Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 148-150

Paanyaya sa Lahat Upang Purihin ang Diyos

148 Purihin si Yahweh!

Purihin ang Diyos, nitong kalangitan,
    kayo sa itaas siya'y papurihan.
Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang,
    kasama ang hukbo roong karamihan!

Ang araw at buwan, siya ay purihin,
    purihin din siya ng mga bituin,
mataas na langit, siya ay purihin,
    tubig sa itaas, gayon din ang gawin!

Siya ang may utos na kayo'y likhain,
    kaya ang ngalan niya ay dapat purihin.
Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan,
    hindi magbabago magpakailanpaman.[a]

Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan,
    maging dambuhala nitong karagatan.
Ulan na may yelo, kidlat pati ulap,
    malakas na hangin, sumunod na lahat!

Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol.
Mga kabundukan, mataas na burol,
    malawak na gubat, mabubungang kahoy;
10 hayop na maamo't mailap na naroon,
    maging hayop na gumagapang at mga ibon.

11 Pupurihin siya ng lahat ng tao,
    hari at prinsipe, lahat ng pangulo;
12 babae't lalaki, mga kabataan,
    matatandang tao't kaliit-liitan.

13 Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat,
ang kanyang pangala'y pinakamataas;
    sa langit at lupa'y maluwalhating ganap.
14 Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa,
    kaya pinupuri ng piniling madla,
    ang bayang Israel, mahal niyang lubha!

Purihin si Yahweh!

Awit ng Pagpupuri

149 Purihin si Yahweh!

O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit,
    purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya.
Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha;
    dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa.
Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan;
    alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan.

Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang,
    sa mga mapagpakumbaba'y tagumpay ang ibibigay.
Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang,
    sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan.
Papuri(A) sa ating Diyos, ipahayag nang malakas,
    hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas,
    upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan,
    at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan.
Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin,
    sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin,
    upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda.
Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala.

Purihin si Yahweh!

Purihin si Yahweh

150 Purihin si Yahweh!

Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
    purihin sa langit ang lakas na taglay!
Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
    siya ay purihin, sapagkat dakila.

Purihin sa tugtog ng mga trumpeta,
    awitan sa saliw ng alpa at lira!
Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
    mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
    sa lakas ng tugtog siya'y papurihan.
Purihin si Yahweh lahat ng nilalang!

Purihin si Yahweh!

Mga Awit 114-115

Awit ng Paggunita sa Exodo

114 Ang(A) bayang Israel
sa bansang Egipto'y kanyang
inilabas,
nang ang lahing ito
sa bansang dayuhan lahat ay lumikas.
Magmula na noon
ang lupaing Juda'y naging dakong banal,
at bansang Israel
ginawa ng Diyos na sariling bayan.

Ang(B) Dagat ng Tambo,
nang ito'y makita, nagbigay ng daan,
magkabilang panig
ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman.
Maging mga bundok,
katulad ng tupa, ay pawang nanginig,
pati mga burol,
nanginig na parang tupang maliliit.

Ano ang nangyari,
at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan?
Ikaw, Ilog Jordan,
bakit ang tubig mo ay tumigil naman?
Kayong mga bundok,
bakit parang kambing na nagsisilundag?
Kayong mga burol,
maliit na tupa'y inyo namang katulad?

Ikaw, O daigdig,
sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig,
dapat kang matakot
sapagkat darating ang Diyos ni Jacob,
sa(C) malaking bato
nagpabukal siya ng saganang tubig,
at magmula roon
ang tubig na ito ay nagiging batis.

Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos

115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
    hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
    walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.

Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
    “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
    at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa(D) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
    sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
    at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
    ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
    mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
    ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
    lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
    pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
    pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(E) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
    kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
    anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
    pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
    samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
    niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
    siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.

Purihin si Yahweh!

Isaias 5:1-7

Awit tungkol sa Ubasan

Mayroong(A) ubasan ang aking sinta,
    sa libis ng bundok na lupa'y mataba,
    kaya ako'y aawit para sa kanya.
Hinukay niya ang lupa at inalisan ng bato,
    mga piling puno ng mabuting ubas ang kanyang itinanim dito.
Sa gitna'y nagtayo siya ng isang bantayan
    at nagpahukay pa ng balong pisaan.
Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipagbunga,
    ngunit bakit ang kanyang napitas ay maasim ang lasa?

Kaya ngayon, mga taga-Jerusalem
    at mga taga-Juda,
kayo ang humatol sa akin at sa aking ubasan.
Ano pa ba ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan?
Bakit nang ako'y mamitas ng bunga,
    ang aking nakuha ay maasim ang lasa?

Kaya ganito ang gagawin ko sa aking ubasan:
Puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito
    at wawasakin ang bakod.
Ito'y kakainin at sisirain ng mga hayop.
Pababayaan ko itong malubog sa mga tinik at damo;
    hindi ko babawasan ng labis na dahon at sanga,
    hindi ko bubungkalin ang paligid ng mga puno nito;
at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
Ang ubasang ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat
    ay walang iba kundi ang bayang Israel,
at ang bayan ng Juda ang mga puno ng ubas na kanyang itinanim.
Umasa siyang gagawa ito ng makatarungan,
    ngunit sa halip ay naging mamamatay-tao,
inasahan niyang paiiralin nito'y katuwiran,
    ngunit panay pang-aapi ang kanilang ginawa.

2 Pedro 3:11-18

11 At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay(A) tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran.

14 Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. 15 Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. 16 Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. May ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili.

17 Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. 18 Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen.

Lucas 7:28-35

28 Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa kaharian ng Diyos.”

29 Ang(A) lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. 30 Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila sapagkat ayaw nilang magpabautismo kay Juan.

31 Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? 32 Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro,

‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw!
Umawit kami ng panaghoy, ngunit hindi kayo umiyak!’

33 Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ 34 Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ 35 Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga tumatanggap nito.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.