Book of Common Prayer
Panalangin ng Taong Nagdaranas ng Hirap
Awit ni David; inaawit tuwing mag-aalay ng handog pang-alaala.
38 Yahweh, huwag mo po akong kagalitan!
O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan.
2 Ang iyong palaso'y tumama sa akin;
at iyong mga kamay, hinampas sa akin.
3 Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit;
dahil sa sala ko, ako'y nagkasakit.
4 Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha;
mabigat na lubha itong aking dala.
5 Malabis ang paglala nitong aking sugat,
dahil ginawa ko ang hindi nararapat;
6 Wasak at kuba na ang aking katawan;
sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan.
7 Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init,
lumulubhang lalo ang taglay kong sakit.
8 Ako'y nanghihina at nanlulupaypay,
puso'y dumaraing sa sakit na taglay.
9 O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid;
ang mga daing ko'y iyong dinirinig.
10 Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos;
ningning ng mata ko'y pawa nang naubos.
11 Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw
dahil sa sugat ko sa aking katawan;
lumalayo pati aking sambahayan.
12 Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin;
ang may bantang ako'y saktan at wasakin,
maghapon kung sila'y mag-abang sa akin.
13 Para akong bingi na di makarinig,
at para ring pipi na di makaimik;
14 sa pagsasanggalang ay walang masabi,
walang marinig katulad ng isang bingi.
15 Ngunit sa iyo, Yahweh, ako'y may tiwala,
aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon.
16 Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan,
sa aking kabiguan, sila'y magtawanan.
17 Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal,
mahapdi't makirot ang aking katawan.
18 Aking ihahayag ang kasalanan ko,
mga kasalanang sa aki'y gumugulo.
19 Mga kaaway ko'y malakas, masigla;
wala mang dahila'y namumuhi sila.
20 Ang ganting masama ang sukli sa akin,
dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin.
21 Yahweh, huwag akong iiwan;
maawaing Diyos, huwag akong layuan;
22 aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan!
Ang Pagsunod sa Kautusan ni Yahweh
(Daleth)
25 Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok,
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
26 Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo,
ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro.
27 Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan,
iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan.
28 Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot;
sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos.
29 Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan,
pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral.
30 Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin,
sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling.
31 Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko;
huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo.
32 Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin,
dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin.
Panalangin Upang Makaunawa
(He)
33 Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan,
at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay.
34 Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod,
buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos.
35 Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan,
pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam.
36 Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos,
higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos.
37 Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay;
at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay.
38 Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod,
ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot.
39 Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam,
sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay!
40 Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin,
pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain.
Pagtitiwala sa Kautusan ni Yahweh
(Vav)
41 Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo,
ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako;
42 upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko,
yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo.
43 Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan,
pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan.
44 Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan,
susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay.
45 Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya,
yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa.
46 At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin,
hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin.
47 Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis,
di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig.
48 Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang,
sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay.
Ang Pagtawag kay Isaias Upang Maging Propeta
6 Noong(A) taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. 2 May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. 3 Sinasabi(B) nila sa isa't isa ang ganito:
“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”
4 Sa(C) lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok. 5 Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”
6 Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. 7 Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.” 8 At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!” 9 At(D) sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga tao:
‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa;
tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita.’
10 Papurulin mo ang kanilang kaisipan,
kanilang pandinig iyo ring takpan,
bulagin mo sila upang hindi makakita,
upang sila'y hindi makarinig, hindi makakita, at hindi makaunawa.
Kundi'y baka magbalik-loob sila at sila'y pagalingin ko pa.”
11 Itinanong ko: “Hanggang kailan po, Panginoon?” Ganito ang sagot niya:
“Hanggang ang mga lunsod ay mawasak at mawalan ng tao,
hanggang sa wala nang nakatira sa mga tahanan,
at ang lupain ay matiwangwang;
12 hanggang sa ang mga tao'y itapon ni Yahweh sa malayong lugar,
at ang malawak na lupain ay wala nang pakinabang.
13 Matira man ang ikasampung bahagi ng mga tao,
sila rin ay mapupuksa,
parang pinutol na puno ng ensina,
na tuod lamang ang natira.
Ang tuod na iyan ay tanda ng isang bagong simula para sa bayan ng Diyos.”
1 Mula(A) kina Pablo, Silas, at Timoteo—
Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos na ating Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo.
2 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at ang kapayapaang mula sa [ating][a] Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Paghuhukom
3 Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. 4 Kaya nga, ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo.
5 Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, upang gawin niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. 6 Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. 7 Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin kapag ang Panginoong Jesus ay inihayag na mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel, 8 na may naglalagablab na apoy. Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. 9 Magdurusa(B) sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. 10 Mangyayari ito sa Araw ng kanyang pagparito upang tumanggap ng papuri mula sa kanyang mga hinirang at ng parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat sinampalatayanan ninyo ang patotoong ipinahayag namin sa inyo. 11 Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Pinatawad ang Babaing Nangalunya
[53 Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat.
8 Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. 2 Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat ng mga tao. Umupo siya at nagsimulang magturo. 3 Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, 4 at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. 5 Ayon(A) sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” 6 Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya.
Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri.
7 Patuloy(B) sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” 8 At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa.
9 Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. 10 Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?”
11 “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae.
Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”][a]
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.