Book of Common Prayer
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
2 Purihin nʼyo ang Panginoon,
ngayon at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.
4 Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
8 At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
mula sa kanyang mga mamamayan.
9 Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Papuri sa Jerusalem
122 Ako ay nagalak ng sabihin nila sa akin,
“Pumunta tayo sa templo ng Panginoon.”
2 At ngayoʼy narito na kami at nakatayo sa pintuan ng Jerusalem.
3 Ang Jerusalem ay bayan na itinayong maganda at matibay.
4 Dito pumupunta ang mga lahi ng Israel upang purihin ang Panginoon ng naaayon sa kanyang itinuro sa kanila.
5 Dito sa Jerusalem ang hukuman ng mga hari na mula sa angkan ni David.
6 Idalangin ninyo na maging mabuti ang kalagayan ng Jerusalem sa pamamagitan ng pagsasabi,
“Umunlad sana ang nagmamahal sa bayan na ito.
7 Magkaroon sana ng kapayapaan sa loob ng Jerusalem at kaunlaran sa palasyo nito.”
8 Alang-alang sa aking mga kamag-anak at mga kaibigan, sasabihin ko sa Jerusalem,
“Sumainyo ang kapayapaan.”
9 Alang-alang sa templo ng Panginoon na ating Dios, mananalangin ako para sa kabutihan at kaunlaran ng Jerusalem.
20 At dumating ang panahon na nagbuntis siya at nanganak ng isang lalaki. Pinangalanan niya itong Samuel,[a] dahil sinabi niya, “Hiningi ko siya sa Panginoon.”
Inihandog ni Hanna si Samuel
21 Muling dumating ang panahon na si Elkana at ang buo niyang pamilya ay maghahandog sa Panginoon gaya ng ginagawa nila taun-taon. Ito rin ang panahon na maghahandog siya bilang pagtupad sa panata niya sa Panginoon. 22 Pero hindi sumama si Hanna. Sinabi niya sa kanyang asawa, “Kapag naawat na ang sanggol sa pagsuso sa akin, dadalhin ko siya sa bahay ng Panginoon para ihandog sa kanya. Doon na siya titira sa buong buhay niya.” 23 Sumagot si Elkana, “Gawin mo kung ano ang sa tingin moʼy mabuti. Dito ka na lang muna hanggang sa maawat mo na ang sanggol. Tulungan ka sana ng Panginoon na matupad ang ipinangako mo sa kanya.” Kaya nagpaiwan si Hanna at inalagaan ang kanyang anak.
24 Nang maawat na ang bata, dinala siya ni Hanna sa bahay ng Panginoon sa Shilo. Nagdala rin siya ng tatlong taong gulang na toro, kalahating sako ng harina at katas ng ubas na nakalagay sa balat na sisidlan. 25 Matapos katayin ang toro, dinala nila si Samuel kay Eli. 26 Sinabi ni Hanna kay Eli, “Kung natatandaan nʼyo po, ako ang babaeng tumayo rito noon na nanalangin sa Panginoon. 27 Hiningi ko po ang batang ito sa Panginoon at ibinigay niya ang kahilingan ko. 28 Kaya ngayon, ihahandog ko po siya sa Panginoon. Maglilingkod po ang batang ito sa Panginoon sa buong buhay niya.” Pagkatapos ay sumamba sila sa[b] Panginoon.
14 Ang mga taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Dios ay mga anak ng Dios. 15 At ang Espiritu na tinanggap ninyo ay hindi kayo inalipin upang muling matakot, sa halip ginawa kayong mga anak ng Dios. Ngayon, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, matatawag na ninyong “Ama” ang Dios. 16 Ang Banal na Espiritu at ang ating espiritu ay parehong nagpapatunay na tayoʼy mga anak ng Dios. 17 At bilang mga anak, mga tagapagmana tayo ng Dios at kasama ni Cristo na magmamana ng mga pagpapalang inilaan niya. Sapagkat kung magtitiis tayo kagaya ni Cristo noon, darating ang araw na pararangalan din tayong kasama niya.
Ang Napakagandang Kalagayan sa Hinaharap
18 Para sa akin, ang mga paghihirap sa buhay na ito ay hindi maihahambing sa napakagandang kalagayan na mapapasaatin balang araw. 19 Maging ang buong nilikha ay sabik na naghihintay na ihayag ng Dios ang mga anak niya. 20 Sapagkat ang lahat ng nilikha ng Dios ay hindi nakaabot sa layuning para sa kanila. Nangyari ito hindi dahil sa gusto nila, kundi dahil ito ang gusto ng Dios. Pero may pag-asa pa, 21 dahil palalayain din niya ang buong nilikha mula sa kabulukang umaalipin dito, at makakasama rin sa napakagandang kalagayan ng mga anak ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®