Beginning
Si Jesus ay Umakyat sa Langit
1 O Teofilo, ako ay sumulat ng unang salaysay patungkol sa lahat ng sinimulang ginawa at itinuro ni Jesus.
2 Siya ay gumawa at nagturo hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas. Nangyari ito pagkatapos niyang magbigay, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ng mga utos sa mga apostol na kaniyang pinili. 3 Pagkatapos ng kaniyang paghihirap, nagpakita rin siyang buhay sa kanila sa pamamagitan ng maraming katibayan. Siya ay nakita nila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita siya ng mga bagay patungkol sa paghahari ng Diyos. 4 Sa pakikipagtipon niya sa kanila, siya ay nag-utos sa kanila: Huwag kayong umalis sa Jerusalem, sa halip ay hintayin ninyo ang pangako ng Ama na inyong narinig mula sa akin. 5 Ito ay sapagkat totoong si Juan ay nagbawtismo sa tubig ngunit kayo ay babawtismuhan sa Banal na Espiritu ilang araw pa mula ngayon.
6 Nang sila nga ay nagkatipun-tipon, nagtanong sila sa kaniya: Panginoon, ibabalik mo bang muli ang paghahari sa Israel sa panahong ito?
7 Sinabi niya sa kanila: May oras o mga panahon na inilagay ng Ama sa sarili niyang kapamahalaan. Ang pagkaalam sa mga ito ay hindi para sa inyo. 8 Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating na sa inyo ang Banal na Espiritu. Kayo ay magiging mga patotoo sa akin sa Jerusalem, sa buong Judea, sa Samaria at sa pinakamalayong bahagi ng lupa.
9 Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, habang sila ay nakamasid, siya ay dinala paitaas. At ikinubli siya ng isang ulap sa kanilang paningin.
10 Nang nakatitig sila, habang siya ay pumapaitaas, narito, dalawang lalaki na nakaputing damit ang tumayo sa tabi nila. 11 Sinabi ng dalawang lalaki: Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatitig sa langit? Itong si Jesus na dinala sa langit mula sa inyo ay babalik din katulad ng pagpunta niya sa langit na inyong nakita.
Pinili si Matias Bilang Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos nito, sila ay bumalik sa Jerusalem mula sa bundok na tinatawag na mga puno ng Olibo, na malapit sa Jerusalem. Ito ay lakbaying makakaya sa isang araw ng Sabat.
13 At nang makapasok na sila, umakyat sila sa silid sa itaas. Doon nanunuluyan sina Pedro, Santiago, Juan, Andres, Felipe, Tomas, Bartolomeo, Mateo at Santiago na anak ni Alfeo. Gayundin si Simon na Makabayan at si Judas na kapatid ni Santiago. 14 Silang lahat ay matatag na nagpatuloy na nagkakaisa sa pananalangin at paghiling. Kasama nila ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus. Kasama rin nila ang mga lalaking kapatid ni Jesus.
15 At sa mga araw na iyon, si Pedro ay tumindig sa kalagitnaan ng mga alagad. Ang bilang ng pangalan ng mga nagtipon ay halos isangdaan at dalawampu. 16 Sinabi niya: Mga kapatid, kinakailangang maganap ang kasulatang ito na sinabi ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng bibig ni David. Ito ay ang patungkol kay Judas na naging gabay ng mga dumakip kay Jesus. 17 Ito ay sapagkat siya ay napabilang sa atin at nagkaroon ng bahagi sa paglilingkod na ito.
18 Ang lalaking ito ay bumili ng isang parang mula sa kabayaran ng kalikuan. Doon ay bumagsak siya na nauna ang ulo. Bumuka ang kaniyang katawan at sumambulat ang lahat ng kaniyang bituka. 19 Ito ay nalaman ng lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem. Sa ganito tinawag ang parang na iyon sa kanilang wika na Akeldama. Ang kahulugan nito ay parang ng dugo.
20 Ito ay sapagkat sinasabi ng kasulatan sa aklat ng mga Awit:
Hayaang ang kaniyang tahanan ay maging mapanglaw. Huwag patirahin ang sinuman doon. Hayaang kunin ng iba ang kaniyang pamamahala.
21 Kaya nga, kinakailangang pumili tayo sa mga lalaking nakasama sa buong panahon na ang Panginoong Jesus ay pumaparoon at pumaparitong kasama natin. 22 Kailangang nakasama natin siya mula sa pagbabawtismo ni Juan hanggang sa araw na siya ay dinala paitaas mula sa atin. Pipiliin natin ang isa sa kanila upang maging kasama nating tagapagpatotoo patungkol sa kaniyang pagkabuhay na mag-uli.
