para sa ikalawang tipan. Sapagkat nakita ng Diyos ang pagkukulang sa kanila, na sinasabi:

Akong Panginoon ang nagsasabi: Narito, duma­rating ang mga araw. Itatatag ko ang isang bagong tipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda.

Ito ay hindi tulad sa lumang tipan na aking ginagawa sa kanilang mga ninuno, sa araw nang akayin ko sila at inilabas sa bayan ng Egipto. Dahil hindi sila naging tapat sa aking tipan, kaya pinabayaan ko sila. 10 At akong Panginoon ang nagsasabi: Ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ni Israel pagkaraan ng mga araw na yaon. Ilalagay ko aking mga ang kautusan sa kanilang mga isip at isusulat ko din ang mga ito sa kanilang mga puso. At ako ay magiging Diyos nila at sila ay magiging mga tao ko. 11 Wala nang magtuturo sa kaniyang kapwa o sa kaniyang kapatid: Kila­lanin mo ang Panginoon. Sapagkat makikilala ako ng lahat, maging ng mga dakila at hindi dakila. 12 Sapagkat kahahabagan ko sila sa kani­lang mga kalikuan at hindi ko na alalahanin pa ang kanilang mga kasalanan at hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.

13 Nang sabihin niya: Isang bagong tipan, pinaging luma niya ang unang tipan. Ito ngayon ay tumatanda na at malapit nang mawala.

Pananambahan sa Loob ng Tabernakulo na Nasa Lupa

Ngayon nga ang unang tipan ay may mga tuntunin sa pagsamba at mayroon ding isang banal na dako sa lupa.

Ito ay sapagkat ang mga tao ay nagtayo ng isang tabernakulo. Tinawag nila ang unang silid na banal na dako. Dito nila inilalagay ang lagayan ng ilawan, ang mesa at ang tinapay na inilagay sa harap ng Diyos. At sa likuran ng ikalawang tabing ay isang silid na tinatawag nilang kabanal-banalang dako. Ito ay mayroong isang ginintuang dambana ng kamangyang at kaban ng tipan na ang bawat bahagi ay binalot ng ginto. Naglalaman ito ng sisidlang ginto na may lamang mana, ang tungkod ni Aaron na umusbong at ang tapyas ng bato ng tipan. Ang lugar ng kasiya-siyang handog ay nasa ibabaw ng kaban ng tipan at sa ibabaw noon ay kerubin ng kaluwalhatian. Ngunit hindi natin ngayon mapag-usapan ang mga bagay na ito nang isa-isa.

Kapag ang lahat ng bagay ay maihanda na nang ganito, ang mga saserdote ay laging pumapasok sa unang silid upang gampanan ang kanilang paglilingkod. Ngunit ang pinaka­punong-saserdote lang ang pumapasok sa ikalawang silid minsan lang sa isang taon at lagi siyang may dalang dugo. Inihahandog niya ang dugo para sa kaniyang sarili at para sa mga nagawang kasalanan ng mga tao na hindi nila nalalaman. Ito ang ipinakikita ng Banal na Espiritu: Habang ang unang tabernakulo ay naroroon pa, hindi pa binubuksan ng Diyos ang daang patungo sa kabanal-banalang dako. Ito ay pagsasa­larawan para sa kasalu­kuyang panahon kung saan ang mga kaloob at mga hain na kanilang inihandog ay hindi makaka­paglinis ng budhi ng sumasamba. 10 Ang mga ito ay binubuo ng pagkain at inumin at mga natatanging paraan ng paglubog at mga alituntunin ng tao. Iniutos ito ng Diyos hanggang sa panahon na babaguhin niya ang mga bagay.

Ang Dugo ni Cristo

11 Ngunit si Cristo ay naging pinakapunong-saserdote ng magandang mga bagay na darating. Siya ay pumasok sa higit na mahalaga at lalong ganap na tabernakulo na hindi ginawa ng mga kamay ng mga tao at hindi ito bahagi ng nilikhang ito.

12 Pumasok siya, hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing o guya kundi sa pamamagitan ng sarili niyang dugo. At nang maganap na niya ang walang hanggang katubusan, pumasok siya sa kabanal-banalang dako nang minsan lamang at magpakailanman. 13 Ang dugo ng mga toro at ng kambing at ang abo ng dumalagang baka, na iwiniwisik doon sa mga marurumi, ay nagpapabanal sa ikalilinis ng laman. 14 Gaano pa kaya ang dugo ni Jesus na makakapaglinis ng inyong budhi mula sa mga patay na gawa upang maglingkod sa buhay na Diyos. Inihandog niya ang kaniyang sarili sa Diyos nang walang kapintasan sa pamamagitan ng tulong ng walang hanggang Espiritu.

