Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 16-17

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Miktam[a] ni David.

16 Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos.

Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko,
    kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.”

Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal!
    Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan.

Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunud-sunod,
    sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama;
at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba,
    hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila.

Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay,
    lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay,
    kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay.
Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga,
    napakaganda ng iyong pamana!

Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay,
    at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay.
Alam(A) kong kasama ko siya sa tuwina;
    hindi ako matitinag pagkat kapiling siya.

Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak,
    hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag.
10 Pagkat(B) di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak,
    sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas.
11 Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
    sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
    ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan.

Panalangin ng Isang Walang Sala

Panalangin ni David.

17 Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan,
    dinggin mo ako sa aking kahilingan;
    dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang.
Hahatol ka para sa aking panig,
    pagkat alam mo kung ano ang matuwid.

Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid,
    kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid.
    Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid,
    walang kasamaan maging sa aking bibig.
Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan;
    tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay,
    ako ay umiiwas sa landas ng karahasan.
Lagi kong nilalakaran ang iyong daan,
    hindi ako lumihis doon kahit kailan.

Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot;
    kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko.
Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal,
    at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay.

Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak,
    at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak;
    mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas.

Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway,
10     mayayabang magsalita, suwail at matatapang;
11 saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan,
    naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal.
12 Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang,
    mga batang leon na nakahandang sumagpang.

13 Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan,
    sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban!
14 Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang, sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay.
Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan,
    pati mga anak nila ay labis mong pahirapan
    at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay!

15 Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita;
    at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya.

Mga Awit 22

Panambitan at Awit ng Papuri

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Isang Usa sa Bukang-Liwayway”.

22 O(A) Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan?
    Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan?
Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos,
    di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot.
Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan,
    at sa Israel ikaw ay pinapupurihan.
Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo,
    sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo.
Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala,
    nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya.

Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao,
    hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino!
Pinagtatawanan(B) ako ng bawat makakita sa akin,
    inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling.
Sabi(C) nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito.
Kung talagang mahal siya nito,
    darating ang kanyang saklolo!”

Noong ako ay iluwal, ikaw, O Diyos, ang patnubay,
    magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan.
10 Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa,
    mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala.
11 Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan,
    pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan.

12 Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban,
    mababangis na hayop na galing pa sa Bashan.
13 Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom,
    umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon.

14 Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas,
    ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad;
pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot,
    parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos!
15 Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya,
    ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala,
sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na.

16 Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid,
    para akong nasa gitna ng mga asong ganid;
    mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit.
17 Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto,
    tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko.
18 Mga(D) damit ko'y kanilang pinagsugalan,
    at mga saplot ko'y pinaghati-hatian.

19 O Yahweh, huwag mo sana akong layuan!
    Ako ay tulungan at agad na saklolohan!
20 Iligtas mo ako sa talim ng tabak,
    at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat.
21 Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin,
    sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin.
    O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin.
22 Mga(E) ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan,
    sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.
23 Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin!
    Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain,
    bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin!
24 Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak,
    hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap;
    sinasagot niya agad ang mga kapus-palad.

25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
    sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
    ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
    mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!

27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
    lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
    naghahari siya sa lahat ng mga bansa.

29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
    yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
    ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
    “Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”

Isaias 3:8-15

Gumuho na ang Jerusalem at bumagsak na ang Juda,
sapagkat sumuway sila kay Yahweh, sa salita at sa gawa,
    nilapastangan nila ang kanyang maningning na kalagayan.

Ang pagkiling nila sa iba ay katibayan laban sa kanila.
    Gaya ng Sodoma, hayagan sila kung magkasala.
    Hindi nila ito itinatago!
Kawawang mga tao!
    Sila na rin ang nagpahamak sa kanilang sarili.
10 Sabihin ninyo sa mga taong matuwid: “Mapalad kayo
    sapagkat mapapakinabangan ninyo ang bunga ng inyong pinagpaguran!”
11 At sa masasamang tao: “Kawawa naman kayo! Ang sasapitin ninyo'y kapahamakan,
    kung ano ang inyong inutang ay siya ring kabayaran, kung ano ang inyong ginawa, gayundin ang gagawin sa inyo.”
12 Mga bata ang umaapi sa aking bayan;
    mga babae ang namumuno sa kanila.[a]
O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno,
    nililito nila kayo sa daang inyong nilalakaran.

Hinatulan ng Diyos ang Kanyang Bayan

13 Nakahanda na si Yahweh upang ibigay ang kanyang panig,
    nakatayo na siya upang hatulan ang kanyang bayan.[b]
14 Ipapataw na ni Yahweh ang kanyang hatol sa matatanda
    at mga pinuno ng kanyang bayan:
“Ubasan ng mahihirap inyong sinamsam,
    inyong mga tahanan puro nakaw ang laman.
15 Bakit ninyo inaapi ang aking bayan
    at sinisikil ang mahihirap?” Ito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon.

1 Tesalonica 4:1-12

Ang Buhay na Nakalulugod sa Diyos

Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, sang-ayon sa inyong natutunan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos. Alam naman ninyo kung ano ang mga katuruang ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa,[a] at hindi upang masunod lamang ang pagnanasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Sa bagay na ito, huwag ninyong gawan ng masama at dayain ang inyong kapatid, sapagkat paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo noon. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo.

Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo magmahalan. 10 At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pag-ukulan ninyo ng pansin ang sariling gawain at hindi ang sa iba. Maghanapbuhay kayo tulad ng itinuro namin sa inyo. 12 Dahil dito, igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya at hindi na ninyo kailangang umasa sa iba.

Lucas 20:41-21:4

Katanungan tungkol sa “Anak ni David”(A)

41 Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga tao na ang Cristo ay anak ni David? 42 Si(B)(C) David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit,

‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon,
    “Maupo ka sa kanan ko,
43     hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’

44 Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga tao na siya'y anak ni David?”

Babala Laban sa mga Tagapagturo ng Kautusan(D)

45 Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, 46 “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong batiin sa mga pamilihan. Mahilig silang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga upuang pandangal sa mga handaan. 47 Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda, at ginagamit ang kanilang mahahabang dasal bilang pakitang-tao. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusa sa kanila.”

Ang Handog ng Isang Biyuda(E)

21 Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng mga handog sa Templo. Nakita rin niya ang isang dukhang biyuda na naghulog ng dalawang salaping tanso. Sinabi niya, “Ang inihandog ng dukhang biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng kanilang kasaganaan, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang kabuhayan.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.