Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 2

Ang Haring Pinili ni Yahweh

Bakit(A) nagbabalak maghimagsik ang mga bansa?
    Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala?
Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban,
    hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang:
Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos;
    dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.”

Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang,
    lahat ng plano nila ay wala namang katuturan.
Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan;
    sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan,
“Doon sa Zion, sa bundok na banal,
    ang haring pinili ko'y aking itinalaga.”

“Ipahahayag(B) ko ang sinabi sa akin ni Yahweh,
    ‘Ikaw ang aking anak,
    mula ngayo'y ako na ang iyong ama.
Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo,
    maging ang buong daigdig ay ipapamana ko.
Dudurugin(C) mo sila ng tungkod na bakal;
    tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’”

10 Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo,
    ang babalang ito'y unawain ninyo:
11 Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang,
    sa paanan ng kanyang anak

12 yumukod kayo't magparangal,

baka magalit siya't bigla kayong parusahan.
Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan.

Mga Awit 26

Panalangin ng Isang Mabuting Tao

Katha ni David.

26 Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala,
    pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa.
Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin,
    hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin.
Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay,
    ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay.
Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao,
    hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito.
Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian,
    at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan.

Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan,
    ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar.
Awit ng pasasalamat ay aking inaawit,
    gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit.

Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan,
    sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian.
Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay,
    ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay—
10     mga taong walang magawâ kundi kasamaan,
    at palaging naghihintay na sila ay suhulan.

11 Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama,
    kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa.
12 Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan;
    pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan!

Isaias 49:13-23

13 O langit, magpuri ka sa tuwa!
    Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok,
sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang,
    sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
14 Ngunit ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ni Yahweh.
    Nakalimutan na niya tayo.”
15 Ang sagot ni Yahweh,
“Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak?
    Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal?
Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak,
    hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali.
16 Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan.
    Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad.
17 Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo,
    at ang nagwasak sa iyo ay paalis na.
18 Tumingin ka sa paligid at masdan ang nangyayari.
    Ang mga mamamayan mo'y nagtitipun-tipon na upang umuwi.
Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy,
    ang nagsasabi: ipagmamalaki mo sila balang araw,
    tulad ng babaing ikakasal na suot ang kanyang mga alahas.

19 “Aking pinabayaan na mawasak ang iyong bansa,
    ngunit ngayon ito'y magiging masikip sa dami ng tao;
at ang mga taong dumurog sa iyo
    ay itatapon sa malayo.
20 Sasabihin ng mga anak mo balang araw
    na isinilang sa pinagtapunan sa inyo:
‘Ang bayang ito'y maliit na para sa atin.
    Kailangan natin ang mas malaking tirahan.’
21 Sasabihin mo naman sa iyong sarili,
‘Kaninong anak ang mga iyon?
Nawala ang mga anak ko, at ako nama'y hindi na magkakaanak.
Itinapon ako sa malayo,
    ako'y iniwang nag-iisa.
Saan galing ang mga batang iyon?’”

22 Ang(A) sagot ng Panginoong Yahweh sa kanyang bayan:
“Huhudyatan ko ang mga bansa,
    at ang mga anak mo'y iuuwi nila sa iyo.
23 Ang mga hari ay magiging parang iyong ama
    at ang mga reyna'y magsisilbing ina.
Buong pagpapakababang yuyukod sila sa iyo
    bilang tanda ng kanilang paggalang;
sa gayon ay malalaman mong ako nga si Yahweh.
    Hindi mapapahiya ang sinumang magtiwala sa akin.”

Mateo 18:1-14

Sino ang Pinakadakila?(A)

18 Nang(B) mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila at(C) sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.”

Mga Sanhi ng Pagkakasala(D)

“Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito.

“Kung(E) ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. Kung(F) ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.”

Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang Tupa(G)

10 “Pakaingatan(H) ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [11 Sapagkat(I) naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.][a]

12 “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? 13 Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. 14 Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama[b] na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.”

Mga Awit 19

Ang Paglilikha at ang Kadakilaan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

19 Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan!
    Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan!
Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang,
    patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Wala silang tinig o salitang ginagamit,
    wala rin silang tunog na ating naririnig;
ngunit(A) abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig,
    balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.
Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw,
    tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan,
    tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan.
Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran,
    walang nakapagtatago sa init nitong taglay.

Ang Batas ni Yahweh

Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang,
    ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan.
Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan,
    nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran,
    ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban.
Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama,
    nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay,
    magpapatuloy ito magpakailanman;
ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan,
    patas at walang kinikilingan.
10 Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay,
    mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan.
11 Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod,
    may malaking gantimpala kapag aking sinusunod.

12 Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian,
    iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan.
13 Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan,
    huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan.
Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan,
    at walang bahid ng masama ang aking mga kamay.

14 Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan,
    kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan.

Mga Awit 126

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

126 Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik,
    ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip.
Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit!
Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid,
“Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!”
Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa,
kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa!

Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis,
sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik.
Silang tumatangis habang nagsisipagtanim,
hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan.

Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis,
ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik!

Marcos 10:13-16

Binasbasan ni Jesus ang Maliliit na Bata(A)

13 May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit sinaway sila ng mga alagad. 14 Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. 15 Tandaan(B) ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos, tulad sa pagtanggap ng isang bata, ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.” 16 Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.