Book of Common Prayer
Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa
Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.
89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
ang katapatan mo'y laging sasambitin.
2 Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
sintatag ng langit ang iyong katapatan.
3 Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
4 “Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]
5 Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
6 O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
7 Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
may banal na takot sa iyo at paggalang.
8 O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
9 Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
ang pamamahala mong ginagampanan.
15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.
Ang Pangako ng Diyos kay David
19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila,
na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(C) piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(D) ko siyang panganay at hari,
pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
15 Hindi matagpuan ang katotohanan,
kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan.
Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan
Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan,
siya ay nalungkot.
16 Nakita(A) niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api.
Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan
upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay.
17 Ang(B) suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran,
at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan.
Paghihiganti ang kanyang kasuotan,
at poot naman ang kanyang balabal.
18 Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa,
kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan.
19 Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran,
at dadakilain sa dakong silangan;
darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig,
gaya ng ihip ng malakas na hangin.
20 Sinabi(C) ni Yahweh sa kanyang bayan,
“Pupunta ako sa Zion upang tubusin
ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan.
21 Ito ang aking kasunduan sa inyo,” sabi ni Yahweh.
“Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga katuruan upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at tuturuan ang inyong mga anak at salinlahi na sumunod sa akin sa buong panahong darating.”
5 Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.
6 Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos,
hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos.
7 Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos,
at namuhay na isang alipin.
Ipinanganak siya bilang tao.
At nang siya'y maging tao,
8 nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan,
maging ito man ay kamatayan sa krus.
9 Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos,
at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
10 Sa(A) gayon, sa pangalan ni Jesus
ay luluhod at magpupuri ang lahat
ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa.[a]
11 At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon,
sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.