Book of Common Prayer
Ang Diyos ang Hari
93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
2 Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.
3 Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
4 Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.
5 Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.
Diyos ang Kataas-taasang Hari(A)
96 Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit;
purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig!
2 Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin;
araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin.
3 Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.
4 Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan
higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang.
5 Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan;
si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan.
6 Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian;
ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan.
7 O(B) si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan!
Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian!
8 Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal,
dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay.
9 Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan,
humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan.
10 “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin,
“Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain;
sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.”
11 Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman,
lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang.
12 Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw,
pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan.
13 Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan,
at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan.
Pagpuri Dahil sa Kabutihan ng Diyos
Katha(A) ni David nang siya'y palayasin ni Abimelec matapos magkunwang nasisiraan siya ng bait.
34 Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin;
pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin.
2 Aking pupurihin kanyang mga gawa,
kayong naaapi, makinig, matuwa!
3 Ang kadakilaan niya ay ihayag,
at ang ngalan niya'y purihin ng lahat!
4 Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos,
inalis niya sa akin ang lahat kong takot.
5 Nagalak ang aping umasa sa kanya,
pagkat di nabigo ang pag-asa nila.
6 Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa,
sila'y iniligtas sa hirap at dusa.
7 Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos,
sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
8 Tingnan(B) mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh;
mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
9 Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan,
nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay.
10 Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain;
ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
11 Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan,
at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang.
12 Sinong(C) may gusto ng mahabang buhay;
sinong may nais ng masaganang buhay?
13 Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan.
14 Mabuti ang gawi't masama'y layuan
pagsikapang kamtin ang kapayapaan.
15 Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon,
sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon.
16 Sa mga masasama, siya'y tumatalikod,
at sa alaala, sila'y mawawala.
17 Agad dinirinig daing ng matuwid;
inililigtas sila sa mga panganib.
18 Tinutulungan niya, mga nagdurusa
at di binibigo ang walang pag-asa.
19 Ang taong matuwid, may suliranin man,
sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan.
20 Kukupkupin(D) siya nang lubus-lubusan,
kahit isang buto'y hindi mababali.
21 Ngunit ang masama, ay kasamaan din
sa taglay na buhay ang siyang kikitil.
22 Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas,
sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat!
6 Naglagay ako ng mga bantay sa mga pader mo, Jerusalem;
hindi sila tatahimik araw at gabi.
Ipapaalala nila kay Yahweh ang kanyang pangako,
upang hindi niya ito makalimutan.
7 Huwag ninyo siyang pagpapahingahin
hanggang hindi niya naitatatag muli itong Jerusalem;
isang lunsod na pinupuri ng buong mundo.
10 Pumasok kayo at dumaan sa mga pintuan!
Gumawa kayo ng daan para sa ating kababayang nagsisibalik!
Maghanda kayo ng malawak na lansangan! Alisan ninyo ito ng mga bato!
Maglagay kayo ng mga tanda upang malaman ng mga bansa,
11 na(A) si Yahweh ay nagpapahayag sa buong lupa:
Sabihin mo sa mga taga-Zion,
“Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas;
dala niya ang gantimpala sa mga hinirang.”
12 Sila'y tatawagin ng mga tao na ‘Bayang Banal, na Tinubos ni Yahweh.’
Tatawagin silang ‘Lunsod na Minamahal ng Diyos,’
‘Lunsod na hindi Pinabayaan ng Diyos.’
10 Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan.
11 Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. 12 Sinabi(A) niya sa Diyos,
“Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan,
sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.”
13 Sinabi(B) rin niya,
“Ako'y mananalig sa Diyos.”
At dugtong pa niya,
“Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.”
14 Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. 15 Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. 16 Hindi(C) ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. 18 At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa.
Isinilang si Jesu-Cristo(A)
18 Ito(B) ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. 19 Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan[a] si Maria nang palihim.
20 Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. 21 Magsisilang(C) siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.”
22 Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta,
23 “Maglilihi(D) ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki,
at tatawagin itong Emmanuel”
(ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”).
24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. 25 Ngunit(E) hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.