15 Dahil dito, siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan upang matubos niya sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan ang mga lumabag sa unang tipan. Ngayon, ang mga tinawag ng Diyos ay tatanggap ng walang hanggang mana na ipinangako niya.

16 Sapagkat kung saan naroon ang isang tipan, kinaka­ilangan ang gumawa ng tipan ay mamatay. 17 Sapagkat pagka­matay ng isang tao, ang isang tipan ay magiging mabisa. Habang ang taong gumawa nito ay nabubuhay pa, wala itong bisa. 18 Iyan ang dahilan kung bakit pinagtibay ang unang tipan sa pamamagitan ng dugo. 19 Sapagkat nangusap si Moises sa bawat tuntunin ng kautusan sa lahat ng taong naroroon. Pagkatapos nito ay dinala niya ang dugo ng mga guya at kambing na may kahalong tubig, pulang lana at sanga ng isopo at winisikan niya ang aklat ng kautusan at ang lahat ng taong naroroon. 20 Sinabi niya: Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos para sa inyo. 21 Gayundin naman, winisikan niya ng dugo ang tabernakulo at lahat ng sisidlan na ginamit nila sa paglilingkod. 22 At ayon sa kautusan na halos ang lahat ng bagay ay nalilinis sa pamamagitan ng dugo. Kung walang pagkabuhos ng dugo, walang kapatawaran.

23 Upang malinis nila ang larawan ng mga bagay sa langit, kailangang ihandog nila ang mga ito. Sa kabilang dako naman, ang mga makalangit na bagay ay nangangailangan ng mga haing higit sa mga ito. 24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa kabanal-banalang dako, na ginawa ng mga kamay ng mga tao, na larawan lamang ng tunay na dako. Subalit siya ay pumasok sa langit mismo upang siya ay humarap sa Diyos alang-alang sa atin. 25 Sapagkat hindi na kinakailangang si Cristo ay maghandog ng kaniyang sarili nang madalas katulad ng mga pinakapunong-saserdote na pumapasok sa kabanal-banalang dako sa bawat taon na taglay ang dugo na hindi naman sa kanila. 26 Kung gayon nga, hindi na kinakailangang maghirap siya nang maraming ulit simula pa nang ang sanli­butan ay itinatag. Ngunit upang pawiin niya ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sarili, ngayon siya ay nagpakita minsan lamang sa wakas ng mga kapanahunan. 27 Itinakda na minsan lamang mamatay ang tao at pagkatapos nito ay ang kahatulan. 28 Sa ganoong paraan, upang batahin niya ang mga kasalanan ng marami, inihandog ni Cristo ang kaniyang sarili nang minsan lamang. Siya ay magpapakita sa ikalawang pagkaka­taon doon sa mga masiglang naghihintay sa kaniya hindi upang batahin ang kasalanan kundi para sa kaligtasan.

Ang Hain ni Cristo ay Minsanan Lang

10 Ang kautusan ay isang anino ng mabubuting bagay na darating. Hindi iyon ang wangis ng mga tunay na bagay. Bawat taon patuloy silang naghahandog ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nagpapaging-ganap sa kanila na lumalapit.

Hindi ba sila ay titigil na sa paghahandog ng mga handog? Kung minsan sila ay naghandog ng mga hain na maglilinis sa mga sumasamba, hindi na sila kailanman uusigin ng kanilang mga kasalanan. Subalit sa bawat taon ang mga haing iyon ay nagpapaala-ala sa kanila ng kanilang mga kasalanan. Sapagkat hindi maaaring maalis ng dugo ng mga baka at kambing ang mga kasalanan.

Kaya nga, nang dumating siya sa sanlibutan, sinabi niya:

Hindi mo inibig ang mga handog at mga hain. Ngunit naghanda ka ng katawan para sa akin.

Hindi ka nalugod sa mga handog na susu­nugin at mga hain para sa mga kasalanan. Pagkatapos nito, sinabi ko: Narito, dumarating ako sa balumbon ng aklat na nasulat patungkol sa akin, upang sundin ang iyong kalooban, O Diyos.

Una, sinabi niya:

Hindi mo inibig ang mga handog at mga hain. Hindi ka nalulugod sa mga handog na susu­nugin at mga hain para sa kasalanan. Ang mga ito ay hinihingi ng kautusan na ihandog.

Pagkatapos sinabi niya:

Narito, ako ay naparito upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.

Upang maitatag niya ang ikalawa, inalis niya ang una.

10 Sa pamamagitan ng kaniyang kalooban, ginagawa tayong banal sa pamamagitan ng paghandog ng katawan ni Jesucristo minsan at magpakailanman.