23 At nagmungkahi sila ng dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas na ang palayaw ay Justo, at si Matias. 24 Nanalangin sila at nagsabi: Ikaw Panginoon ang nakakaalam ng mga puso ng lahat. Ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili. 25 Ipakita mo kung sino ang tatanggap ng bahagi ng paglilingkod na ito at ng pagka-apostol na kung saan si Judas ay sumalangsang. Nangyari ito upang siya ay pumaroon sa dakong karapat-dapat sa kaniya. 26 Sila ay nagpalabunutan at si Matias ang napili. Siya ay ibinilang sa labing-isang apostol.
Dumating ang Banal na Espiritu ng Araw ng Pentecostes
2 Nang sumapit ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nasa iisang pook na nagkakaisa.
2 Sila ay nakaupo sa loob ng isang bahay. Biglang may umugong mula sa langit tulad ng humahagibis na marahas na hangin at pinuno nito ang buong bahay. 3 May nagpakita sa kanila na nagkakabaha-bahaging mga dila tulad ng apoy at ito ay lumapag sa bawat isa sa kanila. 4 At silang lahat ay napuspos ng Banal na Espiritu at nagsimulang magsalita sa ibang mga wika ayon sa ibinigay ng Espiritu sa kanila na kanilang sasabihin.
5 Sa Jerusalem ay may mga Judiong naninirahan ng mga panahong iyon. Sila ay mga lalaking palasamba sa Diyos na mula sa bawat bansa sa ilalim ng langit. 6 Nang marinig nila ang usap-usapan ng kanilang pagsasalita, maraming tao ang sama-samang pumunta at sila ay nabalisa sapagkat narinig nila ang mga apostol na nagsasalita sa sariling wika ng mga nakikinig. 7 Ang lahat ay namangha at nagtaka. Sinabi nila sa isa’t isa: Narito, hindi ba ang lahat ng mga nagsasalitang ito ay mga taga-Galilea? 8 Papaanong nangyari na naririnig natin ang bawat isa sa kanila na nagsasalita ng sarili nating wika na ating kinagisnan? 9 Tayo ay taga-Partia, taga-Media at taga-Elam. May mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea at sa Capadocea. May mga naninirihan sa Pontus at sa Asya. 10 May mga naninirahan sa Frigia, sa Pamfilia, sa Egipto at sa mga bahagi ng Libya na nasa palibot ng Cerene. May mga dumalaw na mula sa Roma, kapwa mga Judio at mga naging Judio. 11 May mga taga-Creta at taga-Arabya. Sa sarili nating mga wika ay naririnig natin silang nagsasalita ng mga dakilang bagay ng Diyos. 12 Lahat ay namangha at nalito. Sinabi nila sa isa’t isa: Ano kaya ang ibig sabihin nito?
13 Ang iba ay nangungutyang nagsabi: Sila ay mga lango sa bagong alak.
Nagsalita si Pedro sa Maraming Tao
14 Ngunit si Pedro ay tumayo kasama ng labing-isa. Nilakasan niya ang kaniyang tinig at nagsalita siya sa kanila: Mga lalaking taga-Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, alamin ninyo ito at makinig sa aking mga salita.
15 Sila ay hindi mga lasing tulad ng inaakala ninyo sapagkat ika-tatlo pa lamang ang oras ngayon. 16 Subalit ito ang sinabi ng propetang si Joel:
17 Mangyayari sa mga huling araw, sabi ng Diyos: Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng mga tao. Ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay maghahayag ng salita ng Diyos. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain. Ang inyong mga matandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. 18 Sa mga araw na iyon, ibubuhos ko ang aking Espiritu sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae. At sila ay maghahayag ng salita ng Diyos. 19 Magpapakita ako ng mga kamangha-manghang gawa sa langit na nasa itaas at mga tanda sa lupa na nasa ibaba. Ang mga tanda na ito ay ang dugo, apoy at sumisingaw na usok. 20 Ang araw ay magiging kadiliman at ang buwan ay magiging dugo. Ito ay mangyayari bago dumating ang dakila at hayag na araw ng Panginoon. 21 Mangyayari na ang bawat isang tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.
22 Mga lalaking taga-Israel, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret ay isang lalaking pinagtibay ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga himala at mga kamangha-manghang gawa at mga tanda. Ang mga ito ay ginawa ng Diyos sa inyong kalagitnaan sa pamamagitan niya, katulad ng inyong pagkaalam. 23 Siya rin na ibinigay ng napagpasiyahang-layunin at kaalamang una ng Diyos ay inyong dinakip. Sa pamamagitan ng iyong mga kamay na walang kinikilalang kautusan ng Diyos ay ipinako ninyo siya sa krus at pinatay. 24 Siya ang ibinangon ng Diyos sa pagkakalag ng matinding hirap ng kamatayan sapagkat hindi siya maaring pigilin ng kamatayan. 25 Ito ay sapagkat si David nga ay nagsabi ng patungkol sa kaniya:
Nakita ko nang una ang Panginoon sa harapan ko sa lahat ng panahon. Dahil siya ay nasa aking kanang kamay, hindi ako makilos.
