Book of Common Prayer
Panalangin Upang Patnubayan at Ingatan
Katha ni David.
25 Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot;
2 sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos.
Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan,
at pagtawanan ako ng aking mga kaaway!
3 Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan,
at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian.
4 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban,
at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam.
5 Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan.
6 Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas,
na ipinakita mo na noong panahong lumipas.
7 Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan;
ayon sa pag-ibig mong walang katapusan,
ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan!
8 Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan,
itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan.
9 Sa mapagpakumbaba siya ang gumagabay,
sa kanyang kalooban kanyang inaakay.
10 Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay,
sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay.
11 Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin,
ang marami kong sala'y iyong patawarin.
12 Ang taong kay Yahweh ay gumagalang,
matututo ng landas na dapat niyang lakaran.
13 Ang buhay nila'y palaging sasagana,
mga anak nila'y magmamana sa lupa.
14 Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan,
ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan.
15 Si Yahweh lang ang laging inaasahan,
na magliligtas sa akin sa kapahamakan.
16 Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan,
pagkat nangungulila at nanlulupaypay.
17 Pagaanin mo ang aking mga pasanin,
mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain.
18 Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin,
at lahat ng sala ko ay iyong patawarin.
19 Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway,
at labis nila akong kinamumuhian!
20 Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay,
huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan,
pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay.
21 Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan,
sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan.
22 Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel,
sa kanilang kaguluhan at mga suliranin!
Pasasalamat sa Diyos Dahil sa Kanyang Katarungan
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Muth-labben.[a]
9 Pupurihin kita, Yahweh, nang buong puso ko,
mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko.
2 Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan,
pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan.
3 Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway,
sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan.
4 Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol,
matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol.
5 Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama;
binura mo silang lahat sa balat ng lupa.
6 Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan,
ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan,
at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan.
7 Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol.
8 Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran,
hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan.
9 Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan,
matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan.
10 Nananalig sa iyo, Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan,
dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan.
11 Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri,
sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi!
12 Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan,
mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan.
13 O(A) Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan,
masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway!
Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan,
14 upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay.
Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay.
15 Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila;
sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila!
16 Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala,
at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion,[b] Selah[c])
17 Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos,
pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos.
18 Hindi habang panahong pababayaan ang dukha;
hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita.
19 Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao!
Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo.
20 Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan,
at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah)[d]
Ang Hinihiling ng Diyos
Awit ni David.
15 O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo?
Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado?
2 Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay,
at laging gumagawa ayon sa katuwiran,
mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan,
3 at ang kapwa'y hindi niya sisiraan.
Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan,
tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan.
4 Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan,
mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan.
Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat,
anuman ang mangyari, salita'y tinutupad.
5 Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang,
di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan.
Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman.
Ang Kasamaan ng Tao
8 Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay
at malawak na mga bukirin,
hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao,
at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain.
9 Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat:
Maraming tirahan ang mawawasak;
malalaki at magagandang mga tahanan, sira at wasak na ito'y iiwan.
10 Sa bawat walong ektaryang ubasan, dalawampu't dalawang litrong alak lamang ang makukuha;
sa bawat sampung kabang inihasik, limang salop lamang ang aanihin.
11 Kawawa(A) ang maaagang bumangon
na nagmamadali upang makipag-inuman;
inaabot sila ng hatinggabi
hanggang sa malasing!
12 Tugtog ng lira sa saliw ng alpa;
tunog ng tamburin at himig ng plauta;
saganang alak sa kapistahan nila;
ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa.
18 Kawawa kayo, mga makasalanan na walang ginawa kundi humabi ng kasinungalingan;
hindi kayo makakawala sa inyong kasamaan.
19 Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos
upang ating makita ang kanyang pagkilos;
maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel,
nang ito'y malaman natin.”
20 Kawawa kayo, mga baligtad ang isip!
Ang mabuting gawa ay minamasama,
at minamabuti naman iyong masama,
ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman
at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan.
Sa lasang mapait ang sabi'y matamis,
sa lasang matamis ang sabi'y mapait.
21 Kawawa rin kayo, mga nag-aakalang kayo'y marurunong,
at matatalino sa inyong sariling palagay!
22 Mga bida sa inuman, kawawa kayo!
Mahuhusay lang kayo sa pagtitimpla ng alak;
23 dahil sa suhol, pinapalaya ang may kasalanan,
at sa taong matuwid ipinagkakait ang katarungan.
Maging Handa sa Pagdating ng Panginoon
5 Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, 2 sapagkat(A) alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. 3 Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. 4 Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. 5 Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. 6 Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. 7 Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. 8 Ngunit(B) dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. 9 Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. 11 Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon.
Ang Darating na Pagkawasak ng Jerusalem(A)
20 “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. 21 Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. 22 Sapagkat(B) iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. 23 Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito at darating ang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. 24 Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.”
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(C)
25 “Magkakaroon(D) ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. 26 Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. 27 Sa(E) panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. 28 Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo at tumingala sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.