Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 107:33-108:13

33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
    at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
    dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
    at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
    at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
    kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
    Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.

39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
    at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
    at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.

42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
    ngunit tumahimik ang masasama.

43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
    at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.

Panalangin para Tulungan ng Dios(A)

108 O Dios, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
    Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
Gigising ako ng maaga
    at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa.
    Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
    Pakinggan nʼyo kami,
    upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
    “Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot,
    para ipamigay sa aking mga mamamayan.
Sa akin ang Gilead at Manase,
    ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
    at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
    Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”

10 Sinong magdadala sa akin sa Edom
    at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
    Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
    dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Sa tulong nʼyo, O Dios,
    kami ay magtatagumpay
    dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.

Salmo 33

Awit ng Papuri

33 Kayong mga matuwid,
    sumigaw kayo sa galak,
    dahil sa ginawa ng Panginoon!
    Kayong namumuhay ng tama,
    nararapat ninyo siyang purihin!
Pasalamatan ninyo ang Panginoon
    sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
Awitan ninyo siya ng bagong awit.
    Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
    at sumigaw kayo sa tuwa.
Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
    at maaasahan ang kanyang mga gawa.
Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
    Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
    ang langit ay nalikha;
    sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
    siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
    Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
    at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.

12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
    At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
    tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
    at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.

16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
    at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.

17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
    hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
    sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
    at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.

20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
    Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
    dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.

22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
    Ang aming pag-asa ay nasa inyo.

Genesis 35:1-20

Binasbasan ng Dios si Jacob sa Betel

35 Ngayon, sinabi ng Dios kay Jacob, “Maghanda ka, pumunta ka sa Betel at doon manirahan. Gumawa ka roon ng altar para sa akin, ang Dios na nagpakita sa iyo nang tumakas ka sa kapatid mong si Esau.”

Kaya sinabi ni Jacob sa sambahayan niya at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyo ang mga dios-diosan ninyo. Maging malinis kayo at magbihis ng damit bilang simbolo ng bago at malinis na buhay. Pagkatapos, pupunta tayo sa Betel, at gagawa ako roon ng altar para sumamba sa Dios na tumulong sa akin noong nasa kahirapan ako, at aking kasama kahit saan ako pumaroon.” Kaya ibinigay nila kay Jacob ang mga dios-diosan nila pati na ang mga hikaw nila na ginagamit bilang anting-anting. Ibinaon ni Jacob ang lahat ng ito sa ilalim ng punongkahoy na terebinto malapit sa Shekem. Nang umalis na sina Jacob, pinagharian ng takot mula sa Dios ang mga tao sa palibot ng mga bayan, kaya hindi sila lumusob at hindi nila hinabol sila Jacob.

Nakarating sila Jacob at ang mga kasama niya sa Luz (na tinatawag ding Betel) doon sa Canaan. Gumawa siya roon ng altar. Tinawag niya ang lugar na iyon na El Betel[a] dahil nagpakita sa kanya roon ang Dios nang tumakas siya sa kanyang kapatid na si Esau.

Namatay si Debora na tagapag-alaga ni Rebeka. Kaya inilibing siya sa ilalim ng punongkahoy na terebinto na nasa paanan ng Betel. Tinawag iyon na punongkahoy na Allon Bacut.[b]

Nang umuwi si Jacob mula sa Padan Aram,[c] muling nagpakita ang Dios sa kanya at binasbasan siya. 10 Sinabi ng Dios sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, pero mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob.

11 Sinabi pa ng Dios sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Dios. Magkakaroon ka ng maraming anak. Magiging ama ka ng isang bansa at ng marami pang bansa, at magiging hari ang iba mong mga lahi. 12 Ang lupain na ibinigay ko kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko rin sa iyo at sa mga lahi mo.” 13-14 Pagkatapos, umalis ang Dios sa lugar na iyon kung saan nakipag-usap siya kay Jacob, at nagtayo roon si Jacob ng batong alaala. Binuhusan niya agad ng alak at langis ang bato para maging banal. 15 Pinangalanan niya ang lugar na iyon na Betel.[d]

