Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 50

Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay,
    ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran.
Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan,
    makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian.

Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik;
    sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit,
    bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid.
Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan,
    upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang:
“Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin,
    silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.”
Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos,
    isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah)[a]

“Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
    ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
    ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
    ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
    maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
    maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
    at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.

12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
    yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
    At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
    ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
    kayo'y aking ililigtas,
    ako'y inyong pupurihin.”

16 Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot,
    “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos?
    Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod?
17 Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
    at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos;
18 ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan,
    at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan.

19 “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin;
    sa inyo ay balewala ang gawaing pagsisinungaling.
20 Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid,
    at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip.
21 Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna,
    kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa.
Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan,
    upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.

22 “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin,
    kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin;
    walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin.
23 Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain,
    ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
    akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.”

Mga Awit 59-60

Panalangin Upang Ingatan ng Diyos

Katha(A) ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Huwag Mong Sirain”. Isang Miktam,[a] nang pamanmanan ni Saul ang kanyang bahay upang siya'y mapatay.

59 Sa aking kaaway,
    iligtas mo ako, O aking Diyos;
ingatan mo ako kapag sila'y lumusob.
Sa masamang tao,
ako ay iligtas, at sa pumapatay
agawin mo ako at iyong ingatan.

Sila'y nag-aabang,
pagmasdan mo yaong taong mababagsik;
nagtipo't ang layon ako ay iligpit.
Ang dahilan nito,
di dahil sa ako'y may pagkakamali,
o may pagkukulang na ako ang sanhi;
O Diyos, masdan sila at nagdudumali.

Tulungan mo ako,
Yahweh, Makapangyarihang Diyos.
Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel!
Ikaw ay gumising,
at ang mga bansa'y iyong parusahan;
yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah)[b]
Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
Dinggin ang salita't
parang mga tabak ang dila ng bibig!
Ngunit nagtatanong:
“Sa amin ay sino ang makikinig?”

Ngunit ikaw, Yahweh,
tinatawanan mo't iyong kinukutya;
gayon ang gawa mo sa may salang bansa.

Ikaw, Panginoon,
ang aking Diyos, aking kalakasan;
ikaw ang muog ko at aking kanlungan.
10 Ako'y minamahal,
mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan
upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway.

11 Huwag mong papatayin,
nang di malimutan ng iyong mga lingkod.
Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog;
ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos.
12 Sa kanilang labi'y
pawang kasamaan ang namumutawi;
sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli,
pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili.
13 Wasakin mong lubos,
dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin;
dito malalaman
ng lahat, na ika'y hari ng Israel,
at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah)[c]

14 Pagdating ng gabi,
sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod;
asong kumakahol ang nakakatulad
habang naglilibot.
15 Animo'y lagalag,
lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap;
hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat.

16 Ngunit aawit ako,
pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas,
sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas;
pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito,
at aking kanlungan kapag lugmok ako.
17 Pupurihin kita,
tagapagtanggol ko at aking kanlungan,
Diyos kong mapagmahal.

Panalangin Upang Iligtas

Upang(B) Awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng Shushan Eduth.[d] Isang Miktam ni David, upang magamit sa pagtuturo, nang siya'y nakikipagdigma laban sa mga Arameong mula sa Naharaim at Zoba, at nang mapatay ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig,
    kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit.
Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain,
    bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin.
Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod,
    lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot.
Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan,
    upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah)[e]
Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas,
    upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap.

Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal,
    “Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay;
    ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang.
Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin;
    ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim;
    samantalang itong Juda ay setrong dadakilain.
Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan,
    samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan;
    at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.”

Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon?
    Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom?
10 Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na?
    Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama?
11 O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway,
    pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan;
12 Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin,
    matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin.

Mga Awit 33

Awit ng Pagpupuri

33 Lahat ng matuwid dapat na magsaya,
    dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila;
    kayong masunuri'y magpuri sa kanya!
Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan,
    tugtugin ang alpa't awit ay saliwan;
Isang bagong awit, awiting malakas,
    kasaliw ang tugtog ng alpang marilag!

Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita,
    at maaasahan ang kanyang ginawa.
Ang nais niya ay kat'wira't katarungan,
    ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.

Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit,
    ang araw, ang buwa't talang maririkit;
sa iisang dako, tubig ay tinipon,
    at sa kalaliman ay doon kinulong.

Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa!
    Dapat katakutan ng buong nilikha!
Ang buong daigdig, kanyang nilikha,
    sa kanyang salita, lumitaw na kusa.

10 Ang binabalangkas niyong mga bansa,
    kanyang nababago't winawalang-bisa.
11 Ngunit ang mga panukala ni Yahweh,
    hindi masisira, ito'y mananatili.
12 Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos;
    mapalad ang bayang kanyang ibinukod.

13 Magmula sa langit, kanyang minamasdan
    ang lahat ng tao na kanyang nilalang.
14 Nagmamasid siya at namamahala
    sa lahat ng tao sa balat ng lupa.
15 Ang isip nila'y sa kanya nagmula
    walang nalilingid sa kanilang gawa.

16 Di(A) dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay,
    ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal;
17 kabayong pandigma'y di na kailangan,
    upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay;
    di makakapagligtas, lakas nilang taglay.

18 Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala
    sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga.
19 Hindi hahayaang sila ay mamatay,
    kahit magtaggutom sila'y binubuhay.

20 Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa;
    tulong na malaki at sanggalang siya.
21 Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa;
    sa kanyang pangalan ay nagtitiwala.

22 Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig,
    yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!

Isaias 9:18-10:4

18 Ang kasamaan ay naglalagablab na parang apoy
    at sumusunog sa mga tinik at dawag;
tutupukin nito ang masukal na gubat
    at papailanlang ang makapal na usok.
19 Susunugin ang buong lupa
    dahil sa poot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
at ang mga tao'y parang mga panggatong sa apoy
    at walang ititira sa kanyang kapwa.
20 Susunggaban nila ang anumang pagkaing kanilang makikita,
    gayunma'y hindi sila mabubusog,
kakainin din nila kahit laman ng kanilang mga anak.
21 Magsasagupaan ang mga naninirahan sa Manases at Efraim
    at pagkatapos ay pagtutulungan ang Juda;
ngunit hindi pa rin mawawala ang matinding poot ni Yahweh.
    Patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.

10 Mapapahamak kayo, mga gumagawa ng hindi makatarungang batas na umaapi sa mga tao,
upang pagkaitan ng katarungan ang mga nangangailangan,
    upang alisan ng karapatan ang mahihirap,
at upang pagsamantalahan ang mga biyuda at ulila.
Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa,
    pagdating ng pagkawasak na magmumula sa malayo?
Kanino kayo lalapit upang humingi ng tulong,
    at kanino ninyo iiwanan ang inyong kayamanan,
upang hindi kayo mabilanggo, o mamatay sa labanan?
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nawawala ang kanyang poot;
    patuloy niyang paparusahan ang kanyang bayan.

2 Pedro 2:10-16

10 lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan.

Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. 11 Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. 12 Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. 13 Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Kaligayahan na nila ang hayagang magbigay kasiyahan sa kanilang pagnanasa. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. 14 Wala silang hinahanap kundi ang pagkakataong makiapid; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! 15 Lumihis(A) sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor[a] na nagpahalaga sa salapi kapalit ng paggawa niya ng masama. 16 Dahil sa kanyang kasalanan, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan.

Mateo 3:1-12

Ang Pangangaral ni Juan na Tagapagbautismo(A)

Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito(B) ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Si(C) Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya,

“Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang:
    ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon,
    gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’”

Gawa(D) sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan.

Nang(E) makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi, at(F) huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham. 10 Ngayon(G) pa lamang ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.

11 “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. 12 Hawak(H) na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.