26 Kaya nga, ang puso ko ay nasiyahan at ang dila ko ay lubhang nagalak. Gayundin ang aking katawan ay magpapahingalay sa pag-asa. 27 Ito ay sapagkat hindi mo iiwanan ang aking kaluluwa sa Hades. Hindi mo rin pahihintulutan naang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. 28 Ipinakita mo sa akin ang mga landas ng buhay. Pupunuin mo ako ng kagalakan sa pamamagitan ng anyo ng iyong mukha.
29 Mga kapatid, hayaan ninyo akong magsalita ng malaya patungkol sa ating dakilang ninunong si David. Siya ay namatay at inilibing at hanggang sa araw na ito, ang kaniyang libingan ay narito sa atin. 30 Siya nga ay isang propeta at alam niya ang sinumpaang pangako ng Diyos sa kaniya. Ipinangako sa kaniya na mula sa bunga ng kaniyang katawan ayon sa laman ay ititindig niya ang Mesiyas upang iluklok sa kaniyang trono. 31 Dahil nakita na niya ito nang una pa kaya nagsalita siya patungkol sa pagkabuhay muli ng Mesiyas. Sinabi niya na ang kaniyang kaluluwa ay hindi pinabayaan sa Hades ni nakakita ng kabulukan ang kaniyang katawan. 32 Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at kaming lahat ay mga saksi. 33 Siya ay itinaas upang mapasa kanang kamay ng Diyos. Sa pagtanggap niya mula sa Ama ng pangako ng Banal na Espiritu, ito na ngayon ay inyong nakikita at naririnig ay kaniyang ibinuhos. 34 Ito ay sapagkat si David nga ay hindi umakyat sa langit ngunit siya ang nagsabi:
Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa kanang bahagi ko.
35 Maupo ka riyan hanggang sa ang mga kaaway mo ay mailagay ko sa ilalim ng iyong mga paa tulad ng isang tuntungan.
36 Alamin ngang may katiyakan ng lahat ng sambahayan ni Israel na ginawa ng Diyos, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus, na Panginoon at Mesiyas.
37 Nang marinig nga nila ito, nabagabag ang kanilang mga puso. Sinabi nila kay Pedro at sa ibang mga apostol: Mga kapatid, ano ang gagawin namin?
38 Sinabi ni Pedro sa kanila: Magsisi kayo at magpabawtismo sa pangalan ni Jesucristo patungkol sa pagpapatawad ng inyong mga kasalanan. At tatanggapin ninyo ang kaloob na Banal na Espiritu. 39 Ito ay sapagkat ang pangakong ito ay para sa inyo at sa inyong mga anak at sa lahat ng nasa malayo gaano man karami ang tawagin ng ating Panginoon Diyos.
40 Siya ay nagpatotoo at nangaral pa sa kanila sa pamamagitan ng marami pang ibang mga salita. Sinabi niya sa kanila: Iligtas ninyo ang inyong mga sarili sa likong lahing ito. 41 Kaya ang mga tumanggap ng kaniyang salita na may kasiyahan ay nabawtismuhan. At sa araw na iyon, nadagdag sa kanila ang may tatlong libong kaluluwa.
Ang Pagsasama-sama ng mga Mananampalataya
42 Sila ay matatag na nagpatuloy sa turo ng mga apostol, sa pagkikipag-isa, sa pagpuputul-putol ng tinapay, at sa mga pananalangin.
43 Nagkaroon ng takot sa bawat kaluluwa. At maraming mga kamangha-manghang gawa at mga tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol. 44 Ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at nagbabahaginan sa lahat ng mga bagay. 45 Ipinagbili nila ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa sinumang may pangangailangan. 46 Sila ay matatag na nagpatuloy sa templo araw-araw na nagkakaisa. Sila ay nagpuputul-putol ng tinapay sa kanilang mga bahay at tumatanggap ng pagkain na may kasiyahanat kababaang-loob. 47 Sila ay nagpupuri sa Diyos at kinaluluguran ng lahat ng mga tao. Idinagdag ng Panginoon sa kapulungan araw-araw ang mga naliligtas.
Pinagaling ni Pedro ang Pulubing Lumpo
3 Sina Pedro at Juan ay magkasamang umahon sa templo sa oras ng pananalangin. Ang oras ay ika-siyam.
2 Mayroong isang lalaking lumpo mula pa sa sinapupunan ng kaniyang ina. Araw-araw siya ay dinadala at inilalagay sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda. Dinadala siya roon upang humingi ng kaloob sa mga kahabag-habag mula sa mga pumupunta sa templo. 3 Nang makita niya sina Pedro at Juan na papasok na sa templo, humingi siya ng kaloob sa mga kahabag-habag. 4 Si Pedro at Juan ay tumitig sa kaniya. Sinabi ni Pedro sa kaniya: Tingnan mo kami. 5 Pinagmasdan niya sila dahil umaasa siyang makakatanggap ng isang bagay mula sa kanila.
