Beginning
Sumama si Timoteo kina Pablo at Silas
16 Siya ay dumating sa Derbe at sa Listra. Narito, isang alagad na nagngangalang Timoteo ang naroroon. Siya ay anak ng isang babaeng Judio na mananampalataya, ngunit ang kaniyang ama ay isang Griyego.
2 Siya ay kinikilalang may mabuting patotoo sa mga kapatid na nasa Listra at Iconio. 3 Ibig ni Pablo na isama siya. Kinuha niya siya at tinuli alang-alang sa mga Judio na nasa dakong iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama ay isang Griyego. 4 Sa pagtahak nila sa mga lungsod, ibinigay nila ang mga batas, na pinagpasiyahan ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem na kanilang dapat sundin. 5 Kaya nga, ang mga iglesiya ay naging matibay sa pananampalataya at nadadagdagan ang bilang araw-araw.
Nakita ni Pablo sa Isang Pangitain ang Isang Lalaking Taga-Macedonia
6 Pagdaan nila sa Frigia at sa lalawigan ng Galacia, pinagbawalan sila ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita sa Asya.
7 Nang dumating sila sa Misia, pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia, ngunit hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu. 8 Pagkaraan nila sa Misia, lumusong sila patungong Troas. 9 Isang gabi, si Pablo ay nakakita ng isang pangitain. May isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at namamanhik sa kaniya. Sinasabi nito: Tumawid ka sa Macedonia at tulungan mo kami. 10 Pagkatapos niyang makita ang pangitain, agad naming sinikap na magtungo sa Macedonia. Buo ang aming paniniwalang tinatawag kami ng Panginoon upang ipangaral ang ebanghelyo sa kanila.
Ang Pagsampalataya ni Lydia Doon sa Filipos
11 Paglayag nga mula sa Troas ay tuwiran kaming naglayag patungo sa Samotracia. Kinabukasan, nagtuloy kami sa Neapolis.
12 Mula roon, nagtuloy kami sa Filipos. Ito ay isang kolonya ng Roma at pangunahing lungsod ng Macedonia. Nanatili kami ng ilang araw sa lungsod na iyon.
13 Nang araw ng Sabat ay lumabas kami ng lungsod, sa tabi ng ilog kung saan ang pananalangin ay kinaugaliang gawin. Kami ay umupo at nakipag-usap sa mga babaeng nagkakatipon. 14 Ang isa sa mga babae na naroroon ay mula sa lungsod ng Tiatira. Ang pangalan niya ay Lydia. Siya ay mangangalakal ng telang kulay ube. Siya ay sumasamba sa Diyos at nakinig sa amin. Binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang kanilang pahalagahan ang mga bagay na sinabi ni Pablo. 15 Nang siya at ang kaniyang sambahayan ay mabawtismuhan na, namanhik siya sa amin. Kung ako ay ibinibilang ninyong tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay at kayo ay manatili roon. At nahimok niya kami.
Si Pablo at Silas sa Bilangguan
16 Nangyari na nang kami ay patungo sa pook-dalanginan, sinalubong kami ng isang dalagitang may espiritu ng panghuhula. Malaki ang kinikita ng kaniyang mga panginoon sa pamamagitan ng kaniyang panghuhula.
17 Siya ay sumunod kay Pablo at sa amin. Sumisigaw siya na sinasabi: Ang mga lalaking ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos. Ipinangangaral nila sa atin ng daan ng kaligtasan. 18 Maraming araw na ginagawa niya ang ganito. Ngunit si Pablo, na nabagabag, ay humarap at sinabi sa espiritu: Iniutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesucristo, lumabas ka sa kaniya. At ito ay lumabas agad sa oras ding iyon.
19 Ngunit nang makita ng kaniyang mga panginoon na wala na silang pag-asang kumita sa pamamagitan niya, hinuli nila sina Pablo at Silas. Kinaladkad nila sila sa pamilihang dako, sa harapan ng mga may kapangyarihan. 20 Nang maiharap na sila sa mga hukom, sinabi nila: Ang mga lalaking ito, bilang mga Judio, ay lubos na nanggugulo sa ating lungsod. 21 Sila ay nagpapahayag ng mga kaugaliang hindi natin nararapat na tanggapin o gawin bilang mga taga-Roma.
22 Sama-samang tumindig ang karamihan laban sa kanila. Hinapak ng mga hukom ang kanilang mga damit. Kanilang iniutos na sila ay paluin ng mga pamalong kahoy. 23 Nang masugatan na nila sila nang marami, inihagis nila sila sa bilangguan. Iniutos sa punong-bantay ng bilangguan na bantayan silang mabuti. 24 Nang tanggapin nito ang gayong utos, inihagis nila sila sa kaloob-looban ng bilangguan. Inilagay ang kanilang mga paa sa mga pamiit na napakasakit.