Ang Pagkamatay ni Raquel

16 Umalis si Jacob at ang sambahayan niya sa Betel. Manganganak na noon si Raquel. Malayo pa sila sa bayan ng Efrata, sumakit na ang tiyan ni Raquel. 17 Nang matindi na ang sakit, sinabi ng manghihilot sa kanya, “Huwag kang matakot Raquel, lalaki na naman ang anak mo.” 18 Isinilang ang sanggol pero nasa bingit ng kamatayan si Raquel. Bago siya malagutan ng hininga, pinangalanan niya ang sanggol na Ben Oni.[e] Pero pinangalanan ni Jacob ang sanggol na Benjamin.[f]

19 Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daan na papunta sa Efrata (na tinatawag ngayong Betlehem). 20 Nilagyan ni Jacob ng bato ang libingan ni Raquel bilang palatandaan, at hanggang ngayon naroon pa rin ang palatandaang ito.

1 Juan 3:11-18

Magmahalan Tayo

11 Ito ang aral na narinig ninyo nang sumampalataya kayo: Dapat tayong magmahalan. 12 Huwag nating tularan si Cain, na kampon ng diyablo kaya pinatay niya ang kanyang kapatid. At bakit niya pinatay ang kanyang kapatid? Sapagkat masama ang mga gawa niya, at matuwid naman ang mga gawa ng kanyang kapatid. 13 Kaya huwag kayong magtaka, mga kapatid, kung galit sa inyo ang mga makamundo. 14 Alam nating inilipat na tayo sa buhay na walang hanggan mula sa kamatayan dahil minamahal natin ang ating mga kapatid. Ang sinumang hindi nagmamahal sa kanyang kapwa ay nananatili sa kamatayan. 15 Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay-tao, at alam ninyo na walang mamamatay-tao ang may buhay na walang hanggan. 16 Sa ganitong paraan natin nalalaman ang tunay na pag-ibig: ibinigay ni Jesu-Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya dapat din nating ialay ang ating buhay para sa ating mga kapatid. 17 Kung mayroon man sa atin ang nasa mabuting pamumuhay at nakikita ang isang kapatid na nangangailangan ngunit hindi naman niya ito tinutulungan, masasabi ba natin na sumasakanya ang pag-ibig ng Dios? 18 Mga anak, huwag tayong magmahalan sa salita lang, kundi ipakita natin sa gawa na tunay tayong nagmamahalan.

Juan 11:1-16

Ang Pagkamatay ni Lazarus

11 1-2 May isang lalaki na ang pangalan ay Lazarus. Siya at ang mga kapatid niyang sina Maria at Marta ay nakatira sa Betania. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan niya ng kanyang buhok. Nagkasakit si Lazarus, kaya nagpasabi ang magkapatid na babae kay Jesus na may sakit ang minamahal niyang kaibigan. Nang mabalitaan ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na itoʼy hindi tungo sa kamatayan. Nagkasakit siya upang maparangalan ang Dios, at sa pamamagitan nitoʼy maparangalan din ang Anak ng Dios.”

Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazarus. Pero nang mabalitaan niyang may sakit si Lazarus, nanatili pa siya ng dalawang araw sa kinaroroonan niya. Pagkalipas ng dalawang araw, sinabi niya sa mga tagasunod niya, “Bumalik na tayo sa Judea.” Sumagot sila, “Guro, kamakailan lang ay tinangka kayong batuhin ng mga Judio. Bakit pa kayo babalik doon?” Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt may 12 oras sa maghapon? Kaya ang naglalakad sa araw ay hindi natitisod, dahil maliwanag pa. 10 Ngunit ang naglalakad sa gabi ay natitisod, dahil wala na sa kanya ang liwanag.” 11 Pagkatapos, sinabi pa ni Jesus, “Ang kaibigan nating si Lazarus ay natutulog. Pupunta ako roon upang gisingin siya.” 12 Sinabi ng mga tagasunod niya, “Panginoon, kung natutulog siya, gagaling pa siya.” 13 Ang akala nilaʼy natutulog lang si Lazarus, pero ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na ito. 14 Kaya tinapat sila ni Jesus, “Patay na si Lazarus. 15 Ngunit nagpapasalamat ako na wala ako roon, dahil ang gagawin kong himala sa kanya ay para sa kabutihan ninyo, upang lalo pa kayong sumampalataya sa akin.[a] Tayo na, puntahan natin siya.” 16 Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi sa mga kapwa niya tagasunod, “Sumama tayo sa kanya, kahit mamatay tayong kasama niya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®