6 Sinabi ni Pedro: Wala akong pilak at ginto, ngunit anuman ang nasa akin, ibibigay ko sa iyo. Sa pangalan ni Jesucristo na taga-Nazaret, tumindig ka at lumakad ka. 7 Pagkahawak sa kaniyang kamay, itinindig niya siya. Pagdaka, ang kaniyang mga paa at bukong-bukong ay lumakas. 8 Lumukso siya at tumayo at lumakad. At habang pumapasok siya sa templo na kasama nila, siya ay lumalakad at lumulukso na nagpupuri sa Diyos. 9 Ang lahat ng tao ay nakakita na siya ay lumalakad at nagpupuri sa Diyos. 10 Nakilala nila siya na siya iyong umuupo sa pintuang Maganda ng templo, upang manghingi ng kaloob sa kahabag-habag. Sila ay lubos na namangha at labis na nagtaka sa nangyari sa kaniya.
Nagsalita si Pedro sa mga Nanonood
11 Habang ang lalaking lumpo na pinagaling ay nakahawak kay Pedro at Juan, ang mga tao ay sama-samang tumakbo patungo sa kanila na lubos na namangha. Sila ay nasa portiko na tinatawag na portiko ni Solomon.
12 Nang makita ito ni Pedro, sumagot siya sa mga tao: Mga lalaking taga-Israel, bakit kayo namamangha sa bagay na ito? Bakit ninyo kami tinititigan na parang nakalakad ang lalaking ito sa pamamagitan ng sarili naming kapangyarihan o ng aming pagkamaka-Diyos? 13 Ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob, ang Diyos ng mga ninuno natin ay lumuwalhati kay Jesus na kaniyang lingkod. Siya ang inyong ibinigay at inyong ipinagkaila sa harapan ni Pilato na pinasyahan niyang palayain. 14 Ipinagkaila ninyo ang Banal at Matuwid. At hiniling ninyo na ibigay sa inyo ang isang lalaking mamamatay-tao. 15 Ngunit pinatay ninyo ang pinagmulan ng buhay, na siyang ibinangon ng Diyos mula sa mga patay. Kami ay nagpapatotoo patungkol sa pangyayaring ito. 16 At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniyang pangalan, ang lalaking ito na inyong nakikita at nakikilala ay pinalakas sa kaniyang pangalan. Ang pananampalataya sa pamamagitan niya ang nagbigay sa kaniya nitong lubos na kagalingan sa harapan ninyong lahat.
17 Ngayon, mga kapatid na lalaki, alam kong kayo ay gumawa sa kawalang-kaalaman tulad din ng inyong mga pinuno. 18 Sa ganitong paraan tinupad ng Diyos ang inihayag noon sa pamamagitan ng bibig ng lahat ng kaniyang mga propeta. Inihayag nila na ang Mesiyas ay dapat maghirap. At ito ay tinupad niya. 19 Magsisi nga kayo at magbalik-loob para sa pagpawi ng inyong mga kasalanan. Ito ay upang dumating ang mga panahon ng pananariwa mula sa harapan ng Panginoon. 20 Ito rin ay upang isugo niya si Jesucristo na ipinangaral noon sa inyo. 21 Si Jesucristo ang tunay na dapat manatili sa langit hanggang sa panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. Ito ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng bibig ng kaniyang mga banal na propeta noong unang panahon. 22 Ito ay sapagkat tunay na sinabi ni Moises sa ating mga ninuno:
Ang Panginoon ninyong Diyos ay magtitindig sa inyo ng isang propeta na tulad ko. Siya ay magmumula sa inyong mga kapatid. Siya ang inyong pakikinggan sa lahat ng bagay anuman ang sabihin niya sa inyo.
23 Mangyayari na ang bawat kaluluwa na hindi makikinig sa propetang iyon ay malilipol mula sa mga tao.
24 Tunay na ang lahat ng mga propeta mula kay Samuel at ang mga sumunod ay naghayag. Ang mga araw na ito ay inihayag na noon ng lahat ng mga nagsalita. 25 Kayo ang mga anak na lalaki ng mga propeta at ng tipan na ipinakipagtipan ng Diyos sa ating mga ninuno. Sinabi niya kay Abraham:
Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng sambahayan sa lupa.
26 Nang itindig ng Diyos ang kaniyang lingkod na si Jesus, siya ay isinugo muna sa inyo upang pagpalain kayo sa pagtalikod ng bawat isa sa inyo mula sa inyong mga kasamaan.
Copyright © 1998 by Bibles International