25 Nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nanalangin at umaawit ng papuri sa Diyos. Sila ay pinapakinggan ng mga bilanggo. 26 Bigla na lamang nagkaroon ng isang malakas na lindol. Anupa’t umuga ang mga patibayan ng bilangguan. Kaagad ay nabuksan ang lahat ng mga pinto at nakalas ang mga gapos ng bawat isa. 27 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nagising sa pagkakatulog. Nang makita niyang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kaniyang tabak. Magpapakamatay na sana siya sa pag-aakalang nakatakas na ang mga bilanggo. 28 Ngunit si Pablo ay sumigaw ng malakas na sinabi: Huwag mong saktan ang iyong sarili sapagkat naririto kaming lahat.
29 Siya ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob. Siya ay nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Inilabas niya sila at sinabi: Mga ginoo, ano ang kinakailangan kong gawin upang maligtas?
31 Sinabi nila: Sumampalataya ka sa Panginoong Jesucristo at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan. 32 Sinalita nila sa kaniya ang salita ng Panginoon at gayundin sa lahat ng nasa kaniyang bahay. 33 Sila ay kinuha niya sa oras ding iyon ng gabi. Hinugasan ang kanilang mga sugat. Kaagad ay binawtismuhan siya at ang buo niyang sambahayan. 34 Dinala niya sila sa kaniyang bahay. Hinainan niya sila ng pagkain at nagalak din ang buo niyang sambahayan sapagkat sila ay sumampalataya sa Diyos.
35 Nang umaga na, ang mga hukom ay nagsugo ng mga sarhento. Sinabi nila: Pakawalan mo ang mga lalaking iyan. 36 Ang punong-bantay ng bilangguan ay nag-ulat kay Pablo ng mga salitang ito: Nagsugo ang mga pinuno na kayo ay pakawalan. Lumabas nga kayo ngayon at humayo kayong payapa.
37 Ngunit sinabi ni Pablo sa kanila: Pinalo nila kami sa hayag na hindi nahatulan. Bagaman kami ay mga mamamayang Romano, inihagis nila kami sa bilangguan. Ngayon ay palihim nila kaming palalayain. Hindi. Kinakailangang sila mismo ang pumarito at pakawalan nila kami.
38 Iniulat ng mga sarhento ang mga salitang ito sa mga hukom. Natakot sila nang marinig nila na sila ay mga Romano. 39 Sila ay pumaroon at namanhik sa kanila. Nang mailabas na nila sila, hiniling nila sa kanila na lumabas sa lungsod. 40 Sila ay lumabas sa bilangguan at nagpunta sa bahay ni Lydia. Nang makita nila ang mga kapatid, pinatibay nila ang kalooban ng mga kapatiran at sila ay umalis.
Sa Tesalonica
17 Pagkaraan nila sa Antipolis at Apolonia, dumating sila sa Tesalonica. Dito ay may sinagoga ng mga Judio.
2 Si Pablo ay pumasok doon ayon sa kaniyang kaugalian. Siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila sa mga kasulatan sa loob ng tatlong araw ng Sabat. 3 Ipinaliliwanag niya sa kanila ang kasulatan at ipinakikita ang katibayang kinakailangang ang Cristo ay magbata at muling mabuhay mula sa mga patay. Ang Jesus na ipinangangaral ko sa inyo ang siyang Mesiyas. 4 Ang ilan sa kanila ay nahikayat at sumama kay Pablo at kay Silas. Nahikayat din ang maraming Griyegong palasamba sa Diyos at maraming mga pangunahing babae.
5 Ngunit ang mga Judio na hindi nanampalataya ay naiinggit. Sila ay nagsama ng ilang masamang tao mula sa pamilihan. Nagtipon sila ng isang grupo at ginulo ang lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pinagsikapan nilang maiharap sila sa mga tao. 6 Nang hindi nila sila matagpuan, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng opisyales ng lungsod. Ipinagsisigawan nilang: Sila na mga nanggugulo sa sanlibutan ay pumunta rin dito. 7 Sila ay tinanggap ni Jason. Silang lahat ay gumagawa ng laban sa mga utos ni Cesar. Sinasabi nila: May ibang hari, si Jesus. 8 At kanilang ginulo ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lungsod, nang marinig nila ang mga bagay na ito. 9 Nang matanggap na nila ang sapat na salapi para kay Jason at para sa iba, sila ay pinalaya nila.
Sa Berea
10 Kinagabihan ay agad-agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas papuntang Berea. Pagdating nila roon, sila ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio.
