Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 102

Ang Panalangin ng Taong Nagtitiis

102 Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin.
    Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin.
Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin.
    Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin.
Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok;
    at ang katawan koʼy para nang sinusunog.
Akoʼy parang damong nalalanta na.
    Wala na akong ganang kumain
dahil sa labis na pagdaing.
    Parang butoʼt balat na lang ako.
Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang,
    at kuwago sa mga lugar na walang tao.
Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan.
Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway.
    Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa.
Hindi ako kumakain;
    umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin,
10 dahil sa tindi ng inyong galit sa akin;
    dinampot nʼyo ako at itinapon.
11 Ang buhay koʼy nawawala na parang anino,
    at nalalantang gaya ng damo.

12 Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman;
    at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi.
13 Handa na kayong kahabagan ang Zion,
    dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya.
14 Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion,
    kahit itoʼy gumuho na at nawasak.

15 At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon.
    At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan.
16 Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion;
    ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon.
17 Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap,
    at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin.

18 Isusulat ito para sa susunod na salinlahi,
    upang sila rin ay magpuri sa Panginoon:
19 Mula sa kanyang banal na lugar sa langit,
    tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo,
20 upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag,
    at palayain ang mga nakatakdang patayin.
21 At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion,
    at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem
22 kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa,
    at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon.

23 Pinahina ng Panginoon ang aking katawan;
    at ang buhay koʼy kanyang pinaikli.
24 Kaya sinabi ko,
    “O aking Dios na buhay magpakailanman,
    huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay.
25 Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan.
26 Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman.
    Maluluma itong lahat tulad ng damit.
    At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan.
27 Ngunit hindi kayo magbabago,
    at mananatili kayong buhay magpakailanman.
28 Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”

Salmo 107:1-32

Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios

107 Magpasalamat kayo sa Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang pag-ibig niyaʼy magpakailanman.
Sabihin ninyo ito, kayo na iniligtas niya sa kamay ng mga kaaway.
Dahil tinipon niya kayo mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga.

May mga taong naglakbay sa ilang;
    hindi nila makita ang daan papuntang lundsod na maaari nilang tirhan.
Silaʼy nagutom at nauhaw at halos mamatay na.
Sa kanilang kahirapan, tumawag sila sa Panginoon,
    at iniligtas niya sila sa kagipitan.
At pinatnubayan niya sila papunta sa lungsod na matitirahan.
Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
Dahil pinaiinom niya ang mga nauuhaw,
    at pinakakain ang mga nagugutom.

10 May mga taong ibinilanggo at kinadenahan na nakaupo sa napakadilim na piitan.
11 Nabilanggo sila dahil nagrebelde sila sa mga sinabi ng Kataas-taasang Dios at hindi sumunod sa kanyang mga payo.
12 Kaya pinahirapan niya sila sa kanilang mabigat na trabaho.
    Nabuwal sila ngunit walang sinumang sumaklolo.
13 Sa kanilang kagipitan, silaʼy tumawag sa Panginoon,
    at silaʼy kanyang iniligtas.
14 Pinutol niya ang kanilang mga kadena
    at silaʼy kinuha niya sa napakadilim na piitan.
15 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
    dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
16 Dahil giniba niya ang mga pintuang tanso
    at binali ang mga rehas na bakal.

17 May mga naging hangal dahil sa kanilang likong pamumuhay,
    at silaʼy naghirap dahil sa kanilang kasalanan.
18 Nawalan sila nang gana sa kahit anong pagkain at malapit nang mamatay.
19 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
    at iniligtas niya sila.
20 Sa kanyang salita silaʼy nagsigaling
    at iniligtas niya sila sa kamatayan.
21 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
    dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
22 Dapat silang mag-alay ng handog ng pasasalamat sa kanya
    at ihayag ang kanyang mga ginawa nang may masayang pag-aawitan.

23 May mga taong sumakay sa mga barko at nagbiyahe sa karagatan, dahil ito ang kanilang hanapbuhay.
24 Nakita nila ang kahanga-hangang mga gawa ng Panginoon sa karagatan.
25 Sa utos ng Panginoon, ang hangin ay lumakas at lumaki ang mga alon.
26 Kaya pumapaitaas ang kanilang barko nang napakataas at pumapailalim.
    At silaʼy nangatakot sa nagbabantang kapahamakan.
27 Silaʼy susuray-suray na parang mga lasing,
    at hindi na alam kung ano ang gagawin.
28 Sa kanilang kagipitan, tumawag sila sa Panginoon,
    at silaʼy iniligtas niya mula sa kapahamakan.
29 Pinatigil niya ang malakas na hangin at kumalma ang dagat.
30 At nang kumalma ang dagat, silaʼy nagalak,
    at pinatnubayan sila ng Dios hanggang sa makarating sila sa nais nilang daungan.
31 Kaya dapat silang magpasalamat sa Panginoon,
    dahil sa pag-ibig niya at kahanga-hangang gawa sa mga tao.
32 Dapat nilang parangalan ang Dios sa kanilang pagtitipon,
    at purihin siya sa pagtitipon ng mga namamahala sa kanila.

