Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 20-21

Panalangin Upang Magtagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
    At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
    at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
    at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
    at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
    magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.

Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
    Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
    mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
    at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
    ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.

O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
    ang aming panawagan, ay iyong sagutin.

Pagpupuri sa Pagtatagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

21 Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas,
    dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak.
Iyong ibinigay ang kanyang inaasam,
    ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah)[b]

Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan,
    dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay.
Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay,
    ng mahabang buhay, na magpakailanman.

Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan,
    dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay.
Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman,
    ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan.
Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala,
    dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala.
Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway,
    bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam.
Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin,
    sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin.
10 Walang matitira sa kanilang lahi,
    sapagkat sila'y lilipulin ng hari.

11 Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya,
    walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila.
12 Sila'y kanyang papanain,
    sila'y uurong at patatakbuhin.

13 Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan!
    Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan.

Mga Awit 23

Si Yahweh ang Ating Pastol

Awit ni David.

23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
    at inaakay niya sa tahimik na batisan.
Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
    upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
    wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
    na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
    sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
    at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Mga Awit 27

Panalangin ng Pagpupuri

Katha ni David.

27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
    sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
    sino pa ba ang aking kasisindakan?

Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
    sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
    mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
    hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
    magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.

Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
    iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
    upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
    at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
    sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
    sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
    Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
    aawitan ko si Yahweh at papupurihan.

Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
    sagutin mo ako at iyong kahabagan.
Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
Huwag ka sanang magagalit sa akin;
    ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
    huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
    si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.

11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
    sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
    pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
    na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.

13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
    kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
    Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!

Isaias 25:1-9

Awit ng Papuri kay Yahweh

25 O Yahweh, ikaw ang aking Diyos;
    pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan;
sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa;
    buong katapatan mong isinagawa
    ang iyong mga balak mula pa noong una.
Ang mga lunsod ay iyong iginuho,
    at winasak ang mga kuta;
ibinagsak ninyo ang mga palasyo ng mga dayuhan,
    at ang mga iyon ay hindi na muling maitatayo.
Kaya dadakilain ka ng taong malalakas,
    at matatakot sa iyo ang malulupit na lunsod.
Ikaw ang tunay na kanlungan ng mahihirap,
    at mga nangangailangan,
matatag na silungan sa panahon ng unos
    at nakakapasong init.
Sa harap mo'y mabibigo ang mararahas,
    sila'y parang bagyong humahampas sa matibay na pader.
Ang ingay ng dayuhan ay parang init sa disyerto,
    ngunit napatahimik mo ang ingay ng mga kaaway;
    hindi na marinig ang awit ng malulupit,
    parang init na natakpan ng ulap.

Naghanda ng Handaan ang Diyos

Sa Bundok ng Zion, aanyayahan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ang lahat ng bansa para sa isang malaking handaan.
Pinakamasasarap na pagkain at alak ang kanyang ipinahanda.
Sa bundok ding ito'y papawiin niya
    ang ulap ng kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa.
Lubusan(A) nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan,
    at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata.
    Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
Sasabihin ng lahat sa araw na iyon:
“Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas,
    siya si Yahweh na ating inaasahan.
Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.”

Pahayag 1:9-20

Isang Pangitain tungkol kay Cristo

Ako'y si Juan, ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus. Noon ako'y nasa isla ng Patmos sapagkat ipinangaral ko ang salita ng Diyos at nagpatotoo ako para kay Jesus. 10 Noon ay araw ng Panginoon, at habang nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta. 11 Sabi niya, “Isulat mo sa isang aklat ang iyong nakita, at ipadala mo ito sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea.”

12 Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. 13 Nakatayo(A) sa gitna ng mga ilawan ang isang parang anak ng tao na nakasuot ng mahabang damit, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. 14 Ang(B)(C) kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab. 15 Kumikinang(D) ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig. 16 May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumabas sa kanyang bibig ang isang matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang-tapat.

17 Pagkakita(E) ko sa kanya, para akong patay na bumagsak sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, 18 at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buháy ngayon at mananatiling buháy magpakailanman. Hawak ko ang mga susi ng kamatayan at ng daigdig ng mga patay.[a] 19 Kaya't isulat mo ang iyong nakikita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa pagkatapos nito. 20 Tungkol naman sa hiwaga ng pitong bituing hawak ko sa aking kanang kamay at sa pitong ilawang ginto: ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya at ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya.

Juan 7:53-8:11

Pinatawad ang Babaing Nangalunya

[53 Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat.

Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat ng mga tao. Umupo siya at nagsimulang magturo. Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. Ayon(A) sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.

Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.

Patuloy(B) sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.

Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”

11 “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.

Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”][a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.