11 Sila ay higit na mararangal na tao kaysa sa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita ng buong sigasig. Sinaliksik nila ang mga kasulatan araw-araw kung tunay nga ang mga bagay na ito. 12 Kaya nga, marami sa kanila ang sumampalataya. Gayundin ang mga iginagalang na babaeng Griyego at ang maraming lalaki ay sumampalataya.
13 Ngunit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral ni Pablo sa Berea. Pumunta sila doon at kanilang ginulo ang mga tao. 14 Kaya kaagad na pinaalis ng mga kapatiran si Pablo na waring patungo siya sa dagat. Subalit sina Silas at Timoteo ay nanatili pa roon. 15 Si Pablo ay dinala sa Atenas ng mga nag-iingat sa kaniya. Sila ay nagbalik taglay ang utos ni Pablo para kina Silas at Timoteo na sila ay agad na sumunod sa kaniya.
Sa Atenas
16 Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nahamon ang kaniyang kalooban nang makita niyang ang buong lungsod ay punong-puno ng mga diyos-diyosan.
17 Kaya siya ay nakikipagkatwiranan sa mga Judio sa loob ng sinagoga at sa mga taong palasamba. Gayundin, araw-araw siyang nakikipagkatwiranan sa sinumang makatagpo niya sa pamilihan. 18 Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipag-usap sa kaniya. Sinabi ng ilan: Ano ang ibig sabihin ng lalaking ito na nagsasalita ng walang kabuluhan? Ang iba ay nagsasabing para siyang tagapangaral ng mga kakaibang diyos sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na mag-uli. 19 Siya ay kinuha nila at dinala siya sa burol ng Areo. Sinabi nila: Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na sinasalita mo? 20 Ito ay sapagkat nagdadala ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga pandinig. Gusto nga naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito. 21 Ginugugol ng mga taga-Atenas at ng mga nakikipamayan doon ang kanilang panahon, hindi sa ano pa man, kundi sa pagsasalaysay o pakikinig ng mga bagong bagay.
22 Kaya si Pablo ay tumayo sa gitna ng burol ng Areo at nagsabi: Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng mga bagay ay lubha kayong tapat sa inyong relihiyon. 23 Ito ay sapagkat sa aking paglalakad at pagmamasid sa mga bagay na inyong sinasamba ay nakakita ako ng isang dambana. Doon ay may nakaukit na ganito: SA ISANG DIYOS NA HINDI KILALA. Siya na inyong sinasamba bagaman hindi ninyo nakikilala, siya ang aking ipinangangaral sa inyo.
24 Ang Diyos na lumikha ng sanlibutan at ng lahat na narito ay ang Panginoon ng langit at lupa. Hindi siya tumitira sa mga banal na dako na ginawa ng mga kamay. 25 Hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng mga tao na para bang nangangailangan siya ng anumang bagay. Hindi, siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga at ng lahat ng mga bagay. 26 Ginawa niya mula sa isang dugo ang bawat bansa ng mga tao upang manahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda na niya nang una pa ang mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang pananahanan. 27 Ginawa niya ito upang hanapin nila ang Panginoon at sa kanilang pag-aapuhap ay baka sakaling masumpungan nila siya. Gayunman siya ay hindi malayo sa bawat isa sa atin. 28 Ito ay sapagkat sa pamamagitan niya tayo ay nabubuhay, kumikilos at mayroong pagkatao. Gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling makata: Dahil tayo rin naman ay kaniyang mga anak.
29 Yamang tayo nga ay mga anak ng Diyos, hindi marapat na isipin natin na ang kaniyang pagka-Diyos ay tulad ng ginto, pilak o ng bato na inukit sa pamamagitan ng kalinangan at kathang-isip ng tao. 30 Ang mga panahon ng di-pagkaalam ay hindi na nga pinansin ng Diyos. Ngunit ngayon ay iniuutos niya sa sa lahat mga tao sa bawat dako na magsisi. 31 Ito ay sapagkat nagtakda siya ng isang araw na hahatulan niya ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking itinalaga niya. Pinatunayan niya ito sa lahat ng mga tao nang siya ay kaniyang buhayin mula sa mga patay.
32 Nang marinig nila ang patungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, nanglibak ang ilan. Ngunit sinabi ng iba: Muli ka naming pakikinggan patungkol dito. 33 Sa gayon ay umalis si Pablo sa kanilang kalagitnaan. 34 Ngunit sumama sa kaniya ang ilang mga tao at sumampalataya. Sa kanila na sumampalataya ay kabilang si Dionisio na taga-burol ng Areo, at isang babaeng nagngangalang Damaris at ang iba pa nilang kasama.
Copyright © 1998 by Bibles International