Genesis 32:22-33:17

May Nakipagbuno kay Jacob sa Peniel

22 Nang gabing iyon, bumangon si Jacob at isinama ang dalawa niyang asawa, ang dalawang alipin niyang babae at ang 11 anak niya, at pinatawid sila sa Ilog ng Jabok. 23 Ipinatawid din ni Jacob ang lahat ng ari-arian niya. 24 Nang nag-iisa na siya, may dumating na isang lalaki at nakipagbuno sa kanya. Nagbunuan sila hanggang mag-uumaga. 25 Nang mapansin niya na hindi niya matatalo si Jacob, pinisil niya ang balakang ni Jacob at nalinsad ang magkatapat na buto nito. 26 At sinabi ng tao, “Bitawan mo na ako dahil mag-uumaga na.”

Pero sumagot si Jacob, “Hindi kita bibitawan hanggaʼt hindi mo ako babasbasan.”

27 Nagtanong ang tao sa kanya, “Anong pangalan mo?”

Sumagot siya, “Jacob.”

28 Sinabi ng tao, “Simula ngayon hindi na Jacob ang pangalan mo kundi Israel[a] na dahil nakipagbuno ka sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 Nagtanong din si Jacob sa kanya, “Sabihin mo rin sa akin ang pangalan mo.”

Pero sumagot ang tao, “Huwag mo nang itanong ang pangalan ko.” Pagkatapos, binasbasan niya si Jacob doon.

30 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel,[b] dahil sinabi niya, “Nakita ko ang mukha ng Dios pero buhay pa rin ako.”

31 Sumisikat na ang araw nang umalis si Jacob sa Peniel. Pipilay-pilay siya dahil nalinsad ang buto niya sa balakang. 32 Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ang mga Israelita ay hindi kumakain ng litid sa magkatapat na buto sa balakang ng hayop. Sapagkat sa bahaging iyon pinisil ng Dios si Jacob.

Ang Pagkikita ni Esau at ni Jacob

33 Nang tumanaw si Jacob, nakita niya si Esau na paparating kasama ang 400 lalaki. Kaya pinasama niya ang mga anak niya sa kani-kanilang ina. At pag-alis nila, pinauna niya ang dalawang aliping babae at ang mga anak nila, sumunod si Lea at ang mga anak niya, at si Raquel at ang anak niyang si Jose. Si Jacob ay nasa unahan nilang lahat at halos ilang beses[c] siyang yumukod habang papalapit siya sa kanyang kapatid.

Pero tumakbo si Esau para salubungin siya. Niyakap siya ni Esau at hinagkan, at umiyak silang dalawa. Nang makita ni Esau ang mga babae at ang mga bata, tinanong niya si Jacob, “Sino ang mga kasama mong iyan?”

Sumagot si Jacob, “Sila ang aking mga anak na ibinigay sa akin ng Dios dahil sa kanyang awa.”

Lumapit agad kay Esau ang dalawang alipin na babae at ang mga anak nila, at yumukod sila bilang paggalang sa kanya. Sumunod din si Lea at ang mga anak niya at yumukod. Ang huling lumapit at yumukod ay si Jose at ang ina niyang si Raquel.

Nagtanong pa si Esau kay Jacob, “Ano ba ang ibig sabihin ng mga grupo ng hayop na nasalubong ko?”

Sinabi ni Jacob, “Regalo ko iyon sa iyo para tanggapin mo ako.”

Pero sumagot si Esau, “Marami na ang ari-arian ko, kaya sa iyo na lang iyon.”

10 Pero nagpumilit si Jacob, “Sige na, tanggapin mo na iyon. Kung totoong pinatawad mo na ako, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Sapagkat nang makita ko ang mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang mukha ng Dios. 11 Tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo dahil napakabuti ng Dios sa akin at hindi ako nagkulang sa mga pangangailangan ko.” Pinilit ni Jacob si Esau hanggang tanggapin na ni Esau ang mga regalo niya.

