Book of Common Prayer
Ang Dios at ang Kanyang mga Mamamayan(A)
105 Pasalamatan nʼyo ang Panginoon.
Sambahin nʼyo siya!
Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.
2 Awitan nʼyo siya ng mga papuri;
ihayag ang lahat ng kamangha-mangha niyang mga gawa.
3 Purihin nʼyo ang kanyang banal na pangalan.
Magalak kayo, kayong mga lumalapit sa Panginoon.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon,
at sa kanyang kalakasan.
Palagi kayong dumulog sa kanya.
5-6 Kayong mga lahi ni Abraham na lingkod ng Dios,
at mga lahi rin ni Jacob na kanyang hinirang,
alalahanin ninyo ang kahanga-hanga niyang mga gawa, mga himala, at ang kanyang paghatol.
7 Siya ang Panginoon na ating Dios,
siya ang humahatol sa buong mundo.
8 Hindi siya makakalimot sa kanyang pangako kailanman – ang kanyang pangako para sa maraming salinlahi
9 – ang pangako niya kay Abraham, gayon din kay Isaac.
10 Ipinagpatuloy niya ang kasunduang ito kay Jacob,
at magpapatuloy ito magpakailanman.
11 Sinabi niya sa bawat isa sa kanila,
“Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan bilang pamana ko sa iyo at sa iyong mga angkan.”
12 Noon ay iilan pa lang ang mga mamamayan ng Dios,
at mga dayuhan pa lang sila sa lupain ng Canaan.
13 Nagpalipat-lipat sila sa mga bansa at mga kaharian.
14 Ngunit hindi pinahintulutan ng Dios na apihin sila.
Para maproteksyunan sila, sinaway niya ang mga hari na kumakalaban sa kanila.
15 Sinabi niya,
“Huwag ninyong galawin ang hinirang kong mga lingkod,
huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.”
16 Nagpadala ang Dios ng taggutom sa lupain ng Canaan.
Kinuha niyang lahat ang kanilang pagkain.
17 Ngunit pinauna na niya si Jose sa Egipto upang silaʼy tulungan.
Ipinagbili siya roon upang maging alipin.
18 Kinadenahan ang kanyang mga paa at nilagyan ng bakal ang kanyang leeg,
19 hanggang sa nangyari ang kanyang propesiya.
Ang mga sinabi ng Panginoon na naganap sa kanya ay nagpatunay na siyaʼy matuwid.
20 Pinalaya siya ng hari ng Egipto na namamahala sa maraming tao,
21 at ginawa siyang tagapamahala ng kanyang palasyo at mga ari-arian.
22 Bilang tagapamahala, may kapangyarihan siyang turuan ang mga pinuno sa nasasakupan ng hari pati ang kanyang mga tagapayo.
23 Pagkatapos, pumunta si Jacob at ang kanyang pamilya sa Egipto, na lupain ng mga lahi ni Ham,
at doon sila nanirahan bilang dayuhan.
24 Pinarami ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan,
at naging makapangyarihan kaysa sa mga Egipcio na kanilang kaaway.
25 Pinahintulutan ng Panginoon na galitin at lokohin ng mga Egipcio ang mga mamamayan na kanyang lingkod.
26 Sinugo niya si Moises na kanyang lingkod at si Aaron na kanyang hinirang.
27 Ipinakita nila sa lupain ng mga lahi ni Ham ang mga himala na ginawa ng Dios.
28 Pinadilim ng Dios ang lupain ng Egipto,
ngunit sumuway pa rin sila sa kanyang mga utos.
29 Ginawa niyang dugo ang kanilang mga tubig,
kaya namatay ang kanilang mga isda.
30 Napuno ng palaka ang kanilang lupain, at pinasok pati ang mga silid ng kanilang mga pinuno.
31 Nag-utos ang Dios, at dumating sa kanilang lupain ang napakaraming niknik at langaw.
32 Sa halip na ulan ang ibinigay sa kanilang lupain, yelo ang bumagsak na may kasamang mga kidlat.
33 Sinira niya ang tanim nilang mga ubas, mga puno ng igos,
at iba pang mga punongkahoy.
34 Sa kanyang utos, dumating ang mga balang na hindi mabilang.
35 At kinaing lahat ang kanilang mga tanim, pati ang mga bunga nito.
36 Pinatay ng Dios ang lahat nilang panganay na lalaki.
37 Pagkatapos nito, pinalabas niya ang mga taga-Israel sa lupain ng Egipto na wala ni isa mang napahamak,
at may dala pa silang mga pilak at ginto.
At sa kanilaʼy wala ni isa mang napahamak.
38 Natuwa ang mga Egipcio nang umalis ang mga taga-Israel, dahil takot sila sa kanila.
39 Sa kanilang paglalakbay, naglagay ang Dios ng ulap na lililim sa kanila sa init ng araw at kung gabiʼy apoy naman upang magbigay sa kanila ng liwanag.
40 Ang mga taoʼy humingi ng makakain,
at pinadalhan sila ng Dios ng mga pugo,
at binusog niya sila ng pagkaing mula sa langit.
41 Pinabitak niya ang bato at bumukal ang tubig.
Umagos ito na parang ilog sa tuyong lupa.
42 Ang lahat ng ito ay ginawa ng Dios dahil hindi niya kinalimutan ang kanyang pangako kay Abraham na kanyang lingkod.
43 Pinalabas niya sa Egipto ang kanyang mga mamamayan na masayang-masaya at sumisigaw sa kagalakan.
44 Ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng ibang bansa;
ipinamana sa kanila ang pinaghirapan ng iba.
45 Ginawa ito ng Dios
upang sundin nila ang kanyang mga tuntunin at kautusan.
Purihin ang Panginoon!
3 May mga inutusan si Jacob na mauna sa kanya para makipagkita sa kapatid niyang si Esau roon sa lupain ng Seir, ang lugar na tinatawag ding Edom. 4 Tinuruan niya sila kung ano ang sasabihin nila kay Esau. Sinabi ni Jacob, “Sabihin ninyo kay Esau na matagal akong nanirahan kay Laban at hindi pa ako nakakauwi hanggang ngayon. 5 At sabihin ninyo sa kanya na may mga baka ako, asno, tupa, kambing at mga aliping lalaki at babae. Sabihin ninyo sa kanya na inutusan ko kayo para hilingin sa kanya na maging mabuti na sana ang pakikitungo niya sa akin.”
6 Pagbalik ng mga inutusan ni Jacob, sinabi nila, “Napuntahan na po namin si Esau, at papunta na po siya rito para salubungin kayo. May kasama siyang 400 lalaki.”
7 Kinabahan si Jacob at hindi siya mapalagay, kaya hinati niya sa dalawang grupo ang mga kasamahan niya pati ang kanyang mga tupa, baka, kambing at kamelyo. 8 Dahil naisip niya na kung sakaling dumating si Esau at lusubin ang isang grupo, makakatakas pa ang isang grupo.
9 Nanalangin si Jacob, “Dios ng aking lolo na si Abraham at Dios ng aking ama na si Isaac, kayo po ang Panginoon na nagsabi sa akin na bumalik ako sa mga kamag-anak ko, doon po sa lupain kung saan ako isinilang, at pagpapalain ninyo ako. 10 Hindi po ako karapat-dapat tumanggap ng lahat ng kabutihan at katapatan na ipinakita ninyo sa akin na inyong lingkod. Sapagkat nang tumawid ako noon sa Jordan, wala po akong ibang dala kundi tungkod lang, pero ngayon ay may dalawa na po akong grupo. 11 Hinihiling ko po sa inyo na iligtas nʼyo ako sa kapatid kong si Esau. Natatakot po ako na baka pumunta siya rito at patayin kaming lahat pati na ang mga asawa koʼt mga anak nila. 12 Pero nangako po kayo sa akin na pagpapalain nʼyo ako at pararamihin nʼyo ang aking mga lahi katulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi mabilang.”
13 Kinagabihan, doon natulog sina Jacob. Kinabukasan, pumili si Jacob ng mga hayop na ireregalo kay Esau: 14 200 babaeng kambing at 20 lalaking kambing, 200 babaeng tupa at 20 lalaking tupa, 15 30 inahing kamelyo kasama pa ang kanilang mga bisiro, 40 babaeng baka at sampung toro, 20 babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Ginawang dalawang grupo ni Jacob ang mga hayop, at ang bawat grupo ay may aliping nagbabantay. Sinabihan niya ang kanyang mga alipin, “Mauna kayo sa akin, at lumakad kayo na may pagitan ang bawat grupo.”
17 Sinabihan niya ang mga aliping nagbabantay sa naunang grupo, “Kung makasalubong nʼyo si Esau at magtanong siya kung kanino kayong alipin at kung saan kayo pupunta, at kung kanino ang mga hayop na dala ninyo, 18 sagutin ninyo siya na akin ang mga hayop na ito at regalo ko ito sa kanya. Sabihin din ninyo sa kanya na nakasunod ako sa inyo.”
19 Ganoon din ang sinabi niya sa ikalawa, sa ikatlo at sa lahat ng aliping kasabay ng mga hayop. 20 At pinaalalahanan niya ang mga ito na huwag kalimutang sabihin kay Esau na nakasunod siya sa hulihan. Sapagkat sinabi ni Jacob sa kanyang sarili, “Aalukin ko si Esau ng mga regalong ito na pinauna ko. At kung magkikita kami, baka sakaling patawarin niya ako.” 21 Kaya pinauna niya ang mga regalo niya, pero nagpaiwan siya noong gabing iyon doon sa tinutuluyan nila.
Ang Anti-Cristo
18 Mga anak, malapit na ang mga huling araw, at tulad ng narinig ninyo, malapit na ang pagdating ng anti-Cristo. Ngayon pa lang ay marami nang anti-Cristo, kaya alam nating malapit na ang mga huling araw. 19 Kahit naging kasama natin sila noong una, hindi sila tunay na kabilang sa atin. Sapagkat kung tunay na kabilang sila, nanatili sana sila sa atin. Ngunit ang pagtiwalag nilaʼy nagpapakita na hindi talaga sila kabilang sa atin.
20 Ngunit ipinagkaloob sa inyo ang Banal na Espiritu, kaya alam ninyong lahat ang katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan kundi dahil sa alam nʼyo na, at alam din ninyo na walang kasinungalingan na maaaring magmula sa katotohanan. 22 At sino ba ang sinungaling? Ang taong nagsasabing hindi si Jesus ang Cristo. Siya ang anti-Cristo. Ayaw niyang kilalanin ang Ama at ang Anak. 23 Ang taong hindi kumikilala sa Anak, hindi sumasakanya ang Ama. Ngunit ang taong kumikilala sa Anak, sumasakanya ang Ama.
24 Huwag ninyong kalimutan ang mga natutunan ninyo mula pa noong una, upang patuloy kayong mamuhay nang may pagkakaisa sa Anak at sa Ama. 25 Sa ganoon, mapapasainyo ang ipinangako ni Cristo: ang buhay na walang hanggan.
26 Isinusulat ko sa inyo ang tungkol sa mga taong nanlilinlang sa inyo. 27 Kung tungkol naman sa inyo, ang Banal na Espiritu[a] na tinanggap ninyo kay Cristo ay nananatili sa inyo, kaya hindi na kailangang turuan pa kayo ng iba. Sapagkat ang Banal na Espiritu ang magtuturo sa inyo sa lahat ng bagay. At ang mga itinuturo niya ay katotohanan at hindi kasinungalingan. At gaya ng itinuro niya sa inyo, manatili kayo kay Cristo.
28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya, upang magkaroon tayo ng kapanatagan sa kanyang pagbabalik, at hindi tayo mapahiya pagdating ng araw na iyon. 29 Alam ninyo na si Cristo ay matuwid, kaya makasisiguro kayo na ang lahat ng taong gumagawa ng matuwid ay mga anak ng Dios.
19 Dahil sa sinabing ito ni Jesus, nagkaroon na naman ng pagtatalo ang mga Judio. 20 Marami sa kanila ang nagsasabi, “Baliw siya at sinasaniban ng masamang espiritu. Bakit nʼyo siya pinapakinggan?” 21 Pero sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagturo nang ganyan ang sinasaniban ng masamang espiritu. At isa pa, paano siya makakapagpagaling ng bulag kung totoong sinasaniban nga siya?”
Itinakwil ng mga Judio si Jesus
22 Sumapit ang pagdiriwang ng Pista ng Pagtatalaga ng Templo sa Jerusalem. Taglamig na noon, 23 at naglalakad si Jesus sa bahagi ng templo na kung tawagin ay Balkonahe ni Solomon. 24 Pinalibutan siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo ililihim sa amin kung sino ka talaga? Kung ikaw nga ang Cristo, tapatin mo na kami.” 25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo kung sino ako, pero ayaw naman ninyong maniwala. Ang mga ginawa kong himala sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatunay kung sino ako. 26 Ngunit ayaw nʼyong maniwala sa akin dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanman ay hindi sila mapapahamak. Walang makakaagaw sa kanila sa aking kamay. 29 Ibinigay sila sa akin ng Ama na higit na makapangyarihan sa lahat. Walang makakaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®