11 At sa bawat araw ang bawat saserdote ay tumatayo at naglilingkod. Siya ay palaging naghahandog ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi makapag-aalis ng mga kasalanan. 12 Ngunit pagkatapos niyang maghandog ng isang hain para sa mga kasalanan magpakailanaman, siya ay umupo sa kanang dako ng Diyos. 13 Mula sa panahong iyon, siya ay naghihintay hanggang mailagay na ang tuntungan ng kaniyang mga paa ang kaniyang mga kaaway. 14 Sapagkat sa pamama­gitan ng paghahandog ng isang hain, ginawa niyang ganap magpakailanman ang mga pinapaging-banal.

15 At ang Banal na Espiritu rin ang nagpatotoo sa atin, una, sinabi niya:

16 Akong Panginoon ay nagsasabi: Ito ang tipan na gagawin ko sa kanila, pagkatapos ng mga araw na iyon. Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso. At isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga kaisipan.

17 Pagkatapos nito ay sinabi niya:

Hindi ko na kailanman aalalahanin pa ang kani­lang mga kasalanan at ang kanilang mga hindi pagkilala sa kautusan ng Diyos.

18 Ngunit kung saan mayroong kapatawaran sa mga ito, hindi na kailangan pang maghandog ng mga hain para sa kasalanan.

Isang Panawagan sa Atin na Tayo ay Magtiyaga

19 Mga kapatid, yamang tayo nga ay mayroon katiyakan sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, makakapasok na tayo sa kabanal-banalang dako.

20 Siya ay nagtatag ng isang bago at buhay na daan para sa atin sa pamamagitan ng tabing na kaniyang katawan. 21 At mayroon tayong dakilang saserdote na namu­muno sa bahay ng Diyos. 22 Tayo ay lumapit na may tapat na puso at lubos na pagtitiwala ng pananampalataya dahil winisikan na Diyos ang ating mga puso upang malinis ang ating masamang budhi at gayundin hinugasan ang ating mga katawan ng dalisay na tubig. 23 Manangan tayong matibay sa pag-asang ipina­hahayag natin na walang pag-aalinlangan sapagkat siya na nangako ay matapat. 24 Isaalang-alang natin na magpalakasan tayo ng loob sa isa’t isa patungo sa pag-ibig at mga mabubuting gawa. 25 Huwag nating pabayaan ang ating pagtitipun-tipon katulad ng iba na may ganyang kaugalian. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa’t isa, lalo na, na inyong nakikita na nalalapit na ang araw.

26 Sapagkat tinanggap na natin ang kaalaman ng katoto­hanan at kung sinasadya natin ang pagkakasala, wala nang natitira pang handog para sa mga kasalanan. 27 Ang natitira na lamang ay ang kakila-kilabot na paghihintay para sa paghu­hukom at nagngangalit na apoy na siyang lalamon sa mga kaaway. 28 Kung tumatanggi ang isang tao sa kautusan ni Moises, mamamatay siya na walang kaawaan ayon sa patotoo ng dalawang o tatlong saksi. 29 Ang isang tao na tumatanggi sa Anak ng Diyos at itinuring na marumi ang dugo ng tipan na naglinis sa kaniya at tumatanggi sa Espiritu na nagbibigay ng biyaya, kung ginagawa niya ang mga ito, gaanong bigat na parusa sa palagay ninyo ang tatanggapin niya? 30 Sapagkat kilala natin siya na nagsabi: Akin ang paghihiganti. Ako ang gaganti, sabi ng Panginoon. At muli, sinabi niya: Ang Pangi­noon ang hahatol sa kaniyang mga tao. 31 Kung ang isa ay mahulog sa mga kamay ng buhay na Diyos, ito ay kakila-kilabot na bagay.

32 Ngunit alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan. Pagkatapos ninyong tanggapin ang liwanag, nagbata kayo ng mahigpit na pakikibaka sa mga paghihirap. 33 Sa isang dako, hayagan kayong inalipusta at inusig. Sa kabilang dako naman, nakasama kayo ng mga nakaranas ng gayong paghihirap. 34 Sapagkat dinamayan ninyo ako nang ako ay nasa kulungan. At nang kamkamin nila ang inyong ari-arian, tinanggap ninyo ito na may kagalakan, yamang nalalaman ninyo na mayroon kayong higit na mabuti at walang hanggang pag-aari sa langit.

35 Kaya nga, huwag ninyong itakwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. 36 Sapagkat kailangan ninyo ang pagtitiis upang pagkatapos maisagawa ang kalooban ng Diyos ay matanggap ninyo ang kaniyang pangako. 37 Sapagkat sa napa­ikling panahon na lamang:

Siya na paparito ay darating na at hindi siya magtatagal.

38 Ngunit ang matuwid ay mabu­buhay sa pamamagitan ng pananampalataya. At kung siya ay tumalikod, hindi malulugod ang aking kaluluwa sa kaniya.

39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumalikod patungo sa pagkawasak. Sa halip tayo ay kabilang sa mga sumasam­palataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International