12 Pagkatapos, sinabi ni Esau, “Halika na, sabay na tayong umalis.”

13 Pero sumagot si Jacob, “Alam mong mabagal maglakad ang mga bata, at kailangan kong alagaan nang mabuti ang mga hayop na nagpapasuso. Kung pipilitin natin ang mga hayop na maglakad sa buong araw, baka mamatay sila. 14 Ang mabuti pa, mauna ka na lang sa amin. Susunod kami sa iyo ayon sa bilis ng mga bata at ng mga hayop na kasabay namin. Doon na lang tayo magkita sa Seir.”

15 Sinabi ni Esau, “Kung ganoon, ipapaiwan ko na lang ang iba kong mga tauhan sa iyo.”

Sumagot si Jacob, “Hindi na kailangan. Ang mahalaga pinatawad mo na ako.”

16 Kaya bumalik na lang si Esau sa Seir nang mismong araw na iyon. 17 Pero sina Jacob ay pumunta sa Sucot. Pagdating nila roon, gumawa si Jacob ng tirahan at ginawaan din niya ng silungan ang mga hayop niya. Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Sucot.[d]

1 Juan 3:1-10

Mga Anak ng Dios

Pag-isipan ninyo kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Ama sa atin! Tinawag niya tayong mga anak niya, at tunay nga na tayoʼy mga anak niya! Kaya hindi tayo nakikilala ng mga tao sa mundo dahil hindi nila kilala ang Dios. Mga minamahal, mga anak na tayo ng Dios. Ngunit hindi pa naihahayag kung magiging ano tayo sa hinaharap. Alam natin na sa pagbabalik ni Cristo, tayo ay magiging katulad niya dahil makikita natin kung sino talaga siya. Kaya ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay dapat maging matuwid sa kanyang buhay, tulad ng buhay ni Cristo na matuwid. Ang lahat ng nagkakasala ay lumalabag sa Kautusan ng Dios dahil ang kasalanan ay paglabag sa Kautusan. Alam ninyong si Cristo na walang kasalanan ay naparito sa mundo upang alisin ang ating mga kasalanan. Ang sinumang nananatili kay Cristo ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan. Ang nagpapatuloy sa kasalanan ay hindi pa nakakita o nakakilala sa kanya.

Mga anak, huwag kayong padadaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng tama ay matuwid, tulad ni Cristo na matuwid. Ngunit ang nagpapatuloy sa kasalanan ay kampon ng diyablo, dahil ang diyablo ay gumagawa na ng kasalanan mula pa sa simula. Ito ang dahilan kung bakit naparito ang Anak ng Dios, upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang sinumang naging anak ng Dios ay hindi na nagpapatuloy sa kasalanan dahil ang katangian ng Dios ay nasa kanya na. At dahil nga ang Dios ay kanyang Ama, hindi na siya nagpapatuloy sa kasalanan. 10 At dito makikilala kung sino ang mga anak ng Dios at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang lahat ng hindi gumagawa ng matuwid o hindi nagmamahal sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Dios.

Juan 10:31-42

31 Nang marinig ito ng mga Judio, muli silang dumampot ng mga bato para batuhin siya. 32 Pero sinabi sa kanila ni Jesus, “Ipinakita ko sa inyo ang maraming mabubuting gawa na ipinapagawa sa akin ng Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit nʼyo ako babatuhin?” 33 Sumagot sila, “Hindi ka namin babatuhin dahil sa mabubuti mong gawa, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Dios. Sapagkat sinasabi mong ikaw ay Dios gayong tao ka lang.” 34 Sumagot si Jesus, “Hindi baʼt nakasulat sa Kautusan na sinabi ng Dios na kayoʼy mga dios?[a] 35 At hindi natin maaaring balewalain ang Kasulatan. Kaya kung tinawag niyang ‘dios’ ang mga binigyan niya ng mensahe niya, 36 bakit nʼyo sinasabing nilalapastangan ko ang Dios dahil sa sinabi kong akoʼy Anak ng Dios? Pinili ako ng Ama at sinugo niya rito sa mundo. 37 Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng Ama, huwag kayong maniwala sa akin. 38 Ngunit kung ginagawa ko ang mga ipinapagawa ng aking Ama, kahit ayaw nʼyong maniwala sa akin, paniwalaan nʼyo ang mga ginawa ko upang maunawaan nʼyo na ang Ama ay nasa akin at ako ay nasa aking Ama.”

39 Tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, pero nakatakas siya.

40 Bumalik si Jesus sa kabila ng Ilog ng Jordan, sa lugar na pinagbautismuhan noon ni Juan. Nanatili siya roon 41 at maraming tao ang pumunta sa kanya. Sinabi nila, “Wala ngang ginawang himala si Juan, pero totoong lahat ang sinabi niya tungkol sa taong ito.” 42 At marami sa mga naroon ang sumampalataya kay Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®