Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 5-6

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng plauta.

Pakinggan mo, Yahweh, ang aking pagdaing,
    ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin.
Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan,
    sapagkat sa iyo lang ako nananawagan.
Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin,
    at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin.

Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan,
    mga maling gawain, di mo pinapayagan.
Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan,
    mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman.
Pinupuksa mo, Yahweh, ang mga sinungaling,
    galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang.

Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal,
    makakapasok ako sa iyong tahanan;
ika'y sambahin ko sa Templo mong banal,
    luluhod ako tanda ng aking paggalang.
Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran,
    dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang,
    landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan.

Ang(A) mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan;
    saloobin nila'y pawang kabulukan;
parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan,
    pananalita nila'y pawang panlilinlang.
10 O Diyos, sila sana'y iyong panagutin,
    sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin;
sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil,
    sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail.

11 Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan,
    at lagi silang aawit nang may kagalakan.
Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal,
    upang magpatuloy silang ika'y papurihan.
12 Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid,
    at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig.

Panalangin sa Panahon ng Bagabag

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng instrumentong may kuwerdas; ayon sa Sheminit.[a]

O(B) Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit,
    o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit.
Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan,
    pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal.
Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan,
    O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal?

Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas,
    hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas.
Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala,
    sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba?

Pinanghihina ako nitong aking karamdaman;
    gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan,
    binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan.
Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha,
    halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa.

Kayong(C) masasama, ako'y inyong layuan,
    pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan.
Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing,
    at sasagutin niya ang aking panalangin.
10 Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan;
    sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan.

Mga Awit 10-11

Panalangin Upang Magtamo ng Katarungan

10 O Yahweh, bakit masyado kang malayo?
    Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago?
Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa;
    nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa.

Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin;
    si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim.
Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,”
    sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan.

Ang masasama'y palaging nagtatagumpay;
    ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan,
    palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway.
Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo;
    kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.”
Namumutawi(A) sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya,
    dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita.

Sa mga nayon sila'y nag-aabang,
    upang paslangin ang walang kamalay-malay.
Para silang leon na nasa taguan,
    mga kawawang dukha'y inaabangan,
    hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag,
    at pagkatapos ay kinakaladkad.

10 Dahan-dahan silang gumagapang,
    upang biktimahin ang mga mahihina.
11 Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam!
    Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.”

12 Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan,
    silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan!
13 Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama,
    na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa?

14 Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan,
    at ikaw ay palaging handang dumamay.
Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa,
    sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila.

15 Mga braso ng masasama'y iyong baliin,
    parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin.

16 Naghahari si Yahweh magpakailanpaman,
    mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam.

17 Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak,
    patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad.
18 Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila,
    upang wala nang taong mananakot ng kapwa.

Pagtitiwala kay Yahweh

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

11 Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan,
    kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman:
“Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan,
    sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang,
    upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman.
Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa,
    kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?”

Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo,
    doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono,
at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao,
    walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito.
Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri;
    sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi.
Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao;
    at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso.
Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod;
    sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod.

Isaias 1:21-31

Ang Makasalanang Lunsod

21 “Ang Jerusalem na dating tapat sa akin,
    ngayo'y naging isang masamang babae.
Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran!
    Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao.
22 Ang iyong pilak ay naging bato,
    nahaluan ng tubig ang iyong alak.
23 Naging suwail ang iyong mga pinuno,
    kasabwat sila ng mga magnanakaw;
tumatanggap ng mga suhol at mga regalo;
hindi ipinagtatanggol ang mga ulila;
    at walang malasakit sa mga biyuda.”

24 Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel,
“Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway,
    maghihiganti ako sa aking mga kalaban!
25 Paparusahan kita at lilinisin,
    gaya ng pilak na pinadadaan sa apoy
    at tinutunaw upang dumalisay.
26 Bibigyan kita uli ng mga tagapamahalang tulad noong una,
    at ng mga tagapayo gaya noong simula,
pagkatapos ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran,
    ang Lunsod na Matapat.”

27 Maliligtas ang Zion sa pamamagitan ng katarungan,
    at kayong nagsisisi at nagbabalik-loob.
28 Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan,
    malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh.
29 Mapapahiya kayo dahil sa mga punongkahoy na inyong sinamba,
    at sa mga halamanang itinuring ninyong banal.
30 Makakatulad ninyo'y mga nalalagas na dahon ng puno
    at halamanang hindi na nadidilig.
31 Ang malalakas na tao'y matutulad sa mga tuyong kahoy,
    mga gawa nila'y madaling magliliyab,
parehong matutupok,
    sa apoy na walang makakapigil.

1 Tesalonica 2:1-12

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam(A) ninyong hinamak kami't inalipusta sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang layunin, o sa hangad na manlinlang. Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso. Alam ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Saksi namin ang Diyos. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman kahit bilang mga apostol ni Cristo ay may karapatan kaming humingi ng anuman mula sa inyo. Sa halip ay naging magiliw kami sa inyo, tulad ng inang mapagkalinga sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang kami handang ibahagi sa inyo ang Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

10 Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. 11 Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at inatasan na mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian.

Lucas 20:9-18

Ang Talinghaga ng Ubasan at sa mga Magsasaka(A)

Pagkatapos, isinalaysay(B) ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. 10 Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa mga magsasaka ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang bahagi. Ngunit binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinauwing walang dala. 11 Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. 12 Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. 13 Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa'y papuntahin ko ang minamahal kong anak. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ 14 Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, nag-usap-usap sila at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ 15 Siya'y inihagis nila sa labas ng ubasan at pinatay.

“Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. 16 “Pupunta siya roon at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ipapaupa niya sa iba ang ubasan.”

Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong mangyari!” 17 Tiningnan(C) sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng nasusulat na ito,

‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay
    ang siyang naging batong-panulukan